Podcast: Download (Duration: 5:48 — 4.2MB)
PANALANGIN NG BAYAN
San Esteban
Sa gitna ng panahon ng pagsasaya dahil sa Pagsilang ng ating Tagapagligtas, ipinaaalala sa atin ng Simbahan ang krus na inilalarawan ng pag-aalay ni San Esteban ng kanyang sarili. Samahan natin siya sa ating pananalangin para sa ating kapwa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng buhay, dinggin mo kami.
Tulad ni San Esteban, nawa’y maihatid natin ang kagalakan ng Pagkakatawang-tao ng Diyos kahit sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig na nararanasan natin araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y makita ang pasasalamat sa pagsilang ni Jesus sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap na itaguyod at igalang ang buhay at dangal ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ni San Esteban nawa’y pagkalooban tayo ng biyaya at lakas na maging matatag sa pananampalataya hanggang sa wakas, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang taglayin ang kagalakan at pagtitiwala sa gitna ng mga ligalig ng buhay na ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa pananampalataya, nawa’y tumanggap ng kanilang gantimpala sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng kaluwalhatian at kapangyarihan, sa pamamagitan ng mga panalangin ni San Esteban, ipagkaloob mo nawa ang mga kahilingang idinudulog namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Disyembre 25, 2025
Sabado, Disyembre 27, 2025 »




{ 5 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Matapos ang masayang pagdiriwang ng Pasko, mapapansin po natin na ipinagdiriwang natin ang kamatayan ng isang martir. Sa katunayan, si San Esteban ay ang kauna-unahang Kristiyanong martir.
Ang Unang Pagbasa mula sa Gawa ng mga Apostol ay nagsasalaysay ng kwento ng kanyang pagbibigay-saksi sa Mabuting Balita ni Kristo. Siya’y pinagbintangan na naglalapastangan sapagkat hindi naniniwala ang mga Judio pati ang mga punong saserdote na si Hesus ay ang Mesiyas. Kaya nang tumingala siya sa langit at sinabing nakita niya si Hesus na Anak ng Tao sa kanan ng Diyos Ama, hinatulan siya ng kamatayan na pambabato. Nang siya’y huling humihinga, itinagubilin niya ang kanyang espiritu habang ipinagdasal niya ang pagpapatawad ng kanyang mga kaaway.
Ang pagkamartir kay San Esteban ay tanda ng kasiglahan ng mga Kristiyano na maging mas matatag sa pananampalataya. Iyan ang sinasabi ni Hesus sa Ebanghelyo na sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok sa buhay, mas mapapanatili ang ating pananalig at katapatan sa Panginoon. Siguro ito ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang pagkamartir ng isang Santo matapos ang Pasko.
Inaalala natin ang Diyos na nagkatawang-tao at naging Sanggol. Itong pagsilang na ito ay hindi lang puno ng katuwaan, kundi isang pangako na siya ay magiging tanda ng kaligtasan ng sangkatauhan. Ang ipinanganak na Mesiyas sa sabsaban ay magiging Tapagligtas ng mga makasalanan nang siya’y ipapako sa Krus 33 taong makalipas.
Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:
Sadyang walang relasyon na matibay at magtatagal ang mga tao sa isa’t-isa kung wala ang diyos sa lahat, sa dalawa, o kahit sa isang nagmamahal o nagmamahalan. Ipagkakanulo ng kapatid, ama, ina, anak, o mga kamag-anak ang sinuman kung hindi siya umaayon sa gustong pansariling pamantayan. May mga nais na magkakaiba ang bawat isa. Ito ang natural na gawi ng tao dala ng kanyang ambisyon, kasakitang tinamasa sa buhay, hinanakit sa mundo, galit sa mga pamamaraan, pride, at karamutan. Pawang makasariling intensiyon at takot sa hindi naiintindihan. Nagpapatianod sa karamihan, nagpapa uto para makakuha ng kasang ayunan, at kung may pagkakataon- itutulak ang iba upang ma kontrol at mapasunod sa kagustuhan. Ito ang tao. Gustong makisama, maki ayon, mapansin, makilala, bigyan papuri, mapahalagaan. Kung hindi mo ito maibigay ikaw ay lalayuan. Ni ho, ni ha, wala kang aasahan. Mabuhay kang malungkot at nangangailangan at huwag kang lalapit dahil hindi ka tutulungan. Ang mga ito ay ang mga mababaw na pagkanulo na sinasabi ng Mabuting Balita sa araw na ito. Ang mapait, malupit, masakit na pagkanulo ay ang ikaw ay salangin ng iyong ama, ina, kapatid, kamag anak, kaibigan- mga taong natutunan mo takbuhan sa oras ng anumang pangangailangan. Itulak ka palayo, isarado ang pinto, o kasuhan ka sa korte sa isang di pagkakaintindihan. Dito pumapasok ang sinasabi ni Hesus na walang pagkakaisa ang maaaring mangyari kung wala ang Panginoon sa mga katauhan. Ikaw ay pagkakaitan, lolokohin, lilibakin, sasaktan ng mga taong iyong minahal. Lalong lalo na kung ikaw ay nagpapahayag ng Salita na nagbibigay ng isang uri ng kapangyarihan na hindi nila mapagtatagumpayan. Ang galit ay lalaki at ikaw ay sisiraan sa iba dahil hindi ka nila kaya. Magpatuloy lang tayo. Nasa atin ang Banal na Espiritu. Ang sinuman tumangap sa ating pahayag, tingnan mo, pagdating ng araw ay siyang ama, ina, kapatid, kaibigan mong totoong hinahanap. Ito ang sabi ni Hesukristo sa Lucas 11:28, ““Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.” Ito ang simula ng totoong relasyon. Walang pakitang tao lamang, walang kaplastikan, walang pag papanggap sa karamihan, totoo at maaasahan. Kay Hesukristo lamang.
PAGNINILAY
Ang araw pagkatapos ng Pista ng Kapanganakan, ang anino ng krus ay lumililim sa kuna ng Pasko. Ang misteryo ng Pagkakatawang-tao ay dapat makita sa tabi ng misteryo ng Pasyon. Nang ibahagi ni Hesus ang Kanyang ministeryo at misyon sa Kanyang mga disipulo, binalaan Niya sila tungkol sa pagdurusa at pag-uusig na kanilang kakaharapin. Lahat ng sumusunod sa Panginoon ay makakatagpo ng parehong pag-uusig tulad ni St Stephen. Makakakuha tayo ng lakas mula sa payo ni Hesus sa ating sariling buhay ngayon sa mga panahong sinusubok tayo para sa ating pananampalatayang Kristiyano. Maaari pa itong magdulot ng maliliit na salungatan sa ating tahanan o pang-araw-araw na kapaligiran sa pagtatrabaho. Hinihikayat tayo na huwag mag-alala dahil sa mga ganitong sandali ay nariyan ang Panginoon para patnubayan at protektahan tayo. Sa ating sariling panahon, maaari tayong magpatotoo kay Kristo at maging martir sa pamamagitan ng pangako sa mga tunay na serbisyo ng hindi kinakailangang magbuhos ng dugo.
‘Ang sinumang magtitiis hanggang wakas ay maliligtas’, ay naghihikayat sa atin na kumapit sa ating paniniwala kay Hesu-Kristo at umasa sa Kanyang kaligtasan.
Panginoon, bigyan Mo kami ng lakas ng loob ni San Esteban, na hayagang nagpatotoo sa Iyo sa kabila ng lahat ng pagsalungat at pag-uusig. Amen.
***
PAGNINILAY:
“Mag-ingat kayo sa mga tao; ibibigay nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.”
Ginugunita ng ating Simbahan sa araw na ito ang buhay ni San Esteban ang unang martir ng Simbahan, kilala bilang isang taong pinuspos ng Espiritu Santo. Siya ay isa sa pitong diakono na pinili ng mga apostol upang tumulong sa pangangalaga ng mga mahihirap at nangangailangan sa pamayanang Kristiyano (Gawa 6:1-6).
Pinuri si Esteban bilang isang taong “puspos ng pananampalataya at Espiritu Santo” (Gawa 6:5). Maliban sa paglilingkod, masigasig niyang ipinangaral ang Ebanghelyo, gamit ang karunungang kaloob ng Diyos upang ipagtanggol ang pananampalataya laban sa mga kumakalaban dito. Ang kanyang mga salita at gawa ay patunay ng kanyang matibay na pananampalataya.
Subalit, dahil sa kanyang matapang na pangangaral, naparatangan si Esteban ng paglapastangan laban sa Diyos at kay Moises. Dinala siya sa Sanedrin, kung saan siya humarap sa mga pinuno ng Hudyo. Sa harap nila, buong tapang niyang isinaysay ang kasaysayan ng kaligtasan mula sa Lumang Tipan hanggang kay Kristo. Sa kanyang pananalita, ipinakita niya ang katigasan ng puso ng mga Hudyo sa pagtanggap kay Hesus bilang Mesiyas.
Dahil dito, galit na galit ang mga tao. Kinaladkad siya at pinagbabato hanggang sa siya’y mamatay. Habang siya’y binabato, nanalangin si Esteban, “Panginoong Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” At tulad ni Kristo, humingi siya ng kapatawaran para sa kanyang mga tagapagpahirap: “Panginoon, huwag mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito” (Gawa 7:59-60).
Si San Esteban ay pinuspos ng Espiritu Santo upang magpatotoo sa katotohanan kahit sa harap ng kamatayan. Ang kanyang buhay at kamatayan ay isang patunay ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na nagbibigay ng lakas, karunungan, at kapayapaan sa mga nananampalataya. Siya ang huwaran ng katapangan at kababaang-loob sa paglilingkod kay Kristo.
Ang Mabuting Balita ngayon ay may koneksyon sa buhay ni San Esteban, ang unang martir ng Simbahan. Ipinapakita nito ang hamon at sakripisyo ng pagsunod kay Kristo. Ang mga alagad ay binabalaan ni Hesus tungkol sa darating na pag-uusig, ngunit kasabay nito ay tiniyak niya ang tulong ng Espiritu Santo na magbibigay sa kanila ng karunungan at tapang.
Si San Esteban ay isang halimbawa ng tapang at pananampalataya. Habang siya ay nilitis at pinagbabato hanggang sa mamatay, nanatili siyang matatag sa kanyang pananampalataya kay Kristo. Sa gitna ng kanyang pagdurusa, nanalangin siya para sa kapatawaran ng kanyang mga kaaway, tulad ng ginawa ni Hesus sa Krus. Ang kanyang buhay at kamatayan ay nagpapaalala sa atin na ang pagiging tagasunod ni Kristo ay nangangailangan ng lakas ng loob na harapin ang mga hamon, kahit pa ang kamatayan.
Ang paggunita kay San Esteban at ang Ebanghelyo ay nagtuturo sa atin ng tatlong mahalagang aral:
1. Ang Pananampalataya ay May Sakripisyo. Bilang mga tagasunod ni Kristo, maaaring harapin natin ang iba’t ibang anyo ng pagsubok o pag-uusig. Ngunit ito’y bahagi ng ating misyon bilang saksi ng katotohanan.
2. Tiwala sa Espiritu Santo. Ang Panginoon ang magbibigay sa atin ng mga tamang salita at lakas sa oras ng pagsubok. Ang ating pananampalataya ay kailanman hindi tayo nag-iisa, sapagkat kasama natin ang Diyos.
3. Pag-ibig sa Kapwa, Kahit sa mga Kaaway. Ang halimbawa ni San Esteban ay nagpapakita na kahit sa gitna ng pagdurusa, dapat nating panatilihin ang pag-ibig at pagpapatawad, dahil ito ang tunay na diwa ng Kristiyanismo.
Ang hamon sa ating kasalukuyang panahon, maaaring hindi tayo pisikal na inuusig, ngunit hinahamon tayo ng mundo na manatiling tapat sa ating pananampalataya. Ang ating mga paninindigan bilang Kristiyano ay maaaring salungat sa kultura at paniniwala ng iba, kasama na dito ang ating mga pamilya, mga kaibigan, at mga taong kasama natin sa komunidad o mga kasamang naglilingkod, ngunit tulad ni San Esteban, tinatawagan tayong maging matapang sa panindigan at mahabagin sa mga taong sumasalungat sa atin.
Manalangin tayo. Panginoon, turuan Mo kaming maging matapang sa harap ng pagsubok at pag-uusig tulad ni San Esteban. Bigyan Mo kami ng lakas na ipahayag ang Iyong Mabuting Balita, at biyayaan kami ng pusong mapagpatawad sa kabila ng mga hamon. Amen.
San Esteban, unang martir ng Simbahan, ipanalangin mo kami!
PAGNINILAY
Ang araw pagkatapos ng Pista ng Kapanganakan, ang anino ng krus ay lumililim sa kuna ng Pasko at Ilang araw na lang ay matatapos na ang Jubileo. Ang misteryo ng Pagkakatawang-tao ay dapat makita sa tabi ng misteryo ng Pasyon. Nang ibahagi ni Hesus ang Kanyang ministeryo at misyon sa Kanyang mga disipulo, binalaan Niya sila tungkol sa pagdurusa at pag-uusig na kanilang kakaharapin. Lahat ng sumusunod sa Panginoon ay makakatagpo ng parehong pag-uusig tulad ni St Stephen. Makakakuha tayo ng lakas mula sa payo ni Hesus sa ating sariling buhay ngayon sa mga panahong sinusubok tayo para sa ating pananampalatayang Kristiyano. Maaari pa itong magdulot ng maliliit na salungatan sa ating tahanan o pang-araw-araw na kapaligiran sa pagtatrabaho. Hinihikayat tayo na huwag mag-alala dahil sa mga ganitong sandali ay nariyan ang Panginoon para patnubayan at protektahan tayo. Sa ating sariling panahon, maaari tayong magpatotoo kay Kristo at maging martir sa pamamagitan ng pangako sa mga tunay na serbisyo ng hindi kinakailangang magbuhos ng dugo.
‘Ang sinumang magtitiis hanggang wakas ay maliligtas’, ay naghihikayat sa atin na kumapit sa ating paniniwala kay Hesu-Kristo at umasa sa Kanyang kaligtasan.
Panginoon, bigyan Mo kami ng lakas ng loob ni San Esteban, na hayagang nagpatotoo sa Iyo sa kabila ng lahat ng pagsalungat at pag-uusig. Amen.P