Podcast: Download ()
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 2, 1-5
Salmo 121, 1-2. 4-5. 6-7. 8-9
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Roma 13, 11-14a
Mateo 24, 37-44
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
First Sunday of Advent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 2, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
Sa mga huling araw,
Ang bundok na kinatatayuan ng Templo ng Panginoon
Ay mamumukod sa taas sa lahat ng bundok.
Daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
Ang maraming taong lalapit sa kanya ay magsasabi ng ganito:
“Halikayo, umahon tayo sa bundok ng Panginoon,
sa Templo ng Diyos ni Jacob, upang malaman natin ang kanyang mga daan
at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Sion magmumula ang Kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ng Panginoon.”
Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng kapayapaan.
Kung magkagayun, gagawin na nilang sudsod ang kanilang mga tabak, at karit ang kanilang mga sibat.
Wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan.
Halina kayo, sambahayan ni Jacob, at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 4-5. 6-7. 8-9
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang kapayapaan nitong Jerusalem,
sikaping sa Poon yao’y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa ‘yo’y pagpalain.
Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Dahilan sa aking kasama’t katoto,
sa ‘yo Jerusalem, ang sabi ko’y ito:
“Ang kapayapaa’y laging sumaiyo.
“Dahilan sa templo ng Poong ating D’yos,
ang aking dalangi’y umunlad kang lubos.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 13, 11-14a
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Alam ninyong panahon na upang gumising kayo sa pagkakatulog. Ang pagliligtas sa atin ay higit na malapit ngayon kaysa noong tayo’y magsimulang manalig sa kanya. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti. Mamuhay tayo nang marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan. Ang Panginoong Hesukristo ang paghariin ninyo sa inyong mga buhay at huwag paglaanan ang laman upang bigyang-kasiyahan ang mga nasa nito.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Salmo 84, 8
Aleluya! Aleluya!
Pag-ibig mo’y ipakita,
lingapin kami tuwina
iligtas kami sa dusa!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 24, 37-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe. Dumating ang baha nang di nila namalayan at tinangay silang lahat. Gayun din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Sabado, Nobyembre 29, 2025
Lunes, Disyembre 1, 2025 »




{ 10 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ngayon ay sinisimulan natin ang bagong taon sa Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan sa pamamagitan ng Panahon ng Adbiyento. Ang Adbiyento, na nangunguhulugang “pagdating,” ay isang panahon ng paghahanda sa Tatlong Pagdating ni Kristo: (1) Ang Kanyang Pagkatawang-tao na ipapagdiriwang natin sa darating na Pasko na Pagsilang, (2) Ang Kanyang Muling Pagbabalik sa wakas na panahon, at (3) Ang Kanyang Pagpapakita sa ating araw-araw na pamumuhay.
Sa ating Unang Pagbasa (Isaias 2:1-5), nagpahayag si Propeta Isaias ng isang orakulo tungkol sa kaganapan ng katarungan ng Diyos. Ang tanda nito ay ang pagtatampok sa Bundok ng Sion, kung saan matatagpuan ang tahanan ng Maykapal. Mula sa Jerusalem makikita natin ang Panginoon bilang isang Hukom na maghahatol sa mga bansa. Siya rin ay tanda ng katarungan at kapayapaan upang wala nang mangyaring kaguluhan pa. At sa bandang huli, hinikayat ni Isaias ang mga tao na lumakad sa liwanag ng Panginoon. Makikita natin sa propesiyang ito ni Isaias ang isang paghahanda sa Unang Pagdating ng Panginoong Hesus, na ating ipagdiwang sa darating na Kapaskuhan.
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 24:37-44), makikita natin kung paanong hinula ng Panginoong Hesus ang mga mangyayari sa mundo bilang tanda ng katapusan. Idiniin ni Hesus ang kahalagahan ng paghahanda sa araw at oras na yaon. Aminin natin na walang nakakaalam kung kailan wawasak ang buong mundo, o kaya kailan babalik si Hesukristo upang paghukuman ang lahat ng nilalang. Ngunit hinihikayat tayo na maghanda at magbantay, sapagkat ayon nga sa sinabi ni Hesus, na ang kanyang pagpaparito ay katulad ng isang magnanakaw na pumasok sa bahay. Kaya itong Ikalawang Pagdating ni Kristo ay nagpapaalala sa atin kung paano natin haharapin ang kinabukasan. Maaaring natatakot tayo sa mga ganito klaseng mensahe at ang maraming tinatawag na “self-acclaimed” at “false prophets” na akala nila alam nila kung kailan wawasak ang daigdig. Subalit ang mensahe ng Ikalawang Pagdating ay hindi dapat magdala sa atin ng takot at pangamba, kundi magtanim sa atin ng pag-asa at pananampalataya na hindi lahat tatapos sa kamatayan. Subalit mayroon namang naghihintay sa atin na kaligayahang handog ng Diyos Ama at pati na rin ni Hesukristo: ang buhay na walang hanggan sa Kaharian ng Langit.
Kaya sa gitna ng Una at Ikalawa ay ang Ikatlong Pagdating. Ito ay ang pagkikilala natin kay Kristo sa misteryo at mga Sakramento, lalung-lalo na ang Eukaristiya. Ito yung paano natin siya mas mauunawaan sa mga karaniwang sitwasyon ng buhay. At sa Ikalawang Pagbasa (Roma 13:11-14), ipinapaalala sa atin ni San Pablo ang paglalakad sa liwanag ng Panginoon at pamumuhay sa kanyang katapatan. Ang mga bisyo at kasalanan ay kailangan nating talikdan upang masuot natin ang sandata ng birtud at kabutihan. Itong pagbasa ay naghudyat sa pagbabalik-loob ni San Agustin sa Diyos. Matapos ang isang buhay na marangya at mapang-alipusta, nakilala ni San Agustin ang Diyos at naging isang napakaimpluwensiyang dalubhasa sa larangan ng Pilosopiya at Teolohiya. At sa kanyang aklat na pinamagatang “Ang mga Kumpisal”, sinabi niya ito: “Ang banayad mong haplos ay aking naramdaman, at minimithi ko ngayon ay ang iyong kapayapaan.”
Nawa’y sa pagsisimula natin ng isang bagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan, ating buksan ang ating puso’t isip sa mga pagpapala ng Diyos Ama upang makilala natin siya sa pamamagitan ng kanyang Bugtong Anak. Ihanda natin ang ating sarili sa 3 Pagdating ni Kristo na dala palagi ang tamis ng kabutihan na sana’y ipamalas natin sa ating kapwa.
Pagninilay Sa Mabuting Balita Mateo 24: 37-44
Noong unang panahon hindi alintala ng mga tao ang mga babala ni Noa. Inisip nila nahibang lang si Noa.
Sa halip na paghandaan nila ang darating na panganib, pinagtawanan pa nila si Noa. Kaya ng dumating ang malaki at malawakan pagbaha di nila naiwasan na sila’y anurin at tangayin. May dalawang babae na humingi ng saklolo ngunit isa lng ang nailigtas at sa ibang gawi may dalawang kalakihan ngunit isa din lng ang nakaligtas.
Dito dapat hindi natin ipagsawalang bahala ang mga babaka at salita ng Diyos. Lagi tayong maging handa sa lahat ng oras kc ang pagdating ng Panginoon ay di natin alam ang takdang oras. Ang paghahanda ay magawa lamang ito kng lubosan natin ipagtiwala sa Panginoon ang ating sarili.
Ang pagtiwala ay sa pamagitan ng ating mga ginaganap araw araw. Lagi tayong manalig sa Panginoon at magtiwala na di niya tayo pabayaan.
Sundin lamang natin ang nais ng Panginoon. Huwag tayong magmalaki, mapanglait, mapanglamang at ma[anghusga. Sa tingin natin ang iba ay makasalanan at marupok at tayo ay nasa taas. Sa isp natin tayo lang ang mahal ng Diyos. Ang Pgmamahal sa Diyos di lamang sa salita o pagkunwari na banal tayo gaya sa pagpakita sa kapwa na tayo lamang ang gumawa ng mabuti. Akayin natin sino man ang naligaw ng landas ayon sa kagustohan ng Panginoon. Buksan natin ang ating puso’t isip sa mga pagpapala ng Diyos upang karapatdapat sa kalooban ng Diyos at tayo ay handa sa pagdating ng Panginoon Kristo Hesus.
# Hibla : Kaya’t lagi tayong maging handa, matutu tayong lumakad sa kanyang mga landas, Mamuhay ng marangal, mamuhay tayo sa liwanag at italaga ang sarili sa pag-gawa ng mabuti.
Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti. Mamuhay tayo nang marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan, amen.
naway sikapin natin at isapuso lagi mga turo ng panginoon, mamuhay nang naaayon sa kagustuhan niya. amen?
I – ADVENT
ANG ADBIENTO AT ANG LITURGIA NG SIMBAHAN
Ngayon ang Unang Linggo ng Araw ng Kalendaryo ng Liturgia ng Simbahan, matapos ang pagdiriwang ng Pista ng Kristong Hari. Ang Adbiento ay pinaghahandaan sa pamamagitan ng tinatawag na advent wreath o koronang pabilog. Tatlo ang kulay lila na tanda na galing kalungkutan sa ating mga kasalanan na ating pinagsisisihan at paghingi ng kapatawaran. Ang kulay rosas ay nagpapahiwatig ng kagalakan sa nalalapit na pagsilang ng Mesiyas na si Kristo Hesus – ang liwanag ng sanlibutan na ating tagapagligtas. Ang Koronang Bilog o Advent Wreath na kulay berde ay nag papaalaala ng katapatan at walang hanggang pagmamahal ng Diyos.
I. Ano ang kahulugan ng Salitang Adbiento?
Ang salitang Adbiento ay buhat sa wikang Latin na Adventus, ang kahulugan ay “Pagdating ng Inaasahan,” na ito’y ang “Mesias” sa wikang Hebreo at “Kristo” sa wikang Griego at “Tagapagligtas” sa ating wika. Sa pagdiriwang ng Inang Simbahan sa panahon ng Adbiento, ay may dalawang (2) dakilang ginugunita: Una, ng unang pagdating ng Kristo, ang kanyang pagsilang at ikalawa ay ang muling pagparito ng Kristong Hari sa wakas ng panahon. Ang pgdiriwang ng panahon ng Adbiento ay may apat na linggo ng Pagbasa ng Ebanghelyo: Ang Una at Ikalawang Linggo at tumutukoy sa Ikalawang apagparito ng Kristo sa wakas ng panahon at ang ika-3 at ika-4 ng Linggo ay tumutukoy naman sa pagdating ni Kristo, ang kanyang pagsilang.
II. Ano naman ang kahulugan ng salitang “Liturgia” ng Simbahan?
A. Ang salitang “Liturgia” ay buhat sa wikang Griego, na “Leitourgia,” na ang kahulugan ay “gawaing pagsamba ng Simbahan.”
B. Ito’y kinapapalooban ng mga sumusunod:
* Pagsambang pananalangin, * Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, * Pagdiriwang ng sakramento ng Eukaristia, * Pagdiriwang ng Pistang Pangilin at ang
* Pagsasabuhay at Pagkakawang gawa ng kalooban ng Diyos
C. Ang balangkas o ayos ng Liturgia ng Simbahan ay nakabatay sa pagkakasunod sunod na pangyayari ng kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan.
III. Ang kasaysayan ng Kaligtasan ng Sangkatauhan
Ang kasaysayan ng Kaligtasan ng Sangkatauhan ay isang mahabang paglalakbay tungo sa huling
hantungan, na Diyos lamang ang nakakaalam ng kahihinatnan. Nagpasimula sa pagkalikha ng Diyos sa tao (creation) at magwawakas sa huling panahon ng paghuhukom (eschaton). At sa pagitan ng paglikha at wakas ng panahon ay ang mga kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan dahil nabahiran ng kasalanan kaya’t isinugo ang Tagapagligtas na si HesuKristong Panginoon, na nag alay ng buhay para sa ikatutubos ng kasalanan ng mundo. Ang katubusang ito ang dahilan, kung bakit ang kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan ay nakasentro at nakatuon kay Kristo, magmula sa kanyang pagsilang hanggang sa pag akyat sa langit at sa muli Niyang pagbabalik sa wakas ng panahon. Si Kristo ay nagpakita at nagturo ng aktuwal sa pagsunod sa kalooban ng Ama at pag ibig sa kapwa at halimbawa ng kawanggawa. At ang mapangligtas na gawain na ito naman, ay Kanyang ipinagkatiwala sa Simbahang Kanyang hinirang, upang maipagpatuloy na kasama Siya, hanggang sa wakas ng panahon. Ang kasaysayan ng kaligtasan ng sangkatauhan ay masusi at maingat na inayos at inihanay ng Inang Simbahan alinsunod sa mga pangyayari at ito ang tinatawag na Kalendaryo ng Taon ng Liturgia o “Liturgical Calendar of The Year.” Ang Liturgical Calendar Year ay kinapapalooban ng mga panahon ng pagdiriwang: Ang Panahon ng Adbiento, Panahon ng Kapaskuhan, Panahon ng Kuaresma o Lent season, Panahon ng pagkabuhay at Pag akyat sa Langit o Easter Season at ang huli ay wakas ng Panahon ang muling pagbabalik, at ang paghuhukom ng Kristong Hari. Ito ang kabuuan ng pagdiriwang ng Inang Simbahan, na ginaganap kada taon upang gunitain, sariwain ang Paskua ni Kristo para sa sangkatauhan.
Panaligan po natin at pagnilayan!!… AMEN!!!
Pagninilay: Bukas ay sisimulan natin ang bagong taon sa Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan sa pamamagitan ng Panahon ng Adbiyento. Ang Adbiyento, na nangunguhulugang “pagdating,” ay isang panahon ng paghahanda sa Tatlong Pagdating ni Kristo: (1) Ang Kanyang Pagkatawang-tao na ipapagdiriwang natin sa darating na Pasko na Pagsilang, (2) Ang Kanyang Muling Pagbabalik sa wakas na panahon, at (3) Ang Kanyang Pagpapakita sa ating araw-araw na pamumuhay.
Sa ating Unang Pagbasa (Isaias 2:1-5), nagpahayag si Propeta Isaias ng isang orakulo tungkol sa kaganapan ng katarungan ng Diyos. Ang tanda nito ay ang pagtatampok sa Bundok ng Sion, kung saan matatagpuan ang tahanan ng Maykapal. Mula sa Jerusalem makikita natin ang Panginoon bilang isang Hukom na maghahatol sa mga bansa. Siya rin ay tanda ng katarungan at kapayapaan upang wala nang mangyaring kaguluhan pa. At sa bandang huli, hinikayat ni Isaias ang mga tao na lumakad sa liwanag ng Panginoon. Makikita natin sa propesiyang ito ni Isaias ang isang paghahanda sa Unang Pagdating ng Panginoong Hesus, na ating ipagdiwang sa darating na Kapaskuhan.
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 24:37-44), makikita natin kung paanong hinula ng Panginoong Hesus ang mga mangyayari sa mundo bilang tanda ng katapusan. Idiniin ni Hesus ang kahalagahan ng paghahanda sa araw at oras na yaon. Aminin natin na walang nakakaalam kung kailan wawasak ang buong mundo, o kaya kailan babalik si Hesukristo upang paghukuman ang lahat ng nilalang. Ngunit hinihikayat tayo na maghanda at magbantay, sapagkat ayon nga sa sinabi ni Hesus, na ang kanyang pagpaparito ay katulad ng isang magnanakaw na pumasok sa bahay. Kaya itong Ikalawang Pagdating ni Kristo ay nagpapaalala sa atin kung paano natin haharapin ang kinabukasan. Maaaring natatakot tayo sa mga ganito klaseng mensahe at ang maraming tinatawag na “self-acclaimed” at “false prophets” na akala nila alam nila kung kailan wawasak ang daigdig. Subalit ang mensahe ng Ikalawang Pagdating ay hindi dapat magdala sa atin ng takot at pangamba, kundi magtanim sa atin ng pag-asa at pananampalataya na hindi lahat tatapos sa kamatayan. Subalit mayroon namang naghihintay sa atin na kaligayahang handog ng Diyos Ama at pati na rin ni Hesukristo: ang buhay na walang hanggan sa Kaharian ng Langit.
Kaya sa gitna ng Una at Ikalawa ay ang Ikatlong Pagdating. Ito ay ang pagkikilala natin kay Kristo sa misteryo at mga Sakramento, lalung-lalo na ang Eukaristiya. Ito yung paano natin siya mas mauunawaan sa mga karaniwang sitwasyon ng buhay. At sa Ikalawang Pagbasa (Roma 13:11-14), ipinapaalala sa atin ni San Pablo ang paglalakad sa liwanag ng Panginoon at pamumuhay sa kanyang katapatan. Ang mga bisyo at kasalanan ay kailangan nating talikdan upang masuot natin ang sandata ng birtud at kabutihan. Itong pagbasa ay naghudyat sa pagbabalik-loob ni San Agustin sa Diyos. Matapos ang isang buhay na marangya at mapang-alipusta, nakilala ni San Agustin ang Diyos at naging isang napakaimpluwensiyang dalubhasa sa larangan ng Pilosopiya at Teolohiya. At sa kanyang aklat na pinamagatang “Ang mga Kumpisal”, sinabi niya ito: “Ang banayad mong haplos ay aking naramdaman, at minimithi ko ngayon ay ang iyong kapayapaan.”
Nawa’y sa pagsisimula natin ng isang bagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan, ating buksan ang ating puso’t isip sa mga pagpapala ng Diyos Ama upang makilala natin siya sa pamamagitan ng kanyang Bugtong Anak. Ihanda natin ang ating sarili sa 3 Pagdating ni Kristo na dala palagi ang tamis ng kabutihan na sana’y ipamalas natin sa ating kapwa.
PAGNINILAY:
Mateo 24:37–44
“Gumising”
Sa Pagtawid ng Panibagong Liturgical Year
Pumasok na naman tayo sa isang panibagong kabanata ng ating buhay pananampalataya—ang Panahon ng Adbiyento, ang panahon ng paghihintay, paghahanda, at paggising ng puso sa pagdating ng Panginoon. Hindi ito simpleng countdown papuntang Pasko. Ito ay panahon ng muling pagsasaayos ng buhay, pagbabalik-loob, at pagtingin sa tatlong dimensyon ng pagdating ni Kristo:
Past: Ang Kanyang pagdating sa kababaang-loob sa sabsaban sa Betlehem.
Present: Ang Kanyang patuloy na pagdating sa Banal na Misa, sa Sakramento, sa kapwa, sa mga ordinaryong pangyayari ng buhay.
Future: Ang Kanyang maluwalhating pagbabalik sa wakas ng panahon(Parousia)
Dahil dito, ang tema ng Adbiyento ay hindi simpleng “parating na ang Pasko,” kundi: “Nandito Siya. Darating pa Siya. At darating Siyang muli.”
Sa Mabuting Balita (Mateo 24:37–44), sinasabi ni Hesus na ang pagdating ng Anak ng Tao ay biglaan, tulad noong panahon ni Noe. Ang mga tao noon ay abala, kumakain, umiinom, nag-aasawa pero hindi handa. Hindi dahil masama ang kanilang ginagawa, kundi dahil naging manhid sila at namuhay nang parang walang Diyos. At dito pumapasok ang paalala ni Hesus:
“Kaya’t maging handa kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo inaasahan, darating ang Anak ng Tao.” Hindi Niya sinabing matakot tayo. Sinabi Niya: “Maghanda.”
Ang Tatlong Pagdating ni Kristo
1. Ang Pagdating Noon (Past)
Sa Betlehem, dumating Siya nang tahimik, sa abang anyo, walang ingay—hindi sa paraang inaasahan ng mundo. Ipinapakita nito na ang Diyos ay dumarating sa simpleng sandali. Kung hindi gising ang ating puso, baka hindi natin Siya mapansin.
2. Ang Pagdating Ngayon (Present)
Dumarating Siya sa:
Salita ng Diyos, sa Banal na Misa at Sakramento, mga tao na nangangailangan
mga sitwasyong nagbibigay hamon, katahimikan ng pagdarasal.
Kaya ang tanong: Gising pa ba ako sa pagdating Niya ngayon? O natutulog ako sa routine ng buhay, stress, o pagkabusy sa mundo?
3. Ang Pagdating sa Hinaharap (Future)
Darating Siyang muli sa kaluwalhatian. Hindi natin alam kung kalian. Pero tiyak ito: ang handang puso ay hindi natatakot sa Kanyang pagdating. Sapagkat kapag ang puso ay nasa Diyos, ang pagdating Niya ay hindi banta—kundi ganap na kagalakan.
Ito ang hamon ng Adbiyento: hindi lang maghanda, kundi gumising.
-Gumising sa katotohananna may mas mahalagang buhay kaysa sa takbo ng trabaho o pinagkakaabalahan at problema.
-Gumising sa panawagan na laging may puwang para sa kabutihan, pag-ibig, at pagpapatawad.
-Gumising mula sa espiritwal na antokng kasalanan, pagkamanhid, at paglimot sa Diyos.
-Gumising sa pagkilosupang ang puso ay maging handa sa pagdating ni Kristo—kahit kailan, kahit saan.
Ang Adbiyento ay ang panahon upang itanong: Ano ang nakatulugan ng aking puso? Ano ang dapat kong gisingin, ayusin, isuko, o ibalik sa Diyos?
Word of the Day: GUMISING
Isang salita, isang paalala, isang panawagan:Gumising.Hindi dahil paparating ang kapahamakan, kundi dahil narito ang Diyos at nais Niyang maranasan natin ang buhay na ganap.
Gumising mula sa kaswal na pananampalataya.Gumising mula sa pagod na walang direksyon.Gumising upang muling maramdaman ang pag-ibig ng Diyos.
Panalangin:
Panginoon, habang pumapasok kami sa Panahon ng Adbiyento, gisingin Mo ang aming puso upang makita ka sa bawat sandali. Linisin Mo ang aming kalooban, pagaanin ang aming espiritu,at ibalik ang sigla ng aming pananampalataya.
Turuan Mo kaming maghanda— hindi sa pamamagitan ng pagkabusy, kundi sa pamamagitan ng pagbalik sa Iyo.
Dumating Ka, Panginoong Hesus, sa aming kahapon, ngayon, at bukas.Sa aming puso at sa aming buhay.Amen.
PAGNINILAY: Ang Adbiyento ay parehong naghahatid ng mensahe ng babala ng kapahamakan at mensahe ng pag-asa ng kaligtasan. Binalikan ni Hesus ang baha noong panahon ni Noe. Nagbabala si Noe ng kapahamakan dahil sa kasalanan pero hindi nakinig ang marami. Lalo pang nagpakalulong sa bisyo at pagkakasala hanggang dumating nga ang baha ng kapahamakan. Ang tanging naligtas ay ang mga nakinig na pumasok sa daong ng kaligtasan.
Higit kailanman ngayon natin damang-dama ang panganib ng baha. Maaaring itinuturo natin ang mga nagnanakaw ng pondo kontra baha bilang pangunahing may kasalanan pero aminin din natin na kaya bumabaha ay dahil din sa ating kagagawan na umaabuso sa kapaligiran at kalikasan. Hangga’t hindi nagbabago tayong mga indibidwal na mamamayan walang pag-asang makaligtas pa tayo sa mga darating pang banta ng kapahamakan ng baha.
Mas matinding kapahamakan ay kapahamakan ng ating kaluluwa. Mas malala kung lalong babagsak pa ang ating moralidad. Nakatakdang mapahamak hindi lang sarili natin kundi pati mga mahal sa buhay, pamilya, komunidad, bayan at ang buong mundo kung hindi tayo makikinig sa babala na magbagong-buhay na tayo. Ito ang hamon at panawagan sa atin ngayong Adbiyento.
Sa pagtugon natin sa panawagang magbago saka pa lamang nagiging mensahe ng pag-asa ang Adbiyento. Kasama natin si Hesus sa pag-ahon mula sa banta ng kapahamakan. Dumating siya noon, dumarating siya ngayon at darating siya sa wakas ng panahon bilang Tagapagligtas. Ang Adbiyento ay pagbabalik-tanaw sa kanyang unang pagdating noong unang Pasko nang isilang siya bilang Liwanag ng Pag-asa ng sanlibutan. Ang Adbiyento ay paanyaya rin na tanggapin natin siya ngayon sa pamamagitan ng pananalangin, pakikinig ng kanyang salita at pagtanggap sa mga Sakramento lalo ng Kumpisal at Banal na Komunyon. Pagsilbihan siya ngayon sa pamamagitan ng ating kawanggawa sa mga nangangailangan. Ang Adbiyento ay nagagalak, aktibo at nananabik na paghihintay natin sa kanyang huling pagdating sa oras man ng ating kamatayan o sa wakas ng panahon.
Adbiyento – parehong mensahe ng babala at mensahe ng pag-asa. Tanggapin natin ang malaking hamon ng Adbiyento.
PANALANGIN: Panginoon, turuan mo ang puso ko makinig sa iyong babala at paanyaya.
GAWAIN: Seryosohin ang banta ng kapahamakan. Seryosohin ang paalala ng Adbiyento.
Marahil ang Ebanghelyo (Mateo 24:37-44) sa Linggong ito ay nagpapahiwatig ng panawagan upang tayo ay laging maging handa. Dahil sinabi dito na ang pagbabalik ng Panginoong ay magaganap sa panahon na hindi natin inaasahan. Kung tayo ay handa ang bawat isa ay walang dapat pangambahan.
Kaya’t bilang paghahanda sa pagbabalik ng Panginoon, lagi nating panatilihin ang pagsunod sa kanyang mga utos na kung tutuusin ay madali namang sundan. Kagaya ng paghihintay sa isang panauhin marami tayong preparasyon na ginagawa para sa ikalulugod ng ating panauhin. Gayundin naman sa paghihintay natin sa Panginoon tayo ay matutong mag ayuno, magtika at magnilay sa ating mga nagawang kasalanan. Sa ganitong paraan natin masasabi na tayo ay naghahanda sa pagdating ng Panginoon. Amen.