Huwebes, Oktubre 17, 2024

October 17, 2024

Paggunita kay San Ignacio ng Antioquia, obispo at martir

Efeso 1, 1-10
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Lucas 11, 47-54


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Ignatius of Antioch, Bishop and Martyr (Red)

Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Efeso 1, 1-10

Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mula kay Pablo, na naging apostol ni Kristo Hesus ayon sa kalooban ng Diyos – Sa mga kapatid na nasa Efeso at tapat na namumuhay kay Kristo Hesus:

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.

Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak!

Tinubos tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayun kadakila ang pag-ibig na ipinadama niya sa atin! Binigyan niya tayo ng karunungan at kabatiran upang lubos nating maunawaan ang kanyang lihim na panukala sa isasakatuparan sa pamamagitan ni Kristo pagdating ng takdang panahon. Ang panukalang ito ay pag-isahin kay Kristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambulo,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.

Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.

ALELUYA
Juan 14, 6

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 47-54

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Kawawa kayo! Ipinagtatayo ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinagpapatay ng inyong mga magulang. Sa ganitong paraan, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa mga ginawa ng inyong mga magulang; sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingang puntod ng mga yaon. Dahil dito’y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at ng mga apostol; ang iba’y papatayin nila at uusigin ang iba.’ Sa gayo’y lalagpak sa lahing ito ang parusa dahil sa pagpatay sa mga propeta buhat nang itatag ang sanlibutan, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambanang sunugan ng mga handog at ng gusali ng Templo. Sinasabi ko sa inyo, lalagpak sa lahing ito ang parusa dahil sa kanilang ginawa.

“Kawawa kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat inalis ninyo ang susi ng karunungan. Ayaw na ninyong magsipasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nagnanais pumasok.”

At umalis si Hesus sa bahay na iyon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga eskriba at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, upang masilo siya sa kanyang pananalita.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 14, 2020 at 5:27 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang magandang pahayag ni San Pablo sa mga taga-Efeso tungkol sa kaligtasan ng Diyos. Ito’y dahil sa Kamatayan sa Krus at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil sa kanyang pag-aalay ng buhay sa pagdanak ng Dugo, tayo ay biniyayaan ng pagpapala ng pagpapatawad at gantimpala ng mga grasya ng Ama. Dahil dito, tayong lahat ay magkaroon ng pagkakaisa, kapayapaan, at pagmamahal sa isa’t isa, katulad ng malugod na pagbati ni San Pablo sa mga Kristiyanong komunidad ng Efeso.

Tinapos na ni Hesus ang kanyang panunuligsa sa mga Pariseo at eskriba. Nitong mga nakaraang araw, narinig natin kung paano niyang pinunto ang pagkakamali ng mga grupong iyon, pati na ang kanilang mataas na pagtingin sa sarili at mababang pagtingin sa kanilang kapwang Hudyo. Ngayon ay hindi natuwa si Hesus sa kanilang pagtatayo ng mga alaala ng mga propeta ng Diyos. Ito’y dahil ang kanilang mga ninuno ang pumapatay at nang-uusig sa mga propeta, na tila nga ba’y sang-ayon sila sa ginawa ng mga nakaraang henerasyon nila. Tinuligsa rin ng Panginoon ang mga dalubhasa ng Kautusan sa pag-alis ng susi ng karunungan mula sa kanilang mga tahanan upang pigilan ang sinumang nais pumasok. Kaya noong umalis si Hesus sa kanyang pinagtutuluyan, ang mga relihiyosong grupo ay naghahanap ng butas upang maisahan nila ang Panginoon.

Makikita natin kung ano klaseng pag-uugali mayroon ang mga kaaway ni Hesus na kabilang pa sa relihiyosong sektor ng kanilang lipunan. Ang mga ganyang klaseng pag-uugali ay nagpapakita ng pagkukunwari. Ang pagkukunwari o hipokrisiya ay nagmumukhang mabait ang ilang tao sa labas, ngunit lumalabas na malala ang masamang ugali sa loob. Kaya ito ang nais bigyang pansin ni Kristo na sana ay iwasan natin sa ating pang-araw-araw na buhay. Tayong lahat ay inaanyayahang mabuhay nang naayon sa kalooban ng Diyos at gawin ang mga bagay na hinding magpapahamak, kundi makabubuti sa ating kapwa.

Reply

Ellen Puso Soriano October 13, 2022 at 6:26 am

Isang Mapagpalang umagang sa ating lahat..
Nawa sa biyaya ng DIOS ay gabayan tayo at tulongang mamuhay ayon sa kanyang kalooban. Tulad sa ating ebenghelyo nais ng DIOS Na mamuhay NG tapat at makataong pakikitungo sa isat isa..
Tinuliksa ni JESUS ANG MGA DALUBHASA SA KASULATAN AT KAUTUSAN sapagkat talihis ang kanilang pamumuhay.. Tinakpan ang pintuan sa katutuhanan at pati ang mga nais pumasok sa pintuang ito at kanilang hinadlangan..sa buhay dito sa mundo naganap rin ang ibat ibang crimen dahil sa paghangad ng sariling katanyagan. Nakalimutan na ang mga bagay na masmahalaga. Kaya nakakalungkot isipin. Ngunit ang DIOS nanatili ang kanyang habag. Siya nagpapatawad sa mga taong MAGBALIK loob.. Gaano man kalaki ang ating mga kasalanan .ginising tayo ng DIOS Upang hwag sapitin ang parusang nakalaan na noon paman. Talikdan na natin ang mapagmapuri sasariling katanyagan. Hwag nating tularan ang mga pariseo at mga Eskriba bagkos kung anu ang inihayag batay sa mabuting balita ang siyang pagyamanin.. At laging magpasalamat sa DIOS sa lahat NG pagkakataon. Sapagkat sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay na kapayapaan Amen.

Manalangin tayo :

Panginoong JESUS maraming salamat po sa mga minsahi mo Araw2. Nawa sa pamamagitan nito magising kami sa katutuhanan at hwag manatili sa makamundong hangarin. Bagkos ang makalangit ang siyang pagsumikapang gawin.. At ang pqg-ibig mo ang siyang maghari sa aming mga Puso Amen

Reply

Glicerio, Damoluan October 13, 2022 at 12:51 pm

Magandang araw sa lahat at maraming salamat sa ating Panginoong Hesus. Iasang biyaya na naman an gating natamo sa kaloob niyang buhay sa ating lahat.
Harinawa patuloy ang kanyang mga gabay ng maayos na pamumuhay ayon sa kanyang mga alituntunin.
Kapatid an gating Panginoon ay mahabagin ngunit kailangan nati talikuran ang kasamaan at mamahay ng pantay pantay. Sino man ang mapag malaki at mapag mataas at wala ng kinikilala kunf\di ang kanyang kayamanan at kapangyarihan tiyak sa oras ng paghukom sila ay di makaligtas sa parusa ng Diyos
Matutunan natin magpatawad, magpagkumbaba, mapagmahal, magalang sa mga magulang / nakakatanda at sa kapwa, na siyang kasiyahan ng Panginoon na maari niya tayong kalooban ng kaginhawaan at tangap tayo sa kanyang kaharian. Maging mabuting halimbawa at taga sunod ni Hesus Kristo.
Panginoong Hesus maraming salamat po sa mga pagpapala at lagi kaming nakasubay sa iyong mga nais.
Salamat sa Diyos

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: