Podcast: Download (Duration: 4:17 — 3.1MB)
Kapistahan nina Apostol San Simon at San Judas
Efeso 2, 19-22
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Lucas 6, 12-19
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of Sts. Simon and Jude, Apostles (Red)
UNANG PAGBASA
Efeso 2, 19-22
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Kayo’y itinayo rin sa saligan ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Kristo Hesus. At sa pamamagitan niya, nagkakaugnay-ugnay ang bawat bahagi ng gusali at nagiging isang templong banal. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo ma’y kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong mga araw na iyon, umahon si Hesus sa isang burol at magdamag doong nanalangin. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, at pumili siya ng Labindalawa sa kanila, na tinawag niyang mga apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo, si Simon ang Makabayan; si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote, na naging taksil.
Bumaba si Hesus, kasama sila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at Jerusalem, at sa mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng masasamang espiritu. At sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may taglay siyang kapangyarihang makapagpagaling ng lahat.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Oktubre 27, 2024
Martes, Oktubre 29, 2024 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng mga Apostol na sina San Simon at San Judas Tadeo. Si San Simon ay isang masigasig na rebolusyonaryo, na ang layunin ng kanyang grupo ay maghimagsik laban sa imperyo ng Roma, na sumasakop sa Jerusalem. Kaya makikita natin dito ang grupong ito ay may layuning palayain ang bayang Israel mula sa pananakop. Si San Hudas Tadeo naman ay nanggaling sa Galilea. Bagamat walang masyadong nabanggit ang mga Ebanghelyo tungkol sa kanila, sila pa rin ay tinawag ng Panginoon na maging bahagi ng 12 Apostol.
Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagtawag ni Hesus sa kanyang 12 Apostol. Sila ang mga 12 Tribo ng bagong Israel, ang Simbahan, dahil sa kanilang pangangaral nagsisilbing pundasyon ng Simbahan. Ang kanilang pagiging saksi ni Kristo ang nagpapatibay sa ating pananampalataya at misyon sa pagpapatuloy ng pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Ayon sa tradisyon, magkasama sina San Simon at San Hudas Tadeo nang ipangaral nila ang Mabuting Balita hanggang Persya, at diyan sila naranas ng pagkamartir. Kaya itong araw na ito ay iisang kapistahan para sa dalawang Apostol na ito.
Ang hamon sa atin sa buhay nina San Simon at San Hudas Tadeo ay ang pakikibahagi sa misyon ng Panginoon bilang magkaibigan o magkasama. May mga pagkakataong kinakailangan natin ang tulong ng isa’t isa para ipatupad ang dakilang kalooban ng Diyos Ama. Nang tinanong ni Hudas Tadeo si Hesus sa Huling Hapunan kung paano malalaman ng mga alagad kung ano ang kalooban ng Ama, tugon ni Kristo ay ang taong nagmamahal sa kanya ay tutupad sa kanyang mga utos, at mananahan ang Ama at si Kristo sa atin. Nawa’y tayong lahat ay magmahal sa Diyos at sa kapwa sa ating pagmimisyon para sa patuloy na paglaganap ng Kaharian ng Diyos.
Kung paano tinawag ang mga apostol ng panginoong diyos ganun din ang atin. kung papanong sinunod ng mga apostol ang kalooban ng diyos ama ganun din ang atin dapat bilang tagasunod at tagapaglingkod ng ating diyos. Tayo ay pinli bawat isa ay pinili lahat tayo may dahilan sa mundong ito, maganda, pangit, ano man ang iyong kasarian, lahat tayo ay deserve mahalin, kaya”t sa panahon na pandemic na ito tayo magmahalan at magtulungan at ating ipalaganap sa buong mundo na MAHAL NA MAHAL TAYO NG DIYOSS !!!
Kung paano tinawag ang mga apostol ng panginoong diyos ganun din ang atin. kung papanong sinunod ng mga apostol ang kalooban ng diyos ama ganun din ang atin dapat bilang tagasunod at tagapaglingkod ng ating diyos. Tayo ay pinli bawat isa ay pinili lahat tayo may dahilan sa mundong ito, maganda, pangit, ano man ang iyong kasarian, lahat tayo ay deserve mahalin, kaya”t sa panahon na pandemic na ito tayo magmahalan at magtulungan at ating ipalaganap sa buong mundo na MAHAL NA MAHAL TAYO NG DIYOSS !!!