Linggo, Agosto 18, 2024

August 18, 2024

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Kawikaan 9, 1-6
Salmo 33, 2-3. 10-11. 12-13. 14-15

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Efeso 5, 15-20
Juan 6, 51-58


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Twentieth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Kawikaan 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan

Gumawa na ng tirahan itong karunungan,
na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay s’ya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
ang mesa ay inihanda, punong-puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ay lumapit.”
Sa mga walang muwang ay ganito ang sinambit:
“Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 10-11. 12-13. 14-15

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’y nagkukulang sa hustong pagkain;
Ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Lapit, ako’y dinggin mga kaibigan
at kayo ngayo’y aking tuturuan
na ang Diyos ay dapat nating katakutan.
Ang buhay masaya at mahabang buhay,
di ba ninyo gustong inyong maranasan?

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

Salitang mahalay at pagsisinungaling,
ay dapat iwasan at h’wag banggitin.
Mabuti ang gawi’t masama’y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.

Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 5, 15-20

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid, ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigidig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti. Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo. Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno at mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos at Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Hesukristo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 6, 56

Aleluya! Aleluya!
Ang sinumang kumakain
sa katawang aking hain
ay nananahan sa akin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 51-58

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”

Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 30, 2024 at 12:28 pm

PAGNINILAY: Apat na Linggo nating pinagninilayan tungkol kay si Hesus bilang Tinapay ng Buhay. Pinadami niya ang limang tinapay at dalawang isda para pakainin ang limang libong tao. Pagkatapos, umalis siya, subalit sinundan siya ng mga tao hanggang natagupan nila siya kasama ang mga Apostol sa Capernaum. Kaya lumapit sila at humiling ng isa pang kababalaghan para sa kanilang pagkain. Sinabi ni Hesus na siya ang Tinapay ng Buhay, ang pagkaing nagbibigay-buhay. Nang marinig nila nito, nagbubulung-bulungan sila at nagduda tungkol sa kanyang sinabi. Subalit inilahad ni Hesus ang layunin ng kanyang pamumuhay sa daigdig, at sinabi na ang pagkaing ibibigay niya sa kanila at sa buong sanlibutan ay ang kanyang laman.

Sa ating Ebanghelyo (Juan 6:51-58), naggalit at nagtalunan ang mga Hudyo dahil sa kanyang sinabi. Ayon sa kanilang paniniwala, pinagbabawalan ang kanibalismo dahil tinuturing nila ang dugo bilang sagrado, at ito rin ay batas ng Panginoong Diyos sa Lumang Tipan. Pero hindi itong literal na pahayag na maging mga hayop at kainin ang laman ng isang tao. Ang sinasabi ni Hesus na kainin ang kanyang laman at inumin ang kanyang dugo ay dapat paniwalaan siya, makinig sa kanya, at sundin ang kanyang mga salita, ang Kautusan ng Ama. Kung gagawin natin ito, mananahan tayo sa kanya at makakamtan ang kanyang pangako ng buhay na walang hanggan. Bumaba siya bilang ating espirituwal na tinapay, at inialay ang kanyang buhay sa Krus para sa ating kaligtasan. Higit pa, iniutos niya sa Huling Hapunan na alalahanin siya sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Kaya nga si Hesus ay ang Karunungan sa Unang Pagbasa na naghahanda ng isang napakasaganang piging na tayong inaanyayahang dumalo at makisalo.

Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, inaalala natin ang kanyang dakilang sakripsyo ng pagligtas. Ang tinapay at alak sa altar ay hindi lang mismong mga simbolo, kundi ito ay ang totoong Katawan at Dugo ni Kristo. Bago pa siyang umakyat sa langit, ipinangako niya sa atin na nasa piling natin siya hanggang sa katapusan ng mundo. Kaya tinatanggap natin sa Banal na Ostiya tuwing Banal na Komunyon. Pero ang tanong ngayon, nasaan ang pampalusog? Hindi lang sapat na tanggapin siya. Kailangan natin isabuhay ito sa pamamagitan ng ating araw-araw na pamumuhay bilang mga Kristiyano. Ito’y hinahamon sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tuwing tayo’y nagtitipon ay mamuhay nang matatalino at maging buhay sa Espiritu. Tayo’y tinatawag ng Diyos na ipalaganap at ipahayag ang kanyang Salita, ang Mabuting Balita ni Hesukristo. Sa pamamagitan ng mga ito, matutunghayan natin ang isang espirituwal na pampalusog, at kapag ginawa natin ang mga ito hanggang sa katapusan ng ating buhay, makakamtan natin ang buhay na walang hanggan sa langit.

Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa ang ating pagtanggap kay Kristo sa Banal na Eukaristiya ay magbago sa ating buhay, at ibahagi ang mensahe ng pag-ibig sa iba’t ibang bahagi/sulok ng ating mga paligid.

Reply

Maria Annelee Sanchez Bautista August 15, 2024 at 10:25 am

Ang kapistahan ng aming Parokya ng San Exequiel Moreno Parish sa Kaunlaran Village Caloocan City ay ginaganap tuwing ikatlong Linggo ng Agosto nagkataon August 18 2024 Sa katunayan ang Kapistahan nya sa Agosto 19 kung saan si San Exequiel ay namatay noong August 19 1905 dahil sa kanser sa ngala ngala. Ang ikatlong Lingo tamang tama rin ang tema ang Eukaristiya.Pagkaing nagbibigay buhay. Noong Si San Exequiel ay nagmsiyon sa Pilipinas sa loob ng 15 na taon sa Calapan Mindoro Palawan Sto Tomas Batangas, Imus Cavite , Las Pinas, at sa Sta Cruz Manila inilaan talaga ni San Exequiel ng buong puso ang paglilingkod sa mga Pilipino bagamat sya ay isang kastila. Namuhay kasama ang mga Pilipino . Natutunan ang ibat ibang mga linguahe at kultura kaya madali nyang ipinangalat ang debosyon sa mahal na birhen at sa Kamahal mahalang puso ni Hesus . Hindi lamang binigyan din nya ng halaga ang Eukaristiya na si Hesus ay talagang buhay sa misa. Ito lamang po ang hamon . Nakakalungkjot man isipin kung bakit more of celebrations ng kasayahan karakol paligsahan pabonggahan pakain handaan ang nabibigyan at napglalaanan ng maraming oras sa halip na magsimba sa Novena masses at ilaan ang oras sa pagdedebosyon. Salamat sa Synodality there is comunion mission and participation kaya nga ang
tema sa amin ay sama samang Sinodal kaisa si San Exequiel Moreno . kaya siguro hinayaan ang kasayahan para makaakit ng tao na makiisa Mnagingisda ako sasama kami yan ang lagi naming sinasabi Lumambat ng mga tao sa laylayan sa BEC areas . Kaya nag karoon kami ng dalaw patron sa area kung saan sa bawat lugar na madaanan ng patron ay nagkakaroon ng misa . Kapistahan ay nas Eukaristya humuhingi kami ng dalangin na nawa magkarron din ng pagpapahalaga ang mga tao sa misa. hindi lang sa Paligsahan KARAKOL nauubos na rin sa kakaensayo ng steps sa sayaw at kadalasan hindi na rin nagkakaunawaan pero kelangan gawin dahil ay Tradisyon na hindi pwedeng alisin sa kapistahan ni San Exequiel Moreno dito sa Kaloocan .Sa tulong at gabay ni Hesus at ng Birheng Maria kahit minsan may pikunan dahil sa paligsahan pero at the end of the day nagpapasalamat pa rin dahil sa biyaya na natanggap biyaya ng buhay kapayapaan kahit walang handa may nagbabahaginan kahit napapagod salamat na kami ay naging daluyan para maipadama sa mga tao na talagang laging may grasya at nawa idalangin natin na hindi lamang sa na sa araw ng fiesta kunghindi sana sa araw araw lalo na at salamat laghing may misa sa parokya Araw araw naman talag may fiesta dahil sa Eukaristya. Viva San Exequioel Moreno

Reply

Bro. NSP August 16, 2024 at 10:44 pm

Narinig na siguro natin ang pangungusap na ‘masarap ang bawal’, lalo na sa mga taong maysakit na may mga ipinagbabawal na pagkain. Masama sa kalusugan ang junk foods pero marami pa rin ang tumatangkilik rito. Masama sa kalusugan ang mga instant at process foods pero marami pa rin ang kumakain nito. Kapag nakakatikim tayo ng masasarap na pagkain, nalilimutan at tila ba nagiging mangmang tayo sa kung anong sakit ang maari nating makuha sa pagkain ng mga ganitong uri ng pagkain.

Mayroon din namang mga pagkain na inaayawan ng lahat ngunit nagbibigay ng sustansya sa ating mga katawan, tulad na lamang ng ampalaya na mapait ngunit masustansya.

Natunghayan natin sa ebanghelyo kung paanong hindi maintindihan ng mga Judio kung paanong ibibigay ni Hesus ang kanyang laman bilang pagkain at ang kanyang dugo bilang ating inumin. Patuloy na iniaalay, inihahandog ay ibinibigay ni Hesus ang kanyang sariling ipinako sa krus alang-alang sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Patuloy pa rin niyang inihahandog ang kanyang sarili magpahanggang ngayon sa banal na eukaristiya. Patuloy siyang nananahan sa puso, kalooban at kaluluwa ng bawat isa.

Makita nawa natin at maunawaan ang sinasabi ni Hesus bilang ang kanyang katawan bilang ating pagkain at ang kanyang dugo bilang ating inumin. Hamon sa atin ng linggong ito na palagi nating busugin ang ating sarili ng pagkaing hindi magdudulot ng sakit kundi ng kagalingan, hindi ng pagtaba ng tiyan kundi pagtaba ng ating puso, at siyang magdudulot sa atin ng kadalisayan na siyang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan.

-Pagninilay sa ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon. Taon B (Juan 6, 51-58)

Reply

drruelROMUALDO-sjc August 17, 2024 at 8:09 am

Mga kapatid, sa Ebanghelyo ngayon, naririnig natin si Jesus na nagsasabing, “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” Ang mga salitang ito ay hindi lamang simbolo o metapora. Ang tinutukoy ni Jesus ay ang Kanyang Sarili—ang Kanyang Katawan at Dugo na iniaalok Niya para sa ating kaligtasan.

Ang konteksto ng Ebanghelyo ay matapos ang himala ng pagpaparami ng tinapay, kung saan pinaram ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda upang makakain ang libu-libong tao. Matapos ang himalang iyon, hinanap Siya ng mga tao upang makatikim muli ng pisikal na tinapay. Subalit, ipinahayag ni Jesus na may mas higit pang mahalaga kaysa sa pisikal na tinapay—ito ay ang tinapay ng buhay, na walang iba kundi ang Kanyang Sarili.

Ang pag-aalok ni Jesus ng Kanyang Katawan at Dugo sa anyo ng tinapay at alak sa Eukaristiya ay isang malalim na pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal sa atin. Ang pagtanggap sa Kanya sa Eukaristiya ay hindi lamang pisikal na pagkain kundi isang espiritwal na pakikiisa sa Kanya. Sa bawat pagtanggap natin ng Eukaristiya, tayo ay nagiging kabahagi ng buhay ni Cristo. Tayo ay nagiging tagapagdala ng Kanyang presensya sa mundo.

Sa ating pagtanggap ng Eukaristiya, tayo ay tinatawag na maging katulad ni Jesus—mapagkumbaba, mapagbigay, at mapagmahal. Sa pamamagitan ng Banal na Komunyon, tayo ay pinapalakas upang harapin ang mga hamon ng buhay, upang maging saksi ng Kanyang pagmamahal sa ating mga kapwa, at upang maglingkod nang may kababaang-loob at bukas-palad.

Sa araw na ito, habang tayo ay muling lumalapit sa altar upang tanggapin si Jesus sa Eukaristiya, nawa’y ipanalangin natin na ang ating mga puso ay maging handang tanggapin Siya nang may kabuuang pananampalataya at pagtitiwala. Nawa’y maging malinaw sa ating lahat na si Cristo, ang Tinapay ng Buhay, ang tunay na nagbibigay ng kasiyahan at kahulugan sa ating buhay. At nawa’y maging inspirasyon natin Siya sa ating araw-araw na pamumuhay bilang mga anak ng Diyos.

Reply

Joshua S. Valdoz August 17, 2024 at 4:24 pm

PAGNINILAY: Apat na Linggo nating pinagninilayan tungkol kay si Hesus bilang Tinapay ng Buhay. Pinadami niya ang limang tinapay at dalawang isda para pakainin ang limang libong tao. Pagkatapos, umalis siya, subalit sinundan siya ng mga tao hanggang natagupan nila siya kasama ang mga Apostol sa Capernaum. Kaya lumapit sila at humiling ng isa pang kababalaghan para sa kanilang pagkain. Sinabi ni Hesus na siya ang Tinapay ng Buhay, ang pagkaing nagbibigay-buhay. Nang marinig nila nito, nagbubulung-bulungan sila at nagduda tungkol sa kanyang sinabi. Subalit inilahad ni Hesus ang layunin ng kanyang pamumuhay sa daigdig, at sinabi na ang pagkaing ibibigay niya sa kanila at sa buong sanlibutan ay ang kanyang laman.

Sa ating Ebanghelyo (Juan 6:51-58), naggalit at nagtalunan ang mga Hudyo dahil sa kanyang sinabi. Ayon sa kanilang paniniwala, pinagbabawalan ang kanibalismo dahil tinuturing nila ang dugo bilang sagrado, at ito rin ay batas ng Panginoong Diyos sa Lumang Tipan. Pero hindi itong literal na pahayag na maging mga hayop at kainin ang laman ng isang tao. Ang sinasabi ni Hesus na kainin ang kanyang laman at inumin ang kanyang dugo ay dapat paniwalaan siya, makinig sa kanya, at sundin ang kanyang mga salita, ang Kautusan ng Ama. Kung gagawin natin ito, mananahan tayo sa kanya at makakamtan ang kanyang pangako ng buhay na walang hanggan. Bumaba siya bilang ating espirituwal na tinapay, at inialay ang kanyang buhay sa Krus para sa ating kaligtasan. Higit pa, iniutos niya sa Huling Hapunan na alalahanin siya sa pamamagitan ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Kaya nga si Hesus ay ang Karunungan sa Unang Pagbasa na naghahanda ng isang napakasaganang piging na tayong inaanyayahang dumalo at makisalo.

Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, inaalala natin ang kanyang dakilang sakripsyo ng pagligtas. Ang tinapay at alak sa altar ay hindi lang mismong mga simbolo, kundi ito ay ang totoong Katawan at Dugo ni Kristo. Bago pa siyang umakyat sa langit, ipinangako niya sa atin na nasa piling natin siya hanggang sa katapusan ng mundo. Kaya tinatanggap natin sa Banal na Ostiya tuwing Banal na Komunyon. Pero ang tanong ngayon, nasaan ang pampalusog? Hindi lang sapat na tanggapin siya. Kailangan natin isabuhay ito sa pamamagitan ng ating araw-araw na pamumuhay bilang mga Kristiyano. Ito’y hinahamon sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tuwing tayo’y nagtitipon ay mamuhay nang matatalino at maging buhay sa Espiritu. Tayo’y tinatawag ng Diyos na ipalaganap at ipahayag ang kanyang Salita, ang Mabuting Balita ni Hesukristo. Sa pamamagitan ng mga ito, matutunghayan natin ang isang espirituwal na pampalusog, at kapag ginawa natin ang mga ito hanggang sa katapusan ng ating buhay, makakamtan natin ang buhay na walang hanggan sa langit.

Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa ang ating pagtanggap kay Kristo sa Banal na Eukaristiya ay magbago sa ating buhay, at ibahagi ang mensahe ng pag-ibig sa iba’t ibang bahagi/sulok ng ating mga paligid. Amen! Purihin ang Panginoon!

Reply

Marz August 17, 2024 at 7:07 pm

We must maintain close relationships with God and with others.
Our table manners mirror our connection.
The way we behave reflects our relationship.
God invites us to partake not only of the flesh and wine but also of His body and blood, in order to become like Him.
When we receive communion, let us pray that we may become the same as we received.
Amen.

Reply

Group of Believer Poblite August 18, 2024 at 5:36 am

MAGNILAY: Parehong patalinhaga at literal ang kahulugan ni Hesus nang sabihin niyang siya’y pagkain at inumin natin.

Sa isang banda, ito’y patalinhaga dahil patungkol ito sa kanyang salita. Ang salita niya ay karunungang bumubuhay sa atin. Ito’y liwanag na gabay natin sa madilim nating buhay. Ito ang nagbibigay ng direksyon sa lihis at lito nating buhay.

Sa kabilang banda, literal din ang kahulugan ng pagiging pagkain at inumin niya. Sa Banal na Misa nahihipo natin siya. Aktuwal natin siyang natatanggap bilang pagkain at inumin sa tinapay at alak na nagiging katawan at dugo niya. Hindi iyon simbolo lang. Siya mismo yun!

MANALANGIN: Panginoon, pakanin mo kami ng iyong salita, katawan, dugo at busugin ng iyong pagmamahal.

GAWIN: Huwag pumalya sa pagdalo ng Banal na Misa kung saan pinagsasaluhan natin ang kanyang salita at katawan bilang pagkain.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: