Sabado, Enero 27, 2024

January 27, 2024

Sabado ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay Santa Angela Merici
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria Tuwing Sabado

2 Samuel 12, 1-7a. 10-17
Salmo 50, 12-13. 14-15. 16-17

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Marcos 4, 35-41


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Saturday of the Third Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. Angela Merici (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 12, 1-7a. 10-17

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinugo ng Panginoon kay David si Propeta Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa’y dukha. Maraming kawan at bakahan ang mayaman, samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Pinapangko niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinaiinom. Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ang mayamang nabanggit. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kanyang kinuha. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”

Napasigaw sa galit si David, “Naririnig tayo ng Panginoon! Ang taong iyo’y dapat na mamatay! Kailangang magbayad siya nang apat na ibayo sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”

Sinabi agad ni Natan kay David, “Kayo ang lalaking iyon! Ito ang sinabi sa inyo ng Panginoon: ‘Yamang ako’y itinakwil mo at kinuha mo ang asawa ni Urias, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ Sinabi pa rin ng Panginoon, ‘Pagkakagalitin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo’y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit araw. Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang parurusahan at makikita ng buong Israel.’”

Sinabi ni David kay Natan, “Tunay akong nagkasala sa Panginoon.”

Sumagot si Natan, “Kung gayo’y pinatatawad ka na niya at hindi ka mamamatay. Gayunman, yamang nilapastangan mo ang Panginoon, ang magiging anak mo ang mamamatay.” At umuwi na si Natan.

Tulad ng sinabi ng Panginoon, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. Dumalangin si David para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng sako at nag-ayuno, at sa lupa na nahiga nang gabing iyon. Lumapit sa kanya ang matatanda sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 16-17

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Ingatan mo ako, Diyos kong Manunubos,
ang pagliligtas mo’y galak kong ibabantog.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

ALELUYA
Juan 3, 16

Aleluya! Aleluya!
Kaylaki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan kaya’t
Anak n’ya’y ‘binigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 22, 2022 at 1:25 pm

PAGNINILAY: Kay laki ang kadakilaan ng ating Panginoong Diyos na nais niyang marapatin natin ang kanyang kabutihan.

Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa parabula ni Propetang Natan kay Haring David tungkol sa makasariling pastol na inangkin ang nag-iisang tupa ng isang mahirap na bata. Nagalit si David na gustong patayin iyan, ngunit ibinunyag ni Natan na siya ang pastol sa parabula sa pagbabahala niyang patayin si Urias sa palabanan at pag-aangkin ng asawa nito na si Batseba. Kaya isinumpa ng Diyos ang parusa sa kanyang linya. Ngunit nagpakumbaba ang hari at humingi ng tawad sa Panginoon, at sinabi ni Propetang Natan na siya’y pinatawad na kula sa kanyang pagkakasala. Kay laki ang habag at pagmamahal ng Diyos higit sa ating mga nagawang pagkakasala at pagkukulang kung tayo’y tunay na magpapakumbaba, magsisisi, humihingi ng tawad, at magbabago.

Ang Ebanghelyo ay tumutukoy sa Paghihinahon ni Hesus sa dagat at mga alon. Inimbitihan niya ang mga Apostol na maglakbay sila sa ibayo ng Lawa ng Galilea. At habang sila’y lumalayag ay biglang dumating ang isang malalakas na bagyo. Iniihip ito ng hangin at humahampas ng tubig sa punto na malulunod na ang bangka. Natakot ang mga alagad at ginising nila si Hesus. Dito ay ipinamalas ni Kristo ang kanyang kapangyarihang ipahinahon ng dagat at mga alon. Nagtaka siya sa maliit na pananampalataya kanyang mga tagasunod, at ang mga Apostol naman ay namangha sa kanyang ginawa.

Tunay na napakadakila ang Panginoon na mas higit ang pananampalataya ng tao kaysa sa mga bagyo ng buhay. Ang hamon sa atin ay maging mahinahon at kumapit lang sa kanya nang may pagtitiis at pananalig upang malampasin natin ang lahat ng pinagdaraanan nating mga problema at sakit.

Reply

Erwin Cabrera January 29, 2022 at 9:42 am

Sa Unang pagbasa tunay ngang walang maitatago sa Panginoon, kaya dapat tayo ay magsisi at talikuran ang pagkakasala, humingi ng kapatawaran sa Diyos na lumikha, aminin ang kasalanan at magbago.

Sa Ebanghelyo, ating nabasa ang pagkamangha at takot ng mga alagad ni Hesus, Sino ba ang taong ito? Nagpapa tahimik sa dagat at hangin.

Tanong natin sa atin, sino ba si Hesus sa buhay ko? Ako ba natatakot sa Oras na akoy ugain ng problema? Ako bay natatakot at nawawalan ng pananalig kay Hesus pag dumarating ang pagsubok?

Naway maging matibay ang ating pananampalataya sa oras na tayo ay natatakot, magdasal at maniwala sa tulong ng Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 29, 2022 at 10:33 am

Ano ang mga hamon at aral ng ating mga pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa ay iniiwan sa atin ang mensaheng may kaparusahan ang paglabag sa sampung utos ng Diyos. Kakilla kilabot ang sasapitin ng taong nakiki-apid, nangangalunya at nangunguha ng pag-aari ng iba. Lalong lalo na kung ikaw ay nagiging dahila pa ng pagkakasala ng iba. Pero ang pagbasang ito ay may iniiwan ding pag-asa at magandang balita sapagkat kung ikaw ay lubos na magsisi at hihingi ng kapatawaran at magsisikap na matalikuran na ang baluktot na gawain ay patatawarin ka ni Hesus at yayakapin. Matatandaan na iniwan ng Mabuting Pastol ang 99 na tupa upang hanapin anh isang nawawalang tupa, at ng matagpuan nya ito ay nagdiwang sya. Tunay na minamahal tayo ni Hesus at ang ibig nya ay ang ikabubuti natin.

Sa atin namang ebanghelyo ngayon ay pagapapakita ni Hesus ng isa na namang kababalaghan na ikinamangha ng kanyang mga alagad. Ang mensahe ng Mabuting Balita ay kapag ikaw ay natatakot ibig sabihin ay humihina ang iyong pananalig. Ang paggawa ng masama ang iyong katakutan, matakot ka sa Diyos. Pero kung ikaw ay sumusunod sa kalooban ng Diyos ay panig sa iyo ang Diyos, kaya’t wala na tayong dapat pang ikatakot. Sapgkat kapag panig sa iyo ang Diyos ay hindi mo na kailanagang mangamba pa sa mga darating na suliranin sa iyong buhay. Manalig ka, manampalataya at ibigay ang buong tiwala kay Hesus kasabay ng pagsunod sa kalooban nya at makakarmdam ka ng lubos na kaligayahan at kapayapaan. Yun ang sigurado.

Reply

Malou Castaneda January 26, 2024 at 7:58 pm

PAGNINILAY:
Kapag tayo ay nasa kalagayan ng espirituwal na pagkabulag, hindi natin namamalayan ang ating sariling pagka makasalanan at pinapayagan natin maging dagok ang mga unos ng kayamutan. Habang nagsisimulang umuga ang kaguluhan sa ating bangka, tayo ay natatakot at sumisigaw ng tulong. Sa panahong iyon, ang ating Panginoong Hesus ay nagsasalita sa atin, nang may pagmamahal, ngunit nang may mapaghamon, na sinasabi sa atin na muling ituon ang ating pansin sa Kanyang presensya at kung paano tayo napalayo sa Kanya. Ang ating sagot ay aminin na tayo ay nagkasala sa pamamagitan ng pagtingin sa maling direksyon at pag-iisip lamang sa ating sarili. Muli nating iayos ang ating konsentrasyon upang maging ganap na patungo sa Diyos. Nalaman natin na ang ating Panginoong Hesus ay kasama natin sa gitna ng magulong panahon ng buhay, at doon natin mararanasan ang kapayapaan at katahimikan na nagmumula sa ating Panginoong Hesus na magsalita ng mga salitang, “Tahimik at tumahimik”.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming malaman na ikaw ay naroroon sa lahat ng unos ng aming buhay.? Amen.
***

Reply

Jess C. Gregorio January 26, 2024 at 9:43 pm

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Maaaring matagal na nating kilala si Hesus. Sumusunod tayo sa mga pinag uutos niya. Pinagsisilbihan siya. Nakikinig sa kanyang mga Salita. Miyembro tayo ng aktibong grupo sa simbahan (ang banka na kinaluluan natin na kasama siya). Ngunit kung may unos at bagyo sa ating buhay, nakakalimutan natin siya dahil sa takot at pangamba. Mga kahinaan natin na paulit-ulit niyang sinasabi na kayang solusyunan ng pananalig. Pero kung sadyang wala pa ito, nangangahulugan na tayo ay wala pa rin sa kanyang kalooban. Namamangha pa tayo at di makapaniwala sa kanyang kapangyarihan. Kung nangyayari pa rin ito na di natin siya maintindihan, ito ay patunay lamang na kailangan pa natin ng matinding kapatawaran sa mga kasalanang pilit pa rin nating iniingatan. Iyan ang dahilan kaya tayo ay nawawalan ng pananalig kahit na Siya sa atin ay abot-kamay sa bankang ating sinasakyan.

Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Kailangan natin ng Tamang Daan, Buong Katotohanan, at Totoong Buhay. Parati tayo mangumpisal. Tangapin natin si Hesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Maging kaisa tayo Niya. Bisitahin, pagmasdan, sambahin, at kausapin natin siya sa Adoration Chapel. Ang Kanyang Presensiya ay mananatili hanggang sa wakas ng panahon. Hindi na natin siya kailangan hanapin. Matagal na siyang naghihintay sa atin.

Reply

RFL January 26, 2024 at 11:09 pm

Gospel: Marcos 4, 35-41

Ang sabi ni San Pablo, “Anything that does not proceed from faith is sin.” Kung ito ang gagawin natin na basehan ng difference ng pagkakasala at pananampalataya, aba napakarami na siguro nating pumalpak! Napakahigpit na standard nito kung tutuusin, ngunit totoo itong sinasabi ni San Pablo. Sapagkat ang doubt at fear na nasa atin ay siya ring naglalayo sa ating isip at puso sa Diyos.

Isipin nyo na lang yung mga disipulo ni Hesus sa ating Mabuting Balita, kasama na nila ang Panginoon pero nagdoubt pa rin kung sila’y mamamatay sa gitna ng masamang unos at alon. Pagda-doubt at pagkatakot—yes, normal po ito sa ating lahat na mga tao. Ngunit hindi normal para sa Kristiyano Katoliko ang lamunin ng doubt at fear ng pangmatagalan, sapagkat ang pinanghahawakan natin sa ating buhay ay ang pangalan ng Diyos na Makapangyarihan, na siyang magdedeliver sa atin sa lahat ng mga kinatatakutan natin. Ang pagddoubt at pagkatakot ng mga apostol ay dahil marahil sa hindi pa nila lubusang kilala si Hesus.

At nagpakilala nga ang Panginoon. Sa munting salita, napakalma Niya ang hangin at dagat. Sa mata ng mga alagad, sino bang tao ang kayang gumawa noon?. Siyempre, sino pa? Kundi si Hesus–ang kasama ng Diyos Ama na lumikha sa sanlibutan. Marahil simula noon, lalong tumindi ang paniniwala nila kay Kristo, at alam naman natin ang istorya. Nagkaroon pa rin sila ng mga doubts ngunit sa bandang huli ay tuluyan nilang isinuko ang kanilang buhay para kay Kristo at sa paghahayag ng Mabuting Balita.

Ang buhay na nilalakbay natin sa mundo ay puno ng mga pagsubok. Matakot man tayo sa una, magdoubt man tayo sa una, let it not get the best of us. Focus on Jesus,” set your eyes on Jesus, the author and perfector of our faith”. Sabi nga nila, “It doesn’t matter what boat you are in. What matters is who you have in the boat with you.” With the Holy Spirit in us, God is only a prayer away. Nawa’y gawin tayong malinis na Panginoon sa lahat ng mga doubts and fears natin, at nang tayo’y makasunod sa Kanya at magtagumpay sa misyon na ibinibigay Niya sa atin. Amen.

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 27, 2024 at 4:28 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – SABADO NG IKATLONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 4, 35-41 Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan nin Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”

MAGNILAY: Nakatulog si Hesus dahil hindi natutulog ang Diyos!

Panatag ang loob ni Hesus na lagi niyang kasama ang kanyang Ama dumating man ang unos ng buhay. Maraming pinagdaanang unos ang Panginoon bilang tao. Dumanas din siya ng tila pag-iisa dahil sa tindi ng mga hamon ng kanyang misyon. Natikman din niya ang mangulila sa kanyang Ama lalo noong bisperas ng kanyang kamatayan. Sa hardin ng Getsemane pinawisan siya ng dugo sa labis na hinagpis. Gayunpaman, hindi natinag ang kanyang pananalig na laging nariyan lang sa tabi niya ang kanyang Ama bagama’t hindi laging lantad.

Ito ang nais niyang ituro sa kanyang mga alagad. Huwag silang mag-alinlangan kundi manalig at magtiwala. Kahit minsan ay tila tahimik ang Diyos o minsan nga parang natutulog hinding-hindi niya tayo iniwan, inulila o tinalikuran. Nariyan lang siya kahit sa gitna ng alon at hangin. Panatag tayong makakatulog dumating man ang malakas na bagyo.

Inakala ng mga alagad na walang pakialam si Hesus sa bagyong hinaharap nila upang mapangaralan lamang sila na matutong maging panatag sa buhay sa kabila ng panganib dahil ang Diyos ay higit na malaki kaysa pinakamalaking hamon natin.

MANALANGIN: Panginoon, huwag nawa naming pagdudahan na lagi kang nariyan upang bantayan at alalayan kami.

GAWIN: Tulugan mo ang mga problema mo panatag na di ka niya pababayaan.

Reply

Rex G. Barbosa January 27, 2024 at 4:06 pm

PAGNINILAY

Pananampalataya Higit sa Takot

Ang kakulangan ng pananampalataya ay nagbibigay daan sa agam-agam. Huwag kalimutan laging tinitingnan ni Jesus ang ating mga pangangailangan.

Ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagpapatigil ni Hesus sa dagat at alon. Naglaklakbay sila sa ibayo ng Lawa ng Galilea at habang sila’y lumalayag ay biglang dumating ang isang malakas na bagyo. Sa punto na malulunod na ang bangka natakot ang mga alagad at ginising nila si Hesus. Nagtaka siya sa maliit na pananampalataya kanyang mga tagasunod.

Sa gitna ng magulong panahon ng buhay “duon natin mararanasan ang kapayapaan at katahimikan”. Ang pagkatakot natin ay dahil sa hindi pa nila lubusang kilala si Hesus. Sinasabihan tayo ng Panginoong Hesus na manahimik. Kung tuluyan na nating isinuko ang ating buhay kay Kristo duon natin tunay na makikita ang tunay na kalooban ng Diyos at hindi mo na kailangang mangamba pa sa mga darating na suliranin sa iyong buhay.

With the Holy Spirit in us, God is only a prayer away.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: