Mga Pagbasa – Linggo, Hulyo 12, 2015

July 12, 2015

https://www.youtube.com/watch?v=nycSPTbvwrg

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Amos 7, 12-15
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Efeso 1, 3-14
Marcos 6, 7-13

Mga Pagbasa – Linggo, Hulyo 12, 2015
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

UNANG PAGBASA
Amos 7, 12-15

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos

Noong mga araw na iyon, hinarap ni Amasias, ang saserdote sa Betel, si Amos, “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka maghanapbuhay sa pamamagitan ng iyong panghuhula. Huwag ka nang manghuhula rito sa Betel. Narito ang pambansang templo at dito sumasamba ang hari.”

Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta – hindi ko ito hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya, sa mga taga-Israel.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita, iligtas kami sa dusa.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 1, 3-14

Pagbaasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

Tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayun kadakila nag pag-ibig na ipinadama niya sa atin! Binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala sa isasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo pagdating ng takdang panahon. Ang panukalang ito ay pag-isahin kay Kristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa.

At dahil kay Kristo, kami’y naging bayan ng Diyos na nagsasagawa ng lahat ng bagay ayon sa kanyang panukala at kalooban. Nangyari ito nang kami’y hirangin niya noon pang una – kaming mga unang umasa kay Kristo – sa lalong ikadadakila niya.

Kayo ma’y naging bayan ng Diyos nang kayo’y manalig sa kanya matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan – ang Mabuting Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Kaya’t ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santong ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. ang Espiritu ang katibayan ng mga pangako ng Diyos sa ating mga hinirang hanggang kamtan natin ang lubos na kaligtasan Purihin natin ang kanyang kadakilaan!

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 6, 7-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus and Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwa gkayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga taga-roon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: