Podcast: Download (Duration: 7:22 — 5.3MB)
Martes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 1, 9-20
1 Samuel 2, 1. 4-5. 6-7. 8abkd
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Marcos 1, 21b-28
Mga Pagbasa para sa Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the First Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 1, 9-20
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, matapos kumain sa Silo, malungkot na nagtindig si Ana at nanalangin sa Templo. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng Templo si Saserdoteng Eli. Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin sa Panginoon. Ganito ang kanyang panalangin: “Panginoon, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung diringgin ninyo ang inyong abang alipin at inyong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, bagkus ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo habang siya ay nabubuhay; hindi ko ipapuputol ang kanyang buhok.”
Habang nananalangin si Ana, pinagmamasdan siya ni Eli. Kumikibot ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig, sapagkat siya’y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya’y lasing. Kaya, lumapit ito at sinabi, “Tama na ‘yan. Umuwi ka muna! Matulog ka para mawala ang pagkalasing mo!”
“Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ako po’y aping-api at idinudulog ko lamang sa Panginoon ang aking kalagayan. Huwag po ninyong ipalagay na napakababa ng pagkababae ng inyong alipin. Inihihinga ko po lamang ang aking damdamin.”
Dahil dito, sinabi ni Eli, “Magpatuloy kang mapayapa at nawa’y ipagkaloob ng Diyos ng Israel ang iyong hinihingi.”
Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong magandang hangarin para sa akin.” Pagkasabi niyon, nagtindig siya at kumain; wala na ang bigat ng kanyang kalooban.
Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba sa Panginoon at umuwi sa Rama pagkatapos. Sinipingan ni Elcana si Ana at dininig ng Panginoon ang dalangin nito. Naglihi siya at dumating ang araw na siya’y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Siya’y kaloob sa akin ng Panginoon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
1 Samuel 2, 1. 4-5. 6-7. 8abkd
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Pinupuri ko kayo, Poon,
dahil sa kaloob ninyo sa akin.
Pinagtatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway,
sapagkat iniligtas ninyo ako sa kadustaan.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Nagapi ninyo ang mga makapangyarihan,
at pinalakas ninyo ang mahihina.
Kaya, ang dating mayayaman ay nagpapaupa para mabuhay.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Ang dating baog, nagsilang ng mga anak,
at ang maraming supling ay sa lungkot nasadlak.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Kayo, Poon, ay may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari ninyo kaming patayin, maaari ring buhayin.
Maaari ninyo kaming payamanin o paghirapin,
maaari ring ibaba o itaas.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Mapadadakila ninyo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay ninyo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang dustang-dusta.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 1, 21b-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Sa lungsod ng Capernaum sa Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay pumasok sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.
Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masamang espiritu. At sinunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Enero 8, 2024
Miyerkules, Enero 10, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay isang tanda ng pangako ng Diyos sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Bagamat kilala si Ana na baog ay pinagpala pa rin ito na magkaanak. Akala ni Eli noon na lasing ito, ngunit ang payo niya sa babae ay patuloy si Ana na gawin ang lahat na ikalulugod ng Diyos para matupad ang kahilingan nito. Kaya nga si Ana ay manganganak sa isang kikilalaning propeta [Samuel]. At ang Salmo natin ngayon ay ang papuri at pasasalamat ni Ana sa kadakilaan ng Diyos sa mga abang katulad niya. At ito’y inulit sa Bagong Tipan nang si Maria’y umawit ng kanyang Magnificat dahil sa katuparan ng plano ng Diyos sa mga abang lingkod na katulad niya [Ang magandang planong ito ay naihayag at natuntunan na ng mga matatalino]. Ang Mahal na Ina ay pinili ng Diyos upang isilang sa kanyang sinapupunan ang isang dakilang propeta, na ang pangalan ay “Hesus”.
Tayo ay patuloy na nagninilay sa Karaniwang Panahon, isang mahabang alaala sa Ministeryong Pampubliko ng ating Panginoong Hesukristo. At ang ating Ebanghelyo ay isang pagpapamalas ng Panginoon ng kanyang awtoridad at kapangyarihan. Sa pagpasok niya sa sinagoga sa Araw ng Pamamahinga, nangaral siya sa harap ng madlang natitipon, at sila’y namangha sapagkat nakikita nila ang kanyang karunungan na isang awtoridad higit sa pamumuno ng mga eskriba at Pariseo. At pumasok rin sa eksenang ito ang isang lalaking inaalihan ng masasamang espiritu. Subalit nakilala nito si Hesus bilang Mesiyas at Anak ng Diyos, kaya’t sumigaw ito nang may panunumbat kung ano ang gagawin ni Hesus sa kanya. Kaya’t pinatahimik siya ni Hesus at saka pinalayas mula sa katawan ng lalaki. At namangha ang mga tao at sila’y nagpatotoo na napakadakila ang kanilang nasaksihan sa ginawa ni Hesus. Kaya si Kristo ay ang dakilang propetang isinugo ng Diyos sapagkat siya ang Mesiyas na Anak ng Diyos Ama. Ang awtoridad at kapangyarihan niya ay nagpapakita ng kanyang katarungan, katuwiran, at kabutihang-loob.
Kaya sa ating buhay-pananampalataya, kilalanin natin si Hesus sa ating mga buhay sa mga kontemporaryong propetang nagpapahayag at nagbibigay-saksi sa mensahe ng Kataas-taasang Diyos.
Ang mga pagbasa ngayon ay punong punong ng pagbasa ng buhay. Sa pinaka-unang tauhan sa kwento sa unang pagbasa sa kabila ng kaabahan ni Ana bilang baog itinatangis niya ang kanyang natatanging kahilingan sa harapan ng dambana ng Diyos kaya naman siya ay dininig at ipinagkaloob ito ng higit pa sa kanyang ninanais na magkaroon lamang ng isang anak. Biniyayaan si Ana at iniluwal niya si Samuel na isang propeta. Sa ating mga buhay alam ng Diyos ang lahat ng ating pinagdadaan at lahat ng ating pangangailangan. May kahilingan na hindi ipinagkakaloob, may mga natatagalan bago ipagkaloob, pero mas maraming mga biyaya na ibinigay ang Panginoong Diyos na kahit hindi natin hilingin ay kusa itong ibinibigay. Kung minsan pa nga dahil sa dami ng mga biyaya hindi na ito nabibigyan ng pansin o ipinagpapasalamat manlang, magka-gayun pa man patuloy ang Diyos na naka-agapay sa lahat ng ating pangangailangan. Ang lagi nating asamin na magkaroon ng pusong mapagpasalamat, at buong kababaang loob na ibalik ito sa Kanya sa pamamagitan naman ng paglingap natin sa ating kapwa lalo higit doon sa mga mas nangangailangan.
Sa Mabuting Balita, ito ay isang larawan kung gaano kamakapangyarihan ang ating Panginoong Hesus. Habang binabagtas natin ang Kalendaryo Panliturhiya Liturhiya sa Karaniwang Panahon marami tayong mababasa na mapagkukunan ng mga inspirasyon sa buhay sa simula ng pagmiministeryo ng Panginoon. Makikita natin ang mga iba’t ibang kababalaghan at pagpapagaling sa mga may sakit at kahit yung pangangaral lamang ng Mabuting Balita. Magandang intindihin na kahit sa ating kapanahunan may isang Makapangyarihang Hesus na nasa ating gitna na lagi natin kasa-kasama sa lahat ng estado ng ating buhay. Siya ang lagi nating kaagapay sa kahit anong landas na ating tatahakin kaya mahalagang ipagkanuto na walang imposible sa lahat ng mga nanampalataya sa kapangyarihan ng Diyos. Ang pag-alala natin ng sakramento ng binyag ay lagi tayo matutulungan na tayo ay hindi nagiisa kundi tayo ay kasama sa pamilya ng Diyos. Dahil tayo ay mga inari na mga anak ng Diyos kaakibat nito na tayo kasama din sa sinimulang pagmimisyon ni Kristo Hesus. Ang pakikisang ito ay maipapakita natin ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa lalo na doon sa mga hindi kaibig-ibig na siya ang dahilan ng pagpaparito ng bugtong na Anak ng Diyos para matubos ang lahat bunsod ng pag-ibig sa ating lahat at para sa kaligtasan sa tanikala ng kasalanan.
Ang Diyos ay makapangyahirahn!
Oo alam na natin ito. Pero tayo ba ay tunay na naniniwala? Ano ba ang pagkakaiba ng nalalaman lang sa tunay na naniniwala sa Panginoon?
Sa Mabuting Balita na ating nabasa, nakita natin na nangaral si Hesus. Ang pangagaral Niya’y walang katulad sapagkat nangangaral Siya nang may “authority”. Hindi ito kagaya ng mga eskriba na ang pinaghuhugutan ng mga pangangaral ay posibleng ang sarili lang nila o di naman kaya’y mga turo ng kanilang mga naunang guro o prominenteng mga eskriba. Si Hesus ay hindi basta-basta ang turo. Sa mga nalalaman natin ayon sa 4 Synoptic Gospels, para bang ang Kanyang katuruan ay kakaiba sa lahat, parang counter-intuitive in a good way, parang kahit mga commands ang tinuturo Niya ay ito ay puno ng pag-ibig. Nag-aagree ba kayo doon? Tandaan natin kung sino si Hesus base sa Mabuting Balita ni San Juan, Siya ay ang Salita ng Diyos. Si Hesus ang nagpakilala sa atin ng tunay na nilalaman ng puso ng Diyos. Pero hindi Siya spokesperson lang, Siya mismo ang Diyos na makapangyarihan! Ang Diyos na nagkatawang-tao! Kaya Siya’y pinipilit na i-expose agad ni Satanas, upang mapigilan ang pagtuturo ni Hesus. Upang mapigilan Siya sa pagpapaalam sa mga tao ng tunay na nilalaman ng puso ng Diyos.
Kaya hindi natin maihihiwalay kay Hesus na sa bawat turo Niya ay usually nagkakaroon din ng mga milagro, ng mga pagpapagaling, pagbuhay sa namatay, pagpapaaalis sa mga demonyo, at hindi lang yon, kahit nagsalita lang Siya ay gumagaling ang sinumang nagrequest na pagalingin sila, kahit hindi Niya siya makita o mahawakan. Makapangyarihan ang Salita! Kaya ang mga tao ay tunay na naniwala sa Kanya, dahil hindi lang Siya nagspeak with authority ngunit pinatunayan Niya ang Kanyang authority sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa.
Mga kapatid, ang mga sinabi ng Panginoon ay nagkatotoo at magkakatotoo. Pero tayo ba ay ipinagkakatiwala natin ang buong sarili natin sa Panginoon? Tinatandaan ba natin ang Kanyang mga salita at gawa? Sabi ng Panginoon, Heaven and earth will pass away, but my Words will never pass away. Makapangyarihan ang Salita ng Diyos sapagkat ito ay mangyayari. Kung mayroon kang hinihiling na kagalingan , alalahanin mo lang yung mga pinagaling ni Hesus noon. Kung mayroon kang hinihiling na imposible, alalahanin mo kung paano nagmultiply yung mga tinapay at isda. Kung mayroong patay sa iyong sarili, namatay ang iyong pananampalataya o ang iyong pag-asa, alalahanin mong binuhay ng Panginoon ang mga namatay.
Kapatid, ang Salita ng Diyos na naicompile ng ating Inang Simbahan sa Bibilia ay hindi lamang para malaman natin ang mga nangyari, ngunit higit na kailangan natin malaman na ang Diyos ay makapangyarihan at mangyayari ang Kanyang mga pangako sa mga nananalig sa Kanya at sa ating Panginoong Hesus.
Panginoong Hesus, pag-alabin mo sa aming puso ang pag-ibig sa Iyong Salita!. Amen.