Biyernes, Oktubre 18, 2024

October 18, 2024

Kapistahan ni San Lucas, Manunulat ng Mabuting Balita

2 Timoteo 4, 10-17b
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18

Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.

Lucas 10, 1-9


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of St. Luke, Evangelist (Red)

UNANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 10-17b

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling sa bagay na pansanlibutan; siya’y nasa Tesalonica. Nagpunta sa Galacia si Cresente, si Tito nama’y sa Dalmacia. Si Lucas na lamang ang kasama ko. Hanapin mo si Marcos at isama mo dito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gagawin. Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. Pagparito mo, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko kina Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong yari sa pergamino.

Napakasama ng ginawa sa akin ni Alejandrong panday-tanso. Ang Panginoon ang magpaparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. Mag-ingat ka sa kanya sapagkat tutol na tutol siya sa ipinangangaral natin.

Walang sumama sa akin nang una akong humarap sa hukuman. Pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18

Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.

Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.

Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.

Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao.
Mababatid nila ang kadikalaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.

Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.

Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.

ALELUYA
Juan 15, 16

Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 13, 2019 at 11:59 pm

Pagninilay: Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagsusugo ng Panginoon sa 72 alagad upang iparangal ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Sila’y inatasang manalangin sa Panginoon ng ani na magsugo ng iba pang manggagawa ng anihan, maglakbay na walang dala, magsipunta sa mga nayon at bayan sa Israel, ipahayag ang kapayapaan, gumawa ng mga kababalaghan,t anggapin ang presensiya ng mga tumatanggap sa kanila, at ipagpag ang alikabok sa kanilang mga paa kapag hindi sila natanggap. Ito yung kanilang unang misyon bago pa mang mangyari ang paglalago ng Simbahan sa araw ng Pentekostes nang simulang magturo ang 12 Apostol. At marami ring mga dalubhasang manunulat ang sumunod sa yapak ng 12. Ipinagdiriwang natin ngayon si San Lucas, isa sa mga Ebanghelista ng Bagong Tipan. Siya’y taga-Syria na isang doktor at pintor. Pinaniniwalaan siya ang unang nagpintura ng imahe ng Birheng Maria. Ang simbolo niya ay isang kapong baka na nangangahulugang “kalakasan”. Ang pokus ng pagsulat ng kanyang Ebanghelyo ay ang planong pangkaligtasan ng Panginoong Diyos na para sa lahat, maging Hudyo man Hentil. Halos kumpleto ang kanyang pagsasalaysay ng buhay ng ating Panginoong Hesukristo mula sa pagbabalita tungkol sa kaligtasan hanggang sa pag-akyat sa langit. Makikita natin ang kalakasan ni San Lucas na ipahayag si Hesus bilang Tapagligtas ng lahat ng tao, at ito ang plano ng Panginoon upang lahat ay mamuhay nang marangal at matapat sa kanyang mga utos. Kaya tularan natin si San Lucas sa pagbibigay-saksi kay Kristo sa pagtugon sa tawag ng misyon upang marami pang mga tao ay makapagbigay-saksi rin sa kanya.

Reply

Mylene Farinas October 18, 2019 at 7:15 am

Panginoon ko at Diyos ko. Pag-alabin mo sa tuwina ang aming kagustuhan na makapaglingkod sa iyo. Amen.

Reply

ROGELIO A. BESANA, JR. October 18, 2022 at 8:06 am

Panginoong Hesus maraming-maraming salamat po sa lahat ng iyong kabutihan na ibinigay sa amin lalong lalo na po ang tinatamasa naming buhay sa bawat araw. Patuloy mo po kaming gabayan araw-araw at ilayo sa mga masasama. Amen.

Reply

Mauro Austria October 18, 2022 at 4:34 pm

Panginoon nawa’y masundan namin ang iyong mga kautusan. Gamitin mo po kami para magkapaglingkod sa iyong pangalan, kung paano tumalima ang iyong mga minamahal at hinirang na mga alagad, nawa’y masundan namin ang kanilang landas na tinahak. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: