Miyerkules, Oktubre 19, 2022

October 19, 2022

Miyerkules ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kina San Juan de Brebeuf
at San Isaac Jogues, mga pari at mga kasama, mga martir
o kaya Paggunita kay San Pablo de la Cruz, pari

Efeso 3, 2-12
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

Lucas 12, 39-48


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. John de Brebeuf and Isaac Jogues, Priests, and Companions, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of St. Paul of the Cross, Priest (White)

UNANG PAGBASA
Efeso 3, 2-12

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid, marahil naman, nabalitaan na ninyong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay ipinagkatiwala niya sa akin ang tungkuling ito para sa inyong kapakinabangan. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala, tulad ng nabanggit ko na sa dakong una. At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyong nauunawaan ko ang hiwaga tungkol kay Kristo. Ang hiwagang ito’y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus.

Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako’y ginawa niyang lingkod para sa Mabuting Balita sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ako ang pinakahamak sa mga hinirang ng Diyos. Gayunma’y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang gawaing ito: ipahayag sa mga Hentil ang Mabuting Balita tungkol sa masagana at di-malirip na pagpapalang nagbubuhat kay Kristo, at ipaliwanag sa lahat kung paano isasagawa ang lihim na panukala ng Diyos. Ito’y matagal na panahong inilihim ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay, upang sa pamamagitan ng simbahan ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga may kapangyarihan doon sa kalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba’t ibang paraan. Alinsunod ito sa walang hanggang panukala na isinakatuparan niya kay Kristo Hesus na ating Panginoon. Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makalalapit tayo sa Diyos nang panatag ang loob.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig at batis ng kaligtasan.

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

Magpasalamat kayo sa Poon
Siya ang inyong tawagan;
Ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal ng Israel.

May galak tayong sumalok
sa batis ng Manunubos.

ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44

Aleluya! Aleluya!
Tayo ay laging magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 12, 39-48

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Itinanong ni Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” Tumugon ang Panginoon, “Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sabihin sa sarili ng aliping iyon, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at simulan niyang bugbugin ang ibang aliping lalaki at babae, at kumain, uminom, at maglasing, darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga di-tapat.

“At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 22, 2018 at 10:25 pm

Pagninilay: Anim na Linggo na lang ang natitira, at tayo po ay papasok sa Panahon ng Adbiyento. Ito ay ang pasimula ng bagong Taong Panliturhiya ng ating Simbahan. Ang Adbiyento ay isang panahon ng paghahanda sa Tatlong Pagdating ng ating Panginoong Hesukristo: (1) Ang pagdiriwang ng kanyang Pagsilang sa Pasko, (2) Ang Muling Pagpaparito/Huling Paghuhukom sa katapusan ng panahon, at (3) Ang araw-araw na Pagpapahayag ng Panginoon sa misteryo at mga Sakramento. Kaya ang Ebanghelyo ngayon ay isang paanyaya ni Hesus na tayo’y maging mga tapat at matalinong alipin, samantala ating hinihintay ang kanyang pagdating. Tayo ay inaasahang maging handa na di katulad sa lalaking hinayaang pasukan ng magnanakaw ng kanyang bahay. Ganito inilarawan ni Hesus ang kanyang pagdating na parang magnanakaw sa gabi. Ito’y nangangahulugang hindi alam kahit sinumang tao tungkol sa oras na yaon, kundi ang Diyos Ama lang ang nakakaalam at magloloob ng mga bagay sa daigdig. Ang ating buhay dito sa daigdig ay hindi kailanmang angkin natin, kundi ito’y galing sa Diyos. Tayo’y mga tagapangalaga ng buhay na ito upang tuparin ang tungkulin/misyon inatasan tayo. Ito yung espirituwal na paghahanda na dapat nating bigyan-pansin habang hinihintay natin ang muling pagpaparito ng ating Panginoong Hesukristo sa sanlibutan. Tayo ay tinawagang maging mga tapat at matalino sa pagsasagawa ng paghahandang iyon. Ito ang paraan upang makamtan natin ang pagpapala ng langit, at iyan ay ang buhay na walang hanggan kapiling ang Panginoon at ang kanyang mga banal. Katulad ni San Pablo sa Unang Pagbasa, nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng grasyang tuparin ang tungkulin ng pagiging saksi sa Mabuting Balita nang may buong lakas-loob at kababang-loob din. Isabuhay din natin ang ating pangangaral sa paggawa ng tama at mabuti, lalung-lalo sa ibang tao. Ito po yung ating misyon bilang mga anak niya dahil sa ating dakilang huwaran ng paglilingkod at pagtupad sa dakilang kalooban, at yan ay si Hesus.

Reply

Melba G. De Asis October 24, 2018 at 5:28 am

Panginoon Hesukristo nawa’y matutuhan kong sumunod sa mga banal mong kautusan at makagawa ako ng kahit na maliit na bagay sa ikabubuti ng aking kapwa ng naaayon sa Iyong kagustuhan. Nawa’y maihanda ko ang aking sarili at higit kong hangarin na sundin ang Iyong mga salita para maging karapat dapat ako sa oras ng pagdating ng Panginoon. Pagpalain nawa tayo ng Panginoon, Amen.

Reply

Ellen Puso Soriano October 19, 2022 at 5:37 am

Papuri’t pasasalamat sa DIOS na siyang Susi ng ating kaligtasan. Sa ating ebanghelyo pinaalalahanan tayo muli NG ating Panginoong JESUS na dapat maging handa.. At hwag patumpik2 sa pagsasagawa o isabuhay ang kanyang mga banal na Aral..
Ihayag sa lahat ng dako. Hindi pwding sabihin na mamaya na o bukas nalang o DIOS kaya saka nalang dahil ang diablo double time naghanap ng paraan upang maagaw niya ang ating attention sa paggawa ng mabuti para sa ating kapwa, kapatid o sa pamilya. Tayo’y hinirang ng DIOS upang maihayag ang kanyang kadakilaan..at ang mga alagad ni KRISTO at witnessed sa kanyang mga mabuting gawa upang maparangalan ang DIOS amang nagsugo sa kanya. Kaya maging tayo rin dapat ay maging buhay na witnessed sa ginawa ni HESUS para sa ating lahat. At hwag nating hayaang agawin ng diablo ang binhing na itanim na sa ating mga Puso bagkos pagyabungin natin ito.gumawa ng mabuti,tumulong sa mga nanga2ilangan maliit o malaki mang bagay ito’y kinalulugdan ng DIOS. Nang sa ganun sa kanyang pagbabalik tayo’y makasama sa kanyang paraiso.. Ang buhay na walang hanggan Amen.

Manalangin tayo :

Mahal naming HESUS tulongan mo kaming sumunod sa iyong kaluoban at iasbuhay ang iyong mga banal na Aral
Ibahagi sa aming kapwa at maging mabuting halimbawa sa aming pamilya, kapatid o sa lahat ng taong nakasalamuha.higit sa lahat manatiling gising ang aming diwa sa pagsabuhay ng iyong mga banal na aral at ihayag sa mga taong nadirimlam. Mga taong walang puwang sa iyong mga banal na Aral.mga taong nalulong sa mga masamang bisyo.mga wasak na tahanan at mga nasirang relastion sa bawat pamilya.. Panginoon wala kaming magagawa kung wala ka sa aming mga buhay kailangan ka namin.. Ituro Nawa ng iyong banal na Espiritu Santo ang lahat naming gagawin. Upang hwag kaming mahulog sa patibong ng diablo.ang binhing inihasik mo sa aming mga Puso pag-alabin mo po ito.upang lalong tumibay ang aming buhay pananampalataya na may buong pananalig at pagtitiwala higit sa lahat ang pag-ibig moy maghari sa aming mga Puso ngayon at magpakailanman Amen

Reply

ruel arcega October 19, 2022 at 7:51 am

Sino ang tapat at matalinong alipin? ito ang tanong ni Hesus. Ang tapat o honest na alipin ay gagawin ang inuutos sa kanyan na kanyang panginoon at ang matalinong alipin ay yung alipin batid ang kaloobang ng kayang panginoon at ito ay gagawin niya. Pinaalalahanan tayo ng ebanghelyo na tayo’y mga alipin laman na pingaktiwalaan ng mga bagay dito sa mundo at meron ipinagagawa sa atin na dapat natin gawin upang sa pagdating ng panginoon ay nagawa natin ng maayus at ayon sa kalooban ng panginoon.

Reply

Mauro Austria October 19, 2022 at 8:31 pm

Ipinapaalala sa atin ng ebanghelyo sa araw na ito na lagi tayong maging handa sa bawat sandali nang ating buhay sapagka’t walang nakaalam ng oras ni araw ng kanyang muling pagbabalik. Nawa’y gawin natin ang mga bagay na bakabuluhan at h’wag gugulutin ang ating panahon sa mga bagay na walang kabuluhan.

Sa mga darating na mga araw, mapapakinggan o mababasa lagi natin ang tungkol sa paghahanda, sapagka’t nalalapit na tayo sa pagtatapos ng kalendaryo ng simbahan o ang tinatawag na Paghahari ng Panginoong Hesus sa buong Sanlibutan (Christ, the King of the Universe).

Maging mapagpakumbaba tayo sa ating kapwa, sapagka’t ito ang kinalulugdan ng ating Panginoon, na siyang ating gabay at pag-asa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: