Sabado, Enero 7, 2023

January 7, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
ENERO 7

Nagtitiwalang makaaasa tayo ng habag na katulad ng ipinakita ni Jesus sa mga bagong kasal sa Cana sa Galilea, manalangin tayo sa ating Amang nasa Langit.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, puspusin Mo kami ng iyong mga biyaya.

Ang Simbahan nawa’y laging ibigay ang pinakamagaling mula sa kanya kung paanong ibinigay ni Jesus ang pinakamasarap na alak sa mga bagong kasal, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magkasintahang nagbabalak magpakasal nawa’y lumapit kay Jesus upang patatagin ang kanilang pagsasama, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mag-asawang wala nang sigla ang pagsasama nawa’y muling papag-alabin ang pag-ibig sa isa’t isa ng presensya ni Jesus na siyang pinagmumulan ng lahat ng pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makaranas ng nagpapagaling na kapangyarihan ng pag-ibig ni Jesus sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namatay kay Kristo nawa’y magtamasa ng kanyang walang hanggang piging sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Ama, hinihiling namin na dinggin mo ang aming mga panalangin, binigkas man o hindi, upang maranasan namin ang magiliw at mapagmahal na presensya ng iyong Anak sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Rosalinda m. Jubilado January 7, 2023 at 9:12 am

sa unang Ebanghelyo ay ipinakita sa atin ng Panginoon na ang pananalangin ay hindi sa ating pang personal na panalangin lamsng.
kundi napakahalaga na tayong mananampalataya ay ang ipanalangin natin ang ating kapwa,
ang ating bayan,
ang mga namumuno sa ating pamahalaan,
ang mga nagpapahayag ng Kanyang Banal na Salita,
ang mga kabataan , mga magulang
na nawa sila din ay kasihan ng Banal na Espiritu
upang sila ay patuloy na makalakad sa Banal na Kalooban ng Diyos.
ipanalangin din natin ang mga malalaking business men na maging generous sa kanilang empleyado at kasihan din sila ng Grasya ng Panginoon.
hawiin ang terorismo sa ating bayan.
maging matuwid ang mga pinagkatiwalaan ng Diyos sa Kanyang Pamahalaan.
pagpalain ang karagatan for our fishermen.
pagpalain ang farmers natin at ang kanilang pananim.
ilayo ang ating bansa sa mga salot etc.
ang lahat ng ito ay hingin natin sa ating pagrorosaryo sa araw araw.
dahil sa pamamagitan ng ating paghingi ng panalangin sa kanila sila din aabutin ng habag at awa ng ating Panginoon. To God be the Glory.

Reply

Reynald Perez January 7, 2023 at 11:20 am

PAGNINILAY: Ang ating Pagdiriwang ng Kapaskuhan bilang paggunita sa Pagkakatawang-tao ng Manunubos ay naghuhudyat nang matapos sa nalalapit na Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita at Kapistahan ng Pagbibinyag ng ating Panginoon. Kaya patuloy natin pinagninilayan ang misteryo ng kanyang pagiging katulad natin na hindi kailanma’y nagkasala upang iako niya ang ating abang katauhan bagamat puno ng bahid ng kasalanan patungo sa maluwalhating kalagayan ng ating Diyos Ama.

Ang Unang Pagbasa ay ang pagkilala ng Diyos sa atin bilang isang Ama na magbibigay kung ano man ang ating hiniling, at tayo’y nakakasiguro na diringgin niya ang bawat samo at dalangin natin ayon sa kanyang oras at kalooban. Subalit ang pinakamagandang panalangin na maari nating ihiling ay ang pananaig ng kabutihan at kagandahang-loob na ikakatuwa at ikalulugod niya. Ang kasalanan ay maaaring umusbong na parang biglang sumipot sa bawat mali o nakakalungkot na gawain ng tao. Kaya ang hiling ni San Juan sa atin na maging instrumento tayo ng tagumpay ng kabutihan laban sa anumang uri ng kasalanan, upang ang mga gumagawa ng ganyang bagay ay maipalayo sa Diyablo at maipatungo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Patunay lamang na lahat tayo ay mga anak ng Diyos dahil kay Kristo na dumating at nagligtas sa atin, upang ipadama sa atin ang tunay na daan patungo sa kanyang Ama, na Ama din natin.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang salaysay ng unang himala ng ating Panginoong Hesukristo sa Cana, Galilea. Narinig natin kung paano siya bagamat Diyos ay naging tao at nakisalo sa masayang pagdiriwang ng pag-iisang dibdib ng isang mag-asawa. Ngunit halos masira na ang okasyon dahil sa pagkaubos ng alak, at sinabi ito ng kanyang Ina sa kanya, ngunit sinabi ni Hesus na hindi kailangang ipag-abala. Kaya nga narinig natin kung paano pinuno ang anim na banga ng tubig, at malaking gulat sa namamahala ng handaan sa mas masarap pa na alak, na isang tanda ng kababalaghan ni Kristo na pagbabago ng tubig sa alak. At nangyari ito dahil sa pamamagitan ng utos ng Mahal na Birhen, na nagsabi sa mga lingkod na sumunod sa inutos ng kanyang Anak na Manunubos.

Mga kapatid, ang Diyos ay mabuti sa kanyang pagkakaloob ng ating kaligtasan. Kahit ang tao ay madalas na nagkakasala ay hindi kailanma’y pinabayaan niya tayo, kundi ibinigay niya sa atin ang isang Manunubos na naging katulad natin (maliban sa pagkakasala) upang ipakita niya sa atin ang tunay na daan patungo sa kalooban at kaluwalhatian ng Ama. Ito ang kwento ng pag-ibig, na ating sinasariwa ngayong Pasko ng Pagsilang, na kung ang Panginoon nga ay patuloy na nagpapakita ng kanyang kabutihan, paano pa kaya tayo bilang kanyang mga anak (bilang mga Kristiyano) na ipadama natin araw-araw ang ating kabutihan mula sa pagbubukal ng puso sa bawat tao?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: