Linggo, Marso 27, 2022

March 27, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-4 Linggo ng Kuwaresma
Patnubay sa Misa

Ipinaaalaala sa atin ng sipi ng Ebanghelyo ngayon ang ating pagiging makasalanan at ang pagpapatawad ng Diyos. Buong pagtitiwala sa Banal na Awa, idulog natin ang ating mga kahilingan para sa lahat ng mga makasalanan habang nananalangin tayong:

Mahabaging Panginoon, dinggin ang aming panalangin!

Para sa Simbahang Katolika: Nawa siya’y laging maging kasangkapan para sa pagbabalik-loob ng mga tao sa sanlibutan. Manalangin tayo!

Para sa mga pinuno nating espirituwal at pulitikal: Nawa magkaroon sila ng kababaang-loob para aminin ang kanilang pagkukulang at ng lakas ng loob para pagbayaran ito sa pamamagitan ng kanilang kapasiyahang itaguyod ang kagalingang panlahat. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng magulang at tagapagturo: Nawa pukawin nila ang kanilang mga anak at tinuturuan sa pamamagitan ng mabuti nilang halimbawa at ipakita sa kanila ang mapagpatawad na pagmamahal ng Diyos Ama. Manalangin tayo!

Para sa ating kabataan: Matuto nawa sila sa alibughang anak sa talinghaga at huwag nilang lustayin ang mga kaloob sa kanilang kalikasan at biyaya; at sakaling sila’y magkasala, nawa’y huwag silang mag-alinlangan sa dakilang pagmamahal sa kanila ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Matuto nawa tayo sa amang nasa talinghaga upang maingatan nating maging bukas tuwina ang ating mga puso sa pagtanggap at pagtitiwala sa mga dating bilanggo at ibang nagkasalang nagsisikap nang magpanibagong buhay. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, narito kami ngayon sa harap Mo na waring mga alibughang anak na nagkasala sa Iyo nang maraming ulit at sa maraming paraan. Tanggapin Mo kaming muli nang buong pagmamahal at tulutan Mo kaming maging mapagpatawad sa lahat ng nagkasala sa amin. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 17, 2022 at 6:54 pm

PAGNINILAY: Ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din bilang “Linggo ng Laetare”. Ang “Laetare” ay isang salitang Latin na isinalin sa wikang Ingles bilang “rejoicing”. Ito ang panahon kung saan sa pagtapat natin sa kalagitnaan ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak. Ang Pari ay maaring sumuot ng Rosas na kasulya, at ang altar ay maaring gayakin ng mga bulaklak. Sa paggamit ng mga instrumento para sa mga himig, maaring tumugtuog din ng “Instrumental”. Kung mapapansin natin ang Pambungad na Pagpasok sa Misa para sa araw na ito, inaanyayahan ni Propetang Isaias na magalak ang bayan ng Jerusalem dahil sa dumating na kaligtasan nito. Kaya sa gitna ng ating pagsisisi at pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma, kailangan nating magalak sapagkat darating na ang pagdiriwang ng ating kaligtasan sa Semana Santa, at ito’y hahantong sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Ang mga Pagbasa natin ay nagbibigay ng dahilan kung bakit nating kailangang magalak ngayong kalagitnaan ng Kuwaresma. Ang Unang Pagbasa ay ang pagdiriwang ng mga Hudyo ng Pista ng Paskuwa, na kung saan ginugunita nila ang kanilang paglikas mula sa pagkaalipin sa Egipto. At ibinigay din ni Josue ang tipan ng Panginoon na katulad ng pagiging matapat niya sa pagtupad ng pangakong ito, nawa’y sila rin ay maging matapat sa kanyang mga utos at aral. Ang Paskuwa ay tanda ng kaligtasan ng mga Hudyo, na siya namang bibigyang kaganapan ni Hesus nang iaalay niya ang kanyang buhay bilang ganap na handog na nag-alis ng ating mga kasalanan.

Ang Ebanghelyo ay isa sa mga kilalang talinghaga ni Hesus na tumatagos sa ating mga puso: ang Talinghaga ng Alibughang Anak. Makikita dito ang awa ng Panginoon na bukas sa lahat ng tao, lalung-lalo sa mga makasalanan. Matatandaan si Hesus ay nakapiling niya ang mga maniningil ng buwis at ibang makasalanan, na siya namang ikinagagalit ng mga Pariseo at eskriba. Kaya ikinuwento ni Kristo ang dalawang parabula ng Nawawalang Tupa at Nawawalang Salapi na ang Diyos ay nagagalak sa piling ng mga anghel sapagkat ang mga makasalanan ay nagbalik-loob sa kanya. Kaya ito namang parabula tungkol sa Alibughang Anak ay nagpapatunay na dakila ang habang ng Diyos Ama na katulad ng amang may-ari ng lupa sa kwento. Kahit nilustay ng kanyang bunsong anak ang kalahati ng ari-arian, tumakbo pa rin siya palapit nito, niyakap, at hinalikan. Kahit nais ng bunsong anak na tratuhin siya bilang alipin, tinanggap pa rin siya ng kanyang ama, at nagkaroon ng isang malaking salu-salo. Subalit sa ibang banda, ang panganay na anak na masipag na nagtratrabaho sa pinag-aarian ng kanyang ama ay nagalit sapagkat hindi niya’y akalain ang kanyang kapatid na lumustay ng pera ng pamilya ay nagbalik sa kanilang tahanan. Akala niya noon na walang pakialam ang kanyang ama tungo sa kanyang kasipagan. Subalit kinausap siya ng ama na hindi kailanma’y pinagkait siya ng pagmamahal dahil sa hirap at pagod na pagtratrabho, kaya ang importante riyan ay ang pagbabalik-loob ng kanyang bunsong kapatid.

Kapwang minahal ng ama ang kanyang 2 anak, matuwid man o makasalanan. Ganyan rin ang pagmamahal ng Diyos Ama sa atin, kahit tayo man ay matuwid o makasalanan. Siya ang gumagastos ng kanyang pag-ibig upang patuloy natin itaguyod ang kabutihan at upang tanggapin din natin ang kanyang kabutihan para sa mga taong tumalikod na gustong magbalik-loob. At tayong mga hindi perpektong tao ay nagsisikap araw-araw na magsisi,magbalik-loob, at mamuhay nang mas marangal at matapat tungo sa isang mabuting relasyon sa Diyos at ating kapwa. Kaya si San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nagpapaalala sa atin na tayo’y hinubog muli ng Diyos sa kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng kanyang Anak na nagligtas sa atin at minarapat na maging anak din tayo ng Ama.

Magsaya po tayo, mga kapatid, sapagkat dakila ang awa at malasakit ng Panginoon para sa lahat ng humahangad nito.

Reply

ruel arcega March 23, 2022 at 7:06 am

Ang ikatlong linggo ng kuwaresma ay pinapakita ang dakilang Awa ng Diyos sa isang talinghaga ukol sa Maawain at mapagmahal na Ama. Kung paano ipinakita at pinadama nang Ama kung paano ang Amang Diyos natin ay gagawin ang lahat para sa kasiyahan ng kanyang mga Anak. Kaya’t ang pagbabalik-loob natin sa Ama ay tularan natin ang busong anak, Napagtanto niya ang ginawa niyang kasalanan, paano ang pagbabayad puri, at siyang makabalik sa Ama. Huwag natin tularan ang panagnay na hindi bukas . Amen?

Reply

Aguilino March 25, 2022 at 4:16 pm

Para sa akin dapat bukas ang ating kaisipan sa mga bagay na makalupa. Dapat nating pairalin na si Jesus ay nagpakamatay dahil sa kanya pagibig. Kaya dapat tayo magmahalan.purki nagkakasala siya hindi na nating bigyan ng masaya buhay. Ang pagibig ng Dios ay wala hanganan.Amen.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 27, 2022 at 6:25 am

Tayo ngayon ay nasa kalagitnaan na nag Kwaresma, at patuloy na tayo’y hinihimok ng ebanghelyo sa pagbabago.

The Prodigal Son, pamilyar tayong lahat sa kwentong ito ni Hesus. Ang aral na iniiwan sa atin nito ay ang pagsisi sa kasalanang nagawa at paghingi ng kapatawaran.

Kapatid, lahat tayo ay nagkakasala, kung makasalanan ka man ngayon ay hindi pa huli ang lahat, iniintay lamang tayo ni Hesus na pagsisihan at ating mga kasalanan at manumbalik sa kanya. Mahabagin ang Diyos at kinalulugdan nya ang makasalanang nagbabalik loob sa kanya. Katulad sa kwento ng ebanghelyo, ipinagdiwang pa ng Hari ang pagbabalik ng anak nyang lumayas at lumustay ng kanyang yaman. Hinahanap ng Mabuting Pastol ang tupang naliligaw ng landas.

Kaya’t samantalahin natin ang banal na panahong ito ng Kwaresma upang manikluhod sa Ama at hingin ang kapatawaran at magsikap ng matalikuran ang kasamaan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: