Podcast: Download (Duration: 6:29 — 8.3MB)
Sabado ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Ezekiel 18, 1-10. 13b. 30-32
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Mateo 19, 13-15
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 1-10. 13b. 30-32
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ano ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Ang ama ang kumakain ng maasim na ubas ngunit ang anak ang nangingilo’?”
“Buhay ako,” sabi ng Panginoon, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.”
“Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing pinapanahon. Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. Sinusunod niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.
Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at nagpapatubo, palagay ba ninyo’y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.
Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo’t tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay pagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. Hindi ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 13-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Datapwat sinabi ni Hesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.” Ipinatong niya sa kanila ang kanyang kamay, saka umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Agosto 16, 2024
Linggo, Agosto 18, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ng Diyos tungkol sa kanyang relasyon sa kanyang bayang hinirang na katulad ng isang ama na gumagabay sa anak. Makikita rito ang pamantayan ng Diyos tungkol sa tamang pamumuhay, na ang mga matuwid ay lalong pagpapalain, subalit ang mga masasama hanggang sa huli ay mapaparusahan. Lahat tayo ay hahatulan ng Diyos hindi ayon sa kung anuman ang naiabot natin, kundi sa paraan ng ating pamumuhay, kung ito ba ay naaayon sa dakilang kalooban. Kaya ang huling linya ng pagbasa ay ang paanyaya ng Diyos lalung-lalo na sa mga sumuway at tumalikod na pagsisihan ang mga kasalanan at tumalikod sa kasamaan, upang mabigyan tayo ng Diyos ng bagong espiritu na magsisilbing bagong pagkakataon na mamuhay nang nararapat, dalisay, at walang kapintasan.
Ang Ebanghelyo ay kwento kung paanong malapit ang puso ni Hesus sa mga bata. Pinalapit ng mga magulang ang kanilang mga anak kay Hesus upang hawakan niya ang mga ito, ngunit pinagbawalan sila ng mga alagad. Subalit inituos niya na hayaan lumapit ang mga bata sa kanya at huwag sila’y hadlangan sapagkat tinuturing sila ni Hesus bilang dakila sa Kaharian ng Langit. Sa paghahawak ni Kristo sa mga bata, inaanyayahan niya ang lahat na tanggapin ang Paghahari ng Diyos katulad ng isang bata.
Noong mga sinaunang panahon, ang mga bata ay tinataguring bilang walang kahalagahan sa lipunan kasama ang mga kababaihan. Sila’y umaasa sa mga kalalakihan upang magsumikap para sa kanilang mga pangangailangan sa buhay. Ngunit ipinapakita ni Hesus na ang mga bata ay tunay na kinalulugdan ng Diyos Ama sa Langit. Kaya’t bilang mga Kristiyano, tayo’y tinatawag na maging katulad ng mga bata (childlike), hindi literal na maging mga bata (childish). Ang “childish” ay parang isip at gawain ay bata kahit matanda na, subalit ang “childlike” ay pagsasabuhay ng mga mabubuting aral mula pagkabata hanggang sa pagkatanda.
Ang mga tanging katangian ng isang mabubuting bata ay mapagkumbaba at masunurin. Katulad ng pagsunod nila sa mga utos ng mga magulang, tayong lahat bilang mga Kristiyano ay kinakailangang tumalima sa dakilang kalooban ng Diyos. Sa pagkakaroon ng kababang-loob, tayo’y sigurado na lahat ng mga kapangyarihan at impluwensiya ay hindi kaya nating abutin sapagkat may mga kahinaahan tayo. Subalit mas dapat nating pahalagahan ang ating pananamapaltaya sa Panginoon.
### Mga Pagbasa:
1. **Ezekiel 18, 1-10. 13b. 30-32**:
– **Punto**: Ang bawat isa ay may pananagutan sa kanilang sariling mga gawa. Hindi dapat ipasa ang kasalanan ng mga magulang sa mga anak at ang mga anak sa kanilang mga magulang. Ang Diyos ay nag-aanyaya ng pagsisisi at pagbabago ng puso upang magkaroon ng bagong buhay.
– **Pagninilay**: Tayo ay tinatawagan ng Diyos na magbago, humiwalay sa kasalanan, at magpakumbaba. Ang buhay natin ay nasa ating mga kamay—huwag natin itong sayangin sa paggawa ng kasalanan. Sa halip, piliin natin ang landas ng katuwiran at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
2. **Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19**:
– **Punto**: Ang panalangin ng Salmo ay isang panawagan sa Diyos na likhain ang isang dalisay at tapat na puso. Ito rin ay isang paalala na ang tunay na sakripisyo ay ang kababaang-loob at pagsisisi.
– **Pagninilay**: Sa tuwing tayo ay nagkakasala, tayo ay maaaring lumapit sa Diyos at humingi ng kapatawaran. Ang isang tapat at mapagpakumbabang puso ang pinakakanais-nais na alay sa Diyos.
3. **Mateo 19, 13-15**:
– **Punto**: Ang mga bata ay mahalaga sa kaharian ng Diyos. Sila ay inaanyayahang lumapit kay Hesus, na nagbigay ng aral na ang kaharian ng Diyos ay para sa mga taong may pusong katulad ng mga bata—mga simpleng naniniwala, may tiwala, at masunurin.
– **Pagninilay**: Ang pagiging tulad ng bata sa ating pananampalataya ay nangangahulugang pagkakaroon ng tiwala sa Diyos, pagiging mapagkumbaba, at pagiging bukas sa Kanyang kalooban. Ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos ay dapat maging simple at buo ang pananampalataya, katulad ng isang batang lubos na nagtitiwala sa kanyang magulang.
### Pangkalahatang Pagninilay:
Sa Sabadong ito, pinapaalalahanan tayo ng mga pagbasa tungkol sa ating pananagutan sa sariling mga gawa at ang kahalagahan ng pagbabalik-loob sa Diyos. Hinihikayat tayo na magpakumbaba, magbago, at magtiwala sa Diyos tulad ng mga bata. Ang puso na puno ng pananampalataya at kababaang-loob ang pinakamatamis na alay na maihahandog natin sa Panginoon.
Sa pagninilay sa mga aral ng Diyos, tayong lahat ay inaanyayahang magsikap na magkaroon ng isang dalisay na puso at magtiwala nang lubos sa Kanya, sapagkat sa simpleng pananampalataya, tayo ay nagiging karapat-dapat sa Kanyang kaharian.
Amen.
PAGNINILAY:
Minsan tulad tayo ng mga disipulo na pumipigil sa mga bata na lumapit kay Hesus. Ano ang nakaakit sa mga bata kay Hesus? MAHAL NI HESUS ANG MGA BATA. Maraming beses natin na napapanood sa tv ang mga bata na binugbog o inabuso ng kanilang pangalawang magulang o maging tunay na mga magulang. Paano lalapit sa atin ang mga bata kung hindi tayo marunong magmahal. SI HESUS AY GUMUGOL NG ORAS SA MGA BATA. Minsan ang ama at ina ay parehong abala at walang oras para sa kanilang mga anak. Kapag nilapitan ng anak ang ina, ngunit dahil abala, ipapasa ang anak sa ama, at gayundin ang ama. May mga batang mas malapit sa kasambahay at hindi sa mga magulang, dahil mas inaalagaan ng kasambahay ang mga bata kaysa ng kanilang mga magulang at natutulog pa kasama nila sa gabi. BINIGYAN NI HESUS ANG MGA BATA NG ISANG ESPESYAL NA LUGAR SA KANYANG PUSO. Ang mga magulang ay natatali sa maraming responsibilidad na nagpapabigat sa kanila dahil gusto nilang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak ngunit nakakalimutan at nabibigo sila na ibigay ang pinaka kailangan ng kanilang mga anak.
IPINATONG NI HESUS ANG KANYANG KAMAY SA MGA BATA AT PINAGPALA SILA. Maaari rin nating pagpalain ang ating mga anak sa pamamagitan ng pagaalaga sa kanilang mga interes at kinabukasan. Hindi natin ipapalagay ang mga bata bilang istorbo sa mundo ng matatanda. Hindi natin pipiliin ang pagpapalaglag. Hindi natin uubusin nang walang ingat ang mga kayamanan ng mundo ng walang pakialam sa epekto nito sa ekolohiya at mag-iiwan sa ating mga anak ng isang mundo na ‘imposibleng pamuhayan’. Nawa’y tularan natin ang mga halimbawa ni Hesus upang ang mga bata ay makatagpo sa ating malugod na mga bisig at mapagmahal na puso ng presensya ngayon at araw-araw.
Panginoong Hesus, salamat sa pagpapala Mo sa aming pamilya sa maraming paraan. Amen.
***
MAGNILAY: Sa maraming paraan tayo nagiging hadlang upang mapalapit ang mga bata sa Diyos. Una, hindi natin sila tinuturuan. Ang magulang na hindi man lang maturuan ang anak na manalangin ay may pananagutan sa Diyos. Masusunog ang kaluluwa natin sa impiyerno kung sa atin pa natuto ng kasalanan ang mga batang ito dahil sa masama nating halimbawa. Ikalawa, sinasaktan natin sila nang wala sa lugar. Madalas maging biktima ng kalupitan at pang-aabuso ang mga walang malay na bata. Ang pananakit natin ay nagmamarka sa kanilang isip at puso kaya’t lumalaki silang may galit sa puso. Ikatlo, hindi natin napapadama nang maayos ang pagmamahal natin sa kanila. Hindi natin sila nayayakap nang madalas. Hindi natin nasasabing mahal natin sila o ang galing-galing nila o natutuwa tayo sa kanila. Mahal ni Hesus ang mga bata. Ilapit natin sila sa kanya.
MANALANGIN: Panginoon, patawad sa marami naming pagkukulang sa mga bata na lubos mong minamahal.
GAWIN: Maging bendisyon ka sa mga bata at sa lahat.