Miyerkules, Enero 10, 2024

January 10, 2024

Miyerkules ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Samuel 3, 1-10. 19-20
Salmo 39, 2 at 5. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Marcos 1, 29-39


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the First Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 3, 1-10. 19-20

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, si Samuel ay patuloy na naglilingkod sa Panginoon. Nang panahong yaon, bihira nang marinig ang tinig ng Panginoon at bihira na rin ang mga pangitain. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, namamahinga siya sa kanyang higaan. Si Samuel nama’y natutulog sa Templo, sa may Kaban ng Tipan. Nang magmamadaling-araw na, siya’y tinawag ng Panginoon, “Samuel, Samuel!”

“Po,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Mahiga ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

Tinawag siya uli ng Panginoon. Bumangon siya, lumapit kay Eli at itinanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Mahiga ka na uli.” Hindi pa kilala ni Samuel ang Panginoon sapagkat hindi pa siya kinakausap nito.

Sa ikatlong beses na tawagin siya, lumapit uli siya kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinatawag ninyo ako.”

Naisip ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya, “Sige, mahiga ka uli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muling nahiga si Samuel. Ang Panginoon ay lumapit kay Samuel at tinawag ito.

Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”

Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ng Panginoon, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beerseba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 2 at 5. 7-8a. 8b-9. 10

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ako ay naghintay sa ‘king Panginoon,
at dininig niya ang aking pagtaghoy.
Mapalad ang taong may tiwala sa Diyos
at sa diyus-diyosa’y hindi dumudulog;
hindi sumasama sa nananambahan,
sa mga nagkalat na diyus-diyosan.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
Hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 1, 29-39

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Simon at Andres. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.

Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.

Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 12, 2022 at 12:05 am

PAGNINILAY: Sa ating Unang Pagbasa (1 Samuel 3:1-10, 19-20), matapos iniwan ni Ana ang kanyang anak sa Templo sa Silo, narinig natin ang salaysay ng paglaki ni Samuel sa karunungan bilang isang kabataan. Siya ay naglilingkod kay Eli at palaging handa upang tumalima sa kalooban ng Panginoon. Noong isang gabi habang natutulog, tatlong beses siyang bumangon sapagkat may tinig siyang naririnig na tumatawag sa kanya, at dalawang beses niyang inakala na tinatawag siya ni Eli na natutulog din. Kaya matapos ang pangalawang beses, iniutos ni Eli na kapag tinawag muli si Samuel ng tinig mula sa pagkatulog, agad bumangon at ihiling sa Panginoon na magsalita, sapagkat nakikinig ang kanyang lingkod. Kaya nga ito yung ginawa ni Samuel, at dito niya nakilala ang Panginoong Diyos na tumatawag sa kanya upang maging isang hukom para patnubayan ang bayang Israel tungo sa pagiging matapat at pagsamba sa tunay na Panginoong Diyos. Kaya sa kasaysayan ng Kasulatan, si Samuel ang kahuli-hulihang hukom ng Israel. Ang paanyaya ni Samuel sa Panginoon na magsalita sa nakikinig na lingkod ay madalas na ginagamit sa Lectio Divina, bago pa man ipahayag ang pinagninilayang Ebanghelyo. Maganda itong paanyaya na hinahayaan natin ang Diyos na makiusap sa atin na handang makinig sa kanyang mensahe at tumalima sa kanyang kalooban.

Sa ating Ebanghelyo (Marcos 1:29-39), narinig natin ang iba’t ibang kwento ng pagpapagaling ng Panginoong Hesus sa Capernaum at sa mga nayon at bayan ng Galilea. Isang katangian ang kanyang pakikiisa sa katauhan ng tao, na nakita niya ang kahinaan ng bawat maysakit, katulad ng biyenan ni San Pedro at San Andres sa Betsaida. Kaya siya’y naging maawain at hinawakan niya ang mga kamay ng bawat maysakit, at sila’y gumaling. Nakiisa siya sa mga pagdurusa ng bawat tao, upang tumugon siya sa kanilang pangangailangan. Makikita rin natin dito ang kanyang pagiging katulad natin sa pamamagitan ng pananalangin. Kaya nga isinasaad din sa Ebanghelyo ang kanyang pamamaroon sa isang ilang na pook upang manalangin. Bagamat siya ang itinakdang Mesiyas ayon sa mga propesiya, nagpakumbaba siya sa pakikipag-usap sa Ama upang italaga ang kanyang sarili na palaging handang sumunod sa dakilang kalooban ng Diyos.

Ang Diyos ay Diyos na may puso at kalooban na intindihan ang bawat nararamdaman at pinagdaraanan ng tao. Alam niya kung ano ang kinakailangan sa atin, at kahit hindi natin natatanggap ang kahilingang ating ginugusto, patuloy siyang namamalagi sa ating piling. At higit dito, palaging mamanaig ang kanyang kapangyarihan at dakilang kalooban hindi lang para sa ating sarili, kundi tunay talangang para sa nakakarami.

Reply

Jesus Revidad January 12, 2022 at 7:33 am

Sa unang pagbasa narinig natin na sa pamamagitan ng pakikinig ni Samuel ay nakilala niya ang Panginoon, naunawaan at naintindihan niya ang kanyang misyon.

Ganoon din ang nangyari sa mga tao sa ebanghelyo na habang sila ay nakakarining ng Mabuting Balita ng Panginoon, nakilala nila ang tunay na Anak ng Diyos at nauunawaan nila kung sino sila at ano ang kanilang misyon.

Ang PAKIKINIG ng mga salita ng Diyos ay maraming benepisyong naibibigay sa tao:

1. Napagbabago nito ang pananaw ng isang tao
2. Pinasisigla nito ang puso upang gawin ang mga bagay na ikabubuti ng kanyang mahal sa buhay at ng kanyang kapwa
3. At pinapayapa nito ang kanyang puso at kaisipan.

Sapagkat ang SALITA ng Diyos ay may KALAKIP na PAG-IBIG.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 12, 2022 at 9:03 am

Pumasok na nga tayo sa Ordinaryong panahon, at ang mga ebanghelyo ay mga pangangaral ni Hesus at paggawa ng mga kababalaghang nakatutulong sa mga tao.

Kung iisipin mo ay nakaiinggit ang mga tao noon sapagkat nakasalamuha nila si Hesus, nakarinig ng mga pangaral ni Hesus, hinawakan ni Hesus at pinagaling. Pero ang pananampalataya ay hindi lamang sa dahil nakita natin sya at narinig. Sinabi ng Panginoon na mapalad ang mga naniniwala kahit hindi siya nakita. Kaya’t nararapat na ugaliin natin ang pagbabasa o pakikinig ng Salita ng Diyos. Sapagkat ang Salita ay ang Diyos. Ang Mabuting Balita ay ang tangi nating gabay sa buhay na ito. Kung araw araw natin itong babasahin at isasapuso ay hinding hindi tayo maliligaw ng landas. Ang pagdali naman sa misa o panunuod sa online mass ay karagdagang kaalaman sa ebanghelyo sa tulong ng paliwanag ng Pari sa kanyang homiliya.

Kung gumugugol tayo ng maraming oras sa internet sa panunuod sa netflix, youtube, facebook, tiktok, instagram at iba pang social media, ang misa ay isang oras lang, ang rosaryo ay 16 minutes lang at ang pagbabasa ng ebanghelyo ay isang minuto lang. Kapatid alalahanin natin kung saan tayo nagsimula, kung sino ang may gawa ng lahat ng nilalang, ang may bigay ng buhay mo at kung anumang aria arian o posisyon na meron ka ngayon. Hindi ba mas nararapat na si Hesus ang bigyan nating pansin at wag ang mga makamundo at mkasanlibutang bagay.

Umpisahan mo ngayon kapatid, kausapin mo si Hesus…

Reply

RFL January 9, 2024 at 7:25 pm

Buksan ang mga mata at ilapit ang mga tainga! Ang nais ng Panginoon ay marinig natin Siya!

Napakahalaga ng misyon ni Hesus noong Siya’y pumarito sa lupa. Matapos Nyang mag-ayuno at simulan ang Kanyang ministry, ito ang pinakaunang pagpapahayag ni Hesus ayon sa Gospel ni St. Luke:
“Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
at sa mga bulag na sila’y makakakita.
Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi,
at upang ipahayag ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon.”

Ang misyon ni Hesus ay ipahayag ang kalooban ng Diyos, ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan—sa lahat ng maniniwala sa Kanya, at ang pagpapatunay na totoo ang Kanyang mga sinasabi sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay, pagkamatay sa Krus at pagkabuhay muli ayon sa Scriptures. Sa tingin ko, bagamat ang Diyos ay tunay na mabuti, secondary lamang sa Kanyang misyon noon ang magpagaling sa maysakit, magpakain sa libo-libong tao, at buhayin ang patay. Bakit kamo? Edi sana doctor ang pinadala ng Diyos, hindi Tagapagligtas. Pero alam ng Panginoon ang tunay na kailangan ng tao mula noon hanggang sa magpakailanman at hindi ito kayamanan: ang kailangan ng tao ay ang pagliligtas. Pagliligtas ba mula saan? Pagliligtas mula sa kamatayang espirituwal. Kaya naman, sa buong ministry ni Hesus, Siya ay nangaral, nagturo ng mga mabubuting bagay at ginawang example ang Kanyang sarili in terms of pagiging Mabuti, pagiging maawain, mahabagin at mapagpatawad. Napakabuti ng Panginoon!

Napakahalaga ng pagliligtas ng Panginoon sapagkat Siya mismo ang pumarito sa lupa para tayo’y iligtas. He put the matter into His own hands! It’s very personal with Him that we are saved! Walang sinuman ang magliligtas sa atin kundi ang Panginoong Hesus. Sabi nga ni Pedro nung sila ni Juan ay kinulong ng mga Pariseo: “Sa Kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”

Napakabuti ng Panginoon at napakadakila ng pag-ibig Niya sa atin. Pakinggan natin Siya. Sundin natin Siya. Paniwalaan natin Siya. Tumugon tayo sa Kanya. Amen.

Reply

Jess C. Gregorio January 10, 2024 at 8:08 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Mabuting gawain o di kaya ay kababalaghan sa Ngalan ni Hesus, pangangaral, malimit na paglayo sa ingay at gulo ng maraming tao, at panalangin. Ito ang mga pamamaraang itinuturo sa atin sa araw na ito.

Reply

Joshua S. Valdoz January 10, 2024 at 12:59 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Mabuting gawain o di kaya ay kababalaghan sa Ngalan ni Hesus, pangangaral, malimit na paglayo sa ingay at gulo ng maraming tao, at panalangin. Ito ang mga pamamaraang itinuturo sa atin sa araw na ito.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: