Lunes, Marso 27, 2023

March 27, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Lunes

Naaalaala natin ang pagkahabag ni Jesus sa babaeng nakikiapid. Tumawag tayo sa kanya sa ating panalangin, nakatitiyak na tayo rin ay kanyang kahahabagan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, nagtitiwala kami sa Iyo.

Ang mga napalayo sa Diyos dahil sa kasalanan nawa’y makaranas ng mapagmahal na habag ng Tagapagligtas, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang iwasan ang paghatol sa iba at sa halip ay tingnan ang ating sariling buhay sa mata ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may mabibigat na pasaning dala ng kahirapan at alalahanin nawa’y maunawaan na hindi sila iniiwan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa maling hatol nawa’y patatagin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kaligayahan at kapayapaan sa mga bisig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming maging mapagpatawad sa mga taong hindi maganda ang pakikitungo sa amin. Maipakita nawa namin sa kanila ang habag na ipinakita ng iyong Anak na si Jesus sa babaeng nahuling nakikiapid. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 19, 2021 at 8:13 pm

PAGNINILAY: Ipinapahiwatig ngayon ng mga Pagbasa ang awa at katarungan ng Diyos.

Ang mahabang salaysay ng Unang Pagbasa ay tungkol sa awa at katarungan ng Panginoong Diyos kay Susana, ang ama ni Hilkias at asawa ni Joakim. Si Susana ay inaakusahan ng dalawang matatandang hukom na nakikipaglandi sa isang lalaki sa loob ng hardin, subalit ang totoo ay silang dalawa ay may maruruming isip na pagnasain ang magandang babae habang nagliligo ito. Dahil naniwala ang taong bayan sa bintang kay Susana, una nilang hinatulang batuhan si Susana. Samantala siya’y matapat nananalangin para sa kanyang kawalan ng kasalanan. Kaya dininig ng Diyos ang kanyang panalangin at sinugo si Propeta Daniel upang kwestiyonin ang dalawang matatandang hukom na nagmamalinis habang nagbibintang sa dalaga. Isa sa kanila nagsabi na 2 magkaibang puno nakita nilang nakikipaglandi si Susana, subalit inilantad ni Daniel ang kasamaan ng 2 hukom na gusto nila lamang paglaruin ang katawan ni Susana. Kaya sila’y hinatulan ng kamatayan, samantala si Susana ay napatunayang walang sala at pinagpala dahil sa katatagan nito.

Ang Ebanghelyo naman ay isa namang salaysay ng awa at katarungan ng Diyos. Dito makikita natin ang pagtatagpo ni Hesus sa isang babaeng nahuling “nakikiapid”. Marahil iniisip natin na ang babaeng ito ay si Sta. Maria Magdalena, subalit wala pong naibanggit dito sa Ebanghelyo ni hindi rin sa turo ng Simbahan na siya nga ang babaeng nahuling “nakikiapid”. Ang babaeng ito’y dinala ng mga Pariseo at eskriba sa paanan ni Hesus upang pagdesisyunan nito ng Panginoon ang hatol sa kanya. Ayon sa Batas ni Moises, kamatayan sa pamamagitan ng pagbato ang parusa sa mga taong nangangalunya. Subalit alam na ni Hesus ang kanilang intensyon upang tuksuin siya. Kapag sumang-ayon si Hesus na dapat batuihin ang babae, iisipin ng mga tao at kanyang mga tagasunod na sinasalungat niya ang kanyang turo ng pagmamahal at pagpapatawad. Ngunit kapag tumanggi si Hesus na hindi dapat batuhin ito, sasabihin nilalabag niya ang Kautusan ni Moises.

Sa kabila ng banta ng mga pinuno ng Hudyo, batid na ni Hesus ang kanilang mga balak. Sa katunayan, kung nahuli nga nila ang babaeng nakikiapid, nasaan kaya ang lalaking nakasama niya? Kaya nagpatirapa ang Panginoon at nagsulat sa sahig. At siya’y tumindig nang hamunin ang mga tao na kung sino man ang walang kasalanan ay siya munang bumato. At siya’y nagtirapa sa sahig upang magsulat. Ayon sa mga eksperto ng Bibliya, marahil ang sinulat niya sa sahig ay ang mga kasalanan ng mga tao. Kaya sila’y isa-isang nagsialisan, na ang mga matatanda ang unang nagsialis. Makikita natin dito na ang Panginoon ay Diyos ng awa. Ngunit kasabay niyan, siya rin ay ang Panginoon ng katarungan. Nakita natin na ang babae ang naiwang kasama ni Hesus, kaya tinanong nito kung nasaan ang mga taong nambibintang. Tugon ng babae ay “wala” sapagkat hindi siya pinaparusahan ng Panginoon. Kaya ang hamon ni Hesus sa babae ay humayo at huwag nang magkasala.

Bagamat napagbintangan ang babae na nakikiapid, batid ni Hesus ang pagkatao niya, katulad ng pagkaalam niya sa kasalanan ng mga tao, lalung-lalo na ng mga Pariseo at eskriba. Makikita natin ang ang ating Diyos ay kapwa mahabagin at makatarungan.

Mula sa dalawang pagbasa, dalawang aral ang maaari nating matutuntunan:
1.) Ang ating paninindigan para sa katotohanan ay isang gantimpala na hindi tayo’y ipapahamak ng kasamaan, kundi mananaig ang kabutihan dahil ang Diyos ay may awa sa inaapi at katarungan para sa tamang pamumuhay.
2.) Ang ating pagkukulang at pagkakasala sa buhay ay hindi dapat hanggang pag-amin na tayo’y “tao lamang”, kundi ito’y maging paraan upang hingin natin ang kanyang awa na patawarin tayo at ang kanyang katarungan mula sa ibang tao na itama ang bawat pagkakamali.

Reply

Mel Mendoza March 26, 2023 at 6:48 pm

Ang katuruan ng mga pagbasa ay patungkol pa din ito sa mga katuruan ni Moises na sa pagdating ni Hesus bilang Mesiyas ay pinagtibay nya ito sa uri ng mga pamumuhay ng mga taong sa kapanahunan nya. Ang mga kautusang ito ay tungkol sa pagmamahal sa Diyos at ng sa kapwa na kapara ng sarili sa pagbubuod ng mga kautusang ito.

Sa mga pagbasa tunay nga na meron tayong Diyos na maawain, mahabagin at mapagmahal at lagi nya tayong binibigyan ng bagong pagasa sa tuwing tayo’y nagkakamali. Ang aral ay hindi dapat magtapos doon sa pagpapatawad lang sa atin ng ating mga nagagawang mga kasalanan kundi may kalakip itong radikal na pagbabago na hindi basta ang pag-amin at pagbabago lang ng mga sarili kundi ang tunay na pagpapanibago ng ating mga puso’t isipan patungo sa Buhay na ipinangako sa atin ng Panginoong Hesus ang Buhay na walang hanggan sa piling nya.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 22, 2021 at 6:24 am

Ang Diyos ay laging nagbabantay sa mga taong nagmamahal at nagbabagong buhay. Hindi pababayaan ng Diyos na mapahamak ang mga taong matuwid. Gagawa at gagawa ng paraan ang Diyos upang maligtas sila. Gumagamit ng mga taong tagapagtanngol upang sila ay maligtas sa kapahamakan. Gayon din naman lalo ang mga taong nagbabagong buhay. Isang buhay na kasiya-siya ang nag-aantay sa kanila. Minsan ng nasadlak sa kadiliman at ngayon ay nasa pagmamahal na ng Diyos. Kaya ingatan ang kabanalang ipinagkaloob ng Sakramento ng Kumpisal. Ini ahon na tayo ni Hesus sa tiyak na kapahamakan. Kaya sikaping magbagong buhay sa lalong madaling panahon, ng sa gayon ay mapabilang sa pinaghaharian ng Diyos.

Reply

SAINTSPOT March 27, 2023 at 5:46 am

Please SHARE & SUBSCRIBE
SAINTSPOT on Youtube
https://youtube.com/watch?v=bkuMT9f05tQ&si=EnSIkaIECMiOmarE

GOSPEL REFLECTION:
Ito ay isang makapangyarihang tanong ni Hesus. Ang mapanghusga at humahatol na mga Pariseo ay nagdala ng isang babae kay Jesus na nahuli “sa mismong akto ng pangangalunya.” Siya ba ay isang makasalanan? Oo, nagkasala. Ngunit ang kuwentong ito ay hindi lang patungkol sa kung siya ay isang makasalanan o hindi. Ito ay tungkol sa saloobin ni Jesus sa mga makasalanan kung ihahambing sa mga umaaktong matuwid sa sarili, mapanghusga at mapaghatol na mga Pariseo.

Una sa lahat, tingnan natin ang babaeng ito. Napahiya siya. Nakagawa siya ng kasalanan, nahuli, at iniharap sa publiko bilang isang makasalanan. Ano ang naging reaksyon niya? Hindi siya lumaban. Hindi siya umiwas o tumanggi. Hindi siya nagalit. Hindi siya nanlaban. Sa halip, siya ay tumayo, iniharap ang sarili at naghihintay na siya ay batuhin.

Ang kahihiyan dahil sa pagkakasala ng isang tao ay makapangyarihan at pwedeng magbunga ito ng tunay na pagsisisi. Kapag sila’s nakasalamuha natin, dapat nating pakitunguhan sila nang may habag. Bakit? Dahil ang dignidad ng tao ay mas mahalaga kaysa sa kanilang kasalanan. Ngunit kailangan ng banal na pagsaway sa mga taong tumatangging magsisisi para maliwangan at upang makalaya sila.

Sa pagsasabing “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang unang bumato sa kanya,” hindi binibigyang-katwiran ni Jesus ang pagkakasala. Sa halip, nililinaw Niya na walang sinuman ang may karapatang humatol. Walang sinuman kundi Diyos lang.

Pag-isipan, ngayon, ikaw ba ay katulad ng mga Pariseo o ni Jesus. Tatayo ka ba para batuhin ang napahiyang babae? Sikaping tularan ang mahabaging puso ng ating banal na Panginoon; para sa pagdating ng iyong panahon ng paghuhukom, ikaw hindi pagkakaitan ng mabiyayang habag.

Panginoon kong mahabagin, nakikita Mo ang aking kasalanan at tumitingin ka sa aking puso. Ang iyong pag-ibig ay walang hanggan at kahanga-hanga. Nagpapasalamat ako sa Iyong habag na ipinakita Mo sa akin, at dalangin ko na lagi kitang tularan sa habag para sa mga taong nagkakasala. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: