Huwebes, Oktubre 3, 2024

October 3, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Lumapit tayo sa Panginoon ng ani, at ipanalangin natin ang mga pangangailangan ng Simbahan at ng buong mundo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Basbasan mo ang aming pagpapagal, O Panginoon.

Ang lahat ng sumasampalataya nawa’y maging mulat na tinawag ng Diyos sa pagpapalaganap ng kanyang Kaharian ng kapayapaan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y maging mulat sa ating bokasyon na magpahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa ating pamayanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magsasakang nagbubungkal ng lupa nawa’y biyayaan ng mabuting panahon at mayamang ani, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nahihirapan sa buhay nawa’y makilala ang Diyos na nagmamalasakit sa kanila sa pamamagitan ng pag-aaruga ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao na nagpagal sa buhay na ito nawa’y tumanggap ng makalangit na gantimpala, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming makilahok nang masaya sa gawaing pagpapahayag ng iyong Ebanghelyo sa pamamagitan ng halimbawa na aming pinakikita sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 30, 2020 at 2:12 pm

PAGNINILAY: Ang Panginoon ay tumatawag sa atin na tuparin ang misyong ibinilin niya sa bawat isa. Ang Ebanghelyo ay isang larawan ng pagsusugo niya sa 72 alagad upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Sila’y isinugo ng Panginoon sa mga nayon at bayan ng Israel upang iparangal ang Mabuting Balita at gumawa ng mga mabubuting kababalaghan katulad ng pagpapagaling sa mga maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, atbp. Sila’y inutusan ni Hesus na huwag magdala ng kahit anumang bagay, sapagkat ang mga pangangailangan nila ay ibibigay sa bawat bahay na kanilang papasukin. At sa bawat pagpasok nila ay ibabasbas nila ang mga sambahayan ng kapayapaan. Ngunit ang mga hinding tatanggap sa kanila ay kanilang ipapagpag ng sariling paa bilang babala sa mga tumatangging tao.

Makikita rin dito yung bilang na “72” na sumisimbolo sa kaganapan o “perfection” sa wikang Ingles. Kaya nga sa unang pahayag sinabi ni Hesus na handa na ang ani, ngunit kaunti pa lang ang mga manghahasik. Kaya’t inituos niya na ipagdasal na sana’y magkaroon pa ng mga manghahasik sa bukirin ng Diyos. Kaya nga yung mismong pagpaparangal ng Mabuting Balita ay hindi lang para sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil.

Nang bumaba ang Espiritu Santo noong araw ng Pentekostes, dito nagsimulang mabuo ang Simbahan na kung saan ang mga Apostol ay ang mga unang nagbigay-saksi tungkol kay Kristo. At itong misyon ay ipinatuloy ng kanilang mga disipulo, pati na rin ng mga Santo Papa, Obispo, Pari, at mga iba’t ibang relihiyoso’t relihiyosa. At itong misyon na kanilang ipinapangaral ay para rin sa atin bilang miyembro ng Laiko. Alam po natin na hindi lahat humahangad na maging pari o madre, ngunit tayong mga ordinaryong mamamayan ay tinatawag na ibahagi ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos at bigyang-saksi ito sa araw-araw na pamumuhay.

Nawa’y katulad ni Job sa Unang Pagbasa, hindi matitinag kailanman ang ating pananampalataya sa Panginoon sa kabila ng maraming pagsubok ating dinadanas, at patuloy lang sa pagtupad sa misyong ibinigay sa atin ng Diyos.

Reply

Aimee Sablan October 1, 2020 at 6:22 am

Ang Mabuting Balita ay nagpapaalala kung gaanong kadami and bilang ng mga tao sa mundo ngunit kakaunti ang tunay na nagpapahayag at nagsasagawa sa pagkamit sa misyon ng ating mahal na Ama, sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu, Kristo. Isa rin itong pagpapaalala na sa araw-araw ng ating buhay, sa bawat ating gagawin at sa bawat taong ating makakasalamuha bitbitin natin ang aral na natutunan natin sa ating Panginoong ang mga mabuting gawa, ang mga gawa ng awa. Mapalad tayong mga taong makakadama nito, ngunit tayo’y mas mapalad kung ito’y isasabuhay natin. Ngunit, di rin naman natin dapat ipilit sa ibang ayaw buksan ang puso sa pagkilala sa Diyos, dahil dadating ang panahanong matutuklasan ang kahalagahan nito.
To God always be the Glory!
Jesus, I Trust in You!

Reply

Ghie Ballera October 1, 2020 at 8:50 am

Papuri sa Diyos sa kaitaasan!
Ang mga pagbasa ay naaangkop sa panahon ngayon kung saan dumaranas ang mundo sa pagsubok ng pandemya. Sa unang pagbasa nawa maging inspirasyon nating lahat ang katatagan ng pananampalataya sa Diyos na sa kabila ng mga pagsubok ang papuri at pasasalamat pa rin sa Diyos. Dahil sa lahat ng oras at panahon ang Diyos lang naman talaga ang ating malalapitan at hilinging huwag tayong makabitaw sa pagkapit sa Diyos. Samantala, sa mabuting balita patunay na ipagkakaloob ng Diyos ang kagalingan at at pag-asa. Patuloy lang tayong maniwala, magdasal at huwag mawawalan ng pananampalataya. Amen.
To Go be all the Glory!
Jesus we trust in You!

Reply

Flor October 8, 2020 at 9:38 pm

Kahit Anong Pagsubok Sa Ating Buhay Magtiwala Lang Po Tayo Sa Poong May Kapal. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: