Sabado, Enero 10, 2026

January 10, 2026

Sabado Kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon

1 Juan 5, 14-21
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

Juan 3, 22-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday after Epiphany (White)

UNANG PAGBASA
1 Juan 5, 14-21

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Minamahal kong mga kapatid, hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa Anak ng Diyos, sapagkat alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin na naaayon sa kanyang kalooban. Yamang alam nating dinirinig nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang hinihiling natin sa kanya.

Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayang espirituwal, ipanalangin niya ang kapatid na iyon, at ito’y bibigyan ng bagong buhay. Ito’y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi hahantong sa kamatayang espirituwal. May kasalanang hahantong sa kamatayang espirituwal, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal.

Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Hesukristo, at hindi sila maaaring anhin ng diyablo. Alam nating tayo’y mga anak ng Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.

At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo’y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Hesukristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.

Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyusan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5 at 6a at 9b

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa’t tambol ay tugtugin at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang,
sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.

Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.

ALELUYA
Mateo 4, 16

Aleluya! Aleluya!
Bayang nasa kadiliman
sa lilim ng kamatayan
ngayo’y naliliwanagan!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 3, 22-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon ng kaunting panahon kasama nila, at nagbinyag. Si Juan ay nagbibinyag rin naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabinyag. Hindi pa nakabilanggo noon si Juan.

Minsan, nakatalo ng mga alagad ni Juan ang isang Judio tungkol sa tanging paraan ng paglilinis. Kaya’t pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Rabi, yaon pong lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan ay nagbibinyag rin at nagpupunta sa kanya ang lahat!” Sumagot si Juan, “Walang tatanggapin ang tao malibang ipagkaloob sa kanya ng Diyos. Kayo na rin ang makapagpapatunay na sinabi kong hindi ako ang Kristo; sugo lamang akong mauuna sa kanya. Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak pagkarinig sa tinig nito. Gayun din naman, lubos na ang kagalakan ko ngayon. Kinakailangang siya ay maging dakila, at ako nama’y mababa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 2, 2022 at 10:00 am

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay nasa huling araw ng Epipanya, at bukas ay matatapos na ang Panahon ng Kapaskuhan sa pagdiriwang ng Pagbibinyag sa ating Panginoong Hesukristo. Pinagninilayan natin ang pagpapahayag ng Misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Diyos sa katauhan ng kanyang Anak na si Hesus.

Ang ating Ebanghelyo ay bumabalik sa katauhan ng Adbiyento na si San Juan Bautista. Matatandaan natin na siya ang naghanda ng matuwid na daan para sa pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng pangangaral sa ilang tungkol sa pagsisisi, pagbabalik-loob, at paggawa ng kabutihan. At ang tanda ng kanyang pangangaral ay ang pagbibinyag sa Illog Jordan, na ipinahayag naman niya tungkol sa mas dakila kaysa sa kanya ay magbibinyag sa mga tao sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya nang tanungin siya ng kanyang mga alagad tungkol sa isang taong nabinyagan niya, ang ipinahayag niya bilang Kordero ng Diyos, nagpakumbaba siya na hindi siya ang Mesiyas, kundi isang sugo upang maging tagapanguna na sumasaksi sa pagdating ng ipinangakong Tagapagligtas. Kaya sinabi sa huli ni Juan na siya dapat ay magpakababa upang ang kanyang pinsan ay dumakila. At ganun din ang nangyari nang patapos na siya sa kanyang ministeryo, nagsimula na rin ang pagpapahayag ni Hesus ukol sa pagdating ng Kaharian ng Diyos.

Magtatapos na ang Panahon ng Pasko ng Pagsilang. Mula sa isang batang sanggol na ipinanganak sa Bethlehem at naging bahagi sa isang Banal na Pamilya, siya’y lumaki sa edad ng 30, nagpabinyag sa kanyang pinsan, nag-ayuno ng 40 araw at gabi sa ilang, at nagsimula ng kanyang misyon sa pagpapangaral ukol sa Kaharian ng Diyos. Kaya ang Karaniwang Panahon ay mahaba sa ating kalendaryo bilang paggunita sa mga itinuro at ginawa ni Hesus habang nililubutan niya ang buong Israel at Palestina. Ito ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao na ipinahayag ng Diyos sa lahat ng tao. Ang paanyaya ngayon ay buong kababaang-loob tanggapin ang kanyang presensiya katulad ng pagpapakumbaba ni San Juan Bautista.

Reply

Jovito Uy Jr January 10, 2026 at 5:56 am

nice

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 8, 2022 at 9:20 am

Humility. Ito ang mensahe ng ating ebanghelyo ngayon na salaysay tungkol kay San Juan.

Kapatid, anuman ang narating mo, sino ka man ngayon ay manatili kq sa ibaba dahil tayo ay tao lamang at ang lahat ng mayroon tayo ay dahil niloob ng Diyos.

Nasan ka na? May sariling negosyo, mataas na ang posisyon sa kumpanyang pinapasukan, tumatanggap ng malaking sueldo, may sariling bahay at mga sasakyan, may lote, may kapangyarihan sa lipunan, iginagalang, kinatatakutan o angat sa iba? Ano ang dapat mong maging ugali kapag isa ka sa mga ito?

Magpakababa ka p din kapatid, magpasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyaya, magbahagi ng ng iyong grasya sa mga nangangailanagan, at higit sa lahat ay magpakabuti at suklian mo ang ipinagkaloob sayo mga Diyos. Huwag mong hahayaang lamunin ka ng kayabangan, mapagmataas, ganid at mawalan ng takot sa Diyos.

Pakatandaan mo na sa isang iglap lamang ay kayang bawiin ni Hesus ang kung anumang meron ka kung nanaisin nya. Manatiling maliit sapgkat ang nagmamakataas ay ibinababa at ang nagpapakababa ay itinataas.

Be humble, thankful and generous. Happy new year!

Reply

Mel Mendoza January 11, 2025 at 6:32 am

PAGNINILAY:

Ang Ebanghelyo ngayon ay nagtuturo sa atin ng kababaang-loob at tunay na paglilingkod. Makikita natin ang halimbawa ni Juan Bautista na malinaw ang kanyang papel bilang tagapagbalita at tagapagpakilala kay Hesus na narinig natin sa kanyang sinasabi sa mga pangangaral niya noong panahon ng Adbiyento-ang paghahanda sa daan ng Mesiyas. Hindi siya naghangad ng kaluwalhatian para sa sarili; sa halip, inialay niya ang lahat upang ituro ang landas patungo kay Kristo.

Ang pahayag ni Juan, “Dapat siyang maitaas at ako nama’y mababa,” ay isang paalala sa atin na ang bawat tagumpay, biyaya, o pagkilala na ating natatanggap ay dapat ibalik sa Diyos. Ang Diyos lamang ang dapat maitaas sa lahat ng ating gawain. Bilang mga alagad ni Kristo, tinatawagan tayong maging daan upang makilala ng iba ang Panginoon, hindi ang sarili nating interes.

Sa ating panahon, madalas na inuuna ang sariling ambisyon at karangalan. Maraming tao ang nahuhulog sa tukso ng pagmamalaki at kumpetisyon. Ang tanong: Ang ating mga gawain ba ay nagdadala ng papuri sa Diyos o sa ating sarili?

Ang kababaang-loob ni Juan ay nag-aalok ng mahalagang aral, lalo na sa mga katulad nating lingkod na kasangkot sa misyon apostoliko ng Simbahan. Karaniwan nang makaramdam ng inggit kapag ang ibang ministeryo ay mas mabilis na lumago kaysa sa atin. Subalit mahalagang maunawaan natin ang natatanging papel na ating ginagampanan sa misyon ng Simbahan. Dapat tayong magpokus sa pagtupad ng ating mga tungkulin nang hindi nakikita ang ating sarili bilang kakumpitensya ng iba. Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nangangahulugan ng pag-alam kung kailan dapat kumilos at kung kailan dapat magbigay-daan sa iba upang manguna. Ang ating priyoridad ay dapat laging ang paggawa ng kalooban ng Diyos, nang higit sa lahat.

Mga kapatid, napakagandang halimbawa ang ipinakita ni Juan Bautista sa Ebanghelyo ngayon. Ang kanyang kagalakan ay hindi nakasalalay sa sariling tagumpay kundi sa tagumpay ni Kristo. Ito ang tunay na espiritu ng kababaang-loob – ang pagbibigay daan para magningning ang ilaw ng Diyos sa ating buhay.

Ang misyon ni Juan ay parang papel ng kaibigan ng kasintahang lalaki – naroon siya upang suportahan, hindi upang agawin ang lugar ng lalaking ikakasal. Ito rin ang paanyaya sa atin: maging tapat na kaibigan ng Diyos at gabay ng iba patungo sa Kanya.

Sa ating mga parokya, pamilya, at komunidad, paano natin naisasabuhay ang kababaang-loob? Nawa’y makita sa atin ang pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Huwag nating ipagmalaki ang ating kakayahan kundi alalahaning ang lahat ay biyaya mula sa Diyos.

Tularan natin si Juan Bautista sa kanyang pagsuko sa kalooban ng Diyos. Sa ating mga tagumpay at pagsubok, ipagdasal natin na lagi nating masabi, “Dapat siyang maitaas, at ako nama’y mababa.”

Manalangin tayo. Panginoon, turuan mo akong maging mapagpakumbaba tulad ni Juan Bautista. Nawa’y maglingkod ako nang tapat sa Iyo at maipakita sa iba ang Iyong liwanag. Gamitin mo ako bilang instrumento upang makilala Ka ng iba. Amen.

Reply

MyraGocon January 11, 2025 at 10:17 am

Salamat sa Diyos… Ang kababaang loob ay panatilihin sa ating buhay para sa ikaluluwag ng ating kalooban at sa ikagagaan ng buhay, at
maipamahagi natin sa ating kapwa ang mga BANAL NA SALITA ng ating PANGINOON.

Reply

Mabel Racal Macandog January 10, 2026 at 4:58 am

Maraming Salamat po panginoon sa bagong araw na naman na ito na ipinagkaloob mo na naman sa amin at salamat po sa mga salita mo na araw araw naming nababasa naway patuloy naming maunawaan ang mga salita mo at patuloy po kaming makasunod sa iyong kalooban at maging gabay namin sa araw araw naming buhay,patawad po sa mga pagkakataon na kami po nakakagawa ng kasalanan naway patuloy mo po kaming akayin sa tamang landas..Salamat po.. Amen

Reply

Jovy Uy January 10, 2026 at 6:34 am

Reflection

Sa unang pagbasa, ipinakilala ni Juan the beloved na si Jesus ay tunay na Dios at buhay na walang hanggan.

Ang hindi pagkilala sa tunay na Dios at hindi pagsunod sa magandang balita ni Jesus ay isang espirituwal na kasalanan na hindi mapapatawad at may parusang walang hanggang kamatayan sa naglalagablab na apoy ng impiyerno. Habang ang nakakakila at sumusunod kay Jesus ay sila ang mga anak ng Dios at dahil dito, may proteksiyon sila upang hindi magpatuloy na magkasala at anuman ang hingin nila na naayon sa Dios ay ibibigay. Paano kung nagpapatuloy parin sa nagkakasala at hindi ibinibigay ang mga kahilingan, tunay bang anak ng Dios siya ?

Sa gospel reading, pinatunayan ni Juan Bautista na si Jesus ay higit sa kanya sapagkat mas dakila ang bautismong dala niya, ang bautismo ng Espiritu Santo na makapaliligtas habang ang bautismo niya ay sa tubig ng pagsisisi .

Tunay nga na napakahalaga na basahin, pakinggan at pag-aralan ang biblia upang makilala ang tunay na Dios at malaman kung ano ang magandang balita ni Jesus nang hindi maranasan ang paghihiganti ng Dios, ang mapasa impierno. Sapagkat galit na galit ang Dios sa hindi nakakakilala sa kanya at di nasunod sa magandang balita ni Jesus (2 Tesalonics 1:8-9).

Reply

BdKz January 10, 2026 at 6:21 pm

Choices in life to complete or to compete
Complete vs Compete is L
L stands for LOVE
LOVE – Living on Valued Energy
Compete keeps you tired and love dies
Relationships are for completion
Buhay ay hindi karera ito ay paglalakbay
Unahin ang gusto ng Diyos ang umibig at magmahal ng kapwa
Love complete not competes
Love make you happy and complete others
Kahit di mauna, mahuli ka man dahil ikaw payapa at panatag ang buhay ay tunay mahalaga.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Thank You, Lord.
#GvSaturday
Blessed 2026

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: