Biyernes, Enero 26, 2024

January 26, 2024

Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga obispo

2 Timoteo 1, 1-8
o kaya Tito 1, 1-5
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 7-8a. 10

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

Lucas 10, 1-9


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of Saints Timothy and Titus, bishops (White)

UNANG PAGBASA
2 Timoteo 1, 1-8

Ang simula ng ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Mula kay Pablo na niloob ng Diyos na maging apostol ni Kristo Hesus upang mangaral tungkol sa buhay na ipinangakong kakamtin natin kay Kristo Hesus –

Kay Timoteo na minamahal kong anak:
Sumaiyo nawa ang pagpapala, ang habag, at ang kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.

Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglingkuran ko nang tapat – tulad ng ginawa ng aking mga ninuno – tuwing aalalahanin kita sa aking mga panalangin araw-gabi. Sabik na sabik na akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan, lalo na kapag naaalaala ko ang iyong pagluha. Hindi ko nakakalimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili.

Kaya’t huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
Tito 1, 1-5

Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo kay Tito

Mula kay Pablo, alipin ng Diyos at apostol ni Hesukristo.

Sinugo ako upang patibayin ang pananalig ng mga hinirang ng Diyos, palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa katotohanang makapaglalapit sa atin sa Diyos, at bigyan ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa lalangin ang sanlibutan, ang buhay na ito’y ipinangako na ng Diyos na hindi marunong magsinungaling. Ipinahahayag naman ito sa takdang panahon at ipinagkatiwala sa akin upang ipangaral, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.

Kay Tito, tunay kong anak sa pananampalatayang ipinagkaloob sa ating lahat:

Sumaiyo nawa ang pagkalinga at kapayapaan mula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.

Iniwan kita sa Creta upang ayusin ang mga bagay na wala pa sa ayos at pumili ng matatanda sa simbahan sa bawat bayan, ayon sa tagubilin ko sa iyo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 7-8a. 10

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

Panginoon ay purihin ng lahat sa daigdigan!
purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal.

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

ALELUYA
Lucas 4, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 22, 2022 at 1:23 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayon ang mga kilalang alagad ni Apostol San Pablo. Sina San Timoteo at San Tito ay kapwang naging Obispo ng Efeso kasunud-sunuran ang isa’t isa. Ang mga sulat ipinadala ni Pablo sa kanila ay nais maalam at matanggap ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon at Tagapagligtas, at isabuhay ito sa pagbibigay-saksi kay Kristo. At sa tamang panahon, tayo’y tatawagin ng Diyos na makamtan ang kanyang kaluwalhatian sa langit kung tayo’y magiging matapat sa kanyang kalooban at sundin ang kanyang mga aral.

Ayon sa Mabuting Balita ngayon, ang mga kasama at maging ang mga alagad ni Jesus ay nagpapaalam sa kanya tungkol sa kanyang Ina at mga kapatid sa labas ng bahay kung saan siya natipon. Ngunit pagkatapos ay naglalagay siya ng nakakagulat na tanong sa gayong mga pagkakakilanlan. Sa katunayan, binigyang-kahulugan ng mga paham ng Bibliya na ang mga “kapatid” ni Jesus dito ay hindi talaga ang mga kaugnayan sa dugo, kundi ang mga nasa pananampalataya, sinunod ang kanyang panauhin, at mga kamag-anak ng pamilya. Ito ang dahilan kung bakit naniniwala ang aming mga tagapagtanggol na sa Ikalawang Marian Dogma, na ang walang hanggang pagkadalaga ng Mahal na Birheng Maria.

Ipinakikita lamang nito na hindi tinatanggihan ni Kristo ang Pinagpalang Ina o ang mga malapit sa kanya sa mga tuntunin ng mga bagay sa pamilya at kamag-anak. Pinalalawak niya ang kanyang pamilya, lalo na ang banal na mag-anak, na hindi lamang sa mga binubuo ng mga angkang panauhin sa dugo at pagkakamag-anak, kundi na rin sa mga nakikibahagi sa tungkulin ng pananampalataya, maging ang mga Apostol na magpapatotoo sa kanya para sa Simbahan. Sa katunayan, ang Simbahan ay tahanan sapagkat tayo ang malaking pamilya ng Diyos na nagtatalaga sa ating sarili sa pangangalaga sa isa’t isa at nagbibigay ng pangkalahatang kabutihan para sa lahat ng tao.

At higit sa lahat, tayo ay tinawag na pinagtibay na mga anak ng Diyos, mga ina, mga ama, mga kapatid, at mga kapatid na babae ng ating Panginoon, kung susundin natin ang kalooban ng Diyos Ama. Iyon ang dahilan kung bakit siya ay dumating sa ating mundo at ginanap ang kanyang Pampublikong Ministeryo at ang tunay na sakripisyo sa Krus. Maaari din nating ipamuhay ang ating tungkulin bilang mga kasapi ng Simbahan, Katawan ni Kristo, sa pamamagitan ng layunin ng Ebanghelisasyon sa pamamagitan ng pangangaral at pagbibigay ng patotoo sa pagmamahal, at pagbibigay ng ating sarili sa banal na kalooban ng Ama.

Reply

Reynald Perez January 25, 2022 at 6:36 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayon ang mga kilalang alagad ni Apostol San Pablo. Sina San Timoteo at San Tito ay kapwang naging Obispo ng Efeso kasunud-sunuran ang isa’t isa. Ang mga sulat ipinadala ni Pablo sa kanila ay nais maalam at matanggap ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon at Tagapagligtas, at isabuhay ito sa pagbibigay-saksi kay Kristo. At sa tamang panahon, tayo’y tatawagin ng Diyos na makamtan ang kanyang kaluwalhatian sa langit kung tayo’y magiging matapat sa kanyang kalooban at sundin ang kanyang mga aral.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagsusugo ng Panginoon sa 72 alagad upang iparangal ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Sila’y inatasang manalangin sa Panginoon ng ani na magsugo ng iba pang manggagawa ng anihan, maglakbay na walang dala, magsipunta sa mga nayon at bayan sa Israel, ipahayag ang kapayapaan, gumawa ng mga kababalaghan,t anggapin ang presensiya ng mga tumatanggap sa kanila, at ipagpag ang alikabok sa kanilang mga paa kapag hindi sila natanggap. Ito yung kanilang unang misyon bago pa mang mangyari ang paglalago ng Simbahan sa araw ng Pentekostes nang simulang magturo ang 12 Apostol. At ayon sa ilang tradisyon, pinaniniwalaan na dalawa sa mga 72 alagad ay sina San Timoteo at San Tito.

Katulad nitong dalawang obispo na maamo sa buhay ni San Pablo at matatag na mga pinuno sa kani-kanilang pamayanan, maaari din nating ipamuhay ang ating tungkulin bilang mga kasapi ng Simbahan, Katawan ni Kristo, sa pamamagitan ng layunin ng Ebanghelisasyon sa pamamagitan ng pangangaral at pagbibigay ng patotoo sa pagmamahal, at pagbibigay ng ating sarili sa banal na kalooban ng Ama.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño January 26, 2022 at 9:23 am

Ano ang hamon at aral ng ebanghelyo ngayon?

Suriin natin ang ating mga sarili. Pagktapos nating magsimba noong linggo o sa pang araw araw na online mass, ano epekto sa atin nito? Saan mo maikukumpara ang pakikinig mo ng Salita ng Diyos? ikaw ba ay sa batuhan, sa dawagan o sa matabang lupa?

Kadalasan ang epekto sa atin ng pagsisimba ay nagiging mabait tayo ng ilang araw at pagkatapos ay balik na naman sa dating ugali. Ang panawagan ng talinghaga ni Hesus ay ang itanim natin sa ating mga puso at isipan ang mga Salita ng Diyos. Yung pagtupad sa mga kautusan ng hindi panandalian lamang. Karamihan sa atin ay mga dawagan, sapagkat nilalamon tayo ng ating mga pagnanasa sa mga makamundong bagay. At maaalala lamang natin ulit ang Diyos kapag tayo ay may suliranin na at wala ng ibang matakbuhan.

Maging matabang lupa tayo, ano man ang dumating, tagumpay o pagkalugmok, kasaganaan o kagipitan, kasayahan o kalungkutan ay wag nating kakalimutan ang mga Salita ng Diyos. Mahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa.

Reply

Rey Anthony I. Yatco January 26, 2024 at 5:27 am

MAGANDANG BALITA NGAYON – PAGGUNITA KINA SAN TIMOTEO AT SAN TITO, MGA OBISPO

LUKAS 10, 1-9 Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’”

MAGNILAY: Hindi tayo sinusugo para magsolo. Sinusugo tayo nang magkasama o magkakasama. Ang mga alagad ay unang sinugo nang dala-dalawa. Hindi nagkataon lang o hindi kapritso lang ang isugo sila nang magkakasama ng Panginoon. Ito’y talagang dinisenyo ng Panginoon. Nakasalalay ang kredibilidad nila sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa kanilang tapat na pagsasamahan. Ang isa ay patotoo ng isa. Ebidensya na totoo ang Mabuting Balita sa pagmamahalan at pagkakaisa ng mga nangangaral ng salita ng Diyos. Aminin natin magagaling ang mga nagtuturo sa atin ng salita ng Diyos at ng Mabuting Balita – mga obispo, pari, madre, seminarista, katekista at mga layko. Ang balakid kaya hindi epektibo ang kanilang pangangaral kahit masisipag at magagaling sila ay hindi sila nagkakaisa, nagkakasundo at nagmamahalan. Nagpapagalingan sila. Nagpapaligsahan sila. Nagpapataasan sila. Nagsisiraan sila. Hindi sila magkatuwang. Hindi sila magkapatid sa turingan. Hindi sila patotoo sa isa’t- isa. Balikan natin ang mga unang alagad na dala-dalawa at magkakasama na ipinangaral ang Mabuting Balita. Pinaniwalaan sila dahil sa kanilang pagmamahalan, pagkakaisa at patotoo sa isa’t-isa. Balikan natin sina San Timoteo at San Tito na naging mga tapat na katuwang ni San Pablo kaya’t epektibo nilang naipangalat ang Mabuting Balita.

MANALANGIN: Panginoon, pagkaisahin mo sa pagmamahal at kapatiran kaming mga tinawag at sinugo mo upang ipangaral at ipangalat ang Mabuting Balita.

GAWIN: Matuto ka munang makipag-isa sa tapat na pagmamahalan bago sumabak sa pangangaral ng Mabuting Balita.

Reply

Malou Castaneda January 26, 2024 at 7:06 am

PAGNINILAY
Itinuturo ng talinghaga sa Ebanghelyo na huwag matakot sa maliliit na simula. Maaaring mukhang sa ngayon ay napakaliit lamang na epekto ang ating magagawa; ngunit kung ang maliit na epekto ay paulit-ulit ito ay magiging napakahusay. Karamihan sa mga pinakamalaking aral at natutunan sa buhay ay kasama ng pasensya. Lumalago rin ang pananampalataya sa mga pag-agos ng buhay ng bawat isa sa atin. Ang Diyos ay hindi naiinip sa ating paglago. Ang Diyos ang siyang lumikha sa atin mula sa wala at lumikha sa atin sa bawat araw ng ating buhay. Pinalalago ng Diyos ang pag-ibig sa atin, ng sa gayon ay makanlungan at maaliw nito ang marami pang iba. Mula sa pinakamaliit na binhing itinanim sa isang kaluluwa, ang Kaharian ng Diyos ay maaaring lumago upang ang nagtitiwala sa Diyos ay pinagmumulan ng pagpapakain at pangangalaga sa iba. Dapat may simula ang lahat. Walang lumalabas na ganap na lumaki.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming umunlad at maging ganap sa aming pananampalataya.? Amen.
***

Reply

RFL January 26, 2024 at 7:23 am

Gospel for Today: Lucas 10, 1-9

Noon pa mang una ay ang mensahe na ng Mabuting Balita ang inihahayag ni Kristo sa mundo. Nakakatuwang isipin na ang Diyos na makapagyarihan ay naghirang ng mga tao para ipagpatuloy ang nasimulan ni Hesus na pagbabalita tungkol sa kaligtasan. With such power as Him, siguro’y maaari Niyang ipahayag sa pamamagitan ng mga anghel ang tungkol sa Kaligtasang inihatid Niya sa atin, ngunit hindi Niya ito ginawa. He still has faith in man. At ang pinakamasarap sigurong pakiramdam sa Diyos ay ang sumagot ng “oo” sa pinaguutos Niya. Nung andito si Hesus, tinuruan Niya ang kanyang mga apostol na huwag magdala ng kahit ano sa paglalakbay at sa halip ay umasa sa Diyos at umasa din sa mga taong may mabubuting puso. Tanda ito na well-provided ng Panginoon ang mga taong gumagawa ng Kanyang mga utos.

Ang mga ito, mula sa paghirang sa mga tao hanggang sa pagpoprovide sa kanila, ay dapat natin makitang isang malaking mirakulo! Opo, ang mirakulo ng Panginoon ay hindi limited sa pagpapalayas sa demonyo at pagpapagaling sa maysakit, kundi pati sa pagpapalawig ng Kanyang Simbahan. Tingnan natin, noong una’y 72 ang kanyang mga disipulo at 12 naman ang nasa inner circle Niya. Noong dumating ang Espiritu Santo, ay nadagdagan ng 3000 na tao, at mula noon ay patuloy na dumarami at lalo pang tumatatag ang mga Kristiyano. Sa mga nabubuhay ngayon 2.38Billion po ang mga Kristiyano, accounting to 1/3 of the world’s population at hindi pa binibilang ang mga nauna na sa atin. Isang tunay na mirakulo ng Panginoon!

Kaya naman ating ginugunita ang mga buhay ng mga santo, lalo na yung mga kilala nating nanungkulan at nagbuwis ng buhay alang-alang kay Kristo katulad na lamang ni St. Timothy and St. Titus, mga tinuturing ni San Pablo na mga anak Niya sa pananampalataya. Imagine how much zeal do these persons have upang ipaglaban ang Pangalan ni Hesu-Kristo! Tunay na sumasakanila si Hesus.

Tayo din naman ay inaanyayahan na ipangaral ang Mabuting Balita. Hindi ibig sabihin nito ay dapat ka ng maging pari, ngunit sa ating mumunting paraan, ay magkaroon din sana tayo ng pananampalataya at pag-ibig kay Kristo upang ihasik ang binhi ng Kanyang Salita sa mga taong nakakasalamuha natin lalo na sa ating pamilya. Itinuturo ba natin sa mga anak natin ang pag-ibig ng Diyos? Pag nakikipagkwentuhan sa kamag-anak, palitan ng pagkilala sa karunungan at biyaya ng Panginoon ang topic instead na mga kapitbahay. Pag nagpapayo sa kaibigan, ihayag ang kabutihan ng Diyos at ang kanyang faithfulness, imbes na magpayo na uminom ng alak. In our own little ways, maihahayag natin ang kabutihan ng Diyos. At kung tinatawag ka Niya upang maging pari, o madre, o iba pang katungkulan sa Simbahan, nawa ay katulad ng mga santong nauna sa atin, tayo rin ay tumugon ng “oo”. Amen.

Reply

Jess C. Gregorio January 26, 2024 at 11:08 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Ang lahat ng mayroon sa atin ay galing sa Diyos. Kaya ang lahat ng patungkol sa Diyos ay ipagkakaloob niya. Hindi na natin kailangan magdala ng anuman. Humingi lang tayo sa Kanya ng lahat na ating kailangan. Gaya ng pagkatok ng kanyang mga sinugo, kung tatanggapin ay pumasok at kumain, tanggapin ang lahat ng ibibigay. Hindi binanggit na humingi sa mga tinutuluyan. Gamitin natin ang kapangyarihan ng Diyos para pagalingin at ipagdasal ang mga naniniwala. Pero maging parang tupa tayo, maamo at hindi nag-dedemand ng anumang kapalit o kabayaran sa biyayang dumaan sa atin galing sa Panginoon. God will always provide. Kung ang lahat ay nangyayari sa lakas at yaman ng Diyos, at hindi sa lakas at yaman ng tao, ang Kaharian ng Diyos ay tahasang nasa atin. Ang tiwala ng ating gawain ay nararapat nakasandig sa Diyos tulad ng pitumpu’t dalawang hinirang na takang-taka kung paano maaaring mangyari ang kanyang sinasabi. Galak na galak naman pagkatapos ng kanilang misyon na takang-taka pa rin kung paano nangyari.

Ang tao ay walang alam. Salat tayo sa karunungan. Mahina. Walang lakas. Puno ng takot at pangamba. Maligalig. Sablay sa maraming bagay. Bagama’t may yaman at katayuan sa lipunan ay malungkot at nangangailangan. Kailangan natin ng Tamang Daan, Buong Katotohanan, at Totoong Buhay. Parati tayo mangumpisal. Tangapin natin si Hesus sa Komunyon ng Banal na Misa. Maging kaisa tayo Niya. Bisitahin, pagmasdan, sambahin, at kausapin natin siya sa Adoration Chapel. Ang Kanyang Presensiya ay mananatili hanggang sa wakas ng panahon. Hindi na natin siya kailangan hanapin. Matagal na siyang naghihintay sa atin.

Reply

Rex G. Barbosa January 26, 2024 at 6:58 pm

Ipinahihiwatig sa atin ng Ebanghelyo na dapat tayong magpasalamat sa kung ano ang mayroon tayo. Maging matapang tayo sa lahat ng bagay. Lahat ay ituring na pagpapala at wala tayong dapat ipangamba sapagkat kasama natin Siya magpakailan man.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: