Biyernes, Pebrero 10, 2023

February 10, 2023

Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga

Genesis 3, 1-8
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7

Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.

Marcos 7, 31-37


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Scholastica, Virgin (White)

Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Genesis 3, 1-8

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon. Minsa’y tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kang kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”

Tumugon ang babae, “Hindi naman! Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami.”

“Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay,” wika ng ahas. “Gayun ang sabi ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon, magkakaroon kayo ng pagkaunawa. Kayo’y magiging parang Diyos; malalaman ninyo ang mabuti at masama.”

Napakaganda sa paningin ng babae ang panunongkahoy at sa palagay niya’y masarap ang bunga nito. Nabuo sa isipan niya na mabuti ang maging marunong, kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain. Kumuha rin siya para sa kanyang asawa, kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila’y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtagni-tagni at ginawang panakip sa katawan.

Pagdadapit-hapon, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoon, kaya’t nagtago sila sa kahuyan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7

Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.

Mapalad ang tao na pinatawad ng yaong kasalanan,
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang;
mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang.

Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.

Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin,
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim;
pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing,
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin.

Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.

Ang lahat ng tapat, sa panahong gipit dapat manalangin,
upang bumugso man ang malaking baha’y di sila abutin.

Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.

Kublihan ko’y ikaw, ikaw ang sasagip kung nababagabag,
aking aawitin ang pagkakalinga at ‘yong pagliligtas.

Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.

ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b

Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 7, 31-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, pagbalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 11, 2019 at 10:34 pm

Pagninilay: Sa Unang Pagbasa (Genesis 3:1-8), narinig natin ang Paghulog ng Tao. Matapos lalangin ng Diyos ang lahat ng bagay, hayop at tao, binigyan niya ang lahat ng isang halamanang tinatawag na Eden. Nagbigay din siya ng bilin sa lalaki at babae na maaari silang kumain maliban sa Puno ng Kaalaman ng Mabubuti at Masasama. Subalit dumating sa punto na lumapit sa babae ang isang ahas na ito’y sumisimbolo sa Diyablo. At ang babae ay tinuksong kainin ang prutas mula sa puno dahil hindi ito mamatay, kundi magiging katulad ng “Diyos”. Kaya kinain niya ang prutas at binigay ito sa lalaki, na kanyang kinain din. At biglang namulat ang kanilang mata dahil nakita nila ang kanilang kahubaran. Makikita natin sa kwentong ito ang representasyon ng pagsisimula ng kasalanan sa daigdig. Ito’y nangyari dahil mataas ang tingin ng ating unang magulang sa ating sarili na sila’y magiging mga diyos. At sinuway din nila ang utos ng Diyos nang kainin nila ang prutas mula sa punong pinagbawalan sila. Subalit sa kabila ng Pagkahulog ng tao sa kasalanan, binigyan pa rin tayo ng Diyos ng katubusan sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesukristo. Sa ating Ebanghelyo (Marcos 7:31-37), siy Hesus ay nagpagaling sa isang lalaki bingi at pipi, isang Hentil na nakatira sa Sampung Siyudad (Decapolis). Kuumura siya sa kanyang 2 daliri at inilagay sa bibig ng lalaki, saka sinabi na bumukas ang kanyang bibig o “Effata” (Cf. Marcos 7:34). Bumuka ang bibig ng dating pipi at bingi at nagpahayag ng mga papuri sa Panginoon sa kanyang dakila at mahabag na kababalaghan. Kaya ang hamon sa atin ay maging bukas ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos para sa atin. Kahit tayo ay nagkasala, darating pa rin ang panahon na muling magbubukas ang ating mga puso na magbalik-loob sa Diyos, magsisi, at magsumikap na gumawa ng kabutihan at maging mabuting ehemplo sa ibang tao. Kung paanong binigay ng Diyos ang planong pangkaligtasan sa lahat, nawa’y isabuhay natin ito sa ating araw-araw na buhay-pananampalataya.

Reply

Bobet Quiambao February 12, 2021 at 5:28 am

Sa ebanghelyo ngayong araw, pinagaling ni Hesus ang isang lalaki. “Effata” ang wika nya na ang ibig sabihin ay mabuksan. Ito rin sana ang ating marinig na salita sa ating buhay. “Effata”. Mabuksan nawa ang ating mga puso para kay Hesus at maisabuhay ng lubos ang kanyang habilin ng taos na pagmamahal sa Diyos at kapwa: Mabuksan nawa ang ating isip na may hangganan ang ating kakayahan kung hindi natin kikilalanin ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.

Reply

Sherwin D. Yanoria February 12, 2021 at 7:35 am

Ibang-iba talaga ang ugali ng ating Panginoong Hesus. Ginagawa Niya kung ano ang Kanyang sinasabi. Hindi Niya ipinagyayabang ang Kanyang kabutihang ginawa, bagkus pinagbabawalan pa Niyang ibalita ito. Lalo’t higit kakaiba, ang Kanyang ginawa, ang ibalik ang pandinig at pananalita ng maayos. Kung sa panahon natin ngayon, sa ibang tao, baka ito ay na viral na sa internet, upang mahayag na sila ay may ibang kapangyarihan. Ngunit ang ating Panginoong Hesus ay wala ng kailangang patunayan pa. Tunay na sa Kanyang pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng pagpapagaling at pagpapakumbaba sa kanyang ginawa, ay kakikitaan na Siya nga ang Anak ng Diyos.

Reply

SAINTSPOT February 10, 2023 at 4:17 am

PLEASE SHARE AND SUBSCRIBE
“SAINTSPOT” on Youtube
https://youtube.com/watch?v=NfYC83iod7I&si=EnSIkaIECMiOmarE

GOSPEL REFLECTION:
Mark 7, 31-37

“Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”

Nais ng Diyos na gamitin tayo upang ilapit ang iba sa Kanya. Sa ebanghelyo ngayon, pinagaling ni Hesus ang isang pipi at bingi upang magamit niya na maihayag ang kanyang mga katuruan at upang magdala ng mga tao palapit sa Kanya.

Kung ang iyong mga tainga ay binuksan ng ating Panginoon, ang iyong dila ay maluwag na din. At kung ang iyong dila ay maluwag, magagawa ng Diyos na ilapit ang iba sa Kanyang sarili sa pamamagitan mo. Dahil kung hindi, ang iyong paghahayag ng kanyang salita ay galing lamang sa iyong sarili at hindi sa Diyos. Samakatuwid, kung may mga tao sa iyong buhay na tila hindi nakikinig sa salita ng Diyos at hindi sumusunod sa Kanyang banal na kalooban, una sa lahat, italaga mo muna ang iyong sarili sa pakikinig sa ating Panginoon. Hayaang marinig Siya ng iyong mga tainga. At kapag narinig mo na Siya, ang Kanyang tinig mismo ang magsasalita sa pamamagitan mo sa paraang nais Niyang abutin ang iba.

Pagnilayan, ngayon, ang eksenang sa Ebanghelyo ngayon, ang mga kaibigan ng taong pinagaling ay inspirado na dalhin siya kay Jesus. Hilingin sa ating Panginoon na gamitin ka sa katulad na paraan. Ipanalangin ang mga taong gustong tawagin ng Diyos at gamitin ka na taga pamagitan niya at ikaw ay maglingkod upang ang Kanyang tinig ay makapangusap sa pamamagitan mo sa paraang pinili niya.

Aking butihing Hesus, buksan mo ang aking mga tainga upang marinig ang lahat ng nais mong sabihin sa akin at pakiluwagan ang aking dila upang ako ay maging tagapagsalita ng Iyong banal na salita para sa iba. Iniaalay ko ang aking sarili sa Iyo para sa Iyong kaluwalhatian at nananalangin na gamitin Mo rin ako ayon sa Iyong banal na kalooban. Hesus, lubos akong nagtitiwala sa Iyo.

Reply

My Catholic Life! February 10, 2023 at 6:35 am

Leave a Comment



Previous post:

Next post: