Podcast: Download (Duration: 6:41 — 5.5MB)
Paggunita kay San Bernabe, apostol
Mga Gawa 11, 21b-26; 13, 1-3
Salmo 97, 1. 2-3ab, 3kd-4, 5-6
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Mateo 10, 7-13
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of Saint Barnabas, Apostle
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 21b-26; 13, 1-3
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.
Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.
Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.
May mga propeta at mga guro sa simbahan sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinaguriang Negro, Lucio na taga-Cirene, Saulo at Manaen, kababata ng tetrarkang si Herodes. Samantalang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y hinirang ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila’y pinayaon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab, 3kd-4, 5-6
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay.
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
ALELUYA
Mateo 28, 19a. 20b
Aleluya! Aleluya
Humayo’t magturo kayo,
palaging kasama ako
hanggang sa wakas ng mundo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 7-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga katengon at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi—maging ginto, pilak o tanso—sa inyong mga lukbutan. Huwag din kayong magdala ng supot sa inyong paglalakbay, ni bihisan, pampalit na panyapak, o tungkod; sapagkat ang manggagawa ay may karapatan sa kanyang ikabubuhay.
“At saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan, at manatili kayo roon habang kayo’y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga tao sa bahay na iyon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong bati. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Hunyo 10, 2026
Biyernes, Hunyo 12, 2026 »




{ 5 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Paggunita kay San Bernabe, isang apostol ni San Pablo. Narinig natin sa Unang Pagbasa kung paanong maraming naniwala sa pananampalataya kay Kristo, kaya ipinadala si Bernabe sa Jerusalem upang ipahayag sa mga tao na ipagpatuloy ang pangangaral ng Mabuting Balita. At patuloy siya sa pangangaral na si Hesus ay ang Panginoon. Isang kilalang katangian ni San Bernabe ay ang pagiging bukas palad sa mga mahihirap na miyembro ng Sambayanan ng Diyos. Siya rin ay nagsilbing kasamahan habang si San Pablo ay nangangaral sa bawat nayon ng mga Hudyo at Hentil. Ipinangaral din ni Bernabe ang Mabuting Balita hanggang Salamis, kung saan siya’y binato hanggang mamatay. Katulad ng mga Apostol at ng iba pang mga alagad ni Kristo, si San Bernabe ay isa sa mga matiyagang saksi ng Mabuting Balita. Siya’y nagsisilbing paalala na patuloy ang misyon ng Ebanghelisasyon ng ating Inang Simbahan. Ang mensahe ng Panginoon ay kinakailangang ipahayag sa bawat tao at isabuhay rin sa mga pang-araw-araw na sitwasyon. Ang mahalaga ay makilala ng lahat ang dakilang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng presensiya ni Hesukristo sa mga tanda ng Panginoon.
PAGNINILAY
Ano ang magagawa natin na makagagawa ng pagbabago sa mundo? Hinahamon tayo na ilabas ang kabutihan ng iba sa paraan ng pagtrato natin sa kanila. Pagpapatawad. Walang gaanong pagpapatawad sa mundo ngayon. Nabubuhay tayo sa isang napakawalang patawad na lipunan. Nakikita natin ito sa paraan ng pagtsitsismis natin tungkol sa iba. Nakikita natin ito sa paraan ng ating pakikitungo sa mga nawawala sa “biyaya”. Binigyan tayo ng Panginoon ng magandang pagkakataon na maging asin at liwanag sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Mabuting Balita ng pagpapatawad! Sa pamamagitan ng pagmamahal sa mga hindi sumasang-ayon sa atin. Posible bang mahalin ang mga taong hindi sumasang-ayon sa atin? Ito ay… kahit mahirap. Ito ay isang bagay na hinihingi ng Panginoon sa atin at kailangan nating ibahagi sa iba. Ang pagpapatawad ay nangangailangan ng malaking pananampalataya, pag-asa at pagmamahal – ang pagsasabuhay ng itinuro sa atin ni Hesus. Noong unang panahon, ang mga Kristiyano ay sikat sa buong mundo dahil sa kanilang kakayahang manalo sa kanilang mga kaaway. Paano natin naisip na nagawa nila ito? Hindi ba natin ito kayang ulitin?
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming mamuhay sa paraang “matitikman at makita ng iba kung gaano kabuti ang Panginoon”. Amen.
***
PAGNINILAY:
MATEO 10:7-13
“Pagpapahayo at Pagmimisyon: Magtiwala sa Diyos na Naglalaan”, ito ang tema ng Mabuting Balita sa araw na ito.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isa sa pinakamahalagang tagpo sa buhay ng mga apostol. Matapos silang hubugin ni Hesus, dumating ang panahon ng kanilang pagpapahayo. Hindi sapat na sila ay nakikinig lamang sa Kanyang mga turo; kailangan nilang humayo upang ipahayag ang Mabuting Balita.
Sinabi ni Hesus:
“Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos.”
Ang salitang “humayo” ay napakahalaga. Ang Kristiyanismo ay hindi pananampalatayang nananatili lamang sa loob ng simbahan. Ito ay pananampalatayang lumalabas, naghahanap, naglilingkod, at nagdadala ng liwanag sa iba.
Sa bawat Banal na Misa, pagkatapos ng huling pagbabasbas naririnig natin sa pari ang pagpapahayo:
“Humayo kayo upang mahalin at paglingkuran ang Panginoon.”
Hindi ito simpleng pagtatapos ng Misa. Ito ay isang misyong ipinagkakatiwala sa bawat binyagan. Ang bawat tao at lay ministry servant ay isinugong alagad ni Kristo.
Isa sa mga pinaka-kapansin-pansing bahagi ng Ebanghelyo ay ang utos ni Hesus:
“Huwag kayong magdala ng salapi—maging ginto, pilak o tanso.”
Sa pananaw ng tao, tila hindi ito praktikal. Paano mabubuhay ang isang misyonero kung wala siyang dalang panustos? Ngunit dito itinuturo ni Hesus ang isang dakilang katotohanan:
Ang Diyos na tumatawag ay Siya ring Diyos na naglalaan. Hindi Niya ipinangakong magiging madali ang misyon. Ngunit ipinangako Niya ang Kanyang presensya at pagkalinga.
Ilang ulit natin itong nasaksihan sa ating buhay bilang mga lingkod.
May mga pagkakataong tila kulang ang tao, kulang ang pondo, kulang ang kagamitan, kulang ang lakas, ngunit sa huli ay natatapos pa rin ang gawain dahil may kamay ng Diyos na kumikilos.
Kapag ang gawain ay para sa Diyos, Siya mismo ang nagbubukas ng mga pintuan na hindi natin kayang buksan.
Hindi ibig sabihin nito na hindi tayo magpaplano o magsisikap. Ang ibig sabihin nito ay hindi tayo dapat umasa lamang sa sariling kakayahan kundi sa biyaya ng Diyos.
Sa mas malalim na pananaw, ang pagpapahayo ng mga apostol ay larawan ng misyon ng buong Simbahan.
Ang Simbahan ay likas na misyunero (missionary by nature).
Hindi tayo tinawag ni Kristo upang maging tagamasid lamang kundi maging mga saksi.
May tatlong bagay na kapansin-pansin na ipinagagawa ni Hesus:
1. Ipahayag ang Kaharian ng Diyos
Ito ang gawaing propetiko ng Simbahan.
2. Pagalingin ang mga maysakit at palayain ang naaapi.
Ito ang gawaing mapagkalinga ni Kristo na ipinagpapatuloy ng Simbahan.
3. Maghatid ng kapayapaan.
Ito ang tanda ng presensya ng Diyos.
Ang unang regalo ng misyonero ay hindi argumento, hindi kapangyarihan, at hindi impluwensya kundi kapayapaan.
Sa Bibliya, ang kapayapaan (shalom) ay nangangahulugan ng kabuuan ng buhay na nasa ilalim ng paghahari ng Diyos. Kung kaya’t ang tunay na ebanghelisador ay hindi tagapagpalaganap ng pagkakahati-hati kundi tagapaghatid ng pagkakaisa.
Hamon sa mga Lingkod:
Maraming tao ang nagsisimula sa paglilingkod na puno ng sigla at entusiasmo. Ngunit habang tumatagal, may mga pagsubok:
-Kapag hindi napansin ang kanilang ginagawa.
-Kapag hindi sila napagbigyan.
-Kapag may hindi pagkakaunawaan.
-Kapag tila wala nang excitement.
Dito nasusukat ang tunay na diwa ng pagmimisyon.
Ang tanong ni Hesus:
“Naglilingkod ka ba dahil mahal mo Ako o dahil sa natatanggap mong pagkilala?”
Ang misyon ay hindi nakasalalay sa ating nararamdaman kundi sa ating pagtugon sa tawag ng Diyos.
Tulad ni San Bernabe, ang tunay na lingkod ay nagpapatuloy hindi dahil madali ang misyon kundi dahil tapat ang Diyos na tumawag sa kanya.
Pagsasabuhay:
Sa araw na ito, maaari nating gawin ang mga sumusunod:
-Magbigay ng tulong nang walang hinihintay na kapalit.
-Maging tagapaghatid ng kapayapaan sa tahanan at ministry.
-Manalangin para sa mga misyonero, pari, relihiyoso, at mga lay ministers.
-Magtiwala sa Diyos kapag tila kulang ang ating kakayahan o mga pangangailangan.
-Maghanap ng isang taong nangangailangan ng pagpapalakas ng loob at maging “Bernabe” para sa kanya.
Word of the Day:
PROVIDENCE (PAGLALAAN NG DIYOS)
Ang Providence ay ang mapagmahal na pangangalaga ng Diyos sa Kanyang mga anak.
Kung saan may misyon ng Diyos, naroon din ang Kanyang probisyon.
Maikling Panalangin
Ama naming mapagmahal,
Salamat po sa pagtawag sa amin upang maging mga misyonero ng Iyong Kaharian.
Turuan Mo kaming magtiwala sa Iyong banal na paglalaan lalo na kapag kami ay napanghihinaan ng loob o natatakot sa mga hamon ng buhay at paglilingkod.
Gawin Mo kaming mga tagapaghatid ng Iyong kapayapaan, pagmamahal, at awa.
Nawa’y maging tapat kami sa misyong ipinagkatiwala Mo sa amin tulad ng mga apostol at ni San Bernabe.
Ito ang aming dalangin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.
Sa unang pagbasa, ipinapahayag dito ang aktibong pagpapalaganap at pagdami ng naliligtas kay Cristo na Gentil kaya unang tinawag ang mga bumubuo ng Iglesia na Kristiyano. Isinugo si Bernabe, isang mabuting tao, puspos ng Espiritu Santo at matibay sa pananampalaya, at si Saulo .
“Noong mga araw na iyon, maraming naniwala at nanalig sa Panginoon. Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.
“Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.May mga propeta at mga guro sa simbahan sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinaguriang Negro, Lucio na taga-Cirene, Saulo at Manaen, kababata ng tetrarkang si Herodes. Samantalang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y hinirang ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila’y pinayaon.
Sa gospel reading, inutusan ni Jesus na humayo ang kanyang mga alagad upang ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Dios sa kanyang bayang Israel. Sapagkat ang hinahanap ng mga Hudyo ay “signs and wonders” kung kaya’t binigyan sila ng kapangyarihang magpagaling ng maysakit, magpalayas ng demonyo at buhayin ang mga patay di tulad sa mga gentil na hanap ay karunungan lamang upang makapaniwala kay Jesus bilang Tagapagligtas at Hari.
“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga katengon at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi—maging ginto, pilak o tanso—sa inyong mga lukbutan. Huwag din kayong magdala ng supot sa inyong paglalakbay, ni bihisan, pampalit na panyapak, o tungkod; sapagkat ang manggagawa ay may karapatan sa kanyang ikabubuhay.“At saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan, at manatili kayo roon habang kayo’y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga tao sa bahay na iyon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong bati. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo ito.”
Kumusta naman tayo. Naranasan na ba natin ang kaharian ng Dios o paghahari ng Dios sa ating puso (Roma 14:17) ? Naging matuwid na ba tayo sa harapan ng Dios sa dugo ni Jesus at nagkaroon na ba tayo ng kapayapaan at kagalakan sa Espiritu Santo bilang kaharian ng Dios sa puso natin? Lumago at tumibay na ba tayo sa pananampalataya upang magamit din sa pagpapalaganap ng kaharian ng Dios?
“Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo (Roma 14:17).
“Gaya ng sanggol, kayo’y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan ng laman (1 Pedro 2:2).
Nang narito pa si Hesus sa mundo, nagpatawad Siya ng mga kasalanan, nagpagaling ng mga maysakit, bumuhay ng mga patay, nagpalayas ng mga demonyo, nagpakain sa mga nagugutom, nagpatigil ng bagyo at ulan, at higit sa lahat, ipinahayag at itinuro ang kalooban ng Kanyang Ama.
Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, ipinunla ni Hesus ang kapayapaan, pag-ibig, at katarungan ng Diyos sa mundo. At nang isugo Niya ang Kanyang mga apostol, ibinigay din Niya sa kanila ang kapangyarihan at misyong ipagpatuloy ang Kanyang mga gawain.
Sa pamamagitan ng ating binyag, tinanggap din natin ang misyong ito na ibinigay ni Hesus sa Kanyang mga apostol. Bilang mga binyagan, tayo rin ay tinatawag na ipagpatuloy ang paghahari ng Diyos sa mundo. Tayo ay inaanyayahang maghasik ng kapayapaan, pag-ibig, at katarungan sa bawat pagkakataon. Ngunit sa tuwing tayo ay nagkakasala—kapag sinisira natin ang dangal ng ating kapwa, nililibak at pinahihirapan ang mahihirap, winawasak ang kalikasan, at gumagawa ng mga bagay na sumisira sa nilikha ng Diyos—kinakalaban natin ang gawain at paghahari ng Diyos sa mundo.
Kaya tanungin natin ang ating mga sarili: Ako ba ay nakikibahagi sa misyon ng Diyos? Ako ba ay nagiging instrumento ng Kanyang kapayapaan, pag-ibig, at katarungan?
Panalangin: Panginoon, gawin Mo akong instrumento ng Iyong paghahari sa mundo. Nawa sa bawat kong salita at gawa ay maipahayag ko ang Iyong kapayapaan, pag-ibig, at katarungan. Amen.