Mga Pagbasa – Martes, Setyembre 22, 2015

September 22, 2015

https://www.youtube.com/watch?v=uuKtkhSORpw

Martes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Esdras 6, 7-8. 12b. 14-20
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5

Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.

Lucas 8, 19-21

Mga Pagbasa – Martes, Setyembre 22, 2015
Martes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Esdras 6, 7-8. 12b. 14-20

Pagbasa mula sa aklat ni Esdras

Noong mga araw na iyon, sinulatan ni Haring Dario ang mga kagawad ng lalawigan na nasa kabila ng ilog. Sinabi niya, “Ipauubaya nila sa mga tagapamahalang Judio at sa kanilang matatanda ang pagpapaayos ng templo. Ang magugugol dito ay kukuning lahat sa buwis na malilikom sa lalawigan sa kabila ng ilog. Akong si Dario ang lumagda sa kautusang ito. Ang lahat ng ito’y dapat matupad nang buong-buo.”

Ipinagpatuloy ng mga Judio ang muling pagtatayo sa templo, at sila’y nagtagumpay tulad ng sinabi nina Propeta Ageo at Azacarias. Nayari nila ang templo ayon sa sinabi ng Diyos, at sa utos nina Haring Ciro, Dario at Artajerjes. At nayari noong ikatlo ng Adar, ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.

Nang itinalaga ang templo, di magkamayaw sa tuwa ang mga Israelita, mga saserdote, at mga Levitang nakabalik mula sa pagkabihag. Naghandog sila ng sandaang toro, at dalawandaang tupang lalaki at apatnaraang kordero. Bilang hain naman para sa kasalanan, naghandog sila ng labindalawang kambing na lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel. Pinagpangkat-pangkat nila ang mga saserdote at mga Levita. Sila’y binigyan ng kani-kanilang gawain at araw ng panunungkulan sa templo ayon sa Kautusan ni Moises.

At nang ikalabing-apat ng unang buwan, ipinagdiwang ng mga nakabalik mula sa pagkabihag ang Paskuwa. Nakapaglinis na noon ang mga Levita, kaya sila ang nagpatay sa korderong pampaskuwa para sa mga nakabalik, sa mga saserdote, at sa mga kapwa nila Levita.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5

Tugon: Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.

Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.

Tugon: Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.

Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.

Tugon: Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.

Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Tugon: Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.

MABUTING BALITA
Lucas 8, 19-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus, ngunit hindi sila makalapit dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; ibig nilang makipagkita sa inyo.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: