Podcast: Download (Duration: 8:18 — 10.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 22
Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria
Manalangin tayo sa Diyos na ating Ama na gumawa ng mga dakilang bagay kay Maria at naghatid sa kanya sa maluwalhating trono sa Langit. Ipaalam natin sa kanya ang ating mga pangangailangan sa tulong ni Maria.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa tulong ng aming Inang Maria, pakinggan mo ang aming mga panalangin, Panginoon.
Tulad ni Maria nawa’y magpatotoo ang Simbahan sa mapagligtas na pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamahalaan nawa’y makinig sa tinig ng Diyos sa Simbahan na nananawagang sugpuin ang hindi pantay-pantay na paglago ng pangkabuhayan na siyang namamayani sa pagitan ng mga tao at mga bansa, manalangin tayo sa Pangnioon.
Tulad ni Maria, nawa’y maging matatag tayo sa pananalangin at sa pagnanais na matupad ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha at maysakit nawa’y makatanggap mula sa Bayan ng Diyos ng tulong at pagtataguyod na kailangan nila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay kasama ni Kristo nawa’y muling buhaying kasama niya sa isang bago at ganap na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng kaluwalhatian at kapangyarihan, sa pamamagitan ng aming reyna, ang Pinagpalang Birheng Maria, ipagkaloob mo ang mga kahilingang idinudulog namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Sabado, Agosto 22, 2026
Linggo, Agosto 23, 2026 »




{ 3 comments… read them below or add one }
Reflection: August 22, 2022
Gospel: Luke 1, 26-38
Memorial of the Queenship of Mary
Ang pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria bilang pagtugon sa nais ng Diyos ay isa sa mga halimbawa at marapat nating tularan bilang isang Katolikong Kristyano. Sa kanyang kababang-loob na pagtugon sa Diyos ay isinalang ang ating Mesiyas na kung saan ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay nagsilbing Kaban ng Tipan ng ating Panginoon. Kaya nga, mataas at malaki ang pagrespeto natin sa Mahal na Birhen dahil sa kanyang ipinakitang kabanalan na pagtugon sa nais ng Ama. Ang kanyang pagka-reyna ay ating isalamin sa ating buhay dahil ang kanyang kalinis-linisang puso at pagka-birhen na walang bahid ng dungis ng kasalanan dahil sa pag-ibig at pagsunod sa Diyos ay isang halimbawa ng pagiging banal at pakikiisa sa Panginoon. Kaya naman, sana’y tayo rin ay matutong makitungo sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal o pakikipagusap sa Kanya, pagmeditate at damhin ang Kanyang presensya, ang hindi paggawa ng mga kasalanan na labag sa Kanyang kautusan at pakikipagkapwa tao. Ang ikinilos ng Mahal na Birheng Maria ay ikinalugod ng Diyos, kaya marapat nating gawin ang pagtugon at pagsunod sa Kanya. Manalangin tayo, Panginoon itulot Mo ring gampanan namin bilang isang Kristyano ang mga gawaing kabanalan na kalugud-lugod sa Iyo. Patawarin Mo kami kung minsan ay nakagagawa kami ng kasalanan na labag sa Iyong kautusan. Ibaba Mo rin sa amin ang Banal na Espiritu Santo upang maisalamin namin ang pagiging banal at may kalinisang puso tulad ni Maria na aming Ina. Isinusumamo namin ang lahat ng ito sa Ngalan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen.
Kalinis-linisang puso ni Maria, ipanalangin mo kami.
PAGNINILAY: Noong nakaraang Martes (Agosto 15, 2023), ipinagdiwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat ng Mahal na Birheng Maria sa Langit. Dito natin nakita kung paanong inakyat si Maria sa langit nang buong katawa’t kaluluwa dahil siya ay ipinanganak ng walang kasalanan at tunay na kalugud-lugod ng ating Panginoong Diyos. Sa araw na ito, isang linggong nakalipas (7 araw nakalipas), ginugunita natin ang Pagka-Reyna ng Mahal na Ina. Ang kanyang pagiging reyna ng langit at lupa ay nasaksihan ni Apostol San Juan sa kanyang pangitain sa Aklat ng Pahayag: “Lumitaw sa langit ang isang kagilas-gilas na tanda: isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya’y may koronang binubuo ng labindalawang bituin” (Pahayag 12:1). Ang kagandahan ni Maria ay nakasalaylay sa pagiging tunay na pinagpala ng Diyos.
Sa ating Ebanghelyo (Lucas 1:26-38), narinig natin kung paanong pinili siyang maging Ina ng Tagapagligtas na ang ating Panginoong Hesukristo. Nang marinig niya ang mensaheng dala ni Arkanghel San Gabriel, siya’y nagtaka dahil hindi niya alam na pipiliin siya. Subalit sinabi sa kanya ng Arkanghel na ang Diyos ay sumasainyo, at walang imposible sa kanya. Kaya tumugon si Maria at tinangaap ang kalooban ng Ama. Mula sa kanyang Fiat, nakita natin ang mga pagpapahalagang pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagtatalima. Mula sa araw na iyon, sinunod niya ang dakilang kalooban, at isinilang niya si Hesus sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hindi dito natapos ang kwento. Ang kanyang pagtalima sa Diyos ay naging matatag noong siya’y tumayo sa paanan ng Krus ng kanyang Anak. Hindi siya naggalit o nagduda, kundi tinanggap nito at gusto rin na maging kanyang mga pagdurusa. Pagkatapos iyon, siya’y nasa ilalim ng pangangalaga ni Apostol San Juan, hanggang sa araw na siya’y iaakyat ng Diyos sa langit nang buong katawa’t kaluluwa. Dahil siya’y tunay na pinagpala, hinirang siya bilang Reyna ng Langit at Lupa.
Siya ay ang ating Inang gumagabay sa atin patungo kay Hesus, na kumukupkop sa atin patungo sa Ama. Kaya tularan natin ang halimbawa ni Maria sa ating araw-araw na pamumuhay. Hindi na kailangan tayo’y maging mga hari’t reyna, kundi magkakamit din natin ang buhay na walang hanggan sa langit. Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y isabuhay natin ang mga diwa ng pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagtatalima sa pagsunod sa kalooban ng ating Panginoong Diyos.
PAGNINILAY:
Ang ating Ebanghelyo tungkol sa Pagpapahayag kay Maria ay mas nagiging makahulugan kapag iniuugnay natin sa pagdiriwang ng Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria. Matapos siyang tanggapin ng Diyos bilang Ina ng Kanyang Anak, si Maria ay naging kabahagi ng natatanging plano ng kaligtasan. Ang kanyang simpleng “Fiat” ay nagbunga ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, at ang pagiging masunurin niyang lingkod ay naging daan upang siya ay itanghal ng Diyos bilang Reyna ng Langit at Lupa.
Ang pagka-reyna ni Maria ay hindi bunga ng kayamanan o kapangyarihan, kundi ng kanyang kababaang-loob at pagtutol sa tukso ng kasalanan. Bilang Ina ng Hari ng mga Hari (Apoc 12:1; cf. 1 Hari 2:19 kung saan ang ina ng hari ay may karangalang luklukan sa kanan ng hari), si Maria ay nakikibahagi sa Kanyang paghahari—hindi para maghari-harian, kundi upang magpatuloy sa paglilingkod at pag-akay sa mga anak ng Diyos.
Ang “Oo” ni Maria sa plano ng Diyos ang naging simula ng ating kaligtasan. Sa kanyang pagpapasakop, ipinakita niya na ang tunay na kadakilaan ay nasa kababaang-loob at pagtitiwala. Kaya’t itinanghal siya ng Diyos bilang Reyna—huwarang ina at tagapamagitan para sa atin.
Ang kanyang pagiging Reyna ay bunga ng kanyang pagiging Ina ng Anak ng Diyos at ganap na pakikilahok sa Kanyang paghahari. Sa teolohiya, si Maria ay Theotokos—Ina ng Diyos—at sa gayon, may natatanging puwesto sa plano ng kaligtasan. Ang kanyang korona ng kaluwalhatian ay hindi gantimpala lamang, kundi tanda ng kanyang pakikibahagi sa walang hanggang paghahari ni Kristo.
Kung paanong si Maria ay tinawag na maglingkod at sumunod, ganoon din tayo ay inaanyayahang gawin siyang huwaran. Ang pagiging Kristiyano ay hindi tungkol sa kapangyarihan, kundi sa kababaang-loob at pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Kapag natututo tayong magsabi ng “Fiat” sa ating buhay, doon din natin nararanasan ang tunay na karangalan bilang mga anak ng Diyos.
Panalangin: O Birheng Maria, Reyna ng Langit at Lupa, turuan mo kaming maging tapat sa aming pagtugon sa Diyos. Tulungan mo kaming maging mapagpakumbaba at mapaglingkod, upang sa aming mga puso ay maghari si Kristo magpakailanman. Amen.
“Ang pagka-reyna ni Maria ay nakaugat sa kanyang kababaang-loob at buong pusong pagtugon sa Diyos.”