Biyernes, Marso 14, 2025

March 14, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Biyernes

Labis ang pagkabigo at pagkamuhing namamagitan sa mga tao, labis na pagtatalu-talo at pag-aaway. Hilingin natin sa Diyos na pagkalooban tayo ng kapangyarihan na maging mga tagapaghilom at tagapagkasundo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, biyayaan Mo kami ng kapayapaan.

Ang Simbahan nawa’y maging kasangkapan ng pagkakasundo, pagpapatawad, pagpapagaling, at pagkakaisa ng mga tao at bansang nakikipagdigmaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y magpasimula ng mga proyektong magtataguyod ng katarungan, kapayapaan, at pagkakaisa sa mga tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang iwasan ang paghihiganti, karahasan, at pag-aaway na bunga ng hidwaan, ideolohiya, o pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y matutuong magpatawad mula sa puso, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may karamdaman sa isip at katawan nawa’y magtamo ng kagalingan ng espiritu sa pamamagitan ng pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Ama, tulungan mo kaming makita ang bawat isa ayon sa iyong paningin upang tanggapin at itaguyod namin ang isa’t isa alang-alang sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.

Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 25, 2021 at 4:13 pm

PAGNINILAY: Ang Kuwaresma ay panahon ng ating pakikipag-isa sa pag-ibig ng Diyos, upang ipadama rin natin ito sa ibang tao. Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa turo ni Hesus ukol sa pag-ibig. Binaggit ng Panginoon ang sanay na batas na kung tawagin ay ‘lex tallionis’. Sa madaling salita, ito yung tanyag na kasabihan na: “Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.” Ito’y nagmula sa kodigo na binuo ni Hammurabi, kaya makikita rin ito sa Lumang Tipan ng Bibliya, lalung-lalo na sa Aklat ng Exodo 21:24 at Aklat ng Levitico 24:20. Ang kasabihang ito ay nangangahulugang kung ang isa ay nagkasala sa iyo, may karapatan kang bunutin ang kanyang ngipin at pitasin ang kanyang ngipin. At kapag paulit-ulit siyang gumagawa ng ikapapamahak mo, sinasabi ng Kodigo ni Hammurabi na gawin lang ang kasabihang iyon, kahit ang iyong kaaway ay maging bulag at bungal. Sa madaling salita, parang tinutulak ka na maghiganti sa mga taong gumagawa ng masasamang bagay laban sa iyo. Subalit para kay Hesus, hindi sagot ang kalupitan upang sugpuin ang kasamaan ng isang tao.

Makikita natin na ang mga pangangaral ng Panginoon ay nakasentro sa pag-ibig at kabutihan. Kaya ang mga pahayag ni Hesus sa Ebanghelyong ito ay hindi dapat kinukuha sa literal na interpretasyon, kundi dapat mas tignan nito nang malalim. Ang pananampal sa kabilang pisgni ng sinumang sumampal sa iyo ay nangangahulugang na ituwid sa maayos na paraan ang pagkakamali ng isang tao. Ang pagpasan ng dalang bigat sa isa pang kilometro ay nagpapahiwatig na tayo ay tinatawag na tulungan ang iba sa punto na nagiging mabuting halimbawa tayo sa kanila. Ang pagsakdal ng isang tao sa iyo para sa iyong ari-arian ay isang paalala na ay ibigay ang hinihingi hindi dahil ika’y sumusuko sa laban, kundi para ang taong iyon ay magbago ang kanyang puso. At ang pagbibigay sa mga humihingi at hindi tumatalikod sa mga nanghihiram ay isang tanda na dapat tayo ay maging bukas palad sa pagbibigay, at ang pagbibigay nga ay walang inaasahang kapalit.

Mga kapatid, ang turo ni Hesus ngayon ay isang paalala na kapag dumating sa punto na nakapaligid sa atin ang kasamaan, labanan natin ito sa pamamagitan ng kabutihan. Hindi dahil tayo ay naduduwag o kaya sumusuko na tayo sa ating mga kalaban, kundi upang sa takdang panahon ay makilala nila ang kabutihan ng Diyos sa ating mga puso. Kapag inuulit natin ang pag-iiral ng pagmamahal at kabutihan, lalo nila masisilayan ang ating awa at malasakit upang sumunod sila sa ating halimbawa. Kaya ito ay parang hamon sa ating buhay-Kristiyano na hindi kailanma’y malutas ang karahasan sa pamamagitan ng karahasan. Ganun din sa ating buhay sa pamilya, paaralan, komunidad, at bansa, mayroon tayong tanyag na kasabihang Filipino: “Hindi maitatama ang isang pagkakamali ng isa pang pagkakamali.” Kaya nawa’y isabuhay natin ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig. At sa bawat pagkakamali at pag-aalipusta na ating nakikita, nararanasan, o nababasa, nawa’y salungatin natin ito sa pamamagitan ng pag-ibig, habag, malasakit, kabutihan ng loob, katarungan, at kapayapaan.

Hilingin natin sa Panginoon ngayong Panahon ng Kuwaresma, katulad ng kanyang patuloy na pagkakahabag at pagpapatawad sa atin sa panahon na tayo ay nagkakasala, ganun din sana ang gawin natin sa maayos na paraan at puno ng pag-ibig upang ituwid ang maling kinagasanan ng ating kapwa.

Reply

Sherwin D. Yanoria February 26, 2021 at 6:46 am

Ang ating Panginoong Hesus ang tunay na guro ng batas. May mga batas sa lumang tipan na kanyang ginawan ng pagbabago. Ito ay para sa lalong ikabubuti ng mga tao. Hindi ito kayang abutin ng kaisipan ng mga eskriba at mga Pariseo. Hangga’t maaari ayon sa ating Panginoong Hesus, wala sanang magkakagalit. Lahat sana ng tao ay magkakasundo. Ang ating pinagmulan ay Diyos ng Pag-ibig. Kaya’t kabaliktaran nito ang galit, poot na humahantong sa pagpatay. kaya nga maghari nawa ang pag-ibig, kapayapaan, pang-unawa at pagpapatawad sa bawat isa.

Reply

Mel Mendoza March 14, 2025 at 1:15 am

PAGNINILAY:
“Ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.”

Sa Ebanghelyong ito (Mateo 5, 20-26) ipinapakita na mas mahalaga ang pag-ibig kaysa sa simpleng pagsunod sa batas. Itinuturo ni Hesus na ang katuwiran ng isang tao ay dapat lumampas sa makitid at panlabas na pagsunod sa batas, tulad ng ginagawa ng mga eskriba at Pariseo.

Ipinapakita ng Ebanghelyo na mas mahalaga ang pag-ibig kaysa sa pagsunod sa alin mang batas.
Una, ang galit ay matuturing katumbas ng pagpatay (Mateo 5:21-22), sinabi ni Hesus na ang taong nagagalit sa kanyang kapwa ay maituturing ding may kasalanan tulad ng isang pumatay. Dito, pinapalalim Niya ang utos na “Huwag kang papatay” (Exodo 20:13), na hindi lamang tungkol sa literal at pisikal na pagpatay kundi pati na rin sa galit, paghamak, at pagtatanim ng sama ng loob sa kapwa. Ipinapakita nito na ang batas ng Diyos ay hindi lamang tungkol sa panlabas na pagsunod kundi lalo higit pa dito. Ito ay makikita sa tunay na pagmamahal at respeto sa kapwa.

Pangalawa, pinaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na ang tunay na pagsamba sa Diyos ay nagpapakita ng kapayapaan sa kapwa (Mateo 5:23-24). Kaya naman tinuturuan tayo ni Hesus na bago tayo mag-alay sa Diyos, tiyakin muna nating maayos ang ating relasyon sa kapwa. Kung may sama ng loob tayo sa iba, mas mahalagang ayusin muna ito bago maghandog. Ipinapakita nito na ang tunay na kabanalan ay hindi lamang sa pagsunod sa ritwal o batas kundi sa pagiging maibigin sa kapayapaan.

Sa panghuli, tinuturuan tayo na bigyang halaga ang pakikipagsundo bago humantong sa mas malalim na hidwaan na hahantong sa paghahatol ng hukuman(Mateo 5:25-26). Hinimok tayo ni Hesus na makipagkasundo agad sa ating kapwa bago pa humantong sa mas magbigat na hatol ng batas. Ipinapakita nito na ang pag-ibig at kapayapaan ay dapat manaig sa ating ugnayan sa bawat isa, sapagkat hindi tayo magkakaroon ng tunay na kapayapaan kung hindi nananahan ang pag-ibig sa ating puso. Ang pinatutungkulan nito na magbalik loob sa Diyos humingi ng kapatawaran bago pa man sapitin ang paghuhusga at ng hindi malirip na kaparusahan.

Sa lahat ng ito, makikita natin ang kahalagahan ng pagpapairal ng batas ng may pag-ibig. Ang tunay na katuwiran sa harapan ng Diyos ay hindi lamang pagsunod sa mga panlabas na kautusan kundi isang pusong puno ng pagmamahal, pagpapatawad, at pagkakasundo. Tulad ng sinabi ni San Pablo: “Ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.” (Roma 13:10)
Magaganap lamang natin ang batas ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang pusong umiibig nang tunay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: