Podcast: Download (Duration: 7:26 — 9.2MB)
Kapistahan ng ating Panginoong Jesukristo,
Señor Jesus Nazareno
Mga Bilang 21, 4b-9
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Filipos 2, 6-11
Juan 3, 13-17
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of Our Lord Jesus Christ, Señor Jesus Nazareno (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Bilang 21, 4b-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Bilang
Noong mga araw na iyon, nainip ang mga tao sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila kay Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Sawa na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, sila’y pinadalhan ng Panginoon ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay namamatay. Kaya lumapit sila kay Moises. Sinabi nila “Nagkasala kami sa Panginoon at sa iyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ng Panginoon, “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay.” Gayun nga ang ginawa ni Moises. Mula noon, lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi namamatay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 1-2. 34-35. 36-37. 38
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
iyong dinggi’t ulinigin, salita kong binibigkas;
itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito’y mahiwaga.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Datapwat noong sila’y lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha’t sa kanya’y nagbalik-loob.
Noon nila nagunitang ang sanggalang nila’y ang Diyos.
Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Kaya’t siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao’y pakunwari’t balat-kayong matatawag.
Sa kanilang mga puso, naghahari’y kataksilan,
hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
Gayun pa man, palibhasa’y Diyos siyang mahabagin
ang masamang gawa nila’y pinatawad niyang tambing;
dahilan sa pag-ibig n’ya’y hindi sila wawasakin,
kung siya ma’y nagagalit, ito’y kanyang pinipigil.
Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Kami’y sumasamba sa’yo
at gumagalang sa krus mo
na kaligtasan ng mundo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit — ang Anak ng Tao.”
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Enero 8, 2026
Sabado, Enero 10, 2026 »




{ 7 comments… read them below or add one }
Ano ang tunay na pananampalataya?
Jesus of Nazareth o Jesus the Nazarene. Yan marahil ang pagkakakilala ng mga Hudyo sa ating Panginoon Hesus noong Siya’y namuhay bilang tao dalawang libong taon na ang nakakaraan. In fact, may pelikula pa nga na madalas nating panuorin kapag Holy Week na may pamagat na Jesus of Nazareth. At ngayong araw ay ipinagdiriwang ng Kristiyano Katolikong Pilipino ang Kapistahan ng Panginoong Hesus na Nazareno. Marahil ay napakadaming dadalo sa kapistahang ito para mapagaling sa kanilang karamdaman, matupad ang kanilang hinihiling o yung iba naman ay may panata na kailangan nilang gampanan.
Ano ba ang dapat na meaning sa pagsasabing kinikilala natin si Hesus bilang Nazareno? Sa ikalawang pagbasa ay sinabi ni Apostol San Pablo na si Hesus, bagamat Siya ay Diyos ay hindi piniling maging kapantay ng Diyos. Bagkus ay hinubad Niya ang pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay bilang alipin. Tayo bilang mga tao, gaano natin kayang talikuran ang ating position sa lipunan o kahit sa ating tahanan, para mamuhay bilang isang tapat na tagapaglingkod? Si Hesus ay higit pa sa V.V.I.P., Siya po ang Panginoon, ang Salita ng Diyos na lumikha sa atin at sa mundong ginagalawan natin. Siya po ay Hari ng lahat, sinasamba ng mga milyong-milyong mga anghel sa kalangitan bente-kwatro oras. Ngunit dahil sa pag-ibig sa Ama at pagsunod sa Kanya, at ang dakilang pag-ibig sa atin, bumaba Siya mula sa langit at nakipamuhay sa gitna natin.
At pano nga ba makadanas ng mamuhay na kasama ng tao? Oo, may mga masasayang sandali, may katuwaan, kagalakan, pagkakaisa, pagmamahalan, pagbibigayan. Yan siguro ang perfect scenario ngunit dahil tayo’y nandito sa mundo, meron ding pag-aawayan, pagmamataasan, kasakitan, nakawan, pagmamalupit, at kamatayan. Mula sa perfect Heaven ay bumaba si Kristo para maranasan lahat ng kadumihan sa mundo. At higit sa lahat ng kanyang mga naranasan, ang Hari ng Sanlibutan ay piniling magpakasakit at ialay ang sarili para sa pag-ibig Niya sa Diyos at sa atin.
Ang sabi pa nga mula sa Aklat ni Propeta Isaias, “Marami ang nagulat nang siya’y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya, halos hindi makilala kung siya ay tao.” Sa palagay ko, ito ang gustong ipahatid na mensahe ng Panginoong Hesus na Nazreno. Na ang Diyos na ating sinasamba, ang Hari ng Sanlibutan, ang may gawa ng langit at lupa, ay piniling magpakasakit para sa ating lahat, kahit hindi na Siya makilala ng tao. Marahil ay nagkabasag-basag na ang Kanyang katawan at mukha. Marahil kaya itim ang kulay ng Poong Nazareno ay upang ipakita na Siya ay duguan beyond comparison. Di ba’t ang dugo ay nangingitim pag namumuo o natutuyo?
Mga kapatid, tunay ba nating nalalaman ang totoong pagsamba sa Diyos at sa ating Panginoong Hesus? Tunay ba nating naiintindihan ang pagpapakasakit at kamatayan Niya para tayo ay mailigtas? I pray that we will always bear it to our hearts and mind, body and soul: ang walang kapantay na pag-ibig ng Diyos at ni Kristo Hesus sa atin. I pray na ang pag-ibig ng Diyos na ating nalaman at pinapaniwalaan ay maghantong sa pag-iwas natin sa kasalanan, at pagbibigay ng pag-asa sa iba lalo na sa mga hindi naniniwala o mahina ang pananampalataya. Oo, ang pananampalataya kay Kristo ay maaring makapagbigay ng kaginhawaan sa ating buhay dito sa mundo, o di kaya nama’y mapagaling ang ating mga karamdaman. Pero higit sa lahat, at ang pinakaimportante sa lahat, ang pananampalataya kay Kristo ay magdudulot sa atin ng buhay na walang hanggan.
Si Hesus mismo ang nagsabi, ang pananampalataya Anak ng Diyos ay may kalakip na pangako: “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Manampalataya tayo sa Panginoong Hesus. Ang pananampalataya ay nasa puso ng tao at wala sa mga bagay na nakikita at nahahawakan. Ang sabi nga ng Panginoon kay St. Thomas: “Pinagpala silang hindi nakakita gayunma’y naniniwala.”
Amen.
PAGNINILAY: Tuwing ika-9 ng Enero, ipinagdiriwang ng lokal na pamayanan ng Quiapo ang isa sa mga pinakamatanda at pinakamatinding debosyon sa ating pananampalatayang Kristiyano, at ito ang debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno. Ang imahen ng Itim na Nazareno ay higit na 400 taon nang idala ito sa Maynila mula Acapulco, Mexico sa kapanahunan ng Kalakalang Galyon. Dati inilagay ito sa isang dating simbahan sa Intramuros, subalit nagkaroon ng mga sunog at lindol, kaya nawasak ang istruktura. Subalit himalang nakaligtas ang imahen mula sa pagkawask ng mga trahedya. Kaya siya’y inilipat sa Simbahan ng Quiapo, na mas kilala rin bilang St. John the Baptist Parish, subalit nagkaroon rin ng malalakas na lindol kaya nasira ang istrukturang ito. Hindi kailanman nawasak ang imahen ng Itim na Nazareno. Nagkaroon ng malalaking pagpapaayos at pagpapaganda ng simbahang ito, at hindi akalaing nakaligtas rin ang tahanan ng ating Poong Hesus Nazareno, pati na siya mismo, mula sa pagkawasak ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya ang Simbahan ng Quiapo na pinakagandahan pa matapos ang digmaan at ito rin ay ipinagkaloob na gawing Basilika Minore, kaya itong tahanan ng Itim na Nazareno ay kilala ngayon bilang “Minor Basilica of the Black Nazarene”.
Mula noon hanggang sa kasalukuyan bagamat luma na ang debosyong ito, patuloy na tumitindi ang pananampalataya ng mga namamanta sa Mahal na Poong Hesus Nazareno. Kaya dumadami ang nakikipagdebosyon sa ating Panginoon. Siguro tingin ng ibang tao ay sila’y parang mga panatiko na masyadong kumakapit sa isang ordinaryong larawan. Ang ibang mga sekta naman ay nag-aakusa na ang mga Katoliko ay sumasamba sa imahen na ginagawa daw natin “diyos” upang may masabi sila na tayo’y lumalabag daw sa utos ng Diyos. Subalit kung babasahin po natin ang mga testimonya ng mga namamanata lalung-lalo ang mga nakikidalo sa Pista ng Quiapo, karamihan sa kanila ay nakaranas ng mga problema sa buhay. Ngunit nang sila’y nakikipagdebosyon sa ating Mahal na Poong Hesus Nazareno, tila nga ba’y sinagot ang kanilang panalangin. Ang importante rin sa bawat tao ay buhay na parang ito’y isang pasasalamat na sila’y nakakabangon pa tuwing umaga. At idinudulog din nila sa Poong Hesus Nazareno ang mga intensyon ng kanilang mga mahal sa buhay. Kaya ang ating sinasamba ay ang Panginoong Hesukristo mismo, hindi ang imahen. Ang imaheng iyon na itinuturing na milagroso ay representasyon ng kadakilaan ni Hesus. Sa katunayan, marami sa mga deboto ay kita-kitang nakikipagsiksikan sa kakapalan ng tao para lamang makalapit sa Andas at hawakan ang Panginoong nakarepresenta sa imahen ng Itim na Nazareno. Parang kasingtulad ito ng kwento ng pagpapagaling ni Hesus sa isang babaeng nagdudugo sa loob ng 12 taon. Narinig niya ang mga maraming bagay tungkol kay Kristo, kaya siya mismo ay naghangad na makahawak sa damit nito upang gumaling, kahit siya’y nakipagsiksikan. At siya’y napansin ni Hesus at ipinuri sa kanyang pananampalataya. Kaya ganyan din ang disposyon ng mga deboto upang makalapit sila sa Itim na Nazareno dahil alam at ramdam nila ang presensiya ni Kristo.
At ang kahalagahan sa pagiging deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ay ang pagsasabuhay ng kanyang aral at halimbawa. Ang mga Pagbasa na ginamit ngayon sa Pista ng Quiapo ay siya manag ginagamit ng Simbahan tuwing Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal (Setyembre 14). Ang mga ipinahayag na pagbasa sa Simbahan ng Quiapo at Qurino Grandstand ay isang paanyaya na yakapin ang Krus ng ating Panginoong Hesukristo. Kaya ito ang isinalaysay ni Hesus kay Nicodemo sa Ebanghelyo tungkol sa pagtatampok sa kanyang nakapako sa Krus katulad ng pagtatampok ni Moises sa tansong ahas sa isang poste ayon sa Unang Pagbasa, upang ang mga sumasampalataya ay mabubuhay ng walang hanggan sa langit. Kaya isinaad dito ni San Juan ang pinakatanyag na Biblical passage tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Tunay na minahal tayo ng Ama kahit ang tao ay nagkasala, kaya isinugo niya ang kanyang Anak upang tayo’y mas palalamin pa ang ating pananampalataya sa kanya. At ito’y nakikita sa paanyaya na sumunod sa yapak ng ating Panginoong Hesukristo, kasama ang pagpapasan ng mga krus. Ipinahayag ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang “kenosis” o ang pagtubos ni Kristo sa paghubad ng kanyang pagka-diyos upang maging kapiling natin at maging masunurin sa kalooban ng Ama. Ito’y kanyang ipinakita sa atin hanggang siya’y namatay sa Krus upang ipakita sa atin ang daan tungo sa kaluwalhatian at kaliwanagan. Ang pag-aalay ni Hesus sa Banal na Krus ay ang dakilang sakripisyo na nagdulot ng kapatawaran ng ating mga kasalanan at karapatan na tawaging tayong mga anak ng Diyos. Kaya tayong lahat maging deboto maan ng Poong Nazareno o hindi ay inaanyahan na magsakripisyo rin hindi para mapagod, kundi upang dumaloy ang kabutihan ng Diyos na tatanggapin ng marami. Nawa sa ating buhay ay tanggapin natin ang ating Mahal na Poong Hesus Nazareno sa ating buhay at sumunod sa kanyang mga yapak sa paggawa ng mga sakripisyong ikakabuti ng maraming tao alinsunod sa dakilang kalooban ng Panginoong Diyos.
VIVA, POONG JESUS NAZARENO!
PAGNINILAY:
Ang kapistahan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno ay isang paalala ng dakilang sakripisyo ni Kristo para sa ating kaligtasan. Ang imahe ng Nazareno, na may krus sa kanyang balikat, ay nagpapakita ng Diyos na nagpakababa upang akuin ang ating mga kasalanan at dalhin ang bigat ng ating pagkakasala.
Sa Ebanghelyo, ipinaalala sa atin ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Si Hesus, ang Anak ng Diyos, ay bumaba mula sa langit upang iligtas tayo mula sa kamatayan ng kasalanan. Ang “pag-akyat” na binabanggit dito ay ang kanyang pagpapako sa krus at ang kanyang tagumpay sa muling pagkabuhay. Ang krus, na sa paningin ng mundo ay tanda ng kahihiyan, ay naging simbolo ng kaligtasan at pag-asa para sa ating lahat.
Ang ating pananampalataya ay nakasentro sa pagmamahal ng Diyos. Hindi niya tayo hinatulan kundi iniligtas sa pamamagitan ni Kristo. Ang ating tugon sa pagmamahal na ito ay ang pagtitiwala, pagsampalataya, at pagsunod sa kanyang kalooban.
Mga kapatid, tuwing ginugunita natin ang Kapistahan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno, tayo ay inaanyayahan na pagnilayan ang ating personal na paglalakbay kasama ang Diyos. Katulad ng Nazareno, tayo rin ay may mga pasan sa buhay—mga krus na minsan ay tila napakabigat. Ngunit ang paanyaya ni Kristo ay sundan siya at pasanin ang ating krus na kasama Niya.
Makikita natin sa imahe ng Nazareno ang Diyos na nakikiisa sa ating paghihirap. Hindi siya Diyos na malayo, kundi Diyos na naririyan, kasama natin sa bawat paghihirap, sa bawat pagsubok. Ang kanyang pagpapakasakit ay hindi lamang upang iligtas tayo, kundi upang ipadama na hindi tayo nag-iisa.
Bilang tugon, tinatawag tayo na maging tagapagdala rin ng liwanag ng krus sa iba. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pag-asa, pagmamahal, at awa, tayo ay nagiging katuwang ni Kristo sa pagpapakita ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Napakahalaga na maipadama natin ang presensya ng Diyos sa ating kapwa bilang bahagi ng Kanyang katawan ito ang sinasabi ni St. Theresa of Avila na “tayo ang buhay na katawan ni Kristo”.
Ngayong araw ng kapistahan, nawa’y tularan natin si Kristo sa kanyang kababaang-loob at pagtanggap sa krus. Tularan din natin ang kanyang walang hanggang pagmamahal na handang magsakripisyo para sa iba. Sa ganitong paraan, tunay na mabibigyang-buhay natin ang ating pananampalataya at maipapahayag ang Mabuting Balita sa ating kapwa.
Panalangin:
Amang mapagmahal, sa pamamagitan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno, turuan mo kami ng kababaang-loob at lakas ng loob upang pasanin ang aming mga krus. Patatagin mo ang aming pananampalataya upang higit naming maipamalas ang iyong pagmamahal sa aming kapwa. Amen.
Nuestro Padre Hesus Nazareno, ipanalangin mo kami!
PAGNINILAY:
Ang kapistahan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno ay isang paalala ng dakilang sakripisyo ni Kristo para sa ating kaligtasan. Ang imahe ng Nazareno, na may krus sa kanyang balikat, ay nagpapakita ng Diyos na nagpakababa upang akuin ang ating mga kasalanan at dalhin ang bigat ng ating pagkakasala.
Sa Ebanghelyo para bukas, ipinaalala sa atin ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Si Hesus, ang Anak ng Diyos, ay bumaba mula sa langit upang iligtas tayo mula sa kamatayan ng kasalanan. Ang “pag-akyat” na binabanggit dito ay ang kanyang pagpapako sa krus at ang kanyang tagumpay sa muling pagkabuhay. Ang krus, na sa paningin ng mundo ay tanda ng kahihiyan, ay naging simbolo ng kaligtasan at pag-asa para sa ating lahat.
Ang ating pananampalataya ay nakasentro sa pagmamahal ng Diyos. Hindi niya tayo hinatulan kundi iniligtas sa pamamagitan ni Kristo. Ang ating tugon sa pagmamahal na ito ay ang pagtitiwala, pagsampalataya, at pagsunod sa kanyang kalooban.
Mga kapatid, tuwing ginugunita natin ang Kapistahan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno, tayo ay inaanyayahan na pagnilayan ang ating personal na paglalakbay kasama ang Diyos. Katulad ng Nazareno, tayo rin ay may mga pasan sa buhay—mga krus na minsan ay tila napakabigat. Ngunit ang paanyaya ni Kristo ay sundan siya at pasanin ang ating krus na kasama Niya.
Makikita natin sa imahe ng Nazareno ang Diyos na nakikiisa sa ating paghihirap. Hindi siya Diyos na malayo, kundi Diyos na naririyan, kasama natin sa bawat paghihirap, sa bawat pagsubok. Ang kanyang pagpapakasakit ay hindi lamang upang iligtas tayo, kundi upang ipadama na hindi tayo nag-iisa.
Bilang tugon, tinatawag tayo na maging tagapagdala rin ng liwanag ng krus sa iba. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pag-asa, pagmamahal, at awa, tayo ay nagiging katuwang ni Kristo sa pagpapakita ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Napakahalaga na maipadama natin ang presensya ng Diyos sa ating kapwa bilang bahagi ng Kanyang katawan ito ang sinasabi ni St. Theresa of Avila na “tayo ang buhay na katawan ni Kristo”.
Ngayong araw ng kapistahan, nawa’y tularan natin si Kristo sa kanyang kababaang-loob at pagtanggap sa krus. Tularan din natin ang kanyang walang hanggang pagmamahal na handang magsakripisyo para sa iba. Sa ganitong paraan, tunay na mabibigyang-buhay natin ang ating pananampalataya at maipapahayag ang Mabuting Balita sa ating kapwa.
Panalangin:
Amang mapagmahal, sa pamamagitan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno, turuan mo kami ng kababaang-loob at lakas ng loob upang pasanin ang aming mga krus. Patatagin mo ang aming pananampalataya upang higit naming maipamalas ang iyong pagmamahal sa aming kapwa. Amen.
Nuestro Padre Hesus Nazareno, ipanalangin mo kami!
Maligayang kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno!
Naalala ko noong ako’y nagtatrabaho pa sa Unionbank, ang boss ko namin noon ay si Sir Caloy Saldua. Nagkaroon ako ng problema sa banko, na hindi ko nman kasalanan, ngunit bilang Branch Manager ay dapat nacheck ko iyon at hindi nangyari. Nakasalalay ang aking promosyon doon. Naalala ko ang sinasabi nilang itim na Nazareno na kapag humiling ka daw ay talagang pakikinggan at matutupad. Kaya ako’y pumasok sa restroom ng banko nilock ang pinto at lumuhod dala ang maliit na imahe ng Nazareno. Sinabi ko sa kanya na ngayon lang ako hihiling sayo, at kapag natupad ang dasal ko ay magiging deboto mo ako. Milagro ay nasolusyunan nga ang problema ko sa trabaho ng very smoothly. Simula noon ay tuwing Biernes ay nagpupunta ako sa Quiapo upang magsimba at magpuri sa Nazareno. Hindi ko lang kaya ang sumalang sa translacion. Yan ang aking karanasan at patotoo sa itim na Nazareno.
Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay may pagkakatulad. Sa Unang Pagbasa ay ang lahat ng makagat ng ahas at tumingala sa ahas na tanso ay hindi mamamatay, Gayin din ang ebanghelyo, kung tayo ay nakakaranas ng kapighatian, kagutuman, pagka uhaw, karamdaman, kasawian, kalungkutan at kahit anong paghihirap sa buhay na ito,, Tumingala lamang tayo kay Hesus na nakabayubay sa Krus, at tayo ay gagaling, liligaya, bibiyayaan, pakikingan ang hiling, mawawala ang sakit at makakaramdam ng Peace of Mind na hindi kayang bilin ng pera.
PAGNINILAY
Sa unang pagbasa ipinakilala ng Dios ang pagmumulan ng kagalingan ng kagat ng ahas . Na ang sinumang maniwala at tumingin sa bronseng ahas na inilagay ni Moses sa isang poste ay gagaling subalit kung ang sugat nila ang titignan ay mamatay sila .
Sa ikalawang pagbasa, ipinakilala ni Pablo si Jesus bilang Dios na nagpakababa at nagkatawang tao upang maging modelo natin sa pagiging masunurin sa kalooban ng Ama hindi gaya ng mga Israelita na pasaway kaya siya ay binuhay muli at binigyan ng karangalan ng Ama.
“Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos. Bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan. Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.”
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.
Sa gospel reading, ipinakita dito ang katuparan ng propesiya ng itayo ni Moses na bronseng ahas sa ilang bilang anino ni Jesus nang ipako siya sa krus para sa kagalingan of katubusan ng ating mga kasalanan upang ang sinumang maniwala dito ay mabubuhay forever . Kung bakit bronseng ahas ang ginawang anino ni Jesus ay sapagkat ang kamandag ng ahas na kasalanan natin ay nailipat lahat kay Jesus at siya ang umako sa parusa natin forever na kamatayan sa impiyerno na lubos nating ipinagpasalamat . Subalit kung laging ang kasalanan bilang sugat natin na dulot ng ahas na diablo ang titignan imbes na maniwala sa pantubos na dugo ni Jesus ay tiyak na sa matatapon tayo forever sa impierno sapagkat tanging pagtingin o paniniwala lamang sa katubusan ni Jesus tayo gagaling at makasigurong makaakyat sa langit.
PAGNINILAY
Sa unang pagbasa, ipinapaalam sa atin na sa pananampalataya tayo magtatagumpay na ibigin at paglingkuran ang Dios at kapwa.
Ang “faith’ ay hindi galing sa atin sa pagsasabing, “kailangan kong maniwala”, kundi kusang dumarating ito sa ating puso sa pamamagitan ng pakikinig ng salita ng Dios (Roma 10:17).
“Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.”
Sa gospel reading, ipinakita ni Jesus na sa pagbabasa ng kasulatan ay makikilala at mapagtagumpayan natin siyang ibigin bilang Dios ayon sa mga propesiya ng nakatala sa kasulatan tungkol sa kanya .
“Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:
“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
At sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”
Kaya inaanyayahan tayo ng simbahan na magbasa at makinig ng mga daily mass readings nang sa ganoon ay magkaroon tayo ng matibay na “faith” at magtagumpay