Linggo, Abril 10, 2022

April 10, 2022

Play

Linggo ng Palaspas
ng Pagpapakasakit ng Panginoon (K)

Lucas 19, 28-40

Isaias 50, 4-7
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Filipos 2, 6-11
Lucas 22, 14 – 23, 56
o kaya Lucas 23, 1-49


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Palm Sunday of the Lord’s Passion (Red)
Alay Kapwa Sunday

Ang Prusisyon ng Palaspas

MABUTING BALITA
Lucas 19, 28-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Nagpauna si Hesus patungong Jerusalem. Nang malapit na siya sa Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagi’y Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawang alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na bayan. Sa pagpasok doo’y matatagpuan ninyo ang isang bisirong asnong nakatali; hindi pa ito nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” Kaya’t lumakad ang mga inutusan at natagpuan nga nila ang asno, ayon sa sinabi sa kanila ni Hesus. Samantalang kinakalag nila ito, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” “Kailangan ito ng Panginoon,” tugon nila. Dinala nila kay Hesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya’y pinasakay nila. Nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay at sa kanyang daraanan nama’y inilalatag ng mga tao ang kanilang mga balabal. Nang malapit na siya – palusong na sa libis ng Bundok ng mga olibo – nagsigawan sa galak ang buong pangkat ng mga alagad at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kababalaghang nasaksihan nila. Ang wika nila, “Purihin ang hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!”

Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo nga ang iyong mga alagad.” Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo: kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Ang Misa

UNANG PAGBASA
Isaias 50, 4-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang Makapangyarihang Panginoon
ang nagturo sa akin ng sasabihin ko,
para tulungan ang mahihina.
Tuwing umaga’y
kanyang binubuksan ang aking pandinig.
Nananabik akong malaman
kung ano ang ituturo niya sa akin.
Binigyan niya ako ng pang-unawa,
hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
Hindi ako tumutol
nang bugbugin nila ako,
hindi ako kumibo
nang ako’y kanilang insultuhin.
Pinabayaan ko silang bunutin
ang buhok ko’t balbas,
gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
Ang mga pagdustang ginawa nila’y
di ko pinapansin,
pagkat ang Makapangyarihang Panginoon
ang tumutulong sa akin.
Handa akong magtiis
na sampaling parang bato
pagkat aking batid
na ang sarili ko’y di mapapahiya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis
ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon,
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap.
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
Siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.

D’yos ko! D’yos ko!
Bakit naman ako’y ‘yong pinabayaan.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 6-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Si Kristo Hesus bagamat siya’y Diyos ay hindi nagpilit na mantiling kapantay ng Diyos,
bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9

Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.

MABUTING BALITA
Lucas 22, 14 – 23, 56

Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Lucas

Nang dumating na ang oras, dumulog si Hesus sa hapag, kasama ang kanyang mga apostol. At sinabi niya sa kanila, “Malaon ko nang inaasam-asam na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskuwang ito bago ako magbata. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito’y maganap sa kaharian ng Diyos.” Hinawakan niya ang isang kalis, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo na mula ngayo’y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga’t hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.” At dumampot siya ng tinapay at, matapos magpasalamat sa Diyos, kanyang pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Gayon din naman, dinampot niya ang kalis pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan ng aking dugo na mabubuhos dahil sa inyo.”

“Ngunit kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos; ngunit nakapangingilabot ang sasapitin ng taong magkakanulo sa kanya.” At sila’y nagtanung-tanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng gayon.

Nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilanling pinakadakila. At sinabi sa kanila ni Hesus, “Ang mga hari sa mundong ito’y pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga maykapangyarihan ay napatatawag na mga tagatangkilik nila. Ngunit hindi gayon sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na siyang pinakabata, at ang namumuno’y tagapaglingkod. Sino ba ang higit na dakila, ang nakadulog sa hapag o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako’y kasama-sama ninyo bilang isang naglilingkod.

“Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. Kung paanong pinaglalaanan ako ng Ama ng kaharian, gayun din naman, pinaglalaanan ko kayo ng dako sa aking kaharian. Kayo’y kakain at iinom na kasalo ko, at luluklok sa mga trono upang mamahala sa labindalawang angkan ng Israel.

“Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas at ipinahintulot naman sa kanya, na kayong lahat ay subukin. Subalit idinalangin ko na huwag lubusang mawala ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.” Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!” “Pedro,” ani Hesus, “tandaan mo: bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlo mo akong itatatwa.”

Pagkatapos, tinanong sila ni Hesus, “Nang suguin ko kayo nang walang dalang lukbutan, supot, o panyapak, kinulang ba kayo ng anuman?” “Hindi po,” tugon nila. Sinabi niya, “Ngunit ngayon, kung kayo’y may lukbutan o supot, dalhin ninyo. Ang walang tabak – ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isa. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatan: ‘Ibinilang siya sa mga salarin.’ Sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na!” At sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya.

Gaya ng kanyang kinaugalian, umalis si Hesus at nagtungo sa Bundok ng mga Olibo; at sumama ang mga alagad. Pagdating doo’y sinabi niya sa kanila. “Manalangin kayo, nang hindi kayo madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila nang may isang pukol ng bato, saka lumuhod at nanalangin. “Ama,” wika niya, “kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis na ito. Gayunma’y huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Napakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Tigib ng hapis, siya’y nanalangin nang lalong taimtim; tumulo sa lupa ang kanyang pawis na animo’y malalaking patak ng dugo.

Tumindig siya pagkapanalangin at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa tindi ng dalamhati. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Nagsasalita pa si Hesus nang dumating ang maraming tao, na pinangungunahan ni Judas, kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Hesus upang hagkan. Sinabi nito sa kanya, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga alagad na kasama niya kung ano ang mangyayari, sinabi nila, “Panginoon, mananaga na po kami!” At tinaga nga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong saserdote at natigpas ang kanang tainga niyon. Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag! Hayaan ninyo sila!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling.

Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at sa mga pinuno ng mga bantay sa templo at sa matatanda ng bayan, na naparoon upang dakpin siya, “Ako ba’y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? Araw-araw, nagtuturo ako sa templo at naroon din kayo; ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit panahon ninyo ngayon at ang kapangyarihan ng kadiliman ang namamayani.”

Dinakip nga nila si Hesus at dinala sa bahay ng pinakapunong saserdote. Si Pedro nama’y sumunod sa kanya, ngunit malayo ang agwat. Nang maparikit na ang apoy sa gitna ng patyo, naupo sa paligid ang mga taong naroon; si Pedro nama’y nakiumpok sa kanila. Nakita siya ng isang utusang babae at siya’y pinagmasdang mabuti. “Kasama rin ni Hesus ang taong ito!” sabi niya. Ngunit itinatwa ito ni Pedro. “Aba, hindi!” sagot niya. “Ni hindi ko siya nakikilala!” Pagkaraan ng ilang sandali, napansin siya ng isang lalaki at nagtanong ito, “Isa ka rin sa kanila, ano?” Ngunit sumagot siya, “Nagkakamali kayo, Ginoo!” Pagkalipas ng humigit-kumulang na isang oras ay iginiit naman ng isa, “Kasama nga ni Hesus ang taong ito. Isa rin siyang Galileo.” Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!” Nagsasalita pa siya nang tumilaok ang manok. Lumingon ang Panginoon at tinitigan si Pedro. Naalaala nito ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay makaitlo mo akong itatatwa.” Lumabas si Pedro at nanangis nang buong saklap.

Samantala, si Hesus ay nililibak at hinahampas ng mga nagtatanod sa kanya. Siya’y piniringan nila at tinanong, “Sige, hulaan mo nga! Sino ang humampas sa iyo?” At kung anu-ano pang panlalait ang sinabi sa kanya.

Kinaumagahan, nagtipon ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba – ang Sanedrin – at iniharap si Hesus sa kanilang kapulungan. “Sabihin mo sa amin,” wika nila, “ikaw ba ang Mesiyas?” Sumagot siya, “Sabihin ko man sa inyo, hindi kayo maniniwala, at kung tanungin ko kayo, hindi naman kayo sasagot. Ngunit mula ngayon, ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos.” “Ibig mong sabihi’y ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat. “Kayo na rin ang nagsasabing ako nga,” tugon niya. Sinabi nila, “Ano pang patotoo ang kailangan natin? Tayo na ang nakarinig – mula sa sarili niyang bibig!”

Tumindig ang buong kapulungan at dinala si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan siya. Anila, “Ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis sa Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang hari.” At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Kayo na ang nagsasabi,” tugon ni Hesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit mapilit sila at ang wika, “Sa pamamagitan ng kanyang mga turo’y inuudyukan niyang maghimagsik ang buong Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo’y narito na.”

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. At nang malamang siya’y mula sa nasasakupan ni Herodes, kanyang ipinadala siya sa taong ito na noon nama’y nasa Jerusalem. Tuwang-tuwa ito nang makita si Hesus. Marami na siyang nabalitaan tungkol dito at matagal na niyang ibig makita. Umaasa siyang gagawa ito ng kababalaghan at ibig niyang makita iyon. Kaya’t tinanong niya nang tinanong si Hesus, ngunit hindi ito sumagot kaunti man. Naroon ang mga punong saserdote at ang mga eskriba na walang tigil ng kapaparatang kay Hesus. Hinamak siya at tinuya ni Herodes, pati ng kanyang mga kawal. Sinuutan siya ng maringal na damit at ipinabalik kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati’y magkagalit.

Ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga tao. Ngayon, siniyasat ko siya sa harapan ninyo, at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayon din si Herodes, kaya si Hesus ay ipinabalik niya sa akin. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan – wala siyang kasalanan. Kaya’t ipahahagupit ko lamang siya saka palalayain.” Tuwing Paskuwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo para sa kanila. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang madla, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas!” Nabilanggo si Barrabas dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod, at dahil sa pagpatay. Minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, sa pagnanais na mapalaya si Hesus; ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya’y ipapatay, ipahahagupit ko na lamang siya at saka palalayain.” Datapwa’t lalo nilang ipinagsisigawan na dapat ipako si Hesus sa krus; at sa wakas ay nanaig ang kanilang sigaw. Kaya’t ipinasiya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ayon sa hinihingi nila, at ibinigay sa kanila si Hesus upang gawin ang kanilang kagustuhan.

Nang dala na nila si Hesus upang ipako, nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigil nila ito at ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Hesus.

Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin sa tuyo?”

May dinala pa silang dalawang salarin upang pataying kasama ni Hesus. Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuotan ang mapupunta sa isa’t isa. Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, sa kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Nang makita ng kapitan ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos. “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” sabi niya. Ang nangyaring ito’y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaing sumunod sa kanya mula sa Galilea, at nakita rin nila ang mga bagay na ito.

May isang lalaki na ang ngala’y Jose, tubo sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio. Mabuti at matuwid ang taong ito at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. Bagamat kagawad siya ng Sanedrin, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Nang maibaba na ang bangkay, binalot niya ito ng kayong lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato – hindi pa iyon napaglilibingan. Araw noon ng Paghahanda, at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.

Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Hesus mula sa Galilea, at nakita nila ang pinaglibingan, pati ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Hesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 23, 1-49

Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon: Tumindig ang matatanda ng bayan, ang mga punong saserdote, at ang mga eskriba. Dinala nila si Hesus kay Pilato. Sinimulan nilang paratangan siya. Anila, “Ang taong ito’y nahuli naming nanunulsol sa aming kababayan na maghimagsik, at nagbabawal ng pagbabayad ng buwis sa Cesar. Pinapaniwala pa niya ang mga tao na siya ang Kristo, isang hari.” At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Kayo na ang nagsasabi,” tugon ni Hesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit mapilit sila at ang wika, “Sa pamamagitan ng kanyang mga turo’y inuudyukan niyang maghimagsik ang buong Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo’y narito na.”

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Hesus. At nang malamang siya’y mula sa nasasakupan ni Herodes, kanyang ipinadala siya sa taong ito na noon nama’y nasa Jerusalem. Tuwang-tuwa ito nang makita si Hesus. Marami na siyang nabalitaan tungkol dito at matagal na niyang ibig makita. Umaasa siyang gagawa ito ng kababalaghan at ibig niyang makita iyon. Kaya’t tinanong niya nang tinanong si Hesus, ngunit hindi ito sumagot kaunti man. Naroon ang mga punong saserdote at ang mga eskriba na walang tigil ng kapaparatang kay Hesus. Hinamak siya at tinuya ni Herodes, pati ng kanyang mga kawal. Sinuutan siya ng maringal na damit at ipinabalik kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati’y magkagalit.

Ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao, at sinabi sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga tao. Ngayon, siniyasat ko siya sa harapan ninyo, at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayon din si Herodes, kaya si Hesus ay ipinabalik niya sa akin. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan – wala siyang kasalanan. Kaya’t ipahahagupit ko lamang siya saka palalayain.” Tuwing Paskuwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo para sa kanila. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang madla, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas!” Nabilanggo si Barrabas dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod, at dahil sa pagpatay. Minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, sa pagnanais na mapalaya si Hesus; ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako sa krus! Ipako siya sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya’y ipapatay. Ipahahagupit ko na lamang siya at saka palalayain.” Datapwa’t lalo nilang ipinagsisigawan na dapat ipako si Hesus sa krus; at sa wakas ay nanaig ang kanilang sigaw. Kaya’t ipinasiya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ayon sa hinihingi nila, at ibinigay sa kanila si Hesus upang gawin ang kanilang kagustuhan.

Nang dala na nila si Hesus upang ipako, nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid. Ito’y si Simon na taga-Cirene. Pinigil nila ito at ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Hesus.

Sinusundan si Hesus ng maraming tao, kabilang ang mga babaing nananaghoy at nananambitan dahil sa kanya. Nilingon sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo: darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalantao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo’y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman ang gagawin sa tuyo?”

May dinala pa silang dalawang salarin upang pataying kasama ni Hesus. Nang dumating sila sa dakong tinatawag na Bungo, ipinako nila sa krus si Hesus. Ipinako rin ang dalawang salarin, isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa. Sinabi ni Hesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” At nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang kasuotan ang mapupunta sa isa’t isa. Ang mga tao’y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, sa kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Nang makita ng kapitan ang nangyari, siya’y nagpuri sa Diyos. “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” sabi niya. Ang nangyaring ito’y nakita ng lahat ng taong nagkakatipon at nagmamasid; at umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaing sumunod sa kanya mula sa Galilea, at nakita rin nila ang mga bagay na ito.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 9 comments… read them below or add one }

M.U. Francisco April 12, 2019 at 5:08 pm

pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.

Reply

M.U. Francisco April 12, 2019 at 5:10 pm

Sa pagpasok natin sa Linggo ng palaspas, tayo’y nakikiisa at naniniwala sa katuparan ng hula ni Zacarias na ang Haring ipinangako ng Diyos ay darating sa Jerusalem sa paraang “mapagpakumbaba at nakasakay sa asno, sa isang bisiro, ang anak ng babaeng asno.”—Zacarias 9:9. Sinong maniniwala na si Hesus na isinilang sa sabsaban ngayo’y isang hari mula sa angkan ni David?
Ang Semana Santa ay nabuksan na sa pagpasok ni Hesus sa Jerusalem. Pagkatapos ng 40 na araw na pag-aayuno, panalangin, at pagbibigay ng limos tayo ngayon ay kasama sa mas malalim na paglalakbay ng paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoon kung saan ating pinapanampalatayaan dahil si Hesus ay totoong Diyos at totoong tao; ang Hari ng lahat ng mga hari.
Ang paghihirap ay isang pangyayari sa ating buhay kung saan tayo ay nasusubok kung papaano ba nag mabuhay dito sa mundo. Sa kasalanan naghirap sila Adan at Eva nang sila’y mapalabas sa hardin sa pamamagitan ng pagtratabaho ngunit hindi sila pinabayaan ng Diyos. Si Hesus sa Bagong Tipan ay nahirapan din sa buhay at sa kamay ng mga taong hindi naniniwala na siya’y Anak ng Diyos Ama ngunit hindi rin siya pinabayaan ng Ama sa langit. Sinasabi sa mga taga-Colosas 3:2,
“Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa”. Mga Kapatid, huwag tayong matakot na maghirap. Matuto tayo kay Hesus na tinanggap ang lahat hanggang sa kamatayan dahil sa kamatayan natin matatagpuan ang ipinangako sa atin ng Diyos na buhay na walang hanggan.
Tayong lahat ay darating sa kamatayan kung saan iiwanan natin lahat ng materyal na meron tayo at durugtong tayo sa buhay ng ating Panginoong Hesukristo. Sinasabi sa Roma 8:35-38, ‘Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan, panganib, o maging kamatayan. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay. Para kaming mga tupang kakatayin.” Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Kristo na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos”. Sa muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo tayo ay binibigyan niya ng pag-asa na kung tayo’y nagmula sa kanya tayo rin ay babalik sa kanya sa langit kasama ang Amang lumikha, ang Banal na Ispiritung tagapagbuhay at ang lahat ng mga banal na sumamba sa Panginoon. Sa buong linggong ito, tayo’y maniwala, at magbalik loob na kasama natin ang ating Panginoon sa bawat paghihirap, kamatayan, at muling pagbangon natin sa buhay.
Maligayang Paglalakbay!

Reply

Mark Jefferson Criste March 3, 2022 at 10:45 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez April 1, 2022 at 6:40 am

PAGNINILAY: Ngayong araw na ito ay sinisimulan natin ang Semana Santa/Mahal na Araw. Sa konteksto ng liturhiya, ang tawag sa simula ng Mahal na Araw ay “Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon”. Makikita natin ang ugnayan ng Maringal na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem doon sa kanyang Misteryong Paskwal: ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay.

Ang unang bahagi ng liturhiya sa Linggo ng Palaspas ay isang masayang pagdiriwang sapagkat inaalala natin kung paanong sinalubong ng mga tao si Hesukristo nang siya’y pumasok sa Jerusalem na nakasakay sa isang asno. Akalain ng mga tao na ang pagka-Mesiyas niya ay nakasentro sa kapangyarihan, subalit hindi iyan ang nais ipahiwatig niya tungkol sa kanyang misyon. Kaya ang ikalawang bahagi ng liturhiya ay makikita kung bakit buong kababang-loob siyang pumasok sa Banal na Lungsod: isang Hari na hinding humahangad ng kapangyarihan at karangalan, kundi isang Haring nais makapaglingkod at maipamalas ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya ang Unang Pagbasa ay isa sa mga apat na orakulo ni Propetang Isaias tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos. Si Hesus na lingkod at Anak ng Diyos ay tanda ng mensahe ng Ama, at hindi siya kailanma’y nanumbat at nagtanggi nang siya’y pagtawanan, insultuhin, at hagupitin. Alam ni Hesus ang Ama ay palaging nasa kapiling niya. At ipinahayag ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang “kenosis” o “pagtubos ni Kristo” ay isang pagligtas nang may kababang-loob. Bagamat si Hesus ay Diyos, nagkatawang-tao siya upang maranasan ang kahinaan ng tao subalit hindi nagkasala. Naging masunurin siya sa dakilang kalooban hanggang kamatayan sa Krus, at siya’y pinarangalan ng Diyos upang ang ating abang pagkatao ay maiako patungo sa pagkatao ng Ama. Kaya makikita natin sa salaysay ng “Passion narrative” ang drama ng Misteryong Paskwal ni Kristo sapagkat si Hesus ay nagmahal sa atin hanggang sa kanyang kamatayan sa Krus, at humantong ito sa kanyang Muling Pagkabuhay.

Ang pagtitiis ni Kristo ng kanyang mga pagdurusa sa huling sandali ng kanyang buhay ay patunay na ang bawat pagsubok at paghihirap na nararanasan ng tao ay isang panawagan upang mas maging matatag pa ang pananampalataya sa kanya. Kaya sinasabi natin na mas lumalaganap ang grasya ng Panginoon kaysa sa mga kasalanan at paghihirap ng tao. Minahal tayo ni Kristo nang walang kondisyon, at upang ipakita ang patuloy na nagmamahal ng Diyos Ama sa sangkatauhan, inalay niya ang kanyang buhay sa Krus. Kaya ngayong Semana Santa, nawa’y gunitain natin ang Misteryo ng Pagtubos ng Panginoon sa sansinukob sa pagbubukas ng ating mga isip at puso sa mga biyaya ng Diyos upang tayo rin ay tumulad sa halimbawa ni Hesus sa mapagkumbabang paglilingkod sa ating kapwa.

Reply

ruel arcega April 8, 2022 at 8:35 am

Ang Unang araw ng Mahal na araw ay ating tinatawag na Linggo ng Palaspas, Dahil ito ay paggunita natin nang si Hesus ay pumasok sa Jerusalem. ay tinanggap siya ng mga Judio nang may kasalakan,. Gamit ang anumang halaman at sila’y napupunyagi sa kaluwalhatian at tagumpay na kanyang gagawin sa Jerusalem. Ngunit para kay Hesus ito ang pagpasok niya sa pinaka dakilang pagsasakripisyo, paghihirap at kamatayan para makamit at buhay na walang hanggan na ipagkakaloob sa atin. Tagumpay laban sa kasalanan. kaya’t inaayayahan tayo na pumasok sa yapak ni Kristo na pagninilayan natin sa linggong ito. Una dahil ating kasalanan at pagagawa ng kasalanan, tayo ay ililigtas ni Hesus sa kanyang kamatayan sa Krus.ikalawa, na ang buhay natin ay hindi natatapos sa kamatayan, ito ang susi para sa buhay na walang hanggan. Itatlo, ang kapangyarihan ng Diyos ang mananatiling mananaig. kaya’t tayo ay sumampalataya Kay Hesus na siyang katuparan ng pangako ng Ama, siya ay Daan , katotothanan at buhay. Kaya’t ang palaspas ay ating iwagaygay dahil alam na natin ang kahulugan nito ay para kay Kristong nagtagumpay laban sa kasalanan at para sa ating lahat na mga anak ng Diyos. Amen

Reply

Gina April 10, 2022 at 8:24 am

Amen

Reply

Francisco Azupardo April 10, 2022 at 9:56 am

Salamat sa Diyos. Amen. Aleluya

Reply

Ferdy Baetiong Pariño April 10, 2022 at 1:40 pm

Ang Linggo ng Palaspas ay ang umpisa ng Mahal na Araw, Semana Santa o ang Holy Week. Ano ang mga aral at hamon sa atin nito?

Ang Palaspas ay hindi pampaswerte sa isang tahanan, o pantaboy sa mga aswang na nakalakihan natin. Ito ay pagpapa-alala sa atin ng kababaang loob ni Hesus na sya nating dapat tularan. Sa panahon ngayon ay ang hinahangad ng bawat isa ay karangalan, kasikatan, mga papuri, maging angat sa iba at pagmamalaku at kayabangan ng kung anu anong meron sya. Alalahanin na ang Poong Hesus na hari ng lahat ay mas piniling sumakqy sa isang bisirong asno. Huwag kalilimutan ang pamosong salita ni Hesus na ang nagmamakataas ay ibinababa at ang nagmamakababa ay itinataas.

Kamusta kq kapatid simula ng Mierkules de Abo? Nagawa mo ang mga dapt gawin katulad ng pananalangin ng madalas, pagsasqkripisyo at paglilimos? Kung hindi kaptid ay hindi pa huli ang lahat at ito na ang iyong pagkakataon ito para bumawi at maisaktuparan ang pkikibahagi natin sa paghihirap at pagkamatay ni Kristo at sama sama nating ipagbunyi ang kanyang muling pagkabuhay sa susunod na Linggo.

Reply

Celine loveko April 12, 2022 at 3:49 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: