Linggo, Pebrero 2, 2025

February 2, 2025

Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo

Malakias 3, 1-4
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.

D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.

Hebreo 2, 14-18
Lucas 2, 22-40
o kaya Lucas 2, 22-32


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of the Presentation of the Lord (White)

World Day for Consecrated and Religious Life
Day of Prayer and Awareness against Human Trafficking

UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias

Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipapahayag ang aking tipan.”

Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayun, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.

D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.

Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.

D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.

Ang dakilang haring ito ay sino ba?
Siya ang Poon, dakilang talaga;
Saanmang labanan tagumpay ay kanya.

D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.

Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,
ang dakilang hari ay doon papasok.

D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.

Ang dakilang hari’y sino bang talaga?
Makapangyarihang Diyos at hari siya!

D’yos na makapangyariha’y
dakilang hari kailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 14-18

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Hesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa gayun, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi “Ang lahi ni Abraham.” Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao. Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 2, 32

Aleluya! Aleluya!
Para sa lahat ng bansa
liwanag na nagmumula
sa bayan mong dinakila!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa Kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”

May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,

“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”

Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula sa Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”

Naroon din sa templo ang isang propetang babae na ang pangala’y Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Nang maisagawa nila ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang bata’y lumaking malakas, marunong at kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 2, 22-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”

May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,

“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 22, 2021 at 10:45 am

PAGNINILAY: Ang ating Kapistahan ngayon ng Pagdadala kay Hesus sa Templo ng Jerusalem ay tumatapat sa 40 araw pagkatapos ng pagdiriwang ng Pagsilang niya noong Kapaskuhan. Ito’y naaayon sa tradisyon ng mga Israelita na ang bawat batang lalaki ay itatalaga sa Panginoon sa Templo, at magdadala ng mga magulang ng 2 kalapati para sa pagpapalinis ng ina. Kahit alam nina San Jose at Birheng Maria na ang sanggol na kanilang inaalagaan ay ang Anak ng Diyos at Tagapagligtas, sila’y sumailalim sa Kautusang inilaan ni Moises.

Higit pa diyan ay ang pagkilala nina Simeon at Anna kay Hesus bilang Mesiyas hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Bagamat sila’y matanda na sa edad, ipinangako ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu na makikita nila ang kanyang Anak sa Templo habang buhay pa sila. Kaya nga ang pagturing ni Simeon kay Kristo na “liwanag para sa lahat” ay isinasagawa sa ating liturhiya sa pamamagitan ng pagbabasbas at pagprupruasisyon ng mga kandila.

Ang liwanag na hinangad ng dalawang matatanda ay mismong liwanag dala ng Panginoon sa ating mga buhay. Nais niya tayong sumunod sa kanya bilang Ilaw ng Sanlibutan upang hindi tayong palibutan ng mga kadiliman dulot ng kasamaan. Kung tayo’y magiging mababa ang kaloobam katulad ng ginawa ng Banal na Mag-anak at nina Simeon at Anna sa Templo, tunay na mayroon tayong makakamtan na sorpresa mula sa Diyos na di lingid sa ating kaalaman.

Reply

Rowena B. Tonogbanua February 2, 2023 at 7:33 am

Salamat Panginoon sa liwanag na kaloob mo sa amin. Tanglaw sa aming Buhay.

Reply

Liza Clanor January 29, 2023 at 12:57 pm

salamat LORD sa liwanag at pagasa,salamat sa lakas ng loob,ganoon din sa kababaang loob,maraming salamat din sa mga sorpresang nakakamtan namin sa araw araw ,lalo na sa pag iingat at kaligtasan naming lahat na sayo lang nagbubuhat PANGINOONG MAPAGMAHAL

Reply

Ervi February 2, 2023 at 3:31 pm

Kung maalala natin ang ating kumpil. Ang obispo na nagkumpil sa akin ay si Msgr. Bantique sa Diocese of San Pablo former Diocese of Lipa. Nasa elementary ako nun Grade 3 at inihanda kami na tanggapin ang banal na Espiritu na kaloob ng Pagkukumpil. Masarap siya alalahanin sa tuwing nghihia tayo sa ating pananampalataya. Tinangap natin siya ng walang pangamba. Puspos at dalisay ang pangako Niya na babantayan tayo hanggang nabubuhay sa mundong ito. Ala niya na marami tayong kakaharaping pagsubok at ang lahat ng itoy mapagtatagumpayan natin dahil sa kanyang kaloob. Sumaatin nawa ang Espiritung nagpapabanal upang makarating tayo sa kaluwalhatian sa langit. Maging matatag tayo dahil ang pagsubok ay araw araw hindi ito isang beses lang itoy 24 oras na pagbabantay para sa ikasisiya ng ating Amang lumikha. Binabati ko kayong mga sumusubaybay at gumawa ng app na ito. Mabuhay kayo at ipahayag sa lahat ang mabuting balita.

Reply

Mel Mendoza January 31, 2025 at 11:02 pm

PAGNINILAY:

Mga kapatid, ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Pagdadala sa Panginoon sa Templo, apatnapung araw matapos ang Pasko ng Pagsilang. Kasabay nito, ginugunita rin natin ang Kapistahan ng Birhen ng Candelaria. Sa pagdiriwang na ito, ating alalahanin ang larawan nina Maria at Jose—mga magulang na may pusong mapagpakumbaba at masunurin sa kalooban ng Diyos. Kahit si Hesus ay Anak ng Diyos, buong pagpapakumbaba silang sumunod sa tradisyon ng Israel upang ipakita ang kanilang pagsunod ng may pananampalataya.

Ito ay isang paalala sa atin na tayo rin ay tinatawagan sa pagsunod nang may kababaang-loob. Maraming pagkakataon na hindi natin agad nauunawaan ang mga plano ng Diyos, ngunit tulad nina Maria at Jose, hinihikayat tayong magtiwala sa Kanya. Sa kanilang pag-aalay kay Hesus, inihandog nila ang isang pares ng batu-bato o dalawang kalapati—ang alay ng mahihirap. Ipinapakita nito ang kababaang-loob at pagiging payak ng Banal na Pamilya.

Isa pang mahalagang tauhan sa Ebanghelyo ay si Simeon, na matagal nang naghihintay sa Mesiyas. Nang makita niya si Hesus, napuno siya ng kagalakan. Tayo rin ba ay may ganitong pananabik sa presensya ng Panginoon sa ating buhay? Gayundin, nang sabihin ni Simeon kay Maria, “Isang tabak ang tatagos sa iyong puso,” ipinakita nito ang magiging paghihirap ni Maria sa hinaharap. Bilang mga tagasunod ni Kristo, tayo rin ay dadaan sa mga pagsubok at sakripisyo. Ngunit sa kabila ng lahat, may kaluwalhatiang naghihintay sa atin.

Si Propetisa Ana naman ay isang huwaran ng tapat na paglilingkod sa Diyos. Kahit matanda na siya, hindi siya tumigil at inialay niya ang kanyang buhay sa sa pananalangin at pagpupuri sa Panginoon. Ipinapakita nito na sa paglilingkod sa Diyos, walang edad o limitasyon. Lahat tayo, bata man o matanda, ay tinatawag upang ipahayag ang kabutihan ng Panginoon.

Ang hamon sa atin ng Ebanghelyo:
May pusong masunurin ba tayo tulad nina Maria at Jose? Minsan, mas madali para sa atin na sundin lamang ang gusto natin. Ngunit ang tunay na pananampalataya ay nangangailangan ng pagsunod kahit sa mahihirap na pagkakataon.

Hinahanap ba natin ang Diyos tulad ni Simeon? Sa dami ng ating pinagkakaabalahan—trabaho, pamilya, problema—mahalagang patuloy nating hanapin ang presensya ng Panginoon sa ating buhay.

May kagalakan ba tayo sa paglilingkod tulad ni Ana? Sa kabila ng kanyang katandaan, nanatili siyang masigasig sa pananalangin at pagpupuri sa Diyos. Tayo rin ba ay may sigla at kagalakan sa ating pananampalataya?

Ang Pag-aalay sa Templo ay paalala na si Hesus ang ating Liwanag. Tayo rin ay tinatawagan upang maging liwanag sa ating pamilya, komunidad, at mundo sa pamamagitan ng pananampalataya, pagmamahal, at paglilingkod. Siya ang ating Candelaria—ang ating ilaw sa gitna ng kadiliman.

Nawa’y patuloy nating ialay ang ating buhay sa Panginoong Hesus, gaya ng pag-aalay nina Maria at Jose sa kanya sa templo. Amen.

Reply

SAINTSPOT February 2, 2025 at 12:03 am

Ang kwento ni Simeon ay isang makapangyarihang larawan ng pananampalataya, pag-asa, at pagtitiwala sa Diyos. Matagal siyang naghintay, ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Hindi niya alam kung kailan darating ang katuparan ng pangako, pero nanatili siyang tapat sa kanyang pananampalataya.

Sa aking personal na buhay, napagtanto ko kung gaano kahirap maghintay—hindi lang sa maliliit na bagay, kundi lalo na sa mga panalangin at pangarap na tila napakatagal bago matupad. Minsan, nakakaramdam ako ng panghihina, nagdududa kung maririnig ba talaga ako ng Diyos. Pero si Simeon ay paalala na ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang mga pangako. Maaaring hindi sa oras na gusto ko, pero sa tamang panahon Niya.

Paglalapat:
Ngayong naunawaan ko ito, gusto kong matutunan na maging katulad ni Simeon—na may matibay na pananampalataya kahit hindi pa dumarating ang kasagutan sa aking mga panalangin. Natutunan ko ring hindi lang basta paghihintay ang mahalaga, kundi ang tamang ugali sa paghihintay—puno ng pag-asa, pagtitiwala, at pag-aalay ng sarili sa Diyos araw-araw.

Sa huli, kapag natupad ang Kanyang pangako, mararamdaman ko rin ang kapayapaan na tulad ng kay Simeon, sapagkat alam kong ang Diyos ay hindi kailanman pumapalyang tuparin ang Kanyang salita.

“Ang pananampalatayang matiyagang naghihintay ay nagbubunga ng kapayapaang hindi kayang ibigay ng mundo.”

Reply

Ann Avila February 2, 2025 at 5:27 am

Panalangin.
Oh, Panginoon, nawa’y matanggap namin at papasukin sa aming puso at sa aming buhay ang Iyong Anak na Hesus, bago pa man kami mamatay.

Sa ngalan Niya, na aming Hari at sa pamamagitan nang aming Inang Maria, ni San Jose at sa lahat ng mga Santo.
Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: