Mga Pagbasa – Sabado, Setyembre 19, 2015

September 19, 2015

https://www.youtube.com/watch?v=XkLKfr3Kmvs

Sabado ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

1 Timoteo 6, 13-16
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Sa Panginoo’y dumulog upang papuri’y ihandog.

Lucas 8, 15

Mga Pagbasa – Sabado, Setyembre 19, 2015
Sabado ng Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
1 Timoteo 6, 13-16

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, sa ngalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay, at sa ngalan ni Kristo Hesus na nagpatotoo sa harapan ni Poncio Pilato, iniuutos ko sa iyo: ang mga tagubiling ito’y panatilihin mong mabisa at walang kapintasan hanggang sa pagdating ng Panginoong Hesukristo. Sa takdang panahon, siya’y ihahayag ng mapagpalang Diyos, ang makapangyarihang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, ang nananahan sa liwanag na di matitigan. Hindi siya nakita o makikita ninuman. Sa kanya ang karangalan at ang walang hanggang kapangyarihan. Amen.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 4. 5

Tugon: Sa Panginoo’y dumulog upang papuri’y ihandog.

Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!

Tugon: Sa Panginoo’y dumulog upang papuri’y ihandog.

Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Tugon: Sa Panginoo’y dumulog upang papuri’y ihandog.

Pumasok ka sa kanyang templo na ang puso’y nagdiriwang,
umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal,
purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan!

Tugon: Sa Panginoo’y dumulog upang papuri’y ihandog.

Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.

Tugon: Sa Panginoo’y dumulog upang papuri’y ihandog.

MABUTING BALITA
Lucas 8, 15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, dating ng dating ang mga taong nanggagaling sa mga bayan-bayan at lumalapit kay Hesus. Nang natitipon na ang napakaraming tao, isinalaysay niya ang talinghagang ito:

“May isang taong lumabas para maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan at nayapakan, at ang mga ito’y tinuka ng mga ibon. May nalaglag sa kabatuhan, at pagtubo ay natuyo dahil sa kawalan ng halumigmig. May nalaglag naman sa dawagan. Lumago ang dawag at ininis ang mga binhing tumubo. Ang iba’y nalaglag sa matabang lupa, tumubo at namunga ng tig-iisandaang butil.” At malakas niyang idinugtong, “Makinig ang may pandinig!”

Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Sumagot si Hesus, “Sa inyo’y ipinagkaloob na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Diyos, ngunit sa iba’y sa pamamagitan ng mga talinghaga, upang:

‘Tumingin man sila’y hindi makakita;
At makinig man sila’y di makaunawa.’

Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga nakinig, ngunit dumating ang diyablo at inalis sa kanilang puso ang salita upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag sa kabatuhan ay ang mga nakinig ng salita at utmanggap nito nang may galak, ngunit hindi ito tumimo sa kanilang puso. Naniwala silang sandali, subalit sa panahon ng pagsubok ay tumitiwalag agad. Ang mga nahasik naman sa dawagan ay ang mga nakinig ngunit nang malaon ay nadaig ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan, kaya’t hindi nahinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa’y ang mga nakinig ng salita. Iniingatan nila ito sa kanilang pusong tapat at malinis at sila’y nagtitiyaga hanggang sa mamunga.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: