Lunes, Enero 20, 2025

January 20, 2025

Lunes ng Ika-2 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

o kaya Paggunita kay San Fabian, papa at martir
o kaya Paggunita kay San Sebastian, martir

Hebreo 5, 1-10
Salmo 109, 1. 2. 3. 4

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Marcos 2, 18-22


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Second Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Fabian, Pope and Martyr (Red)
or Optional Memorial of St. Sebastian, Martyr (Red)

UNANG PAGBASA
Hebreo 5, 1-10

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Ang bawat dakilang saserdote’y pinili sa mga tao at itinalagang maglingkod sa Diyos para sa kanila upang maghandog ng mga kaloob at mga hain dahil sa mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya’y mahina rin. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya’y maghandog ng hain, hindi lamang para sa kasalanan ng mga tao kundi para sa mga kasalanan din niya. Ang karangalan ng pagiging dakilang saserdote ay hindi maaaring kamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang humihirang sa kanya, tulad ng pagkahirang kay Aaron.

Gayun din naman, hindi si Kristo ang nagtaas ng kanyang sarili sa pagiging dakilang saserdote. Siya’y hinirang ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
Ako ang iyong Ama.”

Sinasabi rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay saserdote magpakailanman
Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.”

Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya. Minarapat ng Diyos na siya’y gawing dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 109, 1. 2. 3. 4

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Sinabi ng Poon, sa Hari ko’t Panginoon,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang ang kaaway mo
ay lubos na mapasuko,
pagkat iyong matatalo.”

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Magmula sa dakong Sion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo’y
sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

Panginoo’y may pangako na ito’y tiyak mangyayari,
ganito ang kanyang saysay:
“Katulad ni Melquisedec,
gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.”

Ika’y paring walang hanggan
katulad ni Melquisedec.

ALELUYA
Hebreo 4, 12

Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng D’yos,
ganap nitong natalos
tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 2, 18-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga Pariseo. May lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga alagad ni Juan Bautista at ang mga alagad ng mga Pariseo, ngunit ang mga alagad ninyo’y hindi?” Sumagot si Hesus, “Makapag-aayuno ba ang panauhin sa kasalan samantalang kasama nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Kapag wala na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.

“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa lumang kasuutan; pag urong ng bagong kayo, mababatak ang luma at lalong lalaki ang punit. Wala rin naman nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, sapagkat papuputukin ng alak ang balat. Kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Bagong alak, bagong sisidlang-balat!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno January 13, 2019 at 8:55 pm

Tinanong sa Mabuting Balita ni Hesus na maaari bang mang-ayuno ang mag-asawa sa pamamanhikan at habang ang lalaki ay kasama nila. Ang sagot ni Hesus ay hindi po dahil kapag nagpakasal sila ay sasabihin lamang nila.

Reply

Reynald Perez January 21, 2019 at 12:17 am

Pagninilay: Lubos na ipinapagalala ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa mga bagay na lilipas at mga bagay na mabubuhay kailanman. Tinanong ng mga Pariseo at mga alagad ni San Juan Bautista kung bakit hindi nag-aayuno sina Hesus at ang mga Apostol. Kaya ang naging tugon ng Panginoon ay isang parabula tungkol sa piging ng isang kasalan, na kung saan ang mga panauhin ay hindi nag-aayuno hanggang nakapiling nila ang lalaking ikinasal. At kapag nakaalis na ang lalaking iyon ay saka sila maaring mag-ayuno. Ang talinghagang ito ay patungkol sa presensiya ni Hesus bilang Mesiyas ng Diyos na siyang isinugo upang tipunin ang tao sa iisang Simbahan, ang Sambayanan ng Diyos. Kaya ang Unang Pagbasa ay tungkol kay Hesukristo bilang Pari kailanman na siyang punong saserdote ay naghahandog ng pinakaganap na alay ng kanyang sariling Katawan para sa pagbabayad ng mga kasalanan. Siya ang tagapamagitan sa atin patungo sa Ama dahil sa kanyang awa at pagmamahal para sa sangkatauhan. At ito ang Tipan ng Diyos Ama na katulad ng pagtatahi ng bagong kayo mula sa lumang tela at ng pagsisilid ng bagong alak sa bagong sisidlan. Kaya ipinapaalala sa atin na sa Panginoo’y nagmumula ng mga bagong bagay, mga bagay na kinakailangan natin talaga sa buhay at hindi kailanma’y lilipas. Kaya nawa’y mapanibago ang ating puso’t isipan na maging matapat sa Diyos at sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Melba G. De Asis January 21, 2019 at 7:08 am

Ang pag-aayuno ay isinasagawa ng tahimik para sa paglilinis ng konsensya at ng pisikal na katawan.

Panginoon nawa’y linisin mo ako sa aking mga nagawang kasalanan. Itinataas ko po sa Inyo na nawa’y ipagkaloob mo ang kagalingan sa aming may mga karamdaman, ang lahat ng ito’y hinihiling ko sa pangalan ni Hesus! Amen

Reply

Arturo Infeliz January 16, 2023 at 1:08 pm

Amen. panginoon patawarin mo kami sa aming mga kasalanan at hipuin mo Po ang aming mga puso at isipan para kami ganap na makapanumbalik sayo???

Reply

SAINTSPOT January 16, 2023 at 5:58 pm

https://youtube.com/watch?v=rHpcq6GfCDk&si=EnSIkaIECMiOmarE

Bagong alak, bagong sisidlang-balat!

Kung meron kang isang bagay nagpapahirap sayo lalot nat naglalayo sayo sa Diyos na gusto mong baguhin o tanggalin sa iyong buhay, ay kailangan mong mag-ayuno o ang tinatawag na fasting. Ito ay isang mabisang paraan para ma-disiplina ang iyong sarili para mabigyan ng importansya ang mas mahalaga. Halimbawa, mahilig kang kumain ng bawal sa iyong kalusugan. magdesisyon ka! na mag-ayuno ngayon para ituro sa tawag ng iyong laman na hindi lahat ng pagkakataon siya ang nasusunod.

Ang pag-aayuno ay isang kahanga-hangang espirituwal na kasanayan. Ito ay nakakatulong upang palakasin ang kalooban laban sa hindi maayos na mga tukso sa laman at tumutulong na magdala ng kadalisayan sa kaluluwa ng isang tao.

Ang pag-aayuno ay kailangan kapag tayo ay nagkasala at ang ating pakikipagrelasyon kay Kristo ay nagsimulang maglaho. Ito ay pagkatapos na ang personal na sakripisyo ng pag-aayuno ay tumutulong sa pagbukas muli ng ating mga puso sa ating Panginoon.
Si Hesus ang tagapamagitan sa atin patungo sa Ama dahil sa kanyang awa at pagmamahal para sa sangkatauhan. Kaya ipinapaalala sa atin na sa Panginoo’y nagmumula ng mga bagong bagay, mga bagay na kinakailangan natin talaga sa buhay at hindi kailanma’y lilipas. Kaya nawa’y mapanibago ang ating puso’t isipan na maging matapat sa Diyos at sa kanyang dakilang kalooban.

Reflect, today, upon your approach to fasting and other penitential practices. Do you fast? Do you make regular sacrifices so as to strengthen your will and help you to turn more fully to Christ? Or has this healthy spiritual practice been somewhat neglected in your life? Renew your commitment to this holy endeavor today and God will work powerfully in your life.

Panginoon, binubuksan ko ang aking puso sa bagong alak ng biyaya na nais mong ibuhos sa akin. Tulungan mo akong maging wasto sa biyayang ito at gamitin ang lahat ng paraan na kinakailangan upang maging mas bukas sa Iyo. Tulungan mo ako, lalo na, na mangako sa kahanga-hangang espirituwal na pagsasanay ng pag-aayuno. Nawa ito’y magawa kong magbigay lugod lagi sayo para magbunga ng masagana para sa Iyong Kaharian. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Mel Mendoza January 19, 2025 at 10:22 pm

PAGNINILAY:

“Ang mga alagad ba ng kasalan ay mag-aayuno habang kasama nila ang kasintahang lalaki? Hindi! Kapag nawala na ang kasintahang lalaki, saka pa lamang sila mag-aayuno.” (Marcos 2:19-20)

Ang talinghaga ng kasalan sa Ebanghelyo ay nagpapakita ng malalim na relasyon ni Hesus sa kanyang mga alagad. Si Kristo ang kasintahang lalaki, at ang kanyang presensya ay isang panahon ng kagalakan at kasiyahan. Ngunit darating ang panahon ng pagsubok, kapag siya ay aalis sa kanila. Ang pag-aayuno ay nagiging tanda ng pananabik at paghahanda sa muling pagbabalik ni Kristo.

Ang pahayag na “Siya ay aalis sa kanila” ay tumutukoy sa panahon ng paghihiwalay ni Hesus sa kanyang mga alagad. May dalawa itong pangunahing kahulugan: Pisikal na Pag-alis ni Hesus: Ito ay tumutukoy sa hinaharap na pagdurusa, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus. Nang siya ay ipako sa krus at ilibing, naranasan ng kanyang mga alagad ang bigat ng pagkawala niya. Ito rin ay nagbigay-daan sa kanilang pag-aayuno, pananalangin, at pagninilay bilang tanda ng kanilang pananabik sa muling pagkabuhay ni Hesus. Ito ay paalala din sa atin na sa anumang pagsubok na ating kinakaharap ay lagi tayong binibigyan ng pag-asa ng Diyos na buhay at kailanman hindi Niya tayo iiwanan na nagiisa sa pinagdadaanan natin.

Nang si Hesus ay umakyat sa langit pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay, iniwan niya ang kanyang mga alagad upang ipagpatuloy nila ang kanyang misyon sa mundo. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan ng ganap na pagkawala, sapagkat ipinadala niya ang Espiritu Santo upang sila’y gabayan at palakasin.

Sa ganitong konteksto, ang pagkawala ni Hesus ay hindi permanente. Sa halip, ito ay nagbubukas ng daan sa mas malalim na kaugnayan sa kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ang pag-asa ng muling pakikipagkita sa kanya sa kanyang ikalawang pagdating.

Pinaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na tingnan ang ating kaugnayan kay Hesus. Napupuno ba tayo ng kagalakan dahil kasama natin Siya sa ating buhay? Handa ba tayong magsakripisyo upang mapalalim ang ating pananampalataya, lalo na sa panahon ng Hamon ng kahirapan sa ating buhay?

Mga kapatid, ang ating pananampalataya ay tulad ng bagong alak na nangangailangan ng bagong sisidlan. Ang mensahe ni Hesus ay isang paanyaya sa pagbabago ng ating pananaw at puso. Hindi natin maaaring ipilit ang bago sa luma, sapagkat sisira lamang ito sa parehong alak at sisidlan. Ganun din naman sa bagong damit at luma.

Ang bagong alak ay sumasalamin sa bagong buhay na inaalok ni Kristo—isang buhay na puno ng pag-ibig, awa, at pag-asa. Subalit, upang matanggap ito, kailangang buksan natin ang ating mga puso sa pagbabago. Alisin natin ang mga dating gawi ng kasalanan, pagkakanya-kanya, at kawalan ng pananampalataya. Sa madaling salita, hindi pwede pagsamahin ang ating nakagawiang buhay sa bagong iniaalok sa atin ni Hesus. Ang radikal na pagtalikod sa masama ay kinakailangan nating gawin.

Sa panahon ng kasiyahan o pagsubok, dapat mananatili tayong tapat sa Panginoon. Tulad ng bagong alak, ang ating pananampalataya ay dapat patuloy na umunlad at magbago, nang naaayon sa kalooban ng Diyos. Huwag tayong matakot sa pagbabagong hinihiling ng Ebanghelyo, sapagkat ito ang daan tungo sa tunay na kagalakan at kaligtasan.

Binhi ng Kamalayan:
Ano ang mga luma o hindi makadiyos na bagay sa aking buhay na kailangang palitan ng bagong pananampalataya kay Kristo?

Manalangin tayo. Panginoon, tulungan mo kaming buksan ang aming puso sa pagbabago at tanggapin ang bagong buhay na iniaalok Mo. Punuin mo kami ng Iyong Espiritu upang kami’y magpatuloy sa paglago sa pananampalataya. Amen.

Talikdan natin ang luma patungo sa pagtahak ng bagong buhay na kasama si Hesus.

Reply

Wengzkie January 20, 2025 at 5:09 am

Amen Salamat sa Diyos.
Salamat kapatid…naunawaan ko po ang readings today dahil sa comment mo po.
Thank you Holy Spirit.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: