Linggo, Marso 20, 2022

March 20, 2022

Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw
na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K)

Exodo 3, 1-8a. 13-15
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 11

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

1 Corinto 10, 1-6. 10-12
Lucas 13, 1-9


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Third Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Exodo 3, 1-8a. 13-15

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, si Moises ang nag-aalaga sa kawan ng biyenan niyang si Jetro. Minsan, itinaboy niya ang kawan pabagtas ng disyerto at nakarating siya sa Horeb, sa Bundok ng Diyos. Doon, ang anghel ng Panginoon ay napakita sa kanya, parang ningas sa gitna ng isang mababang punong-kahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ito ngunit hindi nasusunog. Kaya’t nasabi niya sa kanyang sarili, “Kataka-taka ito! Tingnan ko ngang mabuti kung bakit di nasusunog gayung nagliliyab.”

Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoon buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”

“Ano po iyon?” sagot niya.

Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na dako ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos ng iyong mga magulang – nina Abraham, Isaac at Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha pagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.

Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap nilang tinitiis at narinig ko ang kanilang daing. Kaya, bumaba ako upang sila’y iligtas, ialis sa Egipto at ihatid sa lupaing mayaman, malawak at sagana sa lahat ng bagay.

Sinabi ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako’y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”

Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Ito rin ang pag-alala sa akin ng lahat ng salinlahi.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 11

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Ang balangkas niya’t utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa’y nasaksihan ng Israel.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 10, 1-6. 10-12

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ibig kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno na sumunod kay Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay, at tumawid sa Dagat na Pula. Sa gayun, nabinyagan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal at uminom din ng iisang inuming espirituwal, mula sa Batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang Batong iyon ay si Kristo. Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya’t nagkalat sa ilang ang kanilang mga buto.

Ang mga nangyaring ito’y babala sa atin upang huwag tayong magnasa ng mga masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya’t nilipol sila ng Anghel na Mamumuksa.

Nangyari ito sa kanila bilang babala sa iba, at nasulat upang turuan tayong mga inabot ng huling panahon.

Kaya nga, mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya’y nakatayo, baka siya mabuwal.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17

Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”

MABUTING BALITA
Lucas 13, 1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”

Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 21, 2019 at 11:23 pm

Pagninilay: Ngayong Panahon ng Kuwaresma, tayo ay inaanyayahan na lumapit sa Panginoong Diyos Ama na puno ng habag at awa sa atin. Ang Unang Pagbasa ay ang salaysay ng pagkalikas ng mga Israelita mula sa mga Egipcio. Matandaan na matapos pumanaw sina Jacob at ang kanyang mga anak katulad ni Jose na gobernardor ng Egipto, isang bagong hari ang umasenso sa trono at minalupit niya ang mga Israelita sa pagkabihag at kahirapan. Subalit pinili ng Diyos ang isang Hebreo na nangangalang Moises na iniligtas mula sa pagkakain ng mga buwaya sa Ilog Nilo. Bagamat si Moises ay lumaki bilang Prinsipe ng Egipto, nagkaroon siya ng malasakit sa kanyang mga kababayang minamalupitan ng mga guwardiya ng Egipto. Minsan nga siya’y nakapatay ng guwardiyang hinahampas ang isang Israelita, at umabot sa faraon ang balitang iyon na may dalang banta laban kay Moises. Subalit tumakas si Moises papuntang Midian na kung saan nakilala niya si Jetro ang pinakasal ang isa sa mga dalagang anak nito na si Zipora. At habang siya’y namamastol sa mga kawan, nakita niya sa Bundok na Horeb ang isang punungkahoy na nagliliyab subalit hindi namamatay ang apoy. At n’ung lumapit siya, iniutos ng Panginoon na tanggalin niya ang kanyang mga panyapak dahil ang lugar na iyan ay banal. Dito tinawag ng Diyos si Moises na maging instrumento ng pagkalikas ng mga Israelita mula sa pagkaalipin ng mga Egipcio. Subalit nagduda si Moises kung ano ang sasabihin niya sa kanila at sino ang nagsabi, kaya binigkas ng Diyos ang pangalang “Yahweh,” na sa Hebreo ay nangangahulugang “Ako’y si Ako Nga”. Makikita natin sa salaysay ng Exodo ang Diyos na maawaain at mabuti na kung paano ipinangako niya ang pananampalataya sa mga patriarkiyang katulad ni Abraham, nangako rin siya kay Moises ang kanyang presensiya at kapangyarihan laban sa mga kaaway.
Ang Ebanghelyo naman ay paglalarawan sa Diyos na maawaain sa kabila ng kasalanan ng mga tao. Inaakala dati ng mga taong naninirahan sa kapanahunan ni Hesukristo na ang mga pinaslang ni Poncio Pilato at ang mga nabagsakan ng Torre ng Siloe ay mga makasalanan. Subalit ipinaalala ni Hesus na hindi ganyan ang tamang pananaw, kaya hinamon niya ang mga tao na dapat sila’y magsisi. At ikinuwento ni Hesus ang Parabula ng Puno ng Igos na hindi magmunga. Sinasabi dito na isang tao ay naghahanap ng igos sa mga puno, subalit wala siyang makita ni isang bunga ng prutas. Kaya inutos niya na putulin ang punong iyon. Ngunit nagmakaawa ang tagapag-alaga na hayaan munang tumubo ang puno sa loob ng 1 taon nang sa may pag-asang ito’y magmumunga ng igos, o kaya kung wala ay maaari nang putulin. Makikita natin sa talinghagang ito ang Diyos na mapagmatiis sa ating mga pagkakasala. Hindi hinayaan ng Diyos na tayo ay mawasak nang tuluyan, subalit isinugo niya ang kanyang Anak na si Hesukristo upang tayo ay magkaroon ng kaligtasan mula sa ating mga pagkakasala sa pamamamagitan ng paghahandog ng buhay ni Kristo sa Krus. At ito ay patunay na patuloy na nagmamahal ang Diyos sa ating lahat.
Sa kabila ng ating mga kahirapan at kahinaan sa buhay, nawa’y hilingin natin ang grasya ng Diyos na ipadama niya ang kanyang awa sa atin upang patuloy tayong kumapit sa kanya, maging matapat sa kanyang dakilang kalooban, at maging mga saksi ng kanyang awa at malasakit sa ibang tao.

Reply

M.U. Francisco March 22, 2019 at 4:22 pm

Bilang Anak, tayo ay napagsasabihan ng ating mga Magulang na magsisi sa tuwing tayo ay nakakagawa ng hindi magandang bagay. Sa ating Ebanghilyo, napaalala sa akin ang mga bagay sa pamamagitan ng mga tanong: Naabutan niyo ba iyong napapaluhod sa asin? E sa monngo? Pinapaluhod na nakadipa at may hawak pang libro? Ang mga iba’t ibang palo sa kamay at puwet sa kamay ng ating mga Magulang? Habang ako’y bumabalik sa mga karanasan ng pagdidisiplina, maaaring marahas na pamamaraan ng pagdidisiplina noon, ngunit maraming bagay ang nagbago sa maraming buhay. “Ngunit sinasabi ko ni Hesus: “kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat”. Siguro ito ang mga salitang naglalaro sa isipan ng maraming magulang noon kaya nila ginagawa ang ganoong pagdidisiplina.
Ganoon pa man, ang parabolang ginamit ng ating Panginoon ay nagtuturo rin sa atin kung papaano maging pasensyuso sa pag-aantay ng bunga sa mga punong walang bungga. Tayong mga anak ay tulad ng mga puno na minsan ay walang bunga. Sinasabi ng tagapag-alaga, “Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’’ Masakit ang palo at pagluhod tulad ng pagputol sa puno ngunit tinuturuan tayong mamunga ng masagana. Sa ating konteksto ngayon, hindi na tinatanggap ang pagdidisiplina ng marahas, ganun pa man kailangan nating makisama sa tagapag-alaga sa atin’ ang ating magulang na nais lamang matuto tayong makinig at sumunod sa kanilang mga payo dahil ayaw nilang tayo ay mapahamak at mabuhay sa masama. Ang ating Simbahan ay kaisa sa mga magulang na magsisi tayo sa ating mga kasalanan hindi lang sa panahon ng Kuaresma, bagkus araw-araw sa pamamagitan ng pagdarasal, pagtanggap ng Sakramento ng Kompisal, Sakramento ng Eukaristiya at magpatuloy na mabuhay ayon sa halimbawa at turo ng ating Panginoong Hesukristo.

Reply

Reynald Perez March 12, 2022 at 8:47 pm

PAGNINILAY: Ngayong Panahon ng Kuwaresma, tayo ay inaanyayahan na lumapit sa Panginoong Diyos Ama na puno ng habag at awa sa atin. Ang Unang Pagbasa ay ang salaysay ng pagkalikas ng mga Israelita mula sa mga Egipcio. Matandaan na matapos pumanaw sina Jacob at ang kanyang mga anak katulad ni Jose na gobernardor ng Egipto, isang bagong hari ang umasenso sa trono at minalupit niya ang mga Israelita sa pagkabihag at kahirapan. Subalit pinili ng Diyos ang isang Hebreo na nangangalang Moises na iniligtas mula sa pagkakain ng mga buwaya sa Ilog Nilo. Bagamat si Moises ay lumaki bilang Prinsipe ng Egipto, nagkaroon siya ng malasakit sa kanyang mga kababayang minamalupitan ng mga guwardiya ng Egipto. Minsan nga siya’y nakapatay ng guwardiyang hinahampas ang isang Israelita, at umabot sa faraon ang balitang iyon na may dalang banta laban kay Moises. Subalit tumakas si Moises papuntang Midian na kung saan nakilala niya si Jetro ang pinakasal ang isa sa mga dalagang anak nito na si Zipora. At habang siya’y namamastol sa mga kawan, nakita niya sa Bundok na Horeb ang isang punungkahoy na nagliliyab subalit hindi namamatay ang apoy. At n’ung lumapit siya, iniutos ng Panginoon na tanggalin niya ang kanyang mga panyapak dahil ang lugar na iyan ay banal. Dito tinawag ng Diyos si Moises na maging instrumento ng pagkalikas ng mga Israelita mula sa pagkaalipin ng mga Egipcio. Subalit nagduda si Moises kung ano ang sasabihin niya sa kanila at sino ang nagsabi, kaya binigkas ng Diyos ang pangalang “Yahweh,” na sa Hebreo ay nangangahulugang “Ako’y si Ako Nga”. Makikita natin sa salaysay ng Exodo ang Diyos na maawaain at mabuti na kung paano ipinangako niya ang pananampalataya sa mga patriarkiyang katulad ni Abraham, nangako rin siya kay Moises ang kanyang presensiya at kapangyarihan laban sa mga kaaway.

Ang Ebanghelyo naman ay paglalarawan sa Diyos na maawaain sa kabila ng kasalanan ng mga tao. Inaakala dati ng mga taong naninirahan sa kapanahunan ni Hesukristo na ang mga pinaslang ni Poncio Pilato at ang mga nabagsakan ng Torre ng Siloe ay mga makasalanan. Subalit ipinaalala ni Hesus na hindi ganyan ang tamang pananaw, kaya hinamon niya ang mga tao na dapat sila’y magsisi. At ikinuwento ni Hesus ang Parabula ng Puno ng Igos na hindi magmunga. Sinasabi dito na isang tao ay naghahanap ng igos sa mga puno, subalit wala siyang makita ni isang bunga ng prutas. Kaya inutos niya na putulin ang punong iyon. Ngunit nagmakaawa ang tagapag-alaga na hayaan munang tumubo ang puno sa loob ng 1 taon nang sa may pag-asang ito’y magmumunga ng igos, o kaya kung wala ay maaari nang putulin. Makikita natin sa talinghagang ito ang Diyos na mapagmatiis sa ating mga pagkakasala. Hindi hinayaan ng Diyos na tayo ay mawasak nang tuluyan, subalit isinugo niya ang kanyang Anak na si Hesukristo upang tayo ay magkaroon ng kaligtasan mula sa ating mga pagkakasala sa pamamamagitan ng paghahandog ng buhay ni Kristo sa Krus. At ito ay patunay na patuloy na nagmamahal ang Diyos sa ating lahat.

Sa kabila ng ating mga kahirapan at kahinaan sa buhay, nawa’y hilingin natin ang grasya ng Diyos na ipadama niya ang kanyang awa sa atin upang patuloy tayong kumapit sa kanya, maging matapat sa kanyang dakilang kalooban, at maging mga saksi ng kanyang awa at malasakit sa ibang tao.

Reply

ruel arcega March 13, 2022 at 7:53 am

Ang panahon ng kuwaresma ay isang paanyaya sa ating na ating babalikan at alalahanin ang pagpapasakit , paghihirap at kamatayan ni Hesus. Ito ay ginawa ni Hesus para sa atin . Upang makamit natin ang buhay na walang hanggang kasiya-siya na makapiling muli ang Ama.
Ang Ikalong linggo ng kuwaresma na halos nasa kalahit na tao bago matapos ang 40 na araw , ay muling pinaalahanan tayo ng ebanghelo nang pagkakataon na magbagong buhay, magsisi sa kasalanan at gumawa ng mabuti para matanggap ang gantimpala na mapiling ang Diyos . Dakila ang Awa ng Diyos na binibigyan tayo ng pagkakataon na humingi tayo na kapatawan upang tayo ay patawarin niya. Ang pagkakataon ito ay huwag natin sayangin. Hanggat ang puno ay buhay at natitili pang nakatanim, tutulungan tayo ng Diyos upang makapamunga ng mabuti. Ang pagsisi at paghingi ay isang paraan lamang nang paayaya ng Diyos, dahil nakikita ang tunay na nagsisi kung ito-y nakakapagbigay ng mabuting bunga. kaya’t ang talinghaga ng puno ng igos, ay hanggand nang taga pagngasiwa ay magbunga ito. Ganyan katiyaga ang Diyos sa atin..sana maramdaman natin at maunawaan natin . Tayo na’t mAgsisi, magbalik-loob sa Diyos at gumawa ng mAbuti…ang kahulugan ng panahon ng kuwaresma.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 20, 2022 at 12:47 pm

Ano ang hamon at aral ng ebnghelyo ngayon.

Magsisi sa kasalanan at may ginhawang naghihintay mula sa Diyos sa langit.

Ang puno ng igos ay tayong mga tao, ang nagtanim ay ang Diyos Ama, ang tagapag alaga ay si Hesus at ang pataba ay ang Salita ng Diyos.

Ibig ipabatid sa atin ng Mabuting Balita na hindi tayo kailanman sinusukuan ni Hesus. Ang Kwaresma ay paanyaya sa mga taong maksalanan o punong hindi namumunga na magsisi, humingi ng kapatawaran at pagsisikap na matalikuran na ang kasamaan upang tuloy tuloy nang magbalik loob sa Panginoon. Si Hesus ay mahabagin at lubos ang pagmamahal sa atin kaya’t hindi nya hinayaang putulin ang mga punong hindi namumunga bagkus ay binibigyan nya ng pagkakataon na mamunga o magbago ang makasalanang tao sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbabago.

Itanim natin ang mga pataba o ang mha Salita ng Diyos sa ating mga puso upang tayo ay mamunga at maging kapaki pakinabang sa kapwa.

Kapatid suriin natin ngayon ang ating mga sarili, ikaw ba sa palagay mo ay isang puno ng igos na hindi namumunga? Makasalanan ka man ngayon ay hindi tayo sinusukuan ni Hesus, binibigyan tayo ng pagkakataon at hinihintay nya lamang na lumapit ka sa kanya at ikaw ay patatawarin. Matatandaang iniwan ng Mabuting Pastol ang 99 na tupa upang hanapin ang isang naliligaw ng landas. At ng masumpungan mya ito ay sya ay nagdiwang.

Ngayon na kapatid, umpisahan mo ang pagsisisi, mahal na mahal tayo ni Hesus. Nag iintay lamang sya…

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: