Biyernes, Agosto 11, 2023

August 11, 2023

Paggunita kay Santa Clara, dalaga

Deuteronomio 4, 32-40
Salmo 76, 12-13. 14-15. 16 at 21

Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.

Mateo 16, 24-28


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Clare, Virgin (White)

Mga Pagbasa mula sa
Biyernes Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 4, 32-40

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Isipin ninyo kung may naganap nang tulad nito, nasaksihan o nabalitaan man lamang, mula nang likhain ng Diyos ang daigdig. Maliban sa inyo, sino pa ang nakarinig sa tinig ng Diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buhay? Sinong diyos ang naglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipagsubukan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa ng Panginoon sa Egipto? Ang mga pangyayaring ito’y ipinamalas niya sa inyo upang maniwala kayo na walang ibang Diyos maliban sa kanya. Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo’y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, hinirang niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. Pinuksa niya ang mga bansang mas malakas sa inyo upang maluwag kayong makapanirahan sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. Dahil dito, dapat ninyong malaman na sa langit at sa lupa’y walang ibang diyos liban sa Panginoon. Kaya nga, dapat ninyo sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa gayun, mapapanuto kayo at ang lahing susunod sa inyo; magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay niya sa inyo.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 76, 12-13. 14-15. 16 at 21

Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.

Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
Sa lahat ng ginawa mo, ako’y magbubulay-bulay,
magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.

Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.

Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
at wala nang ibang diyos na sa iyo’y ipapantay.
Ikaw ang Diyos na ang gawa’y tunay na kahanga-hanga.
Iyang kadakilaan mo’y nahayag na sa nilikha;

Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.

Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo’y tinubos,
ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob.
Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
si Moises at Aaron yaong iyong naging kamay!

Sa lahat ng ginawa mo,
magbubulay-bulay ako.

ALELUYA
Mateo 5, 10

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait,
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 16, 24-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama at kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong yao’y gagantihin niya ang bawat tao ayon sa kanyang ginawa. Sinasabi ko sa inyo: may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga’t di nila nakikita ang Anak ng Tao na pumaparito bilang Hari.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 5, 2019 at 12:23 am

PAGNINILAY: Sa ating Ebanghelyo (Mateo 16:24-28), nais ipahayag ni Hesus ang tatlong hamon upang tayo’y maging mga alagad niya araw-araw:
1.) LIMUTIN ANG SARILI. Ibig sabihin nito ay ang lahat ng tinatanggap nating mga biyaya at pagpapala ay hindi lang mula sa kalikasan at sa tao, kundi sa Panginoon. Kaya dapat tayo’y magpakumbaba at magtiwala sa kanya na susundin natin ang kanyang kalooban.
2.) PASANIN ANG KRUS. Binuhat ni Kristo ang kanyang Krus mula sa Praetorio hanggang sa Golgota. Binuhat niya sa kanyang mga balikat ang pag-iinsulto ng mga tao at mga pinuno ng mga Hudyo, pagngungutya ng mga kawal na Romano, at higit sa lahat ang pagkakasala ng tao laban sa Diyos. Sa ating buhay, maraming pagsubok at paghihirap ang ating dinadanas araw-araw. Pero ang hamon ng Panginoon sa atin ay pagtitiis at pagtitiyaga sa gitna ng mga ito. At habang ginagawa natin iyan, patuloy tayong gumagawa ng mga mabubuting bagay. Kaya ang krus ay hindi na simbolo ng parusa, kundi simbolo ng tagumpay dahil kay Hesus na namatay para tayo’y mailigtas mula sa kasalanan.
3.) SUMUNOD SA AKIN. Ang pagiging tunay na alagad ng Panginoon ay hindi palaging madali. Minsan ito’y mahirap sapagkat hindi ito gawa ng Diyos at hindi siya tumatawa, kundi nakasalalay ang ating mga pagdurusa sa mga kontemporaryong sitwasyon. Ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita at pakikisalamuha sa pamumuhay ng mga tao. Kaya nga napakahalaga ang dalawang hamon sa itaas dahil sa karanasan (experience). Kapag dinanas natin ang mga bagay na ito at naging matatag sa ating pananampalataya sa Panginoon, napakahalaga ang ating matutunan bilang mga alagad niya.
Kaya sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa tayo’y maging mga alagad ng Panginoon sa ating araw-araw na pamumuhay kahit sa mga mabubuti at di-inaasahang pangyayari. At huwag natin kalimutan na magtiwala at sumampalataya sa kanya upang tayo’y maging matatag sa pasunod sa kanyang kalooban.

Reply

Mylene Farinas August 9, 2019 at 9:16 am

Glory to God in the highest! You alone are God, you alone are Lord, you alone has great power to save a nation! Your Word and your commandments are our guide for us to continuously belong to you. And, we pray to give the us courage and strength to submit to Thy will, always. Amen.

Reply

Reynald David Perez August 10, 2023 at 8:12 pm

PAGNINILAY: Sa ating Unang Pagbasa (Deuteronomio 4:32-40), ipinaalala ni Moises sa mga Israelita ang Diyos na nag-ukit ng tipan matapos ang kanilang matagumpay na paglikas mula sa pagkaalipin sa Egipto. Ilang taon silang nakaalipin sa Egipto ay tila nga ba’y nakalimutan nila ang Diyos na lumikha ng sandaigdigan at tumawag sa kanila na mamuhay sa pananampalataya sa pamamagitan ng mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Kaya pinaalala ni Moises na ang Diyos ang gumawa ng magandang bagay noon ay siya rin ang Diyos na nagligtas sa kanila mula sa paghihirap ng mga Egipcio. Kaya ang tugon nila ay ang pagsunod sa kanyang mga utos, upang sila ay mamuhay nang matagal sa lupang ibibigay niya matapos ang kanilang paglalakbay patungo sa Lupang Pangako.

PAGNINILAY: Sa ating Ebanghelyo (Mateo 16:24-28), nais ipahayag ni Hesus ang tatlong hamon upang tayo’y maging mga alagad niya araw-araw:
1.) LIMUTIN ANG SARILI. Ibig sabihin nito ay ang lahat ng tinatanggap nating mga biyaya at pagpapala ay hindi lang mula sa kalikasan at sa tao, kundi sa Panginoon. Kaya dapat tayo’y magpakumbaba at magtiwala sa kanya na susundin natin ang kanyang kalooban.

2.) PASANIN ANG KRUS. Binuhat ni Kristo ang kanyang Krus mula sa Praetorio hanggang sa Golgota. Binuhat niya sa kanyang mga balikat ang pag-iinsulto ng mga tao at mga pinuno ng mga Hudyo, pagngungutya ng mga kawal na Romano, at higit sa lahat ang pagkakasala ng tao laban sa Diyos. Sa ating buhay, maraming pagsubok at paghihirap ang ating dinadanas araw-araw. Pero ang hamon ng Panginoon sa atin ay pagtitiis at pagtitiyaga sa gitna ng mga ito. At habang ginagawa natin iyan, patuloy tayong gumagawa ng mga mabubuting bagay. Kaya ang krus ay hindi na simbolo ng parusa, kundi simbolo ng tagumpay dahil kay Hesus na namatay para tayo’y mailigtas mula sa kasalanan.

3.) SUMUNOD SA AKIN. Ang pagiging tunay na alagad ng Panginoon ay hindi palaging madali. Minsan ito’y mahirap sapagkat hindi ito gawa ng Diyos at hindi siya tumatawa, kundi nakasalalay ang ating mga pagdurusa sa mga kontemporaryong sitwasyon. Ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita at pakikisalamuha sa pamumuhay ng mga tao. Kaya nga napakahalaga ang dalawang hamon sa itaas dahil sa karanasan (experience). Kapag dinanas natin ang mga bagay na ito at naging matatag sa ating pananampalataya sa Panginoon, napakahalaga ang ating matutunan bilang mga alagad niya.

Kaya sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa tayo’y maging mga alagad ng Panginoon sa ating araw-araw na pamumuhay kahit sa mga mabubuti at di-inaasahang pangyayari. At huwag natin kalimutan na magtiwala at sumampalataya sa kanya upang tayo’y maging matatag sa pasunod sa kanyang kalooban.

Reply

Jose M. Javier August 11, 2023 at 5:18 am

In this pericope it is revealed that Yahweh is unique in all history, having been motivated by love, He chose to deliver His enslaved people from Egyptian bondage and bring them to the Promised Land, and Israel was to take it to heart and obey His commands so it would go well with them.
Fot gospel;
Christ warns that those who follow Him must be willing to give up all else in the world, and to take on hardship and persecution, as needed. He adds that some standing there will not die before seeing Him coming in His kingdom; this prediction is fulfilled in the next passage. Jesus declares that He, the Son of Man, will come with His angels in the glory of His Father. He is describing what is sometimes called in the Bible the “Day of the Lord.” When that day comes, Christ will repay each person according to what he or she has done.
The verb translated “see” may also mean “to perceive or understand.” So, Jesus could have been saying, “Before you die some of you will understand (more fully about) the Son of Man’s Kingdom.

Reply

Mel Mendoza August 11, 2023 at 9:33 am

Ang Mabuting Balita sa araw na ito(Mateo 16:24-28) ay panawagan para maging alagad. Inilahad ni Hesus sa ebanghelyo ang mga mahalagang katangian ng isang alagad at ito ay ang pagpatay ng lahat ng sariling mga nasa. Katulad ng nalaglag na binhi ng trigo na namatay at nagbigay ng maraming bunga ganito ang metapora na ninanais sa atin ng Diyos. Sa mga ibang pagbasa napakinggan natin ang sobrang kalungkutan ng isang mayamang binata na sumusunod naman sa mga Kautusan pero hindi naman nya kayang iwanan ang karangyaan, at ganun din ang isang tagasunod ni Kristo na kailangan nya muna ipalibing ang kanyang ama. Mga karanasan at mga yaman sa buhay na hindi basta basta maiiwanan at nagiging balakid sa mga nagnanais sumunod sa Panginoon.

Maaring mga hadlang na maituturing ang mga nabanggit pero ang mga ito ay pwedeng gamitin para maging mas marami ang sumunod sa mga panukala ng Diyos. Katulad ng kayaman ito ay may kasamang kapangyarihan na kung nagagamit ng tama ay marami ang makikinabang. Ang pagbabahagi ng kayaman lalo higit sa mga lubhang nangangailangan ay katulad ito ng pagpipira-piraso ng tinapay ni Hesus na naka-tala sa isa sa mga ebanghelyo mula Kay San Lucas. Ito ay bumubuo ng isang pamayanan at sambayanan ng Diyos at pinapakita na ito ay pinaghaharian ng pagibig. Sa ganitong pamamaraan dadami ang maakit na makakasama sa paglalakbay patungo sa kaharian ng Diyos Amang nasa langit. Wala itong pinagkaiba sa nahulog na binhi ng trigo sa lupa namatay pero doon lang nakapamunga ng marami. Sa kabilang banda ang naghahangad ng mas pa sa kailangan sa buhay na ginagamit lamang sa sariling kapakanan at hindi naipamahagi sa iba ito naman ang pagpatay mismo ng ninanais ng Diyos sa bawat isa sa atin. Ang pagka-ganid, pagka-sakim, at pagka-lulong sa yaman at kapangyarihan ng mundong ito ay ang dapat patayin.

Ang lahat ng kayamanan, rangya’t kapangyarihan ay maglalaho at lilipas na tulad nating dadaan lang sa ibabaw ng mundo ng isang beses lamang. Sa huli at sa paguulat natin sa ating mga nagawa sa buhay natin sa mundo ay hahantong tayo sa paglilitis, ang mas piniling mahalin ang buhay sa mundo kapalit ng walang kapararakan paglustay ng buhay, panahon, yaman at kapangyarihan nito ay siya ang mawawalan nito sa kabilang buhay. Kaya dito palang sa lupa ay asamin nating pagimbakan ng ating yaman, talino, panahon, at kapangyarihan ang tunay na kayamanang walang hanggan na mananahin sa piling ng Diyos. Amen!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: