Martes, Enero 9, 2024

January 9, 2024

Kapistahan ng Nuestro Padre Hesus Nazareno

Mga Bilang 21, 4b-9
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38

Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.

Filipos 2, 6-11
Juan 3, 13-17

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

UNANG PAGBASA
Mga Bilang 21, 4b-9

Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang

Noong mga araw na iyon, nainip ang mga tao sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay namamatay. Kaya lumapit sila kay Moises. Sinabi nila “Nagkasala kami sa Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay.” Gayun nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38

Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.

Kaya ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
iyong dinggi’t ulinigin, salita kong binibigkas;
itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito’y mahiwaga.

Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.

Datapwat noong sila’y lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha’t sa kanya’y nagbalik-loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila’y ang Diyos.
Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.

Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.

Kaya’t siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao’y pakunwari’t balat-kayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari’y kataksilan,
hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.

Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.

Gayun pa man, palibhasa’y Diyos siyang mahabagin
ang masamang gawa nila’y pinatawad niyang tambing;
dahilan sa pag-ibig n’ya’y hindi sila wawasakin,
kung siya ma’y nagagalit, ito’y kanyang pinipigil.

Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.

Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.

Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Kami’y sumasamba sa’yo
at gumagalang sa krus mo
na kaligtasan ng mundo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 3, 13-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit — ang Anak ng Tao.”

At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

RFL January 9, 2024 at 10:15 am

Ano ang tunay na pananampalataya?

Jesus of Nazareth o Jesus the Nazarene. Yan marahil ang pagkakakilala ng mga Hudyo sa ating Panginoon Hesus noong Siya’y namuhay bilang tao dalawang libong taon na ang nakakaraan. In fact, may pelikula pa nga na madalas nating panuorin kapag Holy Week na may pamagat na Jesus of Nazareth. At ngayong araw ay ipinagdiriwang ng Kristiyano Katolikong Pilipino ang Kapistahan ng Panginoong Hesus na Nazareno. Marahil ay napakadaming dadalo sa kapistahang ito para mapagaling sa kanilang karamdaman, matupad ang kanilang hinihiling o yung iba naman ay may panata na kailangan nilang gampanan.

Ano ba ang dapat na meaning sa pagsasabing kinikilala natin si Hesus bilang Nazareno? Sa ikalawang pagbasa ay sinabi ni Apostol San Pablo na si Hesus, bagamat Siya ay Diyos ay hindi piniling maging kapantay ng Diyos. Bagkus ay hinubad Niya ang pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay bilang alipin. Tayo bilang mga tao, gaano natin kayang talikuran ang ating position sa lipunan o kahit sa ating tahanan, para mamuhay bilang isang tapat na tagapaglingkod? Si Hesus ay higit pa sa V.V.I.P., Siya po ang Panginoon, ang Salita ng Diyos na lumikha sa atin at sa mundong ginagalawan natin. Siya po ay Hari ng lahat, sinasamba ng mga milyong-milyong mga anghel sa kalangitan bente-kwatro oras. Ngunit dahil sa pag-ibig sa Ama at pagsunod sa Kanya, at ang dakilang pag-ibig sa atin, bumaba Siya mula sa langit at nakipamuhay sa gitna natin.

At pano nga ba makadanas ng mamuhay na kasama ng tao? Oo, may mga masasayang sandali, may katuwaan, kagalakan, pagkakaisa, pagmamahalan, pagbibigayan. Yan siguro ang perfect scenario ngunit dahil tayo’y nandito sa mundo, meron ding pag-aawayan, pagmamataasan, kasakitan, nakawan, pagmamalupit, at kamatayan. Mula sa perfect Heaven ay bumaba si Kristo para maranasan lahat ng kadumihan sa mundo. At higit sa lahat ng kanyang mga naranasan, ang Hari ng Sanlibutan ay piniling magpakasakit at ialay ang sarili para sa pag-ibig Niya sa Diyos at sa atin.

Ang sabi pa nga mula sa Aklat ni Propeta Isaias, “Marami ang nagulat nang siya’y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya, halos hindi makilala kung siya ay tao.” Sa palagay ko, ito ang gustong ipahatid na mensahe ng Panginoong Hesus na Nazreno. Na ang Diyos na ating sinasamba, ang Hari ng Sanlibutan, ang may gawa ng langit at lupa, ay piniling magpakasakit para sa ating lahat, kahit hindi na Siya makilala ng tao. Marahil ay nagkabasag-basag na ang Kanyang katawan at mukha. Marahil kaya itim ang kulay ng Poong Nazareno ay upang ipakita na Siya ay duguan beyond comparison. Di ba’t ang dugo ay nangingitim pag namumuo o natutuyo?

Mga kapatid, tunay ba nating nalalaman ang totoong pagsamba sa Diyos at sa ating Panginoong Hesus? Tunay ba nating naiintindihan ang pagpapakasakit at kamatayan Niya para tayo ay mailigtas? I pray that we will always bear it to our hearts and mind, body and soul: ang walang kapantay na pag-ibig ng Diyos at ni Kristo Hesus sa atin. I pray na ang pag-ibig ng Diyos na ating nalaman at pinapaniwalaan ay maghantong sa pag-iwas natin sa kasalanan, at pagbibigay ng pag-asa sa iba lalo na sa mga hindi naniniwala o mahina ang pananampalataya. Oo, ang pananampalataya kay Kristo ay maaring makapagbigay ng kaginhawaan sa ating buhay dito sa mundo, o di kaya nama’y mapagaling ang ating mga karamdaman. Pero higit sa lahat, at ang pinakaimportante sa lahat, ang pananampalataya kay Kristo ay magdudulot sa atin ng buhay na walang hanggan.

Si Hesus mismo ang nagsabi, ang pananampalataya Anak ng Diyos ay may kalakip na pangako: “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Manampalataya tayo sa Panginoong Hesus. Ang pananampalataya ay nasa puso ng tao at wala sa mga bagay na nakikita at nahahawakan. Ang sabi nga ng Panginoon kay St. Thomas: “Pinagpala silang hindi nakakita gayunma’y naniniwala.”

Amen.

Reply

Joshua S. Valdoz January 9, 2024 at 1:12 pm

Amen. ¡Viva! Poong Hesus Nazareno!

Reply

Leave a Comment

Previous post:

Next post: