Linggo, Agosto 23, 2026

August 23, 2026

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Isaias 22, 19-23
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk

Pag-ibig mo’y di kukupas,
gawain mo’y magaganap.

Roma 11, 33-36
Mateo 16, 13-20


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Twenty-first Sunday in Ordinary Time (A) (Green)

UNANG PAGBASA
Isaias 22, 19-23

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sinabi ng Panginoon kay Sabnang katiwala sa palasyo:
“Aalisin kita sa iyong katungkulan,
at palalayasin sa iyong kinalalagyan.
Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliaquim na anak ni Helcias.
Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan,
ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda.
Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David;
ang kanyang buksa’y walang makapagsasara
at walang makapagbubukas ng ipininid niya.
Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda
itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar
at siya’y magiging marangal na luklukan
para sa sambahayan ng kanyang ama.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk

Pag-ibig mo’y di kukupas,
gawain mo’y magaganap.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.

Pag-ibig mo’y di kukupas,
gawain mo’y magaganap.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Pag-ibig mo’y di kukupas,
gawain mo’y magaganap.

Dakila man ang Poong D’yos, mahal din niya ang mahirap
kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Ang dahilan nito, Poon, pag-ibig mo’y di kukupas.
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.

Pag-ibig mo’y di kukupas,
gawain mo’y magaganap.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 33-36

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat:

“Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon,
O sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos
para siya nama’y gantimpalaan?”

Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 16, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 27, 2020 at 4:44 pm

PAGNINILAY: Nag-aaway ngayon ang ibang mga Kristiyano tungkol sa Mateo 16:18, dahil sinasabi nila na sila ang tunay na Simbahan na itinatag ng ating Panginoong Hesukristo. Ngunit kung talagang sila ang totoong Simbahang itinatag, bakit tao mismo ang nagtayo? At bakit napakalayo sa taong 30/33 A.D.? Ibig sabihin na hindi sila naniniwala na si Hesus ay Panginoon at tao lamang?

Si Hesus na totoong tao at totoong Diyos ay nagtatag sa kanyang tunay na Simbahan, ang Simbahang Katolika. Ang salitang “simbahan” ay nagmula sa salitang Latino na ‘ekklesia,’ na may ibig sabihin na “komunidad ng mga mananampalataya”. Ang mga unang Katoliko ay mga grupo ng mga Kristiyano na pinamumunuan ng mga Apostol, hanggang nakakalipas ng 1,987 na taon, nabubuhay pa rin ang ating Simbahan dahil kahit sabihin nila’y walang Katoliko sa Bibliya, mismong salita sa wikang Griyego ay nangangahulugang “pandaigdig”, ayon sa bilin ni Hesus bago siyang umakyat sa langit: “Humayo kayo at gawin ninyong alagad o ang lahat ng bansa.” (Cf. Mateo 28:19a).

Dahil pinatalsik ng Diyos si Sabna, ibinigay niya ang susi kay Eliaquim na siya ay maghahari ng bahay ni David na sinasabing hindi ito sasara kung bubuksan, at hindi ito bubuksan kung isasara. At sa Pagbabalita kay Santa Maria, inihayag ni Arkanghel San Gabriel na ibibigay ng Diyos ang susi sa Anak niya, na anak din ng Birhen, at siya’y mamumuno sa bahay ni Jacob, at walang hanggan ang kanyang kaharian. Kaya pagkahawak ng susi, may isang pangako ibibilin si Hesus, at nangyari na pagkatapos ipahayag ni San Pedro na siya ay Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas, ibinigay ng Panginoon ang susi ng langit, na may ibig sabihin na hindi lang Tagabantay ng Kaharian ng Langit kundi bilang Unang Santo Papa ng ating Simbahan.

Kaya marami ngayong Santo Papa ay namuno sa ating Iglesya, at pagkalipas ng 1,987 taon, kahit sa mga panahon ng kaguluhan, pag-uusig, at iskandalo, umiiral pa rin ang ating Simbahan dahil ipinangako ni Kristo na ito ay matatayo sa bato, na hindi lang si San Pedro kundi ang Panginoon din mismo. Kahit Unang Santo Papa si San Pedro, may mga pagkakataon na siya’y nag-alinlangan dahil sa kanyang pagmamataas, kaya itinatwa niya ang Panginoon nang tatlong beses bago iharap kay Poncio Pilato. Ngunit pagkatapos sabihin ng Apostol na tatlong beses mahal niya ang Panginoon, ibinilin siya ni Hesus na alagain at pagkainin ang mga kawan, na tayong mga Kristiyano mismo. Kaya ano ang iyong sagot kung itatanong sa iyo: “Ano at sino si Kristo sa ating buhay?”

Ang tunay na mananampalatayang Katoliko ay hindi lang sa mga salita ngunit sa mga kilos at gawain din. Kailangan din natin linawin at ituro sa mga manunuligsa ang kagandahan ng ating pananampalataya nang sa gayo’y sila’y maliwanagan. Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y igalang at mahalin natin ang ating Simbahang Katolika at isabuhay ang mga turo ng Mabuting Balita ating Panginoong Hesukristo at ng buong Salita ng Diyos.

Reply

RUEL ROMUALDO August 15, 2023 at 1:42 pm

Ang Ebanghelyo na ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng wastong pang-unawa at pananampalataya kay Hesus bilang Mesiyas at Anak ng Diyos. Ipinakita nito ang pag-usbong ng Simbahan na itatag ni Hesus, at ang papel na gagampanan ni Pedro bilang pundasyon ng Simbahan. Ang pangyayaring ito ay nagbibigay inspirasyon sa atin na kilalanin at sundan si Hesus, hindi lamang bilang isang mahusay na guro, kundi bilang ating Tagapagligtas at Panginoon.
Nawa’y maging inspirasyon ang pagninilay na ito sa ating mga puso. Sa pag-usbong ng ating pananampalataya at pag-unawa sa mga kahulugan ng pagdating ni Hesus sa ating buhay, nawa’y maging mga handa tayong maging tapat at matatag sa paglalakbay na ito ng pananampalataya.

Reply

Mel Mendoza August 24, 2023 at 5:51 pm

Ang mga pagbasa sa Linggong ito ay may temang naka-sentro sa pagiging “Good Stewardship” na ang lahat ang ay pag-aari ng Panginoong Diyos at tayo ay mga hamak na katiwala lamang. Katulad ng sinabi Job ng mamatay ang kanyang mga anak at mawala ang kanyang mga kayamanan na siya ay nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon sa lahat ng mga pinahiram Niyang ipinagkatiwala kay Job.
Ang Panginoon ang nagbibigay, at Siya rin ang kukuha. Purihin natin ang Panginoon (Job 1:21) Mararamdaman sa mga pagbasa ang kapangyarihan ng Diyos na may lalang at may-ari ng lahat lahat na nasa ibabaw, ilalim at nasa himpapawid ng mundo. Kung Siya ang nagbigay Siya din ang may kapangyarihan na bumawi nito.

Sa unang pagbasa sa aklat ni propeta Isaias napakinggan natin na aalisin ng Panginoong si Sabna ang katiwala ng palasyo ng hari ng Israel noon na si haring Ezequias. Bilang kaparusahan hindi lang siya aalisin kundi babawiin at huhubarin sa kanya ang lahat na kaakibat ng kanyang posisyon bilang katiwala ng palasyo. Ito ay dahilan sa kanyang pagmamalabis sa kapangyarihang ibinigay sa kanya na daig pa niya mismo ang hari kung umasta, kumbaga may power abuse siyang pinaiiral sa pamumunong ipinagkatiwala sa kanya. Ang aral, wala dapat ipagmayabang o ipagmalaki sa dahilan na isang pitik o kisapmata lang ay pwede bawiin ng Diyos ang kung mayroon na ipinahiram lamang sa atin. Sa maling salita huwag magmayabang at magmalaki sa halip habang itinataas ka ng Diyos ay lalo kang magpakababa.

Sa ikalawang pagbasa ang pinaka-sentro na sinabi ni San Pablo sa mga taga-Roma ay ganun din ang Panginoong Diyos ang Makapangyarihang babawi ng lahat ng mga biyayang kaloob Niya. “Sapagkat mula sa Kanya at sa pamamagitan Niya at sa Kanya ang lahat ng bagay”(Roma 11:36)Katulad ng tinuran ni Job, ang winika ni Apostol San Pablo ay isang paalala sa ating lahat na ang Diyos ay ang may-ari ng ating mga nakikita sa mundo kaya lagi natin Siya papurihan at pasalamatan sa lahat ng mga ito. Kasama ng paalalang ito tayo ay mga katiwala lamang ng kung anong mayroon tayo sa buhay na ito.

Kaya huwag sayangin ang pagkakataon na tayo ay pinagkatiwalaan ng mga biyayang kaloob Niya sa atin. Kung isang kang namumuno gawin ang pamumuno na may prinsipyong maka-Diyos. Kung Ikaw ay pinagkatiwalaan ng yaman maging pilantropo ka bilang pagbabalik loob, kung Ikaw ay pinagkatiwalaan maglingkod, gawin ang paglilingkod na naka-sentro sa Diyos at maging epitome’ ng Kristiyanisnong paglilingkod. O kahit sa isang maliit na bagay na ipinagkatiwala sa atin ay gamitin ito ng naayon sa panukala ng Diyos, sabi nga ni St. Mother Theresa of Calcutta “There’s no little thing done with great love”.

Sa Mabuting Balita, sa kabila ng tatlong ulit na pagkakanulo at sa pagiging agresibo ni Apostol San Pedro, ipinakita din naman nya na Siya ay ang pinaka-sugid na alagad, at pagkilala niya kay Hesus bilang Anak ng Diyos. Ipinagkatiwala sa kanya ang susi ng kaharian ng langit. Ito ay patunay ng kapangyarihan ibinigay ng Diyos kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ang Simbahang Katoliko na si Hesus mismo ang nagtatag at ang mga sumunod pang humalili sa kanya bilang kinatawan o bikaryo sa mundong ito. Ipagpapatuloy ng Simbahan sa pangunguna ng Bikaryo ni Kristo Hesus na walang iba kundi ang Santo Papa ang Kaniyang pagmimisyon na ipalaganap sa mukha ng mundo ang Mabuting Balita ng kaligtasan.

Dapat maunawaan natin kung bakit tayo din ay binigyan ng pagkakataon na maging mabuting katiwala ng mga kaloob na biyaya ng Diyos . Sa Salmong tungunan ay ipinaliwanag ito kung bakit ginawa ang pasiya na iyo ng Diyos na Ang sabi, “Pagibig Mo kukupas, gawain Mo’y magaganap”(Salmo 137-8bk). Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob Niyang bigyan ng pagkakataon ang bawat isa sa atin na maging katiwala sa mga biyayang kaloob sa atin. Idalangin natin nawa’y gamitin natin ang biyayang ito sa lahat ng mabuti sa ating kapwa bilang kabahagi ng Simbahang itinayo ng Panginoong Hesukristo. Amen?

Reply

Bro. NSP August 25, 2023 at 3:07 am

SINO KA BA?

Yan ang mga katanunang madalas nating marinig sa mga taong walang tiwala at hindi naniniwala sa ating kakayanan. Sino ka ba para makialam? Sino ka ba para pagsabihan ako? Sino ka ba para pakialaman ako? Sino ka ba para turuan ako?

Iba’t iba ang ating pakahulugan tungkol sa pagkakakilanlan ng mga tao. Sa mababaw na paraan, maaring kilala lamang natin ang tao batay sa kanilang pangalan. Maaring kilala natin sila sa itsura, o madalas ay ikumpara natin sila bilang kamuka o kahawig ng iba. Subalit gaano nga ba kalalim ang pagkakakilala natin sa ating sarili, kay Hesus, at sa isa’t isa?

Noong nakaraang linggo’y natunghayan natin na si Hesus ay hindi lamang para sa isang tao, grupo o komuninad kundi bagkus siya’y para sa lahat. Ang kaligtasan ay para sa lahat, ang pag-ibig ay para sa lahat, ang Diyos ay para sa lahat!

Ngayong linggong ito ay tila ba ninanasa ni Hesus na malaman kung gaano kalalim ang ating pagkakakilala sa kanya. SINO AKO PARA SA INYO? Siya ba’y genie tagapagbigay lamang ng ating mga hinihiling? Siya ba’y diwata lamang na nagningning sa ating mga mata? Siya ba’y mata lamang na nakasubaybay sa ating mga ginagawa? O di kaya’y tingin natin sa kanya ay PENGINOON at hindi na PANGINOON?

Dahil sa pag-ibig ng Diyos kaya’t si Hesus na bugtong na anak ng Ama ay ibinigay sa atin. Samakatuwid ibinigay sa atin ng Diyos si Hesus bilang REGALO NG PAG-IBIG. Kaya’t mainam na makilala natin di Hesus bilang PAG-IBIG NG MGA PAG-IBIG, Tagapagligtas ng mga tagapagligtas, Tagapagagaling ng lahat ng nagpapagaling, at higit sa lahat, siya ang Kristo na Diyos ng mga Diyos at Hari ng mga Hari.

Ipanalangin nating maging tulad tayo ni Pedro na pinagkalooban ng katotohanang nagmumula sa Diyos upang ng sa gayon ay makilala natin si Hesus hindi lamang sa ating mga mata kundi maging sa ating mga puso.

(Pagninilay sa ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 16, 13-20)

Reply

Bobby Javier August 27, 2023 at 5:26 am

Amen….

Reply

ray August 27, 2023 at 7:59 am

amen…….

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: