Linggo, Agosto 6, 2023

August 6, 2023

Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)

Daniel 7, 9-10. 13-14
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

2 Pedro 1, 16-19
Mateo 17, 1-9


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of the Transfiguration of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 9

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

Ikaw, Poon, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

Panginoo’y maghahari,
lakas n’ya’y mananatili.

IKALAWANG PAGBASA
2 Pedro 1, 16-19

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa muling pagparito ng ating Panginoong Hesukristo, na puspos ng kapangyarihan, ay hindi sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang ipagkaloob sa kanya ng Diyos Ama ang karangalan at kapurihan. Ito’y nangyari nang marinig ang tinig mula sa Dakilang Kaluwalhatian ng langit. “Ito ang pinakamamahal kong Anak; siya ang lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito sapagkat kami’y kasama niya sa banal na bundok.

Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makabubuting ito’y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat ang nakakatulad nito ay isang ilaw sa karimlan na tumatanglaw sa inyo hanggang sa mamanaag ang Araw ng Panginoon at ang sinag ng tala ng umaga’y maglagos sa inyong puso.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 17, 5k

Aleluya! Aleluya!
Sabi ng D’yos ay pakinggan
ang Anak n’yang minamahal
na lubhang kinalulugdan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 17, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, isinama ni Hesus si Pedro, at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus: nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit. Nakita na lamang at sukat ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, mabuti pa’y dumito na tayo. Kung ibig ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng isang maningning na ulap. At mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ang mga alagad ay natakot nang gayun na lamang nang marinig nila ang tinig, at sila’y napasubasob. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo. “Tumindig kayo,” sabi niya, “huwag kayong matakot.” At nang tumingin sila ay wala silang nakita kundi si Hesus.

At habang bumababa sila sa bundok, iniutos ni Hesus sa kanila, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga’t hindi muli nabubuhay ang Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 3, 2020 at 7:37 am

PAGNINILAY: Ang Pagbabagong-Anyo ng Panginoon ay isang kaganapan sa buhay ng ating Panginoong Hesukristo na nagbago hindi lang sa kanyang buhay, kundi pati rin sa ating mga buhay. Kaya ang salitang ‘transfiguration’ ay nagmula sa wikang Latino, na ibig sabihin nito ay “pagbabago sa buhay”. Nais kong bigyan pansin ang tatlong punto ng pangyayaring ito gamit ang motto ng mga Katipunero: KKK.

1.) KALUWALHATIAN. Pag-akyat ng Bundok ng Tabor kasama ang tatlong Apostol na malapit sa kanya, nagbagong-anyo si Hesus, at nagliwanag ang kanyang mga damit na parang sumisikat ang araw.

2.) KATUPARAN. Nagpakita sina Moises at Elias sa kanya. Si Moises ay kumakatawan sa Kautusan, habang si Elias naman ay kumakatawan sa mga propeta. Dito natin mamasdan na si Hesus ay ang katuparan ng Kautusan at turo ng mga propeta. Tumatalima siya sa kalooban ng Ama dahil nakikita niya at tinatanggap na siya’y magpapakasakit, mamamatay, at mabubuhay na mag-uli sa Jerusalem para sa ating kaligtasan.

3.) KABUTIHANG-LOOB. Pagkatapos ang lahat ng mga ito, tumakip ang isang malalaking ulap na lumibot kina Hesus at ang kanyang tatlong alagad. At biglang nagsalita ang tinig ng Panginoong Diyos, at ibinunyag na si Kristo ay ang kinalulugdang Anak, kaya making tayo sa kanya. Ganun din ginawa nina San Pedro, Santiago, at San Juan nang pinakiusapan sila na huwag sabihin ang mga pangyayari hanggang mamuhay na mag-uli ng Panginoon. Kaya may dalang kabutihang-loob ang pangyayari ito sa ating buhay dahil sa Panginoong Hesus na sumunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama para sa ating kaligtasan mula sa ating mga pagkakasala upang balang araw tayo’y iako niya sa kaluwalhatiang ng Kaharian ng Langit.

Mga kapatid, dahil sa Pagbabagong-Anyo ng Panginpon, dito natin makikita at matutuo ang tunay na pagbabago sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Sumunod tayo sa kalooban ng Diyos, at makinig sa kanyang Salita, lalo na sa mga turo ng kanyang Bugtong na Anak, na ating binabasa sa Banal na Bibliya at pinapakinggan sa Banal na Misa. Isabuhay natin ang mga ito upang makita natin ang kaluwlahatian ng langit sa kataupusan ng ating pamumuhay sa daigdig. Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y maranasan din natin ang pagbabago ng ating mga puso’t kaisipan sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Panginoong Diyos at pakikinig sa at pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo.

Reply

Mel Mendoza July 31, 2023 at 1:50 pm

Ang mga Pagbasa sa Linggong ito ay isang manifestations na ang paghahari ng Diyos ay umiiral na noong sa simula pa bago pa man likhain ang mundo ay totoo. Sa simula pa ng aklat ng Genesis hanggang sa Revelation ay inihayag at ipinakita na ito sa pamamagitan ng pagibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinaka-sentro ng Pagbabagong anyo ni Hesus na nasaksihan ng kanyang tatlong algad ay hindi lang ito pangitain o kathang isip kundi ito ay pagpapakita sa buong mundo na ito ay nakatala sa Banal na Kasulatan. Una, na may Diyos na “Siya ay Siya nga” na sa kagandahan loob Niya ay patuloy na ginagabayan ang mga tao sa kabila ng mga pagsuway sa Kanya. Pangalawa, ang Pagbabago ni Hesus ay pagpapatotoo na ang Panginoong Hesus ay nagmula sa Ama sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanya na nakipamuhay sa atin upang tubusin ang sangkipal sa tanikala ng kasalanan. At ang pangatlo, ay ang presensya nina Moises bilang kumakatawan sa kautusan at Elias bilang representatives ng mga propeta na pinagkatiwalaang ipahayag ang mga kautusan at mga panukala ng Diyos sa mga tao sa lahat ng panahon. Sa pagpapanibagong anyo ni Hesus sa bundok ng Tabor ay ang pagpapahayag at pagpapakilala at pagluluwalhati sa Kanya ng Ama bago maganap ang Paschal Mystery na mahigpit nyang ipinagbilin sa tatlo niyang malalapit na alagad na huwag muna ipagsabi ang nangyari sa iba hanggang hindi pa nagaganap ang nakasaad sa kasulatan.

Ang paalala ng mga Pagbasa ay ano ba ang koneksyon nito sa atin mga kanya kanyang buhay. Ramdam ba natin ang presensya ng Espiritu ng Diyos sa ating buhay sa pamamagitan ng kanyang pag-gabay sa araw-araw? Nakikita ba ito sa ating mga gawa at mga pagkilos? Naisasabuhay at naibabahagi ba natin sa ating kapwa ang ating napapakinggang mga aral sa Mabuting Balita ng Diyos? At ang pinakamahalagang paalalang katanungan ay nakikita at nararamdaman ba natin ang paghahari ng Diyos na tayo din ba ay naging instrumento ng pagbabagong anyo ng mga tao sa mundo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng buhay na may kapayapaan, katarungan, na may pagka-pantay pantay, at pagmamahal na naka-ugat kay Hesus?

Ang hamon sa atin ng Mabuting Balita mga kapatid ay sa araw-araw nating pagiral ay pagsumikapan nating dinggin, aralin, ang Banal na Kasulatan at isabuhay ang nilalaman nito upang makita at maramdaman natin ang paghahari ng Diyos. Kahit na sa maliliit na pamamaraan kung ito ay ginagawa na may malaking pag-ibig para sa Diyos at kapwa ito ay isang ng malaking hakbang. Ang maging daluyan ng kagandahang loob, ng grasya at pagpapala ng Diyos para sa iba patungo sa isang konkretong at radikal na pagpapanibago ng buhay na marami ang nakakasama sa paglalakbay patungo sa ipinangakong kaharian ay ang pinakabuod ng Pagbabagong anyo ni Hesus at ng kautusan na ninanais sa ating lahat ng ating Panginoon Hesukristo.

Reply

Bob Buenconsejo, SJ August 1, 2023 at 3:32 pm

Napakalaking tulong ng pahinang ito. Salamat po!

Reply

Bro. NSP August 2, 2023 at 1:10 am

GUMISING, MAKINIG, AT MAGBAGO!

Hindi masamang madapa at magkamali. Ang mahalaga’y ang pagbangon tungo sa pagbabago at tayo’y magsikap na magpakabuting muli.

Ang ebanghelyo natin sa linggong ito ay ang pagbabagong anyo ng ating Panginoong Hesukristo kung saan ito ay tumutukoy rin sa hamon ng pagpapanibago ng bawat isang Kristiyano. Tinuturuan tayo nito ng tatlong bagay:

Una, tayo ay inaanyayahang GUMISING mula sa ating pagkakatulog. Hindi po natin makikita ang kaningningan at kaluwalhatian ng Diyos kung tayo ay nahihimbing sa pagkakatulog. Iwasan nating manatili sa kadiliman at gumising tayo sa kaliwanagan, gumising tayo sa katotohanan, gumising tayo sa ating mga pagwawalang-bahala, gumising tayo mula sa ating mga maling ginagawa. Kinakailangang magkaroon tayo ng self reflection at self realization upang tayo ay magising ng ating lubos na makita ang liwanag ng pag-asa na nagmumula sa Diyos.

Ikalawa, tinatawagan tayong MAKINIG. Sinabi ng Diyos na “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!”. Ang mga apostol ay laging kasama ni Hesus at laging napapakinggan ang kanyang aral at turo. Ngunit kanila nga ba itong napakikinggan? Madalas rin tayong makapakinig ng salita ng Diyos sa pagsisimba, at maging sa social media. Ngunit tunay nga ba natin itong pinakikinggan? Tunay nga ba natin itong isinasabuhay? Ano ba ang mga bagay na ating nais na pakinggan? Ito ba ay mula sa Diyos o mula lamang sa tao?

Ikatlo, tayo ay tinuturuan ng ebanghelyo na MAGBAGO tulad ng mga apostol na hindi muna sinabi kaninuman ang kanilang nakita. Sa mga pagkakataon na tayo ay nagising na, sa mga pagkakataon na nagkaroon na tayo ng self reflection, sa mga pagkakataon na tunay nating pinakinggan ang salitang nagmumula sa Diyos, huwag na tayong mag-atubiling magbago at isabuhay ang ating napakinggan.

Sa linggong ito, inaanyayahan tayong simulan nating linisin at baguhin ang ating sarili sa pamamagitan ng paggising mula sa ating pagkahimbing sa kasalanan. Lumapit at magsisi tayo sa Diyos sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal na sa atin ay magpapadalisay, makinig tayo sa tunay na mensaheng nagmumula sa Diyos at sama-sama nating tupdin ang kanyang kalooban na magdudulot ng PAGBABAGO NG ATING SARILI, nang sa gayon tayo ay kanyang kalugdan at tayo ay mahirang bilang kanya ring minamahal na anak.

Patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong magbago. Bigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo para magbago, bigyan mo rin ng pagkakataong magbago ang iyong kapwa tao, upang sa dulo ng buhay na ito, sama-sama nating makamtan ang awa ni Kristo.

(Pagninilay sa Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon | Taon A – Mateo 17, 1-9)

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: