Martes, Oktubre 29, 2024

October 29, 2024

Martes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Efeso 5, 21-33
Salmo 127, 1-2. 3, 4-5

Mapalad ang sumusunod na
taong may takot sa D’yos.

Lucas 13, 18-21


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Efeso 5, 21-33

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid, pasakop kayo sa isa’t isa tanda ng inyong paggalang kay Kristo.

Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na siyang ulo ng simbahan, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Kristo ang simbahan, gayon din naman, ang mga babae’y dapat pasakop nang lubusan sa kani-kanilang asawa.

Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Kristo sa simbahan. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito, upang ang simabaha’y italaga ng Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang maiharap sa kanyang sarili ang simbahan, marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot. Dapat mahalin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sariling nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan, bagkus ito’y pinakakain at inaalagaan, gaya ng ginagawa ni Kristo sa simbahan. Tayo’y mga bahagi ng kanyang katawan. “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.” Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito — ang kaugnayan ni Kristo sa simbahan ang tinutukoy ko. Subalit ito’y tumutukoy rin sa bawat isa sa inyo: mga lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyu-inyong asawa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3, 4-5

Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.

Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.

Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.

Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.

Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.

Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.

Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 13, 18-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos? Saan ko ihahambing ito? Katulad ito ng isang butil ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito’y lumaki hanggang sa maging punongkahoy at namugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

Sinabi pa ni Hesus, “Saan ko itutulad ang paghahari ng Diyos? Katulad ito ng lebadurang inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, anupat umalsa ang buong masa.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 29, 2018 at 4:41 pm

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay ang isang payo ni San Pablo sa atin na magpakasakop tayo sa isa’t isa, hindi ang iisang tao lamang ang mananakop ng buhay ng iba. Sa kalagayan ng buhay-mag-asawa, ang mga esposo ay inaanyahan na magpakasakop sa isa’t isa, na ang mga babae ay susunod sa mga desisyon ng mga lalaki, samantala ang mga lalaki naman ay dapat magsusuporta sa mga babae. Kung baga ganito ang pagmamahalang ninanais sa isang mag-asawa, katulad ng pagmamahal ni Kristo sa kanyang nobya, ang Simbahan. Kaya sa buhay natin, mahalaga na maghari ang pag-iibigan hindi lang sa romantikong, kundi higit diyan ay para sa ikararangal ng Panginoon na siyang humabilin sa atin na magmahalan. Ang Ebanghelyo naman ay 2 parabula ni Hesus tungkol sa Paghahari ng Diyos: ang Butil na Mustasa at ang Lebandura. Sinasabi rito ng Panginoon na ang Paghahari ng Diyos ay katulad ng isang butil na mustasa na bagamat maliliit sa mga binhi ay kapag lumago ay ito’y nagiging pinakamalaking puno dahil may mapamumugaran ang mga ibon ng himpapawid sa kanyang mga sanga. Ang Kaharian ay katulad rin sa isang babaeng naghalo ng tatlong takal ng harina upang gumawa ng lebandura hanggang sa umalsa na ang masa nito. Ipinapahiwatig ng 2 parabula tungkol sa paglago ng Kaharian ng Diyos. Ito’y nagsimula rin sa mga maliliit na bagay hanggang ito’y lumaki at lumaganap. Higit pa ang Paghahari ng Diyos sa mga makamundong kaharian dahil dito’y matatagpuan ng tao ang pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan. Ang Kahariang ito ay nasa piling natin kung ang mga 3 values na iyan ay naroroon, ngunit ang buong pagpapakita nito ay mangyayari pa sa katapusan ng mundo. Tayo’y bilang mga Kristiyano ay hindi lamang mamamayan ng ating lipunan, kundi tayo’y higit pa mga mamamayan ng Diyos. Ang ating Simbahan ay gumagabay sa atin kung paano nating tatanggapin ang Paghahari ng Diyos sa ating buhay. Kunh tayo’y magpapakumbaba at magiging masunurin sa dakilang kalooban ng Panginoon, tayo’y kanyang patuloy na pagpapalain. At huwag po nating kalimutang ibahagi ang ating mga natanggap na biyaya sa ibang tao dahil iyan po ang ating misyon sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol ng Kaharian ng Panginoon.

Reply

Cristina A. Guarin October 30, 2018 at 6:03 am

Panginoon, panatilihin mo sa akin ang grasya ng kababaang loob ng sa gayon ay magawa kong sundin ang iyong kalooban at hindi ang pansariling kaligayahan. Maging instrumento ako ng pagmamahal, kapayapaan at makapagbahagi ng kagalakan di lamang para sa aking sarili kundi ganun na rin sa aking kapwa upang samasama namang madama ang kaginhawahan ng iyong paghahari kahit kami ay narito pa lamang sa mundong iyong nilikha. Alam ko Panginoon na ang kaganapan ng lahat ng ito ay darating sa panahong itinakda mo.

Reply

Aida Ramirez October 30, 2018 at 6:22 am

Salamat sa Diyos, at patuloy po akong nanalangin na gabayan niya po tayong lahat sa landas ng ating buhay dito sa mundo, patawarin sa lahat ng mga pagkakasala at patuloy na maging mapagkumbaba .Ikaw Panginoon ang aming hangarin na makasama sa buhay namin dito sa lupa at higit lalo sa aming buhay pagkatapos ng aming misyon dito sa lupa.

Reply

Melba G. De Asis October 30, 2018 at 3:57 pm

Ang pagpapasakop ng asawang babae sa kanyang asawa at ang pagmamahal, pagkalinga at paggalang ng lalaki sa kanyang asawa ay napakahalagang magampanan at pahalagahan ng bawat isa para makamit ang pagpapala ng Panginoon. Ang pagiging responsable natingb mga magulang sa ating mga anak, ay hindi lamang ang mapakain at mapag aral sila, ang pinakamahalaga ay ang palakihin silang may tunay na pananalig, pagmamahal sa Diyos at ang makapaglingkod ng tapat sa Kanya. Lahat ng ito ay may kalakip na pagpapalang magmumula sa Diyos sa lahat ng panahon ng ating buhay dito sa lupa hanggang sa kabilang buhay. Amen.

Reply

Jimboy Leyva October 27, 2020 at 7:15 pm

Ang paghahari ng diyos ay higit na lamang kaysa sa lahat kaya ating purihin at ating palawakin ang ating pagunawa sa kanyang kalooban na kung saan dapat nating gampanan bilang isang taga-sunod nya o kanyang mga anak.

Reply

Luz Estrella Ruiz October 24, 2022 at 11:01 am

Ama! naway maging katulad sa isang butILi ng mustasa ang aking pananalig sainyo na lumago po ang aking paghahasik ng iyong mabuting balita sa lahat ng. iyong bayan. Bigyan niyo po ako ng mapagpakumbabang puso, pagmamahal sa kapuwa at maging mapagpatawad. Hnd Kopo Ama magagawa ang lahat ng ito kung wala po kayo sa piling ko. ANG LAHAT NG ITO AMA AY SAMO’T DALANGIN KO PO SAINYO, AT SAINYONG ANAK NA SI HESUS. AMEN.

Reply

Glicerio, Damoluan October 25, 2022 at 10:41 am

Pagninilay
Ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kapitolo trese bersikulo dese otso hangang beynte ono (13: 18-21) ay nagsasaad kung paano ihambing ang kaharian ng Diyos.
Ito ay maihalintulad natin sa isang magsasaka nagtatanim ng palay sa kanyang bukid. Inararo ang kanyang bukirin at tinanimsn ng palay. Tapos inaruga niya ng mabuti. Naglagay siya ng pangbugaw ng mga sagabal sa pagbunga, inalisan ng mga damo upang lumaki ng maayos at itoy namunga ng palay.
Nakita niya na maalimuyak at makining ang mga bunga nito. Nasiyahan siya pati na mga kapitbahay. Ng anihin ito tuwang tuwa siya pati na rin ang mga tao sa nayon na nakibahagi sa mabuting ani at nagalak dahil natugunan nila ang kanilang pamumuhay.
Galak din naman ang magsasaka ng masilayan ang katuwaan ng mga kapitbahay. Pinasalamatan niya ang Panginoon sa magandang resulta sa mga Gawain niya.
Kaya mga kapatid payabungin at pag ibayuhin pa natin ng lubosan ang pananalig sa Diyos para makarating at tangapin tayo sa kaharian ng Dilyos. Gusto ng Diyos maramdaman gaano natin siya minahal at yon ay kinagalak ng Panginoong Hesus Kristo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: