Lunes, Pebrero 26, 2024

February 26, 2024

Lunes sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Daniel 9, 4b-10
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13

Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.

Lucas 6, 36-38


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Second Week in Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Daniel 9, 4b-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Panginoon, dakila at Makapangyarihang Diyos na laging tapat sa umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga utos. Nagkasala po kami. Nagpakasama kami at sumuway sa iyong mga tuntunin at kautusan. Hindi kami nakinig sa iyong mga propeta na nagpahayag sa aming mga hari, tagapamuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon, ikaw ay laging nasa matuwid at kami ay laging nasa kasamaan tulad ngayon: ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, ang lahat pati mga itinapon mo sa iba’t ibang dako dahil sa kataksilan sa iyo. Kami po, ang aming mga hari, pinuno at ang aming mga magulang ay laging nagkakasala sa iyo. Ikaw, Panginoon, ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming pagsalansang at pagsuway sa mga utos na ibinigay mo sa amin na iyong mga alipin sa pamamagitan ng iyong mga propeta.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13

Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.

Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.

Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.

Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.

Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.

Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
Kaming iyong lingkod,
lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi’t magpapasalamat sa iyong pangalan!

Panginoon, aming hiling:
patawad sa sala namin.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA:
Juan 6, 63k. 68k

Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.

MABUTING BALITA
Lucas 6, 36-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama. Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis March 18, 2019 at 7:05 am

Panginoon maraming salamat sa lahat ng biyayang kaloob mo gsyun din sa mga pagsubok sa aming buhay na nalampasan namin. Nawa’y higit naming hsngarin na maging mabuti st gimawa ng mabuti sa aking kapwa.

Panginoon patawad sa panahon na naging bulag at pipi ako sa humihingi ng tulong ko, at nawa’y mapatawad ako ng mga taong pinagkasalahan ko. Ang lahat ng ito’y itinataas ko saangalan ni Hesus na maghahari magpakailanman. Salamat Panginoon sa lahat ng mga biyaya mo sa amin sa araw-araw, sa kabila ng mga pagkukulang at kahinaan ko ay patuloy pa rin ang pagkakaloob mo sa amin ng aming mga pangangailangan, salamat po. Amen

Reply

Reynald Perez March 13, 2022 at 9:08 pm

PAGNINILAY: Tuwing Kuwaresma, ipinagdiriwang natin ang Diyos na dakila sa kanyang habag at pagmamahal sa kabila ng pagkakamali, pagkakasala, at pagkukulang ng tao.

Ang Unang Pagbasa ay ang panalangin ni Propeta Daniel sa ating Panginoong Diyos na dakila at puno ng habag. Siya ay nanalangin bilang kumakatawan sa bayang Israel na tinapon sa pagkakaalipin sa Babilonia. At alam ni Daniel na nangyari ito dahil sa hindi matapat na pamumuhay ng mga tao, lalung-lalo na ng mga prinsipe, saserdote, at hari ng Juda. Humuling siya sa Diyos ng awa at pagpapatawad dahil alam niya na ang kapwa niyang kababayan ay nagsisi rin. Ngunit alam din niya ang mabuti ang hari sa kanya, na hindi nitong hahayaang masaktan ang kanyang kababayan, ni hindi pilitin sila na tumalikod sa pananalangin sa Diyos. Kaya alam natin sa kasaysayan kung paanong ipinanumbalik ng Panginoong Diyos ang kanyang bayan. At ganun din ang pag-ukit ng isang tipan bilang pakikipagkasundo na tayo ang bayan niya, at siya ang ating Diyos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay bahagi ng pangangaral ni Hesus sa kapatagan. Sa konteksto, itinuturo ni Hesus sa mga tao ang tungkol sa pagmamahal kahit sa mga itinuturing natin na mga kaaway. Ang dapat nating tugon sa mga taong nagkasala at gumawa ng masama sa atin ay palaging kabutihan. Ang hamon niya sa atin ngayon ay maging maawaain katulad ng pagiging maawain ng Diyos Ama sa lahat. Ito ang naging tema ng Di-pangkaraniwang Hubileyo ng Awa (2016), na ang ating pagkakaroon ng habag ay katulad dapat ng Diyos na palaging dakila sa kanyang pagkahabag. Kaya wala tayong mapapala sa paghihiganti o pagpapatol laban sa mga taong gumawa ng mga napakalaking kasalanan sa atin. Bilang mga Kristiyano, itinuturo sa atin ni Hesus ang pagpapanaig ng kabutihan at kagandahang-loob bilang ating sandata laban sa kasalanan. Mahirap nga sabihin natin na parang pinapahina tayo, ngunit hindi kailanma’y gawain ito ng mga mahihina o duwag na tao. Ito’y tungkulin natin bilang mga anak ng Diyos Ama upang maging mabuting halimbawa kung paano natin nilalabanan ang patuloy na umiiral na kasamaan sa iilan nating kapwa at paligid.

Mga kapatid, ang Kuwaresma ay panahon upang mas malalim pa nating kilalanin ang Diyos sa kanyang buong pagmamahal sa kabila ng lahat ng ating mga pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Kaya ang panahong ito ay ginagawa nating makabuluhan sa pagtanggap sa kanyang pagpapatawad sa Sakramento ng Kumpisal. Ngunit kung nais nating mamunga pa ang ating debosyon ngayong Kuwaresma, matuto nawa tayong gumawa ng kabutihan kahit sa mga pagkakataong tayo ay pinag-iinitan, pinag-iinsultuhin, pinagtatawanan, pinapahanak, at pinaggawa ng anupamang mga pang-aalipusta. Ang pinakaehemplo ng dakilang awa ng Diyos ay ang ating Panginoong Hesukristo. Nawa sumunod tayo sa kanyang halimbawa na maging mahabagin, lalung-lalo na sa mga nagkasala sa atin.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 14, 2022 at 9:38 am

Ang hamon at aral sa Unang Pagbasa ay ang pag amin sa ating mga nagawang kasalanan, isa isahin natin itong banggitin kay Hesus mula sa maliit at malaking kasalanan. At pagkatapos ay pagsisihan natin ang mga kalapastanganang ito. Sunod ay ihingi ng kapatawaran sa Diyos nating mahabagin, ang huli ay sikapin nang matalikuran ang kawalang takot sa Diyos na mga gawaing ito. Lagi nating tatandaan na kinalulugdan ni Hesus ang taong maksalanan na nagbabalik loob sa kanya at nagsusumikap na magpakabanal. Gantilpala mula sa Diyos sa langit ang naghihintay sa gawaing ito.

Sa atin namang ebanghelyo ay pangangaral ni Hesus na kung paano mo trinato ang iyong kapatid, kapitbahay at kapwa ay ganuon ka din tatratuhin ng Diyos. Sa buhay nating ito hindi natin namamalayan na tayo ay lubha ng mapanghusga. Mapanghusga sa pisikal na anyo ng tao, sa kanyang pananalita, sa kanyang ktatuan sa buhay, sa kanyang kilos, at sa kanyang pananaw sa buhay. Naoakabilis nating humusga ng walang tunay na batayan. Ganuon din tayo huhusgahan ni Hesus.
Sa mga lumalapit sa atin para humingi ng tulong o ng makakain, kung paano mo sila tinipid ay titipirin din tayo ng Diyos. Sa mga tao nmang nakasakit sa atin, magpatawad tayo at huwag maghiganti upang patawarin din tayo ng Diyos at hindi parusahan.

Samakatuwid ay kung ano ang iyong ginagawa sa iyong kapwa ay sya ring gagawing pang hatol sa iyo.

Reply

Malou Castaneda February 25, 2024 at 9:31 pm

PAGNINILAY
Ang tawag na maging maawain ay hindi madali. Marahil tayo ay maawain sa ating sariling paraan: mag-abuloy sa ating simbahan, tumulong sa kapwa na nangangailangan, o gumawa ng mabubuting gawa upang gawing mas mabuting lugar ang mundo. Gayunpaman, ang bahagi ng mensahe ni Hesus ay maaaring mahirap, hinahamon tayo na huminto sa paghatol, pagpuna at pagkondena sa iba. Ang patawarin ang mga taong lubos na nakasakit sa atin ay isang malaking hamon. Maaaring ayaw natin silang patawarin o gusto nating magdusa sila sa ginawa nila sa atin. Ngunit, para sumunod kay Hesus, kailangan nating magpatawad. Walang ibang pagpipilian! Maaaring hindi natin malilimutan, dahil ang alaala ay nakaimbak sa ating isipan at puso. Ngunit mayroon tayong pagpipilian- ang maging maawain at magpatawad —at sa proseso, maaari rin nating palayain ang ating sarili!

Naalala natin ang isang tao na nagpatawad sa atin sa isang nakasakit na bagay na nagawa natin. Napakagandang regalo na ibinigay nila sa atin. Ang regalo ng pagpapatawad ay nagpapalaya sa atin dalawa. Pareho tayong hindi na natali sa sakit at galit na meron tayo. Tayo ay pinalaya at biniyayaan! Nawa’y maging handa tayong gumawa ng hakbang para magpatawad. Nawa’y nais nating maging mapagmahal at nagmamalasakit sa iba dahil naranasan natin ang pagmamahal at pag-aalaga ng Diyos para sa atin. Ang Golden Rule para sa atin ay hindi “Gawin sa iba ang paraan na gusto nating tratuhin ng iba”, kundi “Gawin sa iba ang paraan na ginawa na ng Diyos sa atin”.

Mapagmahal na Ama, salamat sa pagpapakita ng awa at habag sa amin, mga makasalanan. Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio February 25, 2024 at 10:36 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Kung ano ang iniisip natin sa iba ay siyang mismong katauhan mayroon tayo. Kahit na ipagkaila at isama ng loob natin, ang nasasabi at napapansin natin ay ang ating sarili. Para bagang may karapatan tayong magsalita at magkuwento ng mga napapansin na kahinaan at depekto ng ibang tao at magsabi, “Eh ano naman ang masama, totoo naman!” Mapa totoo o hindi, natutuwa tayo na may masahol pang ugali kaysa sa atin. May pangit pa sa atin. May payat o mas mataba pa sa atin. May mas banal o plastik pa sa atin. May mas mahirap at walang pinag-aralan kaysa sa atin. At marami pang comparison na siyang nagbibigay ng pagkawatak-watak ng tao. At iyan ang kahinaan ng mga taong mahilig magkumpara. Mapaghusga. Kaya muli ang tamang gawain na sinasabi ni Kristong ating dapat sundin na maging mahabagin, huwag humatol, huwag magparusa o gumanti, at magpatawad sa lahat ng pagkakataon ay kanyang hiling. Sapagkat hindi lamang sa ating pagbibigay ng mga nararapat ang magbabalik ng grasya sa hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa. Ito ay totoo rin sa mga ipinagbabawal niya. Kaya kung mahilig tayong mamuna, magkuwento, mag marites, at maghusga para may masabi lang o di kaya ay mapansin, hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa na babalik sa atin ang masamang inasal natin. A dose of our own medicine ika nga. Ito ang batas ng langit. Anuman ang ibinato ay babalik at tayo rin ang sasalo. Kaya puro kabutihan lang ang ating ihagis kaninuman, saan man, at tiyak tayong kabutihan rin ang ating tatamasain. Kung hindi maganda ay mabuti pang manahimik na lang. Walang mawawala. Hindi magkakasala.

Reply

Joshua S. Valdoz February 26, 2024 at 10:59 am

Panginoon maraming salamat sa lahat ng biyayang kaloob mo gsyun din sa mga pagsubok sa aming buhay na nalampasan namin. Nawa’y higit naming hsngarin na maging mabuti st gimawa ng mabuti sa aking kapwa.

Panginoon patawad sa panahon na naging bulag at pipi ako sa humihingi ng tulong ko, at nawa’y mapatawad ako ng mga taong pinagkasalahan ko. Ang lahat ng ito’y itinataas ko saangalan ni Hesus na maghahari magpakailanman. Salamat Panginoon sa lahat ng mga biyaya mo sa amin sa araw-araw, sa kabila ng mga pagkukulang at kahinaan ko ay patuloy pa rin ang pagkakaloob mo sa amin ng aming mga pangangailangan, salamat po. Amen

Reply

Joshua S. Valdoz February 26, 2024 at 11:00 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Kung ano ang iniisip natin sa iba ay siyang mismong katauhan mayroon tayo. Kahit na ipagkaila at isama ng loob natin, ang nasasabi at napapansin natin ay ang ating sarili. Para bagang may karapatan tayong magsalita at magkuwento ng mga napapansin na kahinaan at depekto ng ibang tao at magsabi, “Eh ano naman ang masama, totoo naman!” Mapa totoo o hindi, natutuwa tayo na may masahol pang ugali kaysa sa atin. May pangit pa sa atin. May payat o mas mataba pa sa atin. May mas banal o plastik pa sa atin. May mas mahirap at walang pinag-aralan kaysa sa atin. At marami pang comparison na siyang nagbibigay ng pagkawatak-watak ng tao. At iyan ang kahinaan ng mga taong mahilig magkumpara. Mapaghusga. Kaya muli ang tamang gawain na sinasabi ni Kristong ating dapat sundin na maging mahabagin, huwag humatol, huwag magparusa o gumanti, at magpatawad sa lahat ng pagkakataon ay kanyang hiling. Sapagkat hindi lamang sa ating pagbibigay ng mga nararapat ang magbabalik ng grasya sa hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa. Ito ay totoo rin sa mga ipinagbabawal niya. Kaya kung mahilig tayong mamuna, magkuwento, mag marites, at maghusga para may masabi lang o di kaya ay mapansin, hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa na babalik sa atin ang masamang inasal natin. A dose of our own medicine ika nga. Ito ang batas ng langit. Anuman ang ibinato ay babalik at tayo rin ang sasalo. Kaya puro kabutihan lang ang ating ihagis kaninuman, saan man, at tiyak tayong kabutihan rin ang ating tatamasain. Kung hindi maganda ay mabuti pang manahimik na lang. Walang mawawala. Hindi magkakasala.

Reply

Kim February 26, 2024 at 4:49 pm

PAGNINILAY

Sa pag-basa ngayong araw sinasabi ng panginoon sa atin na magpatawad at magbigay sa kapwa

Magpatawad ng walang alinlangan kaya’t ganun din ang gagawin ng Panginoon sa atin, magpatawad sa mga bagay at mga tao na kahit hindi nila sinabi o hiningi ay patawarin natin ng buong Puso, magpatawad kahit pinatay tayo sa sakit sa hirap at ano pa man, magpatawad hindi para sa taong nakagawa sa atin ng kasalan kundi para sa ating sarili na kung dumating na ang panahon na haharap tayo sa Panginoon wala tayong bitbit na mabigat sa ating Puso.

Magbigay sa mas nangangailangan at susuklian ito ng Panginoon, magbigay sa mashigit na nangangailangan, magbigay kahit alam nating walang kapalit, magbigay hanggat kayang tumulong dahil sa kaharian ng Diyos ang pagbibigay natin ng tulong sa ating kapwa at tunay na kayamanan ng Panginoon.

Reply

RFL February 26, 2024 at 10:29 pm

“Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. “—aka Ang FAVORITE verse ng lahat. Yes it pertains to giving. BUT if we look at the context, it pertains to *giving* mercy. It’s about NOT judging others BUT forgiving others. Hirap noh?

Kung susuriin natin ang mga tagubilin ng Diyos ang pinakamadali yata dito ay ang magbigay. Nasunugan ang kapwa, bigyan ng damit. Kinapos ang kapwa, magbigay ng financial help or lend him money. Walang makain ang nasa bangketa, bigyan ng pagkain. Ang daling ipakita na nagbibigay ka. God rewards people for their generosity, for their kindness, for mercy.

But God commanded us of this: FORGIVE OTHERS. He did not suggested, but he commanded. In fact, it is the central teaching of Jesus—forgiveness as rooted on love. It is the main reason that Jesus humbled Himself and died on our behalf. At hanggang sa pinakahuling sandali ng Kanyang buhay, nagbigay pa Siya ng example ng pagpapatawad. “Ama, patawarin Mo po sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Patungkol ito sa mga taong nagsakdal sa Kanya, sa mga nagpapako sa Kanya at sa mga nangmock sa Kanya.

Sabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo, with the measure we used in forgiving others, it will be the same measure na gagamitin sa atin ng Ama. So pag mabilis tayong magpatawad, mabilis din tayong patatawarin. Pag nagwithold tayo ng kapatawaran, iwiwithold din sa atin. Pag pinagtagal natin ang pagpapatawad, patatagalin din ng Diyos ang kapatawarang hinihingi natin. Sana lang ay hindi maabutan ng kamatayan dahil sa sobrang tagal mong magpatawad.

Hindi madaling magpatawad, lalo na kung grabe yung ginawa sayo or baka yung weakness mo ang tinamaan ng offense niya. Kailangan nito ng sandamakmak na humility on the giver. Kailangan nito ng sandamakmak na understanding and putting yourself in his shoes. Kailangan nito ng sandamakmak na grace galing sa Panginoon. Kailangan nito ng sandamakmak na pag-ibig na nagooverflow mula sa Panginoon flowing out through you. Kung ating tatalikuran ang pagpapatawad, para na rin nating tinalikuran ang humility, understanding, grace and love. Pagkareceive mo nito kay Hesus ay isinara mo na ang iyong palad at hininto mo ang flow nito mula sa iyo na papunta sana taong nangangailangan ng iyong pagpapatawad. Kapatid, gamitin wisely ang biyayang pinagkakaloob ng Panginoon.

Kung hindi ka makapagpatawad dahil masama pa rin ang loob mo, at least magpatawad ka kase wise ka. Kase tayo man ay nangaingailangan ng siksik, liglig at umaapaw na kapatawaran ng Diyos. At please lang, kung magpapatawad tayo ay wag nating sarilinin nang hindi alam nung other party na napatawad mo na siya. [Aba, mahirap din namang mabuhay nang may guilt, lalo na kung regretful and sincerely asking for forgiveness naman si offender.]

Panginoong Diyos, tumanggap po kami ng pagpapatawad mula sa Iyo na siksik liglig at umaapaw. Bigyan mo po kami ng understanding para maintindihan ang aming kapwa, ng humility para isipin din ang kapakanan ng aming kapwa, ng pagibig para makapagpatawad. At nang sa gayon ay makasunod po kami sa example na pinakita ng aming Panginoon Hesus. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: