Sabado, Hunyo 13, 2026

June 13, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria

Idalangin natin sa Diyos na mapagmahal nating Ama na sa pagsunod natin sa halimbawa ni Maria, sa tuwina ay hanapin at tuparin natin ang kanyang kalooban.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ilapit mo kami sa Iyo, Ama.

Ang Simbahan nawa’y maipakita ang kababaang-loob ni Maria sa pamamagian ng kusang-loob na paglilingkod sa Diyos at sa tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Si Kristo nawa’y makatagpo ng isang bukas na tahanan sa puso ng mga tao katulad ng natagpuan niyang nakahandang tirahan kay Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang tunay na diwa ng pananalangin nawa’y tumimo nang malalim sa puso ng mga tao upang marinig nila ang daing ng mga dukha kung paanong lumagos ito sa Kalinis-linisang Puso ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may karamdaman sa katawan at pag-iisip nawa’y makatagpo ng kagalingan at ginhawa sa makapangyarihang pamamagitan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nasa bingit ng kamatayan nawa’y umasa kay Maria bilang pinanggagalingan ng kanilang lakas at kaginhawahan ng loob katulad noong siya ay nakatayo sa paanan ng krus ng kanyang Anak, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Panginoon at Guro, linisin mo ang aming puso upang tanggapin namin si Kristo na iyong Anak ayon sa diwa ng pananampalataya at pagsunod ni Maria. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 6, 2024 at 8:02 am

PAGNINILAY: Matapos nating ipagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Ang Puso ni Maria ay kalinis-linisan sapagkat alam natin na itinakda siya ng Diyos na ipaglihi ng walang kasalanan upang isilang sa kanyang sinapupunan ang kanyang Anak na Anak ng Diyos at ating Tagapagligtas. At si Maria ay nanatiling malinis sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya ang kanyang puso ay malinis at dalisay kahit naransan ng ating Mahal na Ina ang ilang mga pagdurusa. Ipinahayag ni Simeon ang pagtusok ng isang espada sa Puso ni Maria, upang ang mga kaisipan ng marami ay maibubunyag ng Diyos.

At narinig natin sa Ebanghelyo ang pagkawala ni Hesus at pagkatagpo nina Birhen Maria at San Jose sa kanya sa templo makalipas ang 3 araw. Sinasabi dito na nang umuwi ang Banal na Mag-anak sa Nazaret, iningatan ni Maria ang lahat ng bagay na ito at pinagnilayan ang mga ito. Makikita natin na ito yung naging katauhan ng ating Mahal na Ina sa kanyang pag-iingat sa lahat ng nangyari sa kanya at sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Kahit si Kristo ay nakabayubay sa Krus, naging matapat at masunurin si Maria sa dakilang kalooban ng Diyos, na ang hantungan ng Kamatayan ni Hesus sa Krus ay kaligtasan at bagong buhay. Ipinakita rin ng Kalinis-linisang Puso ni Maria ang pagmamahal ng isang Ina sa kanyang Anak. Kaya habang nagbubuntong-hininga ang Panginoon sa Krus, itinagubilin niya sa atin si Birheng Maria bilang Inang natin lahat.

At sa ating pagdiriwang ng Paggunita na ito, inaalala natin ang ating Mahal na Ina bilang Ina ng pag-ibig. At tinuturuan niya tayo na mahalin ang mga bagay na maka-Diyos at sumailalim sa dakilang kalooban ng buong pananampalataya, pagkamasunurin, at kababaang-loob.

O Kalinis-linisang Puso ni Maria, ipanalangin mo kami!

Reply

Malou Castaneda June 8, 2024 at 6:09 am

PAGNINILAY
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria. Siya ay naninindigan para sa atin sa kanyang pantao na tugon sa banal na pag-ibig. Hindi naunawaan ni Maria si Hesus nang mawala si Hesus sa loob ng 3 araw ngunit tinanggap niya at “iningatan ang lahat ng mga bagay na ito sa kanyang puso.” Kinukuwestiyon din natin ang Diyos kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay at maaaring hindi tayo makahanap ng madaling sagot.

Ang pagninilay ay isang proseso kung saan naglalaan tayo ng oras upang makita kung ano ang ginagawa ng Diyos sa ating buhay.  Kung minsan nagiging abala tayo sa ating mga aktibidad kaya hindi natin napapansin ang banal na pagkilos sa ating paligid.  Nabibigo tayong magtiwala sa Diyos at makita kung paano hinahawakan ng Panginoong Hesus ang ating buhay.   Tinatalikuran pa nga natin ang Diyos at inaasahan pa rin natin na darating ang Diyos para sa atin sa paraang gusto natin.  Nakatuon tayo sa ating sarili at sa ating mga problema at hindi natin nakikita kung ano ang nais ng Diyos na gawin natin sa mga sitwasyon kung saan nanduon tayo.  Ang pagninilay ay nagbibigay-daan sa atin na magkaroon ng kamalayan sa paggalaw ng Diyos sa ating buhay. Tularan natin ang halimbawa ni Maria na nagmuni-muni at nagpahalaga sa mga ginagawa ng Diyos sa kanyang buhay at buhay ni Hesus, ang kanyang Anak. At kapag namulat tayo sa lahat ng mabubuting ginagawa ng Diyos, kailangan nating ibahagi iyon sa iba, kahit na kinukutya nila tayo sa kung ano ang “alam natin” na pagkilos ng Diyos sa ating buhay.

Kalinis-linisang Puso ni Maria, ipanalangin mo na nawa’y lagi kaming magtiwala sa Diyos at patuloy na pahalagahan ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa ating buhay at pagkatapos ay maging handa na ibahagi ang Mabuting Balita sa iba. Amen.
***

Reply

Ervi Sobrevinas June 8, 2024 at 4:03 pm

NAGPAIWAN si Hesus. NAG-ALALA ang kanyang magulang upang hanapin siya. BINALIKAN at NATAGPUAN na kausap ang mga matatanda ng bayan.
NAGPAIWAN Siya dahil sa kalooban ng ating Ama.
NAG-ALALA ang kanyang magulang dahil sa inihabilin siya ng ating Ama sa Mahal na birheng Maria at sa kanyang amahin na kinausap ng mga anghel para ipasabi ang mabuting balita ng kaligtasan.
Binalikan dahil may naiwan, nagalala kaya may binalikan. Kailan tayo babalik sa Ama kapag may sakit na batayo. Kapag malubha na tayo. kapag mayaman na tayo o naghihirap?
NATAGPUAN na ba natin ang ating kaligtasan? Sana huwag na tayong magpaiwan sumabay tayong kasama ni Kristo at ng matagpuan natin an pagmamahal ng Ama sa tulong ng banal na Espiritu na inihabilin sa atin noong tayo ay bininyagan at kinumpilan.

Reply

HARREL PAYCANA June 24, 2025 at 8:20 am

Pagninilay sa Gospel Lucas 2:41-51 June 28, 2025, Sabado
Magandang araw po sa ating lahat, nais ko pong ibahagi ang aking pagninilay ukol sa Lucas 2:41-51 ito ay isang makapangyarihang bahagi ng Bibliya na nagtuturo sa atin tungkol sa pagkabata ni Hesus at ang Kanyang relasyon sa Diyos Ama.
Dito nakasaad ukol sa Pagkawala ni Hesus, ito ay nangangahulugan na kahit na si Hesus ay anak ng Diyos, naranasan din niya ang pagkawala at pagka hiwalay sa magulang. Nagkaroon din dito ng Paghahanap kay Hesus nagpapakita ito na ang paghahanap sa Diyos ay hindi palaging madali, ngunit kailangan nating magtiwala sa Kanya. Nakasaad din sa talata ang Pagkakatagpo kay Hesus, dito ay nagpapakita na ang Diyos ay palaging nasa gitna ng ating buhay, kahit na hindi natin Siya nakikita. Binigyan diin dito na ang Diyos Ama ay mayroong plano para sa buhay ni Hesus.
Sa Gospel na ito mga kapatid ay mas naintindihan natin ang pagkatao ni Hesus at ang kanyang relasyon sa Diyos Ama. Sa pagkakataong ito matuto tayo kung paano magtiwala sa Diyos at sumunod sa Kanyang plano para sa ating buhay. Palagi natin syang kasama kayat tayop ay magtiwala.
End of Sharing.

Bro. Harrel Paycana
SLS 1.2.3

Reply

MEL MENDOZA June 27, 2025 at 10:15 pm

PAGNINILAY:

Maligayang pagbati sa Paggunita sa Kalinis-linisan Puso ni Maria sa lahat!
Ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria ay isang pook ng banal na misteryo—isang sanctuary of love kung saan lubusang naganap ang pakikipagtipan ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Ina.
Sa liwanag ng mga pagbasa ngayon, lumalalim ang ating pagkaunawa sa Marian spirituality bilang modelo ng eklesial na paglilingkod:

Theotokos at ang Puso ng Simbahan-“Tagapagdala ng Diyos” o “Ina ng Diyos.”
Ang paggunita sa malinis na puso ni Maria ay hindi lamang sentimental, ito ay Christocentric at ecclesiological. Si Maria ang Theotokos—Ina ng Diyos—na sa kanyang puso, unang “itinanim” ang Salita (Logos) bago pa man ito isilang sa mundo. Sa ganitong pananaw, ang kanyang puso ay hindi lamang daluyan ng damdamin kundi ng salvation history mismo.

Kapag tinatawag nating si Maria bilang Theotokos, kinikilala natin ang kanyang natatanging papel sa plano ng kaligtasan. Isa siyang ina, lingkod, modelo, at gabay sa lahat ng mga nananampalataya.
Ang Theotokos ay hindi Diyos, ngunit ginamit ng Diyos sa Kanyang pinakadakilang layunin: ang pagkakatawang-tao ng Anak.

Ang bawat lingkod ng Simbahan ay inaanyayahang tularan ito: maging “sisidlan” ng Salita sa pamamagitan ng tahimik na pakikinig, pagninilay, at pagsasabuhay. Katulad ni Maria sa Ebanghelyo, “Kanyang iningatan ang lahat ng ito sa kanyang puso” (Lucas 2:51). Ito ang diwa ng lectio divina sa buhay, kung saan ang Salita ay hindi lang binibigkas kundi inilalapat sa buhay-paglilingkod.

Ang puso ni Maria ay pusong nagpakumbaba at naglubos sa kalooban ng Diyos (kenosis). Hindi niya inunawa ang lahat ng pangyayari (Lucas 2:48-50), ngunit tumugon siya sa pananampalataya, hindi sa lohika. Ito ay hamon sa lahat ng mga lingkod ng Diyos: Hindi sa lahat ng oras malinaw ang tawag, ngunit malinaw dapat ang pagtitiwala.

Bilang EMHC, COMRE, o formator, hindi laging madali ang maglingkod. Ngunit tulad ng puso ni Maria, dapat tayong maging sacrament of trust—isang tandang buhay ng pagtitiwala sa plano ng Diyos kahit hindi ito agad maarok.

Propetikong Puso: Ang Lingkod na Nagpapahayag ng Diyos
Ayon sa Isaias 61, ang mga hinirang ng Diyos ay magiging tanda ng katuwiran at kaluwalhatian sa gitna ng bayan. Ito ay hindi lang pagbibigay ng inspirasyon, kundi pakikibahagi sa misyon ng Propeta, Pari, at Hari, na tinanggap natin sa binyag at pinalalim sa ating pagsugo bilang mga lingkod.

Ang puso ng isang COMRE ay hindi lang tagabasa ng Salita, kundi tagapagdaloy ng kalooban ng Diyos. Ang EMHC ay hindi lang tagapamahagi ng Katawan ni Kristo, kundi tagapagdala rin ng Awa ng Diyos sa maysakit at mahihina. Ang PPC at mga formators ay tinatawag upang gabayang buuin ang katawan ni Kristo sa kanilang pamumuno, hindi sa kapangyarihan kundi sa kababaang-loob.

Manalangin tayo. O Kalinis-linisang Puso ni Maria, hubugin mo po kami ayon sa puso ng Iyong Anak. Gawin mong malinis ang aming layunin, matatag ang aming pananampalataya, at mapagpakumbaba ang aming paglilingkod. Sa gitna ng mga hamon, taglayin namin ang katahimikan ng Iyong puso, at sa tagumpay, ang Iyong wagas na papuri sa Diyos. Sa Iyo kami natutong maglingkod, magtiwala, at magpatawad. Sa Iyo rin namin iniaalay ang aming puso, ngayon at magpakailanman. Amen.

Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria, Ipanalangin mo kami.

Reply

dlanor321 June 12, 2026 at 8:47 pm

Mga kapanalig, sa ating pagbasa ngayon nakita natin ang batang si Jesus na nanatili sa templo habang hinahanap Siya nina Maria at Jose. Sa unang tingin, tila ito’y isang simpleng pangyayari ng pagkawala. Ngunit sa mas malalim na pagninilay, ipinapakita nito ang pagkakakilanlan ni Jesus at ang Kanyang misyon – ang maging abala sa gawain ng Kanyang Ama. Tulad ni Maria, “hindi niya lubos na naunawaan” ang nangyari, ngunit iningatan niya ito sa kanyang puso. Paanyaya ito sa atin na magtiwala kahit hindi natin agad nauunawaan ang plano ng Diyos. Kumikilos Siya sa ating buhay. Makikita rin natin ang kagandahan ng pagsunod ni Jesus nang Siya’y bumalik sa Nazaret at pasakop kina Maria at Jose.
Ang tunay na pagmamahal ay hindi lamang nasusukat sa paghahanap ng sariling landas, kundi sa mapagpakumbabang pagsunod at paggalang sa pamilya. Sa ating paglago, mahalagang matutunan nating balansehin ang ating personal na tawag at ang ating tungkulin sa ating pamilya. Sa huli, inaanyayahang tayo ng Ebanghelyong ito na hanapin si Jesus, hindi sa malayong lugar kundi sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos. Sa panalangin, sa simbahan, at sa ating puso.
Panalangin: Panginoong Jesus, turuan Mo akong hanapin Ka sa gitna ng aking araw araw na buhay. Bigyan Mo po ako ng pusong marunong magtiwala, lalo na sa mga bagay na hindi ko nauunawaan. Tulungan Mo akong igalang at mahalin ang akin pamilya, komunidad, at maging masunurin sa Iyong kalooban. Amen.
Panginoong Hesukristo gabayan Nyo po ang lahat ng pamilya tungo sa Inyong tamang landas at mapuno kami ng Inyong Katahimikan at Kapayapaan sa buong mundo, Amen.

Reply

Ruel June 13, 2026 at 6:31 am

Ang kalinislisan puso ni Maria ay isang pagapaprangal sa kadakilaan ng isang ina na may malinis na puso . Si Maria sa similar simulanpa ay inihamda na siya para maging isang Ina ng Diyos . Ang Ang kalinisan ng puso niya ay nagbigay sa kanya pang matanggap niya Ang Diyos at pantaloon manahan Ang Diyos kaya kaya niya dalin Ang lahat . Ito Ang katangian ng may malinis na puso na siyang mapalad dahil makikita Ang Diyos at kaya niyang patrolling at manahan Ang Diyos. Ang isang tao may malinis na puso tunay na mapalad dahil mananahan sa iyo Ang Diyos.

Reply

Jovy Uy June 14, 2026 at 8:50 am

Sa unang pagbasa, iprinopesiya o inihula ni Isaias ang Israel bilang anak ng Dios, bayang pinagpala at hinirang ng Dios na siyang magpapanganak kay Jesus na magliligtas sa Israel (Jerusalem) sa pamamagitan ng pagdadamit ng dugo ni Jesus bilang pantakip ng kasalanan ng Israel upang maihanda parang malinis na birhen na ikakasal kay Jesus at ihaharap sa Ama. Dahil sa kaligtasan at pagtatagumpay niya sa kamatayan na parang binhi na itinanim at namatay, at nabuhay muli na gaya ng pagsibol ng binhi kung kaya’t siya’y kikilalanin at papapurihan ng mga bansa.

“Itong lahi ng aking bayan
ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.
At ang Jerusalem
sa ginawang ito’y pawang malulugod,
anaki’y dalagang gayak ay pangkasal,
siya’y parang dinamtan
ng kaligtasan at pagtatagumpay.
Kung paanong ang binhi
ay tiyak na tutubo at sisibol,
gayun ang pagliligtas ng Panginoon
sa bayang kanyang hinirang.
Dahil dito, lahat ng bansa
ay magpupuri sa kanya.

Sa gospel reading, unang nagpakilala si Jesus bilang Dios at di lamang tao nang sagutin niya ang kanyang ina ng ganito: “Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ang nahayag na ito ay iningatan o itinago sa puso ni Maria bilang pagsampalataya sa kanyang narinig kay Jesus na siya ay Dios.

“Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Jesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso.”

Kumusta naman tayo. Naniniwala ba tayo tulad ni Maria na si Jesus ay Dios na inihula bilang tagapagligtas una sa Israel at nang siya ay tanggihan ng kanyang bayan ay nailipat ang kaligtasan sa gentil tulad natin bilang naiugpong sa biyayang kaligtasan at pagtatagumpay sa kamatayan at impiyerno?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: