Huwebes, Disyembre 25, 2025

December 25, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa

Nagagalak ang ating mga puso ngayong Araw ng Pasko habang ginugunita natin ang Kapanganakan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesukristo. Buong pananalig nating ipatungkol sa Diyos Ama, na nagbigay sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak, ang ating mga kahilingan at sabihin sa Kanyang:

Amang mapagmahal, sumaamin Ka nawa.

Para sa Simbahang tahanan ng lahat ng mananampalataya: nawa magtamo siya ng kapayapaan at lumagong sagana ang kabanalan sa lahat ng kanyang mga kasapi. Manalangin tayo.

Para sa Santo Papa, ang mga obispo, mga pari, at sa lahat ng mga tumutulong sa kanila: nawa magdulot ang araw na ito ng kaligayahan sa kanilang mga puso at ng kinakailangang lakas sa paglilingkod sa Diyos. Manalangin tayo.

Para sa mga pinuno ng ating bansa at lahat ng kinasasalalayan ng kapalaran ng napakaraming tao: nawa patnubayan silang lagi ng kapayapaan, pagkakapatiran, at pakikipagkasundong dulot ng Pasko sa kanilang mga pagpapasiya. Manalangin tayo.

Para sa mga maysakit, matatanda, walang trabaho o tahanan, at lahat ng tila napapabayaan ng lipunan: Nawa malasap nila ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagkabukas-
palad ng lahat ng mananampalataya. Manalangin tayo.

Panginoong Diyos, bukal ng aming kagalakan at kaligtasan, Ikaw ang dahilan ng aming pag-asa. Magdulot nawa ang Paskong ito sa aming mga puso ng pangmatagalang galak at kapayapaan hanggang sa ipagdiwang namin ito sa langit. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon na nabubuhay at naghaharing kasama Mo walang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Mel Mendoza December 23, 2024 at 4:42 pm

PAGNINILAY:

Ayon sa Ebanghelyo ni San Lucas (Lucas 2:8-14), habang ang mga pastol ay nagbabantay ng kanilang mga tupa sa parang, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa kanila. Sinabi ng anghel: “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Mesiyas, ang Panginoon. Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”

Pagkatapos, sumama ang isang napakaraming hukbo ng mga anghel na nagpuri sa Diyos, na nagsasabi: “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

Dahil sa balitang ito, nagmadali ang mga pastol na pumunta sa Betlehem upang makita si Hesus, ang Mesiyas. Ang pagsilang ni Hesus ay isang pangyayari na nagbigay ng kagalakan sa buong sanlibutan, at ito’y unang ipinahayag sa mga taong itinuturing na mababa—ang mga pastol. Ang kwento ng mga pastol ay nagpapakita ng tugon ng tunay na pananampalataya: pagdalo, pagkilala, at pagbabahagi. Una, ang pagkilos ng mga pastol ay nagpapakita ng pananampalatayang hindi natutulog-ito ay buhay na buhay. Agad nilang nilisan ang kanilang mga gawain upang makita ang ipinangakong Mesiyas. Nang makita nila si Hesus, ibinahagi nila ang kanilang karanasan. Ang kanilang patotoo ay naging kasangkapan upang ang iba ay mapuno ng pagkamangha.

Binibigyan pansin sa Ebanghelyo si Maria na “iningatan sa kanyang puso ang lahat ng bagay.” Siya’y isang huwaran ng isang malalim ng pagninilay at pagpapasalamat sa kamangha-manghang biyaya natanggap. Sa gitna ng kasiyahan at misteryo ng kapanganakan ni Hesus, siya’y tumahimik at pinagbulay-bulayan ang mga nangyayari. Ito’y isang paalala na sa kabila ng ating pinagkakaabalahan sa ating mga buhay, kailangang maglaan tayo ng oras para manalangin, magnilay at magpasalamat sa mga biyayang natanggap natin mula sa Diyos.

Ang mga pastol, sa kanilang pagbabalik, ay punong-puno ng papuri sa Diyos. Ang kanilang kwento ay nagpapaalala sa atin na sa tuwing tayo nakikipag-isa sa Banal na Misa kung saan nakikipagtagpo tayo sa Panginoon inaasahan sa atin ang tunay na kahalagahan ng nating pagdalo, pasasalamat at pananampalataya, itong lahat ay nagbubunga ng masayang pagsamba sa Diyos. Ang bawat pagdalo natin ay biyaya na nagdudulot ng isa pang pagkakataong upang magpasalamat at magpuri sa Panginoon.

Binhi ng Pananampalataya:
Ang tanong, tayo ba’y gaya ng mga pastol na handang tumugon sa panawagan ng Diyos? Marunong ba tayong magpasalamat at magbahagi ng ating mga karanasan ng pananampalataya sa iba?

Manalangin tayo. Aming Panginoon, salamat sa iyong walang hanggang pag-ibig na ipinakita mo sa pamamagitan ng iyong Anak na si Hesus. Tulungan mo kaming magkaroon ng pusong mapagpasalamat tulad ng mga pastol, at tulad ni Maria, turuan mo kaming magnilay sa mga biyaya ng iyong pagmamahal. Nawa’y sa aming buhay, maipakita namin ang kagalakan at pananampalatayang nagmumula sa iyo. Sa Pasko ng Iyong Pagsilang nawa’y maisilang ka namin sa aming mga puso. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: