Podcast: Download (Duration: 5:55 — 4.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Manalangin tayo sa Diyos Ama para tulungan tayong maghanda sa pagdating ng ating Panginoon sa ating daigdig at sa ating buhay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pangalagaan mo kami sa iyong pag-ibig.
Ang Simbahan nawa’y huwag magkulang na paalalahanan ang mga sumasampalataya ukol sa pangangailangan sa pagiging aktibong pagbabantay at bilang paghahanda sa pagbabalik ng Panginoon na may pananalangin at paggawa ng kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang isang pamayanan nawa’y hindi natin makaligtaang malaman ang pagdating ni Kristo sa pamamagitan ng mga taong nakakasalamuha natin sa araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magpakita ng habag sa mga dumaranas ng pagdurusa sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y madama ang mapagpagaling na presensya ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y matagpuan si Kristo sa kanilang makalangit na paglalakbay, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, bigyan mo kami ng bagong pangarap habang aming hinihintay nang may masayang pag-asa ang pagdating ng iyong Anak na si Jesu-Kristo. Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Nobyembre 28, 2025
Linggo, Nobyembre 30, 2025 »




{ 7 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong araw na ito, nagtatapos ang taong panliturhiya ng ating Simbahan. Bukas ay magsisimula muli ang Kaledaryo Liturhiko sa pagsisimula ng Panahon ng Adbiyento. At sa pagpasok sa panahon ng pananabik para sa Pagdating ni Kristo, tayo ay inaanyayahan ngayon tungkol sa mga kaganapan ng katapusan.
Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang patuloy na pagdidiskurso ni Propeta Daniel tungkol sa kanyang nanginginig na pangitain ukol sa mga apat na dambuhala. Kaya sinabi ng isa sa mga naroroon sa pangitain niya na ang ikaapat na dambuhala ang pinakamabagsik sa lahat ng naroroon. Sinasabing lalamunin niya ang buong daigdig, at magsasalita ng masama laban sa Kataas-taasang Diyos. Subalit kapag nabuksan na ang korte ng Paghuhukom ng Panginoon, malulupig ang dambuhalang ito patungo sa pinakailalim ng lupa. Parang ang itinutukoy rito sa ikaapat na dambuhala ay ang mga pinunong napakamagiting sa itsura at napakadakila sa posisyon, subalit hindi nila kinikilala na ang Diyos ay tunay na naghahari sa kanilang lahat. Kaya habang nagpapakasarap sila sa pamumuno sa isang institusyon, ang Diyos na mismo ang bahalang magpataw ng paghuhukom sa kanila, kung paano nilang ginamit ang kanilang impluwensiya tungo sa kanilang kapwa.
Kaya ang Ebanghelyo ay nagsisilbing paalala sa atin na huwag tayo’y makipagsaya kahit sa pagiging matakaw at lasing bago pumarito si Hesus. Sa halip ay inaanyayahan tayo na maging handa at manalangin upang magkaroon tayo ng lakas na makaharap siya. At kapag muling pumarito siya, itatanong niya sa atin kung anong kabutihan at pagmamahal na ating ginawa.
Nawa’y sa pagtatapos ng Taong Panliturhiya ng Simbahan, at pagsisimula ng isa pang bagong taon sa pagpasok ng Adbiyento, nawa’y tunay maging handa tayo sa pagdating ng Panginoon sa ating mga buhay.
Ano ang hamon at aral sa atin ng ebanghelyo ngayon?
Maging handa at wag puro pasarap sa buhay!
Hindi masama ang magsaya, uminom at kumain o magdiwang. Wag ka lamang magpapalulong sa alak at sa katakawan, katakawan sa makamundong bagay katulad ng pita ng laman, pagkain, pagpapayaman, pangangalunya, kasikatan at kapangyarihan.
Ang lahat ng kasiyahan na nadarama mo sa mga bagay na yan ay huwad na kaligayahan. Ang tunay na kaligayahan ay madarama mo kapag ikaw ay nagkaroon na ng relasyon sa Diyos, kaligayahang hindi mabibili ng iyong salapi, kapanatagan at peace of mind na hindi kayang ibigay ng iyong kayamanan. Ang ebanghelyo ay nagpapaalala din sa mga taong nakakalimot na sa Diyos ng dahil sya ay meron ng lahat, hindi na marunong manalangin sapagkat sya ay hindi na nagugutom o nauuhaw, nabibili ang lahat ng maibigan, nasasarapan sa kamunduhan, may posisyon at tanyag at iba iba pang kasarapan sa buhay. Ito ay paalala din sa mga taong hindi marunong magpasalamat sa Diyos o suklian ng kabutihan ang mga kaloob ng Diyos dahil nalunod na sa mga kasarapan sa lupa.
Bukas ay adviento na, hindi pa huli ang lahat.. Samantalahin natin ito upang magsisi. Humingi ng kapatawaran at sikaping makapagbago na upang tyao ay maging handa sa pagdating ni Hesus. Amen
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
Maraming bagay sa mundo ang nakikipag agawan sa mga simpleng pangangailangan natin sa ating buhay. Ang sapat ay mabuti at ang sobra ay masama. Kasama na sa magbibigay problema sa atin ang katakawan at paglalasing. Ang sobrang pagkain at alak ay makasasama sa katawan natin. Magdudulot ng mga kasakitan na pagdating ng araw ay ating pagsisisihan. Idagdag pa ang sobrang busy natin sa lahat ng mga plano at naisip natin gawin na halos wala na tayong oras para sa sarili natin, sa pamilya natin, o sa mga bagay na kailangan ng pagmumumuni malayo sa ingay at gulo. Na iistres tayo masyado. Nagmimistulan tayong mga Martha, na sa ginanda ng serbisyo at pagiging magkaibigan nila ni Hesus, ay nagkaroon ng puwang ang inggit sa walang ginagawang kapatid na si Maria dahil sa kapaguran niya. Sukdulang mag reklamo kay Hesus para sitahin si Maria at gawing katulad niya. Alam natin na mas mainam sa Panginoon ang pinili ni Maria. At ito ang nagpapatunay na hindi naman talaga nangangailangan ng sobrang daming gawain ang Kaharian ng Diyos. Ang maihasik at mabigyan lang ng pagkakataon makapakinig ang tao sa Salita ng Diyos ay sapat na. At ang Diyos na ang magpupuno ng lahat ng pangangailangan nila, mapa pagkain, mapa pera, mapa grasyang tutugon sa kanilang mga pagsubok sa buhay, kahit ano pa man na maaring maisip natin. Kaya ng Diyos ibigay ang lahat. Huwag lang natin isipin kung paano niya gagawin. Basta mangyayari iyun. Nagkukulang lang tayo ng tiwala na pati ang katangian ng Diyos na gumalaw ay inako na natin gayung mahina at kulang tayo sa kakayahan. Kung nasa piling natin Siya siguro 90% ang Salita ng Diyos at 10% na lang ang kailangan natin gawin. Madaling ipaliwanag sa kadahilanang ang Banal na Espiritu ang gumagalaw at hindi tayo. Marahil ito ang mainam na pagpili na sinasabi niya. Ang problema ng mundo ngayon ay nag didiyos-diyosan ang mga tao. Nasobrahan ang gawa at nagkulang sa paghahasik ng Salita ng Diyos. Ang resulta ay pagkawala ng katahimikan ng puso at kapayapaan ng pagkatao. Stress talaga. Napakahirap ng 7 araw tayo naging Martha linggo-linggo sa ating buhay. Ikumpara natin ito sa kahit 7 araw ni Maria na nakikinig at kapiling lang ni Hesus, mas mainam pa rin ang ginagawa niya kaysa kay Martha. Si Hesus na ang nagsabi. Sa huling sandali, sino sa kanila ang magiging handa? Si Martha na nasa kusina o si Maria na nakaabang sa lahat ng sinasabi at galaw ni Hesus? May matitira pa ba tayong lakas at maging handa para makaligtas sa anumang mangyayari kung dumating ang araw na kailangan na nating humarap sa Anak ng Tao?
PAGNINILAY
Ipinaalala sa atin ni Hesus ang lumilipas na aspeto ng buhay. Sa ganitong paraan hinihimok Niya tayo na huwag mahuli nang hindi nalalaman at bigyang pansin ang pagtupad sa ating mga hangarin para sa kabutihan. Sa paghahanda natin bukas ng unang Linggo ng Adbiyento, maging mapagmatyag tayo sa mga bagay na nagiging sanhi ng pagkakatulog ng ating mga puso at ng ating mga kaluluwa sa paglayo sa Panginoon. Ang isang magandang tanong upang ituon ang ating isipan ay: “Ano ang gusto nating maalala sa atin kapag tayo ay namatay?”
Panginoon, tulungan Mo kaming mamuhay sa pananampalataya at maghanda para sa Iyong pagdating sa Adbiyento. Amen.
***
PAGNINILAY:
Lucas 21, 34–36
“Maging Handa”
Bukas ay Unang Linggo na ng Adbyento at sa araw na ito ng Sabado ay ang pagtatapos ng Liturgical Year at pagsisimula ng bagong paglalakbay ng pananampalataya. Sa Ebanghelyo ngayon ay muling ipinapaalala ni Hesus ang pinakamahalagang disposisyon ng isang alagad—ang maging handa. Hindi lamang ito paghahandang panlabas, kundi ito ay paghubog ng loob, paglilinis ng puso, at pagsasa-ayos ng ating buhay upang maging karapat-dapat harapin ang pagdating ng Panginoon.
Ang mga salita ni Hesus ay parang espiritwal na huling habilin: “Mag-ingat kayo… huwag kayong magumon… maging handa kayo sa lahat ng oras.” Ito ang parehong paanyaya sa atin ng Simbahan sa Adbiyento—hindi takot, kundi nag-aabang na may pag-ibig; hindi kaba, kundi masaya na may pag-asang sumusunod sa kalooban ng Diyos.
Sa teolohiya, ang pahayag na ito ni Hesus ay may tatlong mahahalagang dimensyon:
1. Moral Vigilance (Moral na Pagbabantay)
Ang “katakawan at paglalasing” ay hindi lamang tumutukoy sa pagkain o inumin.Ito ay simbolo ng mga bagay na naglulunod sa ating puso, na ginagawa tayong manhid sa presensiya ng Diyos. Ito ang “espiritwal na pagkalasing” na nagpapalango na nagpapahina sa ating kalayaan upang sundin ang kalooban ng Ama.
2. The Unexpected Day of the Lord (Ang Di-inaasahang Araw ng Panginoon)
Ang “Araw” ay tumutukoy sa huling paghuhukom ngunit maaari ring mangahulugan ng anumang sandali ng pagdalaw ng Diyos sa buhay natin—isang pagsubok, isang pagpapala, isang panawagan.Darating Siya sa oras na hindi natin inaasahan.Kaya’t ang tunay na karunungan ay ang mabuhay na handa sa bawat sandali.
3. Prayer as Strength (Panalangin bilang Lakas)
Hindi natin kayang maging handa sa ating sariling lakas.Sinabi ni Hesus: “Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas…” Ibig sabihin, ang panalangin ang nagiging ugat ng ating lakas, ang naglilinis ng kalooban, ang nagbibigay-linaw sa isip, at ang nagbubukas sa puso para sa biyaya ng Diyos.
PAGSASABUHAY: Paano Tayo Maghahanda sa Bagong Liturgical Year?
1. Linisin ang Puso, Iwasan ang Mga Bagay na Nagpapamanhid
Pwede natin suriin ang laman ng ating puso, ano ang “nagpapalasing” sa natin ngayon?labis na pag-aalala, gadgets at social media, material na ambisyon, sama ng loob, inggit o galit
Ang unang hakbang na dapat gawin: isang tahimik na kamalayan — ano ang kailangang bitawan?
2. Magsimula Mulî—Bagong Taon ng Pananampalataya
Ang Advent ay Bagong Taon ng Simbahan.Ano ang nais nating gawin na panibago sa ating buhay pananampalataya?mas tapat na pagdarasal, mas pina-igting na pusong sa paglilingkod, mas tunay na pagmamahal, mas malalim na pakikinig sa Salita
3. Palalimin ang Panalangin
Hindi sapat ang kaalaman.Hindi rin sapat ang mabuting intensiyon.Ang panalangin ang gumigising sa ating kaluluwa.Sa panalangin tayo nagiging handa para sa anumang pagdating ng Diyos—kahit kailan.
WORD OF THE DAY: “Maging Handa” (GREGOREIN )
Ang salitang Griyego na ginamit ni Hesus para sa “maging handa” ay gregorein, na nangangahulugang: magbantay nang may malay, gising ang espiritu, hindi natutulog ang puso. Ito ang salitang ugat ng pangalang Gregory — “the watchful one.” Sa espiritwal na buhay, ito ang hamon sa atin: maging alagad na “gising,” hindi tulog sa biyaya ng Diyos.
PANALANGIN
Panginoon, sa paglapit ng bagong Liturgical Year, gisingin Mo ang aming puso at pakay. Linisin Mo ang aming isip sa mga bagay na nagpapabigat, at palayain Mo kami sa anumang nagpapalayo sa Iyo. Turuan Mo kaming magbantay — hindi dahil sa takot, kundi dahil sa pag-ibig at pananabik sa Iyong pagdating. Ibigay Mo sa amin ang lakas na pagtiyatyaga,ang tapang na talikuran ang tukso, at ang kababaang loob na manalangin sa bawat sandali.
Nawa sa aming paghahanda sa bagong Liturgical Calendar,ang buhay namin ay maging isang buhay na pag-asa,paglilingkod, at pagmamahal. Amen.
maraming salamat po tunqy na nakakapagbigay ng kaunawaan ang mga binabahagi po ninyo…salamat po muli
MAGNILAY: Walang pahinga ang paghahanda dahil sa oras na magpahinga ka at inakala na hindi pa naman siguro ngayon mangyayari ang kinatatakutan mo ay saka naman darating ito nang hindi mo inaasahan.
Walang pahinga ang pagpapakabanal. Walang pahinga ang pagdarasal. Walang pahinga ang paglilingkod at pagsisilbi. Walang pahinga ang pagmamahal.
Pinakamalaking tukso natin ang mamahinga muna. Gusto natin tumikim muna ng sarap ng kasalanan. Tikim lang naman. Hindi naman natin itutuluy-tuloy. Kaya lang hindi natin namamalayan na yung dapat tikim lang ay tuluyan na tayong nalasing sa sarap ng pagkakasala.
Mag-ingat sa tukso na mamahinga. Walang araw dapat na hindi ka naghahanda.
Sa Ebanghelyo ngayon
Binibigyang-diin ni Jesus na kailangang maging MAPANATAG at HANDA ang bawat Kristiyano dahil hindi natin alam ang oras ng ating kamatayan kapag hihingin sa atin ang ulat tungkol sa ating mga buhay. Upang maging mapanatag, kailangan nating palakasin ang ating buhay-PANANALANGIN upang maging malaya tayo sa mga masamang bisyo at hindi kinakailangang malasing sa mga kasiyahan Ng pagkakasala.
Ang pag-asa sa araw na iyon ay hindi dapat mag-alis sa ating mga GALAK; sa halip, dapat itong tumawag sa atin sa PAG-IBIG. Ang pagiging mapanatag ay nangangailangan ng kamalayan hindi lamang sa mga Gawa Ng kaaway at banta sa paliguid natin, kundi pati na rin sa mga kahinaan sa loob natin. Kailangan nating mag-ingat dahil ang kaaway ay naghahanap na parang leon na naghihintay ng pagkakataon upang lapain ang sinuman (cf. 1 Pedro 5:8-9). Ang pagiging mapanatag ay nagsisimula sa isang mabuting pagsusuri ng budhi upang malaman kung ano ang hinihingi sa atin ng Diyos. Mayroon tayong mga SAKRAMENTO upang tulungan tayo sa ating paglalakbay – tanggapin ito habang naghihintay tayo sa pagdating ni Jesus (cf. Epriest).
GAWAIN: Huwag magpahinga sa pagmamahal at pagpapakabanal kahit isang saglit.
PANALANGIN:
Panginoong Jesus, bigyan mo ako ng diwa ng kapanatagan, Tulungan mo akong manatiling gising at iwasan ang tukso. Tulungan mo akong iwasan ang pag walang-bahala sa Espiritu. Sa halip, gamitin mo ang lahat ng pagkakataon upang ang mga biyaya na ibinigay mo sa akin ay makatulong na makayanan ko ang lahat ng pagsubok na darating.
Amen