Biyernes, Disyembre 25, 2020

December 25, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Disyembre 25

Puno ng kagalakan ang ating mga puso habang ginugunita natin ang Pagsilang ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo. Taglay ang mga pusong nagpapasalamat, manalangin tayo sa Diyos na ating Ama na nagsugo ng kanyang Anak upang tayo ay iligtas.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagpalain mo kami ng iyong presensya.

Sa pamamagitan ng ating pagpapatotoo sa Pagkakatawang-tao ng Diyos, nawa’y maranasan ng lahat ng tao sa mundo ang presensya ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang kapayapaan nawa’y maghari sa lahat ng mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga di-Kristiyano nawa’y mahikayat na kilalanin si Jesus, ang Diyos na Nagkatawang-tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mag-anak nawa’y mamuhay sa pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, at maayos na pagsasamahan sa Paskong ito, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha nawa’y makatagpo ng pag-asa at kagalakan sa pagdating ng Manunubos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, pinupuri ka namin dahil sa pagsusugo mo ng iyong Anak upang maging aming Tagapagligtas. Siya nawa ang aming maging liwanag, kagalakan, at kapayapaan sa buhay na ito hanggang sa walang haggan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2 3 4

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 16, 2020 at 11:42 pm

PAGMIMISA SA GABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON

Pagninilay: Isang dakilang gabi ang ating sinasaksihan at ginugunita ngayon. Ito yung tinaguriang kasayasayang “Silent Night, O Holy Night” at “Ang Gabing Payapa” dahil sa pinakamagandang biyayang katuparan ng Panginoong Diyos Ama para sa atin.

500 taon bago ang pagdating niyan, ipinahayag ni Propeta Isaias na may isang liwanag na tatanaw sa kadiliman, at gagabay sa mga taong namumuhay sa dilim. Noong panahon ni Isaias, nakasakop ang Juda sa pagsasalakay ng mga taga-Chaldea sa ilalim ng pamumuno ni Haring Nabucodonosor II. Kaya naging alipin ang mga tao ng Jerusalem at itinapon sa Babilonia. Kaya itong si Isaias, ipinabalita niya na may gaganap ng labanan sa pagitan ng Persya at Babilonia, at sa kautusan ni Ciro Magno ng Persya ay pinayagang bumalik ang mga Hudyo sa kanilang mga tirahan. Pero may isa pang tandang ibinigay ang propeta: ang propesiya tungkol sa sanggol na magiging Mesiyas. Sa Isaias 7:14, narinig natin na ang tanda ng panganganak ng Birhen sa Emanuel, ang sumasaating Diyos. At dito sa Isaias 9:5, sinasabi sa atin na ang Emanuel ay ang Walang Hanggang Diyos at Hari at Prinsipe ng Kapayapaan. Ito yung nagsisilbing liwanag sa dilim dahil ang Panginoong Hesus mismo ay ang liwanag na tatanglaw sa kadiliman ng ating mga buhay na nababalot sa kasalanan, kasamaan, bisyo, pagnanais, karahasan, digmaan, kalungkutan, at pagdurusa.

Sa banal na gabing ito, tayo’y mga saksi sa dakilang pangyayaring ito na naganap na makalipas ang higit na 2,000 taon. Ang nakakalungkot lang isipin ay sa kaalaman lang tungkol sa Pagsilang ng Panginoo’y umaabot ang diwa ng Pasko. Lalo na ang buong Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan, madalas naririnig natin ang mga pagdiriwang at ang kanilang mga kasaysayan sa Bibiliya, at alam na natin ang mga ito.

Aminin nating lahat na naging bisi tayo itong mga nakaraang araw sa paghahanda ng mga regalo, Christmas party, pagkain para sa Noche Buena, at ang badyet. Kaya nga hindi masyadong sikat ang Adbiyento sa mga popular na pagdiriwang ng kontemporaryong panahon, yung bagang espirituwal na paghahanda para sa Tatlong Pagdating ng Panginoon. Pero naririto po tayo ngayong gabi dahil sa alaala ng isang pangakong ibinigay sa ating lahat: ang Panginoong Hesus bilang Liwanag ng Sangkatauhan. Sa panahanong yaon (ika-4 na taon, BCE), mahirap ang naging paglalakbay nina Birheng Maria at San Jose patungong Bethlehem, ang Siyudad ni Haring David. Mas mahirap pa yung naranasan nila noong nawalan sila ng pagtutuluyang tahanan, at ang kanilang tinuluyan ay ang kuwadra ng mga tupa, baka, at asno.

Pero sa pagsapit ng Hatinggabi, nakasentro ang kasaysayan sa maluwalhating Kapangakan ng “Diyos na nagliligtas,” ang Panginoong Hesukristo (Yesh-wa). Pati mismong mga hayop na nasa kuwadra ay nag-iingay sa tuwa dahil sa pangyayaring iyon. Kahit siya ang Diyos at Mesiyas, wala siyang magarbong damit na sinutuan kundi ang isang lampin, at sa kahoy ng sabsaban siya’y hinimlay ni Maria. Ganun din 33 taong makalipas sa Bundok ng Golgota, huhubarin siya ng mga sundalong Romano at siya’y ipapako sa kahoy ng Banal na Krus upang ipakita ang dakilang pag-ibig ng Ama sa pamamagitan ng pagliligtas sa atin mula sa kasalanan. Kaya mahalaga ang simbolismo ng Christmas tree dahil inaalala natin ang Unang Pagdating ng Panginoon, at siya mismo’y nakapako sa Krus, ang puno ng buhay na nagtatagumpay laban sa puno ng kasalanan.

Mga kapatid, hindi lang dapat umaabot sa kaalaman ng tao tungkol sa kwento ng Unang Pasko, kundi pati na rin sa buhay niya tungkol sa tunay na diwa ng Pasko. Itong dakilang gabi ay nakapaganda sapagkat inaalala natin ang pinamagandang pangako ng Diyos. At sa bawat pagdiriwang ng Kapaskuhan, ang nais ng Panginoon ay maisilang siya hindi sa matataas na trono at hindi na sa kahoy ng sabsaban, kundi sa ating mga puso. Ang paalala ni San Pablo sa komunidad ni Obispong San Tito ay dapat din nating panindigan: upang maranasan natin ang biyaya ng Diyos na nagdulot sa ating kaligtasan, talikuran natin ang mga masasamang gawain at bisyo at mamuhay nang taimtim, mabubuti, at gumagawa ng mabuti.

Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Pagsilang, muli nating buksan ang ating mga puso at tanggapin natin si Kristo bilang Panginoon ng ating mga buhay. Alalahanin natin ang kanyang mga ipinangaral na turo, ginawang himala, at ang kanyang Misteryong Paskwal, at katulad niya ay sundin nawa natin ang dakilang kalooban ng Ama.

Reply

Reynald Perez December 19, 2020 at 1:16 pm

PAGMIMISA SA ARAW NG PASKO NG PAGSILANG

PAGNINILAY: Kamakailan lang, nakabihis ako upang mag-Simbang Gabi. Binigyan ako ng isang P1,000 at tatlong P20 para sa koleksyon ng Pag-aalay at pagkatapos ng Misa ay makabili ng Burger King. Malapit lang ang simbahan kaya’t isang lakad lang siya. Nang palabas na ako ng bahay, biglang nakita ako ng mga batang nangagaroling, at kumanta sila habang namamasko. Kaya binigyan ko sila ng isang P20, pero may isa pang batang umawit habang nagmamasko, kaya binigay ko sa kanya ang isa pang P20. Pagkatapos nito, naglakad na ako papuntang simbahan. At habang lumalakad, may isang grupo ng mga bata ang biglang nagmasko sa akin. Kaya ibinigay ko sila ang huling P20 mayroon ako. Yung mga batang binigyan ko ay nagpasalamat. Hindi ko nang akalain na P1000 na lang ang perang natitira, at tinitipid ko iyan para sa Burger King sapagkat humihingi din ang aking mga kapatid. Kaya nang umabot na Paghahanda ng mga Alay, inilibas ko ang P2 sa aking bulsa at iniligay sa koleksyon. Pagkatapos ng misa, naglakad ako at kumain muna sa Burger King. Sa labas ng kainang iyon, may isa pang nagmamaskong grupo ng batang aking nakasalubong. Dahil P1,000 na lang ang pera ko, ginamit ko ito muna upang bilihin ang aking mga order (dine in) at ang order ng aking mga kapatid (take out). At pagkatapos kong kumain, hawak ko ang order ng aking mga kapatid at pati ang isang ekstrang order para sa mga bata kasama ang donasyon para sa kanila, at sila’y nagpasalamat. Eto pa: hawak ko rin ang mga imahe ni Santa Teresa ng Kolkata at San Martin de Porres. Muntik ko na silang iwanan sa Burger King, pero mabuti namang bumalik ako at kinuha ko sila. Dinala ko sila upang ibasbas ng Pari, at parang silang gumabay sa akin sa araw na iyon sapagkat ayon sa kanilang talambuhay, naglingkod sila sa mga dukha, mahihirap, niyuyurakan, at mga ulila. Parang naisip kong iyan ang pinakamagandang regalo ko ngayong Kapaskuhan. At ngayong araw na ito, mayroong akong mga canned goods na nangangahalang P500 para ibigay ko mamaya ilang mga mahihirap na nakatulog sa mga kalye.

Ayon sa ating pananampalataya, naniniwala tayo na ang Panginoong Hesukristo ay tunay na Diyos (100%) at tunay na tao (100%). Ito’y dahil sa sinabi ni San Juan nang simulan niya ang kanyang Ebanghelyo sapagkat ang pokus ng Apostol ay tungkol sa hypostatic union. Si Hesus ay ang Walang-hanggang Salita na nagkatawang-tao upang tayo’y iligtas mula sa kasalanan, turuan na tayo’y magmahalan katulad ng patuloy na pagmamahal sa atin ng Ama, at marapatin tayong tawaging mga anak ng Kataas-taasan. Kaya nga ang kanyang imahe ngayong Pasko ay isang munting sanggol. Sa panahong kanyang kinasasakupan, ang mga bata at babae ay tinuturingan ng lipunan bilang mga mahihina dahil nakadepende sila sa kanilang mga tatay. Pero mismong si Kristo ang tuturo sa atin na sinumang mababang-loob na tatanggap sa Kaharian ng Diyos katulad ng isang bata ay papasok rito.

Kaya ang turo sa atin ay maging katulad ng isang bata (childlike), hindi yung isip-bata (childish). Si Hesus nga ay naging magpakumbaba at masunurin sa kalooban ng Ama hanggang sa punto na siya’y namatay sa Krus upang tayo’y mailigtas mula sa kasalanan. At kahit tayo’y makasalanan o mabuti, ang dahilan kung bakit siya’y nagkatawang-tao ay sapagkat mahal tayo ng Diyos at tayo’y kanyang mga anak sa liwanag at buhay.

Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Pagsilang, nawa’y manahan si Hesus sa duyan ng ating mga puso, tanggapin natin siya bilang Panginoon ng ating buhay, at mahalin at paglingkuran natin ang ating mga kapwa sa pamamagitan ng pagiging mabuting ehemplo at paggawa ng mga mabubuti at kawang gawa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: