Podcast: Download (Duration: 8:59 — 8.6MB)
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Hatinggabi)
Isaias 9, 1-6
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12, 13
Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.
Tito 2, 11-14
Lucas 2, 1-14
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
The Nativity of the Lord (Christmas)
Mass During the Midnight (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12, 13
Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
ang Poon ay papurihan nitong lahat sa daigdig!
Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.
Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.
Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.
Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.
Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.
IKALAWANG PAGBASA
Tito 2, 11-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Pinagkamamahal kong kapatid:
Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos samantalang hinihintay natin ang ating inaasahan – ang dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesukristo sa gitna ng kanyang kaningningan. Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 2, 10-11
Aleluya! Aleluya!
Ito’y Balitang masaya
Manunubos sumilang na
sa ati’y Kristo, Poon s’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang pagpapatalang ito’y ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya’t umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala.
Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo’y kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon. Natakot sila nang gayun na lamang, ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.”
Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos:
“Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Disyembre 25, 2025
Biyernes, Disyembre 26, 2025 »




{ 4 comments… read them below or add one }
PAGMIMISA SA GABI NG PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON
Pagninilay: Isang dakilang gabi ang ating sinasaksihan at ginugunita ngayon. Ito yung tinaguriang kasayasayang “Silent Night, O Holy Night” at “Ang Gabing Payapa” dahil sa pinakamagandang biyayang katuparan ng Panginoong Diyos Ama para sa atin.
500 taon bago ang pagdating niyan, ipinahayag ni Propeta Isaias na may isang liwanag na tatanaw sa kadiliman, at gagabay sa mga taong namumuhay sa dilim. Noong panahon ni Isaias, nakasakop ang Juda sa pagsasalakay ng mga taga-Chaldea sa ilalim ng pamumuno ni Haring Nabucodonosor II. Kaya naging alipin ang mga tao ng Jerusalem at itinapon sa Babilonia. Kaya itong si Isaias, ipinabalita niya na may gaganap ng labanan sa pagitan ng Persya at Babilonia, at sa kautusan ni Ciro Magno ng Persya ay pinayagang bumalik ang mga Hudyo sa kanilang mga tirahan. Pero may isa pang tandang ibinigay ang propeta: ang propesiya tungkol sa sanggol na magiging Mesiyas. Sa Isaias 7:14, narinig natin na ang tanda ng panganganak ng Birhen sa Emanuel, ang sumasaating Diyos. At dito sa Isaias 9:5, sinasabi sa atin na ang Emanuel ay ang Walang Hanggang Diyos at Hari at Prinsipe ng Kapayapaan. Ito yung nagsisilbing liwanag sa dilim dahil ang Panginoong Hesus mismo ay ang liwanag na tatanglaw sa kadiliman ng ating mga buhay na nababalot sa kasalanan, kasamaan, bisyo, pagnanais, karahasan, digmaan, kalungkutan, at pagdurusa.
Sa banal na gabing ito, tayo’y mga saksi sa dakilang pangyayaring ito na naganap na makalipas ang higit na 2,000 taon. Ang nakakalungkot lang isipin ay sa kaalaman lang tungkol sa Pagsilang ng Panginoo’y umaabot ang diwa ng Pasko. Lalo na ang buong Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan, madalas naririnig natin ang mga pagdiriwang at ang kanilang mga kasaysayan sa Bibiliya, at alam na natin ang mga ito.
Aminin nating lahat na naging bisi tayo itong mga nakaraang araw sa paghahanda ng mga regalo, Christmas party, pagkain para sa Noche Buena, at ang badyet. Kaya nga hindi masyadong sikat ang Adbiyento sa mga popular na pagdiriwang ng kontemporaryong panahon, yung bagang espirituwal na paghahanda para sa Tatlong Pagdating ng Panginoon. Pero naririto po tayo ngayong gabi dahil sa alaala ng isang pangakong ibinigay sa ating lahat: ang Panginoong Hesus bilang Liwanag ng Sangkatauhan. Sa panahanong yaon (ika-4 na taon, BCE), mahirap ang naging paglalakbay nina Birheng Maria at San Jose patungong Bethlehem, ang Siyudad ni Haring David. Mas mahirap pa yung naranasan nila noong nawalan sila ng pagtutuluyang tahanan, at ang kanilang tinuluyan ay ang kuwadra ng mga tupa, baka, at asno.
Pero sa pagsapit ng Hatinggabi, nakasentro ang kasaysayan sa maluwalhating Kapangakan ng “Diyos na nagliligtas,” ang Panginoong Hesukristo (Yesh-wa). Pati mismong mga hayop na nasa kuwadra ay nag-iingay sa tuwa dahil sa pangyayaring iyon. Kahit siya ang Diyos at Mesiyas, wala siyang magarbong damit na sinutuan kundi ang isang lampin, at sa kahoy ng sabsaban siya’y hinimlay ni Maria. Ganun din 33 taong makalipas sa Bundok ng Golgota, huhubarin siya ng mga sundalong Romano at siya’y ipapako sa kahoy ng Banal na Krus upang ipakita ang dakilang pag-ibig ng Ama sa pamamagitan ng pagliligtas sa atin mula sa kasalanan. Kaya mahalaga ang simbolismo ng Christmas tree dahil inaalala natin ang Unang Pagdating ng Panginoon, at siya mismo’y nakapako sa Krus, ang puno ng buhay na nagtatagumpay laban sa puno ng kasalanan.
Mga kapatid, hindi lang dapat umaabot sa kaalaman ng tao tungkol sa kwento ng Unang Pasko, kundi pati na rin sa buhay niya tungkol sa tunay na diwa ng Pasko. Itong dakilang gabi ay nakapaganda sapagkat inaalala natin ang pinamagandang pangako ng Diyos. At sa bawat pagdiriwang ng Kapaskuhan, ang nais ng Panginoon ay maisilang siya hindi sa matataas na trono at hindi na sa kahoy ng sabsaban, kundi sa ating mga puso. Ang paalala ni San Pablo sa komunidad ni Obispong San Tito ay dapat din nating panindigan: upang maranasan natin ang biyaya ng Diyos na nagdulot sa ating kaligtasan, talikuran natin ang mga masasamang gawain at bisyo at mamuhay nang taimtim, mabubuti, at gumagawa ng mabuti.
Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Pagsilang, muli nating buksan ang ating mga puso at tanggapin natin si Kristo bilang Panginoon ng ating mga buhay. Alalahanin natin ang kanyang mga ipinangaral na turo, ginawang himala, at ang kanyang Misteryong Paskwal, at katulad niya ay sundin nawa natin ang dakilang kalooban ng Ama.
Lahat tayo ay magdiwang pagkat sinilang na ang hari ng lahat!
Maligayang Pasko mga kapatid, damahin natin ang Paskong ito, sapagkat tayo ay nanggaling sa dalawang taon ng krisis ng isang pesteng kumitil ng maraming buhay. Ang Pasko ay bagong pag-asa, ang bagong umaga na bubuhay sa ating mga natutulog na mga kaluluwa, ipagdiwang natin ang Pasko ng may buong kagalakan sapagkat narito na ang Mesiyas, ang hari ng lahat, ang mag aahon satin sa kadiliman.
Magsisi na tayo sa mga gawang makamundo, humingi tayo ng kapatawaran kay Hesus na nagdaraos ng kanyang kaarawan ngayon, at sikapin na nating matalikuran ang kalaswaan, kababuyan, pandaraya, paninira ng ibang tao, kadamutan, pagtatanim ng galit at sama ng loob, pagnanasa sa hindi natin pag aari, katamaran, pang aabuso, at iba pang gawaing hindi kinalulugdan ng Diyos. Samantalahin ang kapaskuhan, gawin natin itong inspirasyon sa pagpapakabuti at ituloy ituloy na natin hanggang semana santa at sa mga susunod na taon. Masarap magraoon ng relasyon sya Diyos, masarap magbalik loob, masarap magbago sapagkat mawawala na ang lahat ng iyong pangamba sapgkat kakampi mo ang Diyos at sya na ang bahala sa iyo.
Merry Christmas!
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyo sa Pasko ng Pagsilang ayon kay San Lucas ay may malalim na koneksyon sa mga propesiya ni Isaias, na nagbigay-liwanag at pag-asa sa pagdating ng Mesiyas. Una, ang Pagsilang ng Mesiyas bilang Liwanag sa Kadiliman. Sa Isaias 9:1-2, sinabi: “Ang bayang naglalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag; sa mga naninirahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sumikat ang liwanag sa kanila.” Ang pagsilang ni Hesus sa sabsaban, bagamat matatawag na aba at hamak, ito ay ang katuparan ng propesiyang ito. Siya ang Liwanag na dumating upang pawiin ang kadiliman ng kasalanan at magdala ng pag-asa at kaligtasan sa sanlibutan.
Pangalawa, Ang Kapanganakan ng Prinsipe ng Kapayapaan, ipinahayag ito
sa Isaias 9:6, : “Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak; at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat. Ang kanyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”
Ang pagbabalita ng mga anghel sa mga pastol tungkol kay Hesus bilang “Kristo na Panginoon” ay tumutugma sa propesiyang ito. Si Hesus ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Anak ng Diyos na isinilang upang magdala ng kapayapaan hindi lamang sa Israel kundi sa buong sangkatauhan.
Ang pangatlo , ay ang Pagpapakumbaba ng Mesiyas. Sa Isaias 53:2-3, inilarawan ang Mesiyas bilang isang taong hindi tinanggap ng karamihan:
“Sapagkat siya’y tumubo sa harap niya na parang sariwang halaman, at parang ugat sa tuyong lupa; wala siyang kagandahan o karilagan na ating pagnanasaan sa kanya… Siya’y hinamak at itinakwil ng mga tao.”
Ang kababaang-loob ng pagsilang ni Hesus sa isang sabsaban, sa halip na sa marangyang palasyo, ay sumasalamin sa propesiyang ito. Siya ay nagpakababa upang maranasan ang buhay ng mga karaniwang tao at ipakita ang tunay na pagmamalasakit ng Diyos sa lahat, lalo na sa mga mahihirap at aba.
Sa masaya at masagana nating pagdiriwang ng Pasko, huwag sana natin kalimutan ang mga kapatid nating walang wala, nawa’y sa gitna ng ating pagsasaya ay sumilang sa ating mga puso ang magbahagi sa mga kapus-palad, sapagkat binibigyang-diin ng Ebanghelyo ang kaabahang ng pagsilang ng ating Panginoon. Isinilang si Hesus sa isang sabsaban, upang ipakita ang Kanyang pakikiisa sa pinakamaliit, sa mga aba, at sa mga walang kapangyarihan ito ang panawagan at paalala sa atin. Sa pamamagitan ng kababaang-loob ni Hesus, ipinapakita Niya ang tunay na diwa ng Pasko—isang labis na pagmamahal na walang iniisip kundi ang kapakanan ng bawat isa sa atin.
Sa panghuli, ang mga pastol na itinuturing na mababa sa lipunan noon, ang unang pinahatiran ng balita ng pagsilang ng Mesiyas. Ito’y nagpapahiwatig na ang kaligtasan ay para sa lahat, lalo na sa mga aba at hamak. Ipinapakita rin ng mensahe ng mga anghel na si Kristo ang tagapaghatid ng tunay na kapayapaan sa ating mundo, kapayapaan na nagmumula sa pagkakilala sa Diyos at pagsunod sa Kanyang kalooban na nakasaad sa Isaias 61:1: “Ang Espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha.”Ang pagbabalita ng mga anghel sa mga pastol, na itinuturing na mababa sa lipunan ay tanda ng pagtupad ng propesiyang ito. Ang Mabuting Balita ay unang ibinahagi sa mga aba, nagpapakita na ang kaligtasan ay para sa lahat, anuman ang estado sa buhay.
Ngayong Pasko, tanungin natin ang ating sarili: Sa gitna ng kasayahan at handaan, naaalala ba natin ang tunay na diwa ng Pasko—ang kababaang-loob, pagmamahal, at pagbibigay?
Binhi ng Hamon:
1. Sa anong paraan ko maipapakita ang kababaang-loob at pagmamahal ni Hesus sa aking kapwa hindi lang ngayong Pasko kundi sa araw araw kong pamumuhay?
2. Paano ko maibabahagi ang liwanag ni Kristo sa mga nangangailangan ng pag-asa at kagalakan? Ako ba’y nagiging daan ng kapayapaan at kagalakan sa aking kapwa, tulad ng ating Panginoong Hesus?
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, salamat sa Iyong pagsilang na nagdala ng liwanag, pag-asa, at pagmamahal sa mundo. Turuan Mo akong magpakumbaba at magmahal tulad Mo. Nawa’y ang Pasko ay maging pagdiriwang hindi lamang ng kasayahan, kundi ng pagbabahagi ng Iyong kapayapaan, liwanag, pag-asa at kagalakan. Amen.
Isang Mapayapa, Maligaya, at Masaganang Pasko sa Lahat!
Christmas is an experience of meeting God face-to-face.
Nawaya maramdaman nating ang Panginoon Hesukristo sa ating puso na mag udyok sa atin na magbigay, mag-alay, magbahagi sa iba.
Give with joy, love, trust, and God will give you more.
Be like Jesus, give, sacrifice, and offer to others.
Amen
Blessed Merry Christmas
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Thank You, Lord
# GvThursday