Podcast: Download (Duration: 6:59 — 5.0MB)
Sabado ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Hebreo 11, 1-2. 8-19
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Marcos 4, 35-41
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Hebreo 11, 1-2. 8-19
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya’y naninirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lungsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang pangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
Silang lahat ay namatay na may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila’y dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinakikilala ng mga taong nagsasalita nang gayun na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang naaalaala nila’y ang lupaing pinanggalingan nila, may pagkakataon pang makabalik sila roon. Ngunit ang hinahangad nila’y isang lungsod na lalong mabuti, yaong nasa langit. Kaya’t hindi ikinahiya ng Diyos na siya’y maging Diyos nila, sapagkat ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa niyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac, At sa patalinhagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Nagpadala ang Diyos sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
Mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una.
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.
Poong Diyos ay purihin,
nilingap n’ya ang Israel.
ALELUYA
Juan 3, 16
Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan kaya’t
Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Enero 31, 2025
Linggo, Pebrero 2, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Kay laki ang kadakilaan ng ating Panginoong Diyos na nais niyang marapatin natin ang kanyang kabutihan. At ang kanyang kadakilaan at kabutihan ay makikita sa ating pananampalataya sa kanya. Ang Unang Pagbasa ay nagpapahayag kung paano tayong biniyayayaan ng Diyos ng pananampalataya upang maniwala at sumailalim sa anumang plano na makakabuti para sa lahat. At narinig natin ang ehemplo ni Abraham, ang ating ninuno sa pananampalataya, kung paano siya naging masunurin sa kalooban ng Diyos, at biniyayaaan ng maraming lahi. Ganun din ang asawa nitong si Sara, na kahit matanda na siya at matagal nang hindi nanganganak ay biniyayaan pa rin ng isang sanggol na si Isaac. At kahit masakit sa intensyon ni Abraham na ialay ang kanyang anak sa Moria bilang isang handog, pinigilan siya ng anghel na may kasiguraduhan mula sa Panginoon na ang pagsubok nito ng kanyang pananampalataya ay isang daan tungo sa pagpapala ng kanyang mga salinlahi. Dahil sa pananampalataya nina Abraham at Sara, naging matatag ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos na kung tayo’y magtitiwala sa kanya at magiging masunurin sa kanyang kalooban, patuloy tayong pagpapalain sa totoong lakaran ng buhay ng bawat isa.
Ang Ebanghelyo ay tumutukoy sa Paghihinahon ni Hesus sa dagat at mga alon. Inimbitihan niya ang mga Apostol na maglakbay sila sa ibayo ng Lawa ng Galilea. At habang sila’y lumalayag ay biglang dumating ang isang malalakas na bagyo. Iniihip ito ng hangin at humahampas ng tubig sa punto na malulunod na ang bangka. Natakot ang mga alagad at ginising nila si Hesus. Dito ay ipinamalas ni Kristo ang kanyang kapangyarihang ipahinahon ng dagat at mga alon. Nagtaka siya sa maliit na pananampalataya kanyang mga tagasunod, at ang mga Apostol naman ay namangha sa kanyang ginawa. Tunay na napakadakila ang Panginoon na mas higit ang pananampalataya ng tao kaysa sa mga bagyo ng buhay. Ang hamon sa atin ay maging mahinahon at kumapit lang sa kanya nang may pagtitiis at pananalig upang malampasin natin ang lahat ng pinagdaraanan nating mga problema at sakit.
PAGNINILAY:
Sa Mabuting Balita nakita natin ang isang makapangyarihang tagpo: Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bangka nang biglang dumating ang malakas na bagyo. Habang ang mga alagad ay natatakot, si Hesus naman ay natutulog. Nang gisingin nila Siya, pinatigil Niya ang bagyo at tinanong sila, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?”
Sa ating Unang Pagbasa naman , ipinakikita ang pananampalataya bilang pundasyon ng ating pag-asa at pagtitiwala sa Diyos. Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Abraham ay sumunod sa utos ng Diyos, kahit hindi niya alam kung saan siya paroroon. Ipinapakita nito na ang tunay na pananampalataya ay hindi nangangailangan ng tiyak na kaalaman sa hinaharap kundi ng lubos na pagtitiwala sa Diyos na gumagabay sa lahat ng bagay.
Ang dalawang pagbasa ngayon ay nagtuturo sa atin ng isang mahalagang aral: ang pananampalatayang matibay ay nagtutulak sa atin na magtiwala sa Diyos sa kabila ng unos ng buhay.
Maraming beses sa ating buhay na parang nasa gitna tayo ng bagyo—mga pagsubok, problema, o takot sa hinaharap. Madalas tayong mag-alala, katulad ng mga alagad, at magtanong: “Panginoon, hindi Mo ba alintana?” Ngunit ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala sa atin na kahit sa gitna ng bagyo, naroon si Hesus. Hindi Siya natitinag, sapagkat Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay.
Ang tanong ni Hesus sa mga alagad—“Wala pa ba kayong pananampalataya?”—ito ay isang hamon din para sa atin. Sa kabila ng ating pananalangin, minsan ay nag-aalinlangan pa rin tayo kung tunay ngang kikilos ang Diyos sa ating buhay. Ngunit gaya ni Abraham na sumunod sa Diyos kahit hindi niya alam kung saan siya dadalhin, dapat tayong magkaroon ng pananampalatayang kumakapit sa Diyos kahit hindi natin nakikita ang buong larawan ng Kanyang plano.
Ang tanong sa atin ng mga pagbasa, una, anong mga sitwasyon sa buhay natin ngayon nararamdaman nating parang may “bagyo”? Paano tayo tinatawag ng Diyos na magtiwala sa Kanya?
Pangalawa, mayroon ba tayong mga desisyong na dapat gawin ngunit hindi natin tiyak ang hinaharap? Gaya ni Abraham, kaya ba natin ang sumunod sa Diyos nang may buong pananampalataya?
Panghuli, paano natin mas palalalimin ang ating pagtitiwala sa Diyos sa pang-araw-araw natng buhay?
Manalangin tayo. Panginoon, sa gitna ng bagyo ng aming buhay, turuan Mo kaming magtiwala at manalig sa Iyong kapangyarihan. Tulungan Mo kaming hindi matakot kundi buong pananampalatayang kumapit sa Iyo. Tulad ni Abraham, nawa’y sumunod kami sa Iyong kalooban kahit hindi namin lubos na nauunawaan ang Iyong plano. Palakasin Mo ang aming pananampalataya upang sa lahat ng sitwasyon, makita namin na Ikaw ang aming sandigan at kaligtasan. Amen.
Personal na Pagmumuni-muni sa Markos 4:35-41
Sa kwento ng Markos 4:35-41, makikita natin si Jesus at ang Kanyang mga alagad na sakay ng isang bangka nang biglang bumugso ang malakas na bagyo. Habang nagkakagulo ang lahat sa takot, si Jesus ay natutulog nang payapa. Ginising Siya ng mga alagad na puno ng pag-aalala at takot, at sinabi, “Guro, wala ba kayong pakialam na tayo’y mamamatay na?” Ngunit bumangon si Jesus, pinatigil ang hangin at pinakalma ang dagat, at biglang nagkaroon ng ganap na katahimikan. Pagkatapos ay tinanong Niya ang Kanyang mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?”
Pagmumuni-muni:
Sa aking personal na buhay, madalas akong nakakaranas ng mga “bagyo” — mga problema, pagsubok, at takot na tila hindi ko makontrol. Minsan, parang pakiramdam ko na tahimik si Lord sa gitna ng aking mga paghihirap, kaya napapatanong ako, “Panginoon, nandiyan Ka ba talaga? Bakit parang hindi Mo ako tinutulungan?”
Ngunit ang kwento ay isang paalala na kahit tila tahimik si Jesus, Siya ay nariyan. Hindi ibig sabihin na wala Siyang pakialam. Siya ay kasama ko sa bangka ng aking buhay. Kapag natatakot ako, hindi ko dapat kalimutan na hawak Niya ang lahat. Minsan, hinahayaan Niya akong maranasan ang mga bagyo upang subukin at patatagin ang aking pananampalataya.
Ang tanong ni Jesus, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?” ay personal na tumatama sa akin. Pinapaalala nito na ang tunay na pananampalataya ay hindi lang umiiral kapag kalmado ang lahat, kundi higit na nasusubok sa gitna ng unos.
Paglalapat:
Ngayong alam ko ito, gusto kong matutunan na sa tuwing may mga pagsubok, hindi agad matakot o mawalan ng pag-asa. Sa halip, matuto akong lumapit kay Jesus, manalangin, at magtiwala sa Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Hindi ko man agad makita ang sagot, paniniwalaan ko na Siya ang Diyos na kayang payapain hindi lang ang bagyo sa paligid ko, kundi pati ang bagyo sa aking puso.
“Sa Diyos na kasama ko sa bangka, walang bagyong hindi Niya kayang payapain.”