Biyernes, Hunyo 12, 2026

June 12, 2026

Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (A)

Deuteronomio 7, 6-11
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 10

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

1 Juan 4, 7-16
Mateo 11, 25-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Solemnity of the Most Sacred Heart of Jesus (White)
Day of Prayer for the Sanctification of Priests

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 7, 6-11

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Kayo ay bansang nakatalaga sa Panginoon. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanya.

“Pinili niya kayo at inibig hindi dahil sa dami, pagkat kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Alalahanin ninyo ang Panginoon ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig at sumusunod sa kanya at ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. Nililipol niya ang lahat ng sumusuway sa kanya; hindi makaliligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. Kaya, sundin ninyo ang Kautusan at mga tuntuning ito.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 6-7. 8 at 10

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Panginoo’y humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Ang balangkas niya’t utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa’y nasaksihan ng Israel.

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

Pag-ibig mo’y walang hanggan
sa bayan mong nagmamahal.

IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-16

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Mga pinakamamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.

Mga pinakamamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinatotohanang sinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Hesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama’y nananatili sa kanya. Nalalaman natin at pinananaligan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 11, 29ab

Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
“Dalhin n’yo ang aking pasan;
kaamuan ko’y tularan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 11, 25-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.

“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 16, 2020 at 6:24 pm

Pagninilay: Ipinagdiriwang ngayon ng buong Simbahan ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Ito ang debosyon na kung saan pinupuri natin ang ating Panginoong Hesukristo na dahil sa kanyang Banal na Puso tayo ay naligtas, napatawad, at kinupkop. Ang Ebanghelyo ngayon ay naglalarawan sa Kabanalan ng Puso ni Kristo, isang Pusong magpakumbaba at maamong-loob. Lahat tayo ay dumadanas ng iba’t ibang problema at pagdurusa sa buhay. Marami tayong pinapasan na bigat sa ating mga balikat. Subalit hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa sapagkat kapiling natin ang Panginoon sa ating buhay. Ibinabahagi niya sa atin ang isang pamatok na dapat natin dalhin, at tayo nawa ay lumapit sa kanya upang magkaroon tayo ng pahinga. Tandaan po natin na hindi ito’y nangangahulugang hindi tayo dadanas ng iba’t ibang pagsubok sa buhay. Sa paniniwala ng mga Hudyo, ang pamatok ay sumisimbolo sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya ang pagpasan ng pamatok ni Hesus ay ating lubos na pakikilala sa kanya dahil tayo rin ay nagiging masunurin sa dakilang kalooban ng Ama para sa atin. At sa bawat pagpasan natin na hirap alang-alang sa kanya, mag-aral tayo mula sa kanyang halimbawa. Kaya ito ang kanyang Kamahal-mahalang Puso, ang pusong maamong-loob at mapagkumbaba. Ang Banal na Puso ay nagpahayag ng 12 pangako kay Sta. Margarita Maria Alacoque bilang tanda na nais akitin ni Kristo ang lahat ng tao palapit sa kanya at sa Ama nating Diyos. Kaya itong Puso na ito ay sinugatan ng sibat upang umapaw ang biyaya ng pagpapatawad at bagong buhay. At ito rin ang Pusong patuloy na humahanap sa mga nawawalay at nagkakasala, nang sa gayon ay bumalik sila sa pag-aaruga at pagmamahal ng Diyos.

O Banal na Puso ni Hesus, maawa ka sa amin! ?

Reply

Jose M. Javier June 16, 2023 at 3:30 am

Sa unang pagbasa ay ipinahayag ng Panginoon ang kanyang pangako simula pa ng ating mga ninuno walang iba kindi Ang pag-ibig Niya sa ating. At ang sa ating nama’y ang ating tugon na pag-ibig natin sa kanya. At dahil lahat tayo ay dumaranas ng pagsubok upang mas lalo tayong tumatag at binigyan Niya tayo ng pamatok upang tayo ay makasunod at Hindi mawalay sa kanya.

Reply

tammy amar June 16, 2023 at 7:35 am

tunay nga na mapagmahal Mahal ang ating diyos Amang nasa langit dahil binigay niya ang bugtong anak niya para iligtas tayo sa kasalanan katulad rin na mga sugo nya sa lahat nang mga unang ninono mula kay Abraham, Isaac, Jacob, moses, haring david at mga propeta, Apostoles, Sila lahat sinugo mula sa Diyos at kanilang sinunod ang kanilang misyon na ibantala ang mabuting balita tularan natin Ang pagsunod ni San Jose asawa ni birhen Maria sa tugon nang diyos na huwag matakot dahil hindi niya tayo pababayaan bagkos atin pa rin ipamahagi ang kabutihan sa marami na kundi dahil sa una namamahala noon siguro wala tayo ngayon sa atin pinagtatayoaan patuloy natin isabuhay ang mga gawa kabutihang asal na turo nang ating Panginoon dahil ang kanyang pangako sa atin ay atin na nakamit sikapin natin ito na ipamana sa mga susunod pang mga henerasyong darating.

Reply

Ruby S. Cabangon June 16, 2023 at 7:46 am

Purihin po kayo aming Panginoong Diyos Amang nasa langit, amin pong Panginoong Hesukristo, amin pong Banal na Espiritu Santo. Maraming maraming salamat po sa Inyong walang hanggang pagmamahal sa amin, sa pagpapatatawad Ninyo po sa paulit ulit po naming nagagawang kasalanan at sa pagdinig Ninyo po sa amin pong mga panalangin. Maraming maraming salamat po sa araw araw na miracles, blessings at good news. We sincerely thank You and love You very much po.

Reply

dlanor321 June 12, 2026 at 7:01 am

Sa Mabuting Balita ngayon mula kay San Mateo, ipinakikita ni Hesus ang isang napakalalim na katotohanan: Nagpapakilala ang Diyos hindi lamang sa marurunong, kundi sa mga may pusong mapagpakumbaba at bukas tulad ng isang bata.
Ipinagdiriwang din natin ngayong araw ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal mahalang Puso ni Hesus, isang paanyayang pagnilayan ang Kanyang pusong puno ng pag-ibig, awa, at pagpapatawad.
Mga kapanalig, ang puso ang nagbibigay-buhay sa ating katawan. Kapag tumigil ang puso, tumitigil din ang buhay. At sa ating pananampalataya, kapag tumigil tayo sa pagmamahal, para na rin tayong nawalan ng tunay na buhay. Ganito ang Puso ni Hesus—nasugatan sa krus, ngunit hanggang ngayon ay patuloy na bukal ng biyaya at awa. Kung wala ang Kanyang puso, mawawala rin tayo sa landas ng grasya. Kung wala ang Kanyang puso, baka matagal na tayong naligaw.
Kaya may dalawang malinaw na paanyaya ang Panginoon sa atin ngayon: pagbabago at paglapit. Una, ang pagbabago ng puso—ang tinatawag na metanoia. Ang tunay na
pagbabago ay hindi lamang panlabas, kundi panloob at taos-puso. Oo, minsan mahirap magbago, lalo na kung nasanay na tayo sa mali. Ngunit hindi tayo tinatawag ng Diyos para matakot, kundi para magbalik-loob. Hindi Niya tayo hinuhusgahan agad: inaanyayahan Niya tayong magsimulang muli. Kapag binuksan natin ang ating puso, doon pumapasok ang Kanyang grasya.
Ikalawa, ang paglapit sa Puso ni Hesus. May mga bagay na hindi natin kayang baguhin sa atin, pero kayang gawin ito ni Hesus kung lalapit tayo sa kanya. Hindi Niya sinabing “ituro mo ang mali ng iba,” kundi “lumapit ka sa Akin.” Sa Kanya, may kapahingahan ang pagod na puso, may kagalingan ang sugatang damdamin. Sa Kanyang Puso, lagi tayong may tahanan, kapatawaran, at panibagong simula.
Ngayon po ay June 12 — kasabay ng pagdiriwang ng ating kalayaan bilang bansa, nawa’y maunawaan din natin na ang tunay na kalayaan ay nagmumula sa pusong malaya sa kasalanan at puno ng pag-ibig ng Diyos. Dahil ang pusong malapit sa puso ni Hesus, tunay ngang malaya. – Fr. Mat de Guzman | Archdiocese of Manila

Reply

Mel Mendoza June 12, 2026 at 9:50 am

PAGNINILAY:
Mateo 11:25-30

Sa Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, ipinakikita sa atin ng Ebanghelyo hindi lamang ang kapangyarihan ni Kristo kundi higit sa lahat ang Kanyang puso—isang pusong puno ng pagmamahal, awa, kababaang-loob, at habag para sa sangkatauhan.

Mapapansin na ang unang bahagi ng Ebanghelyo ay tungkol sa mga “may kaloobang tulad ng sa bata.” Hindi sinasabi ni Hesus na masama ang karunungan o edukasyon. Ang tinutukoy Niya ay ang pusong mapagpakumbaba at bukas sa Diyos. Maraming tao ang maraming alam tungkol sa Diyos ngunit kakaunti ang tunay na nakakakilala sa Kanya. Ang pagkilala sa Diyos ay hindi lamang bunga ng talino kundi biyaya na tinatanggap ng pusong marunong magtiwala.

Ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ay bukas sa mga simple, mapagkumbaba, at handang umasa sa Diyos. Tulad ng isang bata na nagtitiwala sa kanyang ama, tayo rin ay inaanyayahang magtiwala nang lubusan sa Panginoon.

Pagkatapos ng unang bahagi ng Ebanghelyo ay maririnig natin ang isa sa pinakamagagandang paanyaya sa buong Kasulatan:
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.”

Napakahalaga ng salitang “lumapit.” Hindi sinabi ni Hesus na “lutasin muna ninyo ang inyong problema.” Hindi rin Niya sinabi na “maging banal muna kayo.” Ang sabi Niya ay “Lumapit kayo.”
Ito ang puso ni Hesus—isang pusong hindi nagtutulak palayo kundi nag-aanyaya palapit.

Bawat tao sa ating lipunan ay may kanya kanyang pasan: problema sa pamilya, kalusugan, kabuhayan, mga mabigat na pinagdadaanan na hindi nakikita ng iba o kaya sa ministry sa parokya na pinaglilingkuran. Ang tugon ni Hesus ay hindi kaagad pag-aalis ng krus kundi pagbibigay ng Kanyang presensya. Kapag kasama natin si Kristo, nagiging magaan ang mabigat at nagiging posible ang tila imposible.

Ang “pamatok” na tinutukoy ni Hesus ay simbolo ng pagsunod sa Kanya. Ngunit kakaiba ang Kanyang pamatok sapagkat ito ay pamatok ng pag-ibig. Ang pag-ibig ay maaaring may sakripisyo, ngunit hindi ito nakapipinsala. Kapag ang ating paglilingkod ay nakaugat sa pagmamahal kay Kristo, nagkakaroon tayo ng kapayapaan kahit sa gitna ng pagod.
Ang tunay na kapahingahan ay hindi ang pagkawala ng lahat ng pasanin kundi ang pagdadala ng mga ito kasama si Hesus na may pusong maamo, mapagpakumbaba, at puno ng pag-ibig.

Sa pananaw ng Simbahang Katolika, ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ay sagisag ng buong persona ni Kristo at ng Kanyang walang hanggang pag-ibig sa sangkatauhan.
Ang paanyaya ni Hesus na “Lumapit kayo sa akin” ay nagpapakita ng katotohanang si Kristo ang tunay na tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at tao. Sa Kanyang Puso, nagtatagpo ang banal na pag-ibig ng Diyos at ang pangangailangan ng tao para sa kaligtasan.

Itinuturo rin ng Ebanghelyong ito na ang tunay na kapahingahan ng kaluluwa ay hindi matatagpuan sa kayamanan, kapangyarihan, o tagumpay kundi sa pakikipag-isa kay Kristo. Ang puso ng tao ay mananatiling hindi mapalagay hangga’t hindi ito namamahinga sa Diyos—isang katotohanang malalim na ipinahayag ni St. Augustine of Hippo sa kanyang mga sulat.

Word of the Day
“Lumapit”
Ito ang sentrong salita ng Ebanghelyo ngayon.
Ang pananampalataya ay hindi lamang tungkol sa paggawa para sa Diyos kundi paglapit sa Diyos. Bago tayo maging mga lingkod, tayo muna ay mga anak. Bago tayo maglingkod, kailangan muna nating magpahinga sa piling ng Panginoon.

Pagsasabuhay:
Sa araw na ito, maaari nating gawin ang mga sumusunod:
• Maglaan ng ilang minutong tahimik na panalangin sa harap ng Panginoon at ilagak sa Kanya ang lahat ng ating alalahanin.
• Iwasan ang sobrang pag-aalala at sanayin ang sarili na magtiwala sa pagkilos ng Diyos.
• Maging maamo at mapagpakumbaba sa pakikitungo sa pamilya, kapwa lingkod, at mga taong mahirap mahalin.
• Alalahanin na ang paglilingkod sa simbahan ay hindi pabigat kundi isang biyaya na dapat isagawa nang may pag-ibig.

Panalangin:
Panginoong Hesus, Kamahal-mahalang Puso ng aming buhay, lumalapit po kami sa Iyo dala ang aming mga pagod, sugat, at pasanin. Turuan Mo kaming maging maamo at mapagpakumbaba tulad Mo. Pagkalooban Mo kami ng kapahingahan ng puso at ng lakas upang dalhin ang aming mga krus nang may pagtitiwala at pagmamahal. Nawa’y manatili kaming nakasandal sa Iyong puso sa lahat ng sandali ng aming buhay.
Kamahal-mahalang Puso ni Hesus, kami ay nagtitiwala sa Iyo. Amen.

Reply

Jovy Uy June 12, 2026 at 11:26 pm

Sa unang pagbasa, ipinapahayag na ang Dios ay pag-ibig at ang “pangako” niya ang nangingibabaw sa anumang kautusan . Kapag nangako ang Dios ay tutuparin niya kahit anong mangyari. Ang Dios ay hindi lang pagibig kundi Dios ng “hustisya” na nagpaparusa sa kasalanan. Pinili ng Dios ang maliit na bansang Israel upang ipinakita sa mundo ang dalawang karakter ng Dios : ang pag-ibig at katarungan.

“Sinabi ni Moises sa mga tao: “Kayo ay bansang nakatalaga sa Panginoon. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanya.“Pinili niya kayo at inibig hindi dahil sa dami, pagkat kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Alalahanin ninyo ang Panginoon ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig at sumusunod sa kanya at ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. Nililipol niya ang lahat ng sumusuway sa kanya; hindi makaliligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. Kaya, sundin ninyo ang Kautusan at mga tuntuning ito.”

Sa ikalawang pagbasa, kinukumpirma ni apostol Juan na ang Dios ay pag-ibig at kung natanggap natin ang Espiritu ng Dios na nagbubuhos sa ating puso ang pagibig ng Dios sa pagkabatid ng paskal ni Jesus ay magbubunga tayo na ibigin rin ang kapwa tao sapagkat hindi tayo makapagbigay ng pagibig ng Dios kung wala pa tayong natatanggap na pagibig Niya. “We can’t give what we don’t have.” Tulad ng buwan na walang sariling liwanag na tumatanggap lamang sa araw ng liwanag kaya may naibabahagi ang buwan na liwanag sa lupang nasa kadiliman (gaya ng puso ng taong nasa kadiliman na kailangan maliwanagan ng salita ng Dios hinggil sa paglikha, hustisya at pagibig ng Dios.

“Mga pinakamamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Mga pinakamamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinatotohanang sinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Hesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama’y nananatili sa kanya. Nalalaman natin at pinananaligan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos.

Sa gospel reading,

“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”

Sa gospel reading, ipinapahayag dito na kay Jesus lamang tayo makakasumpong ng tunay na kapahingahan, kaligtasan at buhay na walang hanggan . Inilihim at ibinibigay lamang ito sa mga katulad ng mga bata na walang pride dahil walang pang accomplishment sa buhay na maipagyabang.

Kumusta naman tayo. May durog at mapakumbabang puso ba tayo tulad ng isang bata (Awit 51:17) upang ipabatid sa natin ang pagibig ng Dios sa paskal ni Jesus upang tayo ay maligtas at magkaroon buhay na walang hanggan? Natanggap na ba natin ang pagibig ng Dios upang meron na tayong pagibig na puwedeng ibahagi sa kapwa ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: