Linggo, Marso 12, 2023

March 12, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-3 Linggo ng Kuwaresma
Patnubay sa Misa

Lalong sabik kaysa Samaritanang makatanggap kay Hesus ng banal na tubig, buong kababaang- loob na tayo’y humiling sa kanya ng kasaganaan ng kanyang mga biyaya habang nananalangin tayong:

Panginoong Hesus, pawiin mo ang aming uhaw!

Para sa Simbahang bagong bayan ng Diyos: Nawa patuloy siyang pagkalooban ng mahabaging pagmamahal ng Diyos ng malinis na tubig ng Kanyang Salita at mga Sakramento sa kanyang paglalakbay sa disyerto ng kawalan-pansin at pagtutol ng tao. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at sa mga pinuno nating espirituwal: Nawa sila’y maging mga karapat-dapat na kinatawan ni Hesus, na bagong Moises, na nakapapawi sa uhaw ng ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng tubig ng banal na biyaya. Manalangin tayo!

Para sa mga pinuno nating pambayan: Nawa sila’y maging inspirasyon at uliran natin sa katapatan sa kagalingang panlahat at pagtugon sa mga panga- ngailangan ng mga kaawa-awa sa lipunan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng naghihirap na pisikal, emosyunal, at espirituwal: Makatagpo nawa sila ng lakas at kasiyahan sa bukas-palad na pakikiisa ng mga kasama sa kanilang mag-anak o pamayanan. Manalangin tayo!

Para sa ating kabataan: Nawa matagpuan nila sa Ebanghelyo ang daloy ng katotohanang makapapawi sa kanilang pagkauhaw sa kahulugan ng buhay. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga kahilingang pansarili. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, ikaw ang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay na ikapagbabago ng disyerto naming buhay na maging mga hardin ng kabanalan. Sariwain mo ng masagana mong biyaya ang aming mga uhaw na kaluluwa at sa gayo’y malasap namin sa buhay na ito ang kagalakan ng Kaharian kung saan ka nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 10, 2020 at 3:40 pm

Pagninilay: Mahalaga ang tubig sa ating buhay. Siguro ito ang pinakamahalagang pangangailangan natin. Kailangan natin ito sa pag-iinom upang hindi tayo’y mauhaw. Kailangan din natin gumamit ng tubig bilang panlinis ng mga bagay, pagkain, at pati na rin ang ating mga katawan. Sa Bibliya, maraming beses binanggit ang tubig. Ang Aklat ng Genesis ay naglalarawan sa tubig bilang lalang ng Panginoong Diyos. Ito rin ay hiniwalay ng Diyos upang mabuo ang mga katubigan at kalangitan. Ang mga tubig ng baha sa panahon ni Noe ay nagsilbing tagalinis ng kasamaan ng mundo, at makalipas ang 40 araw ay sumikat ang isang bahaghari bilang tanda ng tipan ng Diyos na hindi niya kailanma’y lilipulin ang mundo sa pamamagitan ng baha. Ang Aklat ng Exodo naman ay nagbangit sa tubig bilang paraan ng kaligtasan mula sa pagkaalipin sa Egipto at paglalakbay ng mga Israelita patungo sa Lupang Pangako. At narinig natin sa Unang Pagbasa kung paanong inilaan ng Panginoong Diyos ang tubig mula sa bato. Bagamat sinubok siya ng kanyang bayan, minarapat pa rin niya na bigyan sila ng tubig sa pamamagitan ni Moises. Sa Bagong Tipan, binanggit diyan unang-una ang tubig ng Ilog Jordan na nagpabinyag ng maraming tao, at mismo kay Hesus. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasalaysay sa pagtatagpo ni Hesus sa isang babaeng Samaritana. Ang babaeng ito ay kabilang sa mga tinagurang “pagano” sapagkat ayon sa mga Hudyo, ang kaligtasan ay makakamtan lamang daw sa loob ng piniling bayan ng Diyos. Kung mapapansin po natin ang kwento, nag-igib siya sa balon sa ganap ng alas dose ng tanghali, ang oras kung saan mainit sa labas at halos walang tao sa balon. Dito natunghayan natin na mayroon siyang limang asawa dati at ngayon isang lalaking kanyang tinitirhan. Kaya nang humingi sa kanya si Hesus ng tubig, parang itinanggi niya ang hiling nito. Ngunit sumagot ang Panginoon na malalaman ng babaeng ito ang nais ng Diyos, ibibigay niya ito sa kanya. At ang sinumang iinom ng tubig na nagbibigay-buhay ay kailanma’y hindi mauuhaw. At marami pang pangangaral si Hesus sa Samaritana tungkol sa kaligtasan ng Diyos na nagaganap sa kabutihan ng puso ng tao, kaya’t nagulat ang babae nang malaman niya na nakausap at nakaharap niya ang Mesiyas [Hesus]. At ang mga tinawag niyang mga kababayan ay nagsitakbuhan nang marinig nila ang balitang iyon mula sa kanya. Kaya’t sinabi ni San Juan sa dulo ay maraming mga Samaritano ay sumampalataya kay Hesus dahil nabatid na nila na siya ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.
Mahalaga ang tubig upang linisin ang ating mga katawan at bigyan tayo ng lakas at kaginhawaan matapos mapagod. Higit pa dito, mahalaga rin ang tubig na nagbibigay-buhay na si Hesukristo. Sinasabi ng Salmo 63 na ang kaluluwa natin ay naghahangad at naghahanap sa Diyos katulad ng pagkauhaw natin sa tubig. Nawa’y kilalanin pa natin ang Panginoon at ang kanyang kagandahang-loob sa bawat isa, kahit anupamang lahi, relihiyon, kulay, o kasarian niyan. Nawa’y maging bukas tayo sa handog na kaligtasan sa pamamagitan ng pagiging buhay at pagbibigay kulay sa buhay ng ibang tao.

Reply

Ervi March 12, 2023 at 9:41 am

Panginoon ang aming pagkauhaw sa Iyo kaya nanatili kaming sumusunod sa kalooban mo. Alam namin na maraming sagabal patungo sa Iyo pero hindi yun hadlang upang tumigil kami sa pagpapagal. Dahil makakamtan namin ang lahat ng tagumpay sa mundong ito dahil sa iyong walang sawang pagbibigay ng tubig ng buhay. Manatili nawa kami sa tubig na iyong ibinibigay.

Reply

Dong March 12, 2023 at 3:22 pm

Salamat panginoong hesukrist nazareno Amen

Reply

SAINSPOT March 12, 2023 at 9:14 pm

Hinahalungkat ng basurero ngayon ang ating basura dahil naghahanap Siya ng isang bagay na mahalaga.

Dumating ang isang babaeng makasalanan sa balon ni Jacob para mag-igib ng tubig. Nadatnan niya si Hesus doon na nagpapahinga. Tanghali na noong siya’y pumunta roon para makaiwas sa mga ibang babae na siya’y pag-tsismisan dahil alam nila ang buhay niya. Kaya’t makikita natin dito ang pagdurusa ng babaeng ito dahil sa kahihiyan sa kanyang uri ng pamumuhay.

Isa pa, siya ay isang Samaritano na karaniwang itinuturing ng mga Judio na marumi at ang mga Hudyo ay hindi umiinom mula sa kanilang mga sisidlan. Ngunit sinira ni Hesus ang hindi-banal na kaugaliang ito at tiningnan Niya siya bilang isang anak ng Diyos na may likas na dignidad at halaga. Winika ni Hesus, “Painomin mo ako”. Si Hesus ay nauuhaw para sa kanyang kaluluwa, para sa kanyang kaligtasan. Dito natin makikita na hindi inisip ni Hesus ang kanyang nakaraan dahil ang nais lamang Niyang gawin ay halukayin ang kasalanan at basurang gumugulo sa kanyang kaluluwa upang matuklasan ang kanyang dignidad sa loob. Kung pahihintulutan niya si Jesus na ialay sa kanya ang awa na ito, matatanggap niya ang tunay na Tubig na Buhay na siyang papawi sa kanyang espirituwal na pagkauhaw. At maiibsan ang pagkauhaw din ni Hesus dahil maibabahagi Niya ang kanyang awa.

Pagnilayan ang babaeng ito sa balon. Siya’y katulad natin na sumasagisag ng ating kaluluwa na puno ng basura ng kasalanan at kaguluhan. Huwag hayaan na ang kahihiyan, takot, o pakiramdam ng hindi pagiging karapat-dapat ay humadlang sa iyo sa pakikibahagi sa parehong pakikipag-usap sa ating Panginoon. Nauuhaw si Hesus na linisin ng ating mga kaluluwa at yan ay kung papayagan natin Siya.

Panginoong Hesus, kitang-kita mo ang kalagayan ng aking kaluluwa, marumi at magulo. Nais kong ibigay sayo ang ang aking kaluluwa upang mabusog ka sa pamamagitan ng pagiging bukas sa Iyong awa. Binubuksan ko ang aking sarili para sa Iyo, mahal na Panginoon, at nananalangin na ang Iyong Tubig na Buhay ay bubukal sa aking puso magpakailanman.

Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: