Miyerkules, Disyembre 31, 2025

December 31, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Disyembre 31

Sa pagtatapos ng taon, purihin at pasalamatan natin ang Diyos para sa maraming biyayang ibinuhos niya sa atin lalo na ang handog niyang Anak na si Jesus.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain at ipagsanggalang mo kami.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na iparangal ang kagalakang hatid ng pagdating ni Jesus na aming Tagapagligtas, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno at nanunungkulan sa pamahalaan nawa’y ituring ang Salita ng Diyos bilang bantayan at adhikain ng kanilang mga pagsisikap, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng ating banal at huwarang pamumuhay, maihatid natin ang liwanag ni Jesus sa mga taong ang buhay ay pinadilim ng kasalanan at pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makita ang pag-asa ng panunumbalik ng kanilang kalusugan at ganap na paggaling sa pagdating ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mananampalatayang namayapa na ay makabahagi nawa sa liwanag ng kaluwalhatian sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming mapagmahal, nagpapasalamat kami sa iyo sa pagbabahagi mo sa amin ng iyong buhay. Nawa ay matalikuran namin ang kasalanan at sa pagsalubong namin sa isa pang taon, puspusin mo kami ng liwanag, pag-asa at pag-ibig. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Ferdy Baetiong Pariño December 31, 2021 at 9:18 am

Kamusta ka? Tapos na naman ang taon, ano ang nagawa mo? Ano ang mga hindi mo nagawa? Kapaki pakinabang ba ang iyong taon? Makabuluhan ba ang 2021 mo?

Ngayong huling ng taon ay magmuni muni tayo, huminto sandali at suriin ang ating mga sarili. Tayo ba ay may natulungang tao? Napatawad ko na ba ang aking kapatid at mga kaaway? Amg mga inatupag ko ba ay makabuluhan o pag-aaksaya lamang ng oras. Minahal ko ba ang aking kapwa at lalo na ang Diyos?
O puro pagdaramot ang ginawa ko sa aking kapwa, o inubos ko ang aking panahon sa pakikipag tsismisan, paninirang puri, paggawa ng kwento ng kasinungalingan , ginugol ko ang taon sa katakawan sa pita ng laman, pakiki-apid, pangangalunya at pagnanasa sa hindi ko pag aari.

Kung sa palagay mo ay hindi ka naging kalugod lugod sa Diyos sa mga pinag gagawa mo ngayong taon ay magsisi ka, ihingi mo ng kapatawaran ang buong taong kapalaluan, at umpisahan ang darating na taon ng may pagbabago, bagong taon at bagong pag asa na makapagsimula ulit tayo na sumusunod sa kalooban ng Diyos. At huwag kalimutang magpasalamat sa lahat ng biyayang natanggap ng taong ito.

Reply

Reynald Perez December 29, 2022 at 3:45 pm

PAGNINILAY: Tayong lahat ay nasa Ikapitong Araw ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang, at ito rin ay ang huling araw ng taong 2022. Habang binabalikan natin ang mga alaala nitong taong ito, tayo rin ay naghihintay sa pagsapit ng bagong taon sa ating kalendaryong sibil (2023).

At sa pagbabalik-tanaw ng mga pangyayari nitong 2022, ang Ebanghelyo ngayon na ating binasa noong Araw ng Kapaskuhan (Disyembre 25) ay siyang nagpapaalala sa atin na ang simula ng mga bagay ay palaging nakaukol sa Panginoong Diyos. Sa katunayan, ang pokus ni San Juan sa kanyang pagsasalaysay ay upang ipahayag si Hesukristo bilang totoong Tao at totoong Diyos. Kaya nga ipinakita dito na si Hesus ay ang Salita ng Diyos na nabuhay pa bago nilalang ng Ama ang mundo. At sa kaganapan ng panahon ay nagkatawang-tao ang Salitang ito at nakipamuhay sa atin.

Kaya nga si Hesus ay piniling maging katulad ng tao nang walang pagkakasala upang iakay ang ating abang katauhan na nabulok ng kasalanan sa pangako ng kaluwalhatian sa langit kapiling ang ating Diyos Ama. Kaya nga ang buhay at halimbawa ni Kristo sa mga Ebanghelyo ay isang balik-tanaw, lalung-lalo ngayong Panahon ng Pasko ng Pagsilang ang kanyang Pagkatawang-tao bilang pagpapakumbaba at pagiging masunurin sa plano ng Diyos.

At ipinapaalala rin sa atin ni San Juan sa Unang Pagbasa na sa pagtatapos ng taon ay mag-ingat po tayo sa mga lumalabas na “Kristo raw”, pero sa totoo ay sila ay anti-Kristo. Hindi po dapat tayo malinglang sa mga nagsasabing mabuti ang kanilang paglalakad, pero ang patakaran ay mapagligaw ng iba sa maling landas. Kaya hilingin natin sa Panginoon ngayong pagsapit ng Bagong Taon na patuloy tayong lumakad sa daan ng kaliwanagan sa paggawa ng katuwiran at kabutihan.

Reply

FRANCIS CHARLES ESTABILLO December 27, 2024 at 9:11 pm

Sa ating unang pagbasa wakas ang tinalakay ata sa ating Ebanghelyo naman ay ang pagsisimula. Magandang bigyang pansin natin ito na sinasabi sa tin ngayon ng Diyos na sa tuwing may natatapos palaging may bagong paparating. Inaalis ng Diyos ang mga luma at pinapalitan ng bago, ngayon ay huling araw ng taon at bukas bagong taon na. Sa ating mga pagbasa nais ng Diyos ipagbigay alam sa atin na sa tuwing may natatapos mayroon siyang bagong ibibigay sa atin. Ngayong taon ay Hubileyo ng Pag-asa nais ng Diyos na bigyan tayo ng bagong pag-asa at umasa tayo sa kaniyang kapangyarihan at mga pamamaraan. Baka may mga kahilingan pa tayo na hindi pa dinidinig ngayon ng Diyos, baka nawawalan na tayo ng pag-asa kung sasagutin ba niya ang mga ito. Pero ang ating tandaan na ang Diyos ang magbibigay sa atin ng pag-asa at lakas para harapin ang ating buhay, kasama natin siya sa paglalakbay na ito, umasa tayo na gagawa ang Diyos para solusyonan at bigyang kasagutan ang lahat ng nangyayari sa ating buhay at bigyang kasagutan angn ating mga panalangin at kahilingan. AMEN

Reply

Stephanie December 28, 2024 at 4:45 pm

wala po bang second reading?

Reply

Mel Mendoza December 30, 2024 at 10:49 pm

PAGNINILAY:

“Sa simula pa’y naroon na ang Salita. Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Ang simula ng Ebanghelyo ni San Juan ay isang malalim na paanyaya sa atin upang pagnilayan ang misteryo ng Pagkatawang-tao ng Diyos. Ang Salita na naging tao ay si Hesus, ang Liwanag ng sanlibutan. Pinapaalala nito sa atin na ang Diyos ay hindi malayo o malabo; sa halip, Siya ay nagkatawang-tao upang makiisa sa ating kalagayan bilang tao.

Si Hesus ay dumating sa mundo upang magbigay-liwanag sa mga nasa kadiliman. Ang Kanyang presensya ay nagbibigay ng pag-asa at buhay sa mga nawawala at naliligaw. Sa kabila ng ating mga kasalanan at kahinaan, pinili Niyang makiisa sa atin upang ipakita ang Kanyang dakilang pagmamahal upang maligtas tayo sa kamatayan dulot ng kasalanan. Ang pagiging tao ni Hesus ay ang sagot ng Diyos sa ating pangangailangan para sa kaligtasan. Ipinakikita nito na ang Diyos ay handang magpakumbaba upang makiisa sa ating buhay, upang maipadama ang Kanyang pagmamahal at awa.

Sa ating mundo na puno ng hamon at pagsubok, ang pagsilang ni Hesus ay ang Liwanag na gumagabay sa atin. Sa bawat pagkakataong tayo ay nakadarama ng kawalan ng pag-asa, pinapaalala Niya na ang Kanyang liwanag ay hindi kailanman magagapi ng kadiliman. Sa pamamagitan ng ating pananampalataya at mabubuting gawa, tayo ay nagiging mga saksi ng liwanag na ito sa ating kapwa.

Bagamat ang Salita ay dumating sa Kanyang bayan, marami ang hindi tumanggap sa Kanya. Ito ay paalala na ang tunay na pananampalataya ay nangangailangan ng ating ganap na ugnayan at personal na pagtanggap kay Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ang tumatanggap sa Kanya ay nagiging anak ng Diyos at nagkakamit ng bagong buhay. 24hrs nalang bagong taon na akma ang okasyong ito para harapin ang panibagong simula ng buhay na kasama si Kristo sa pamamagitan ng paglimot at pagtalikod sa mga bagay na nagiging hadlang sa magandang pakikipag-ugnayan natin sa Diyos.

Sa panghuli, ang Ebanghelyo ay paanyaya na makita si Hesus bilang Emmanuel, ang Diyos na sumasa-atin. Ang Kanyang pagiging tao ay paalala na ang ating buhay bilang tao ay mahalaga sa Diyos sapagkat Siya ay lagi nating kapiling. Gawin nating layunin ang makipag-ugnayan sa Kanya, ipamuhay ang Kanyang aral, at maging bahagi ng Kanyang kaluwalhatian.

“Sa Kanyang pagiging tao, tinawag tayong maging liwanag sa mundo, tapat na anak ng Diyos, at kabahagi ng Kanyang walang hanggang buhay.”

Manalangin tayo. Panginoong Hesus, Salita ng Diyos na nagkatawang-tao, salamat sa Iyong pagdating upang bigyang-liwanag ang aming buhay. Tulungan Mo kaming tanggapin Ka nang buong puso at maging liwanag din para sa iba. Gabayan Mo kami sa landas ng kabanalan at pagkakaisa sa Iyo. Amen.

Reply

Michelle Culaba December 28, 2025 at 6:29 pm

salamat at marami akong natutunan sa mga nai share nila kaya malaking bagay s bawat pagninilay

Reply

BdKz December 31, 2025 at 6:45 pm

“Everything will be okay in the end. If it’s not okay, it’s not the end.” ? John Lennon.
*5 Things to let go
**Let go of the old for something new.
**Let go of the pain that God healed from you.
**Let go of the things that are not working, useless and broken.
peace outside is a peaceful heart.
**Let go of toxic people
what you consumes, consumes you.
**Let go of anger and grudges in our life.
New heart is a new life.
If you do not let go you will never grow.
Hold on to God’s grace so that we will to finish the race.
God is not done writing our story, the beautiful story
God helps who helps themselves.
Nawa’y ang pagbabasbas na tinanggap natin ay maging pagbabasbas at regalo din sa ating kapwa.
Baguhin ng Diyos ang ating loob na maging instrumento at daan ng pagbabago ng mundo.
Salamat Panginoon, kami ay nagpupuri at nagpapasalamat na kami ay nakrating sa pagtatapos ng 2025.
At sa 2026 na padating patuloy nyo po kaming tulungan at basbasan.
Thank you 2025 & Blessed 2026.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Thank you, Lord.
#GvWednesday
Blessed 2026 for us.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: