Sabado, Enero 3, 2026

January 3, 2026

Ika-3 ng Enero

o kaya Paggunita sa Kabanal-banalang Ngalan ng ating Panginoong Hesus

1 Juan 2, 29 – 3, 6
Salmo 97, 1. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Juan 1, 29-34


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Weekday of Christmas Season (White)
or Optional Memorial of the Most Holy Name of Jesus (White)

UNANG PAGBASA
1 Juan 2, 29 – 3, 6

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Minamahal kong mga kapatid, kung alam ninyong si Kristo’y matuwid, dapat din ninyong malamang ang bawat gumagawa ng matuwid ay anak ng Diyos.

Isipin ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos – at iyan ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, sa ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Kristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan. Kaya’t ang sinumang may pag-asa sa kanya ay nagpapakalinis, tulad ni Kristo – siya’y malinis.

Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman ninyong naparito si Kristo upang pawiin ang ating mga kasalanan; at siya’y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Umawit ng bagong awit, sa Panginoo’y ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay,
sa sariling lakas n’ya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas,
yaong lahat sa daigdig, magsipagbunying may galak
Panginoo’y papurihan sa kagalakan ng lahat.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
ang Panginoo’y purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
ipagbunyi nating lahat, Panginoong ating hari.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

ALELUYA
Juan 1, 14a. 12a

Aleluya! Aleluya!
Naging anak ng D’yos tayo
sa Salitang naging tao
na nanirahan sa mundo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 29-34

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinabukasan, nakita ni Juan si Hesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Ito ang Kordero ng Diyos. Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan! Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong dumarating na kasunod ko ang isang higit sa akin sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipanganak. Hindi ko rin siya lubos na nakikilala noon, bagamat ako’y naparitong nagbibinyag sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

Ito ang patotoo ni Juan, “Nakita ko ang Espiritung bumababa buhat sa langit, gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya lubos na nakikilala noon, ngunit ang nagsugo sa akin upang magbinyag sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Makikita mo ang Espiritu na bababa at mananatili sa isang tao – siya ang magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ Nakita ko ito, at pinatototohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 29, 2019 at 10:54 pm

Pagninilay: Ang ating pagdiriwang ng Kapaskuhan ay isang pagtutunghayan sa Misteryo ng Pagkatawang-tao ng Panginoon. Pinagninilayan natin ngayon sa Ebanghelyo ang pagbibigay-saksi ni San Juan Bautista sa paghahanda ng daraanan ng Panginoon. At dito sa eksenang ito, ipinahayag niya si Hesus bilang “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan”. Ang larawan ng kordero ay madalas ginagamit sa Lumang Tipan bilang abang alaga ng isang pastol. Sa pagdiriwang ng “Passover” ng mga Israelita, madalas ginagamit ang kordero sa pag-aalay ng sakripisyo bilang alaala sa pagpapala ng Diyos sa kanyang bayan. Kaya si Hesus ay ang Kordero ng Diyos sapagkat siya ang itinakdang Tagapagligtas na magliligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan. Siya ang Lingkod ng Diyos ayon sa propesiya ni Isaias na ihahain bilang ganap na handog para sa pag-aalis ng mga kasalanan. At nakita ito ni Juan dahil sa kapuspusan ng Espiritu Santo. Kaya tayong lahat ay binibinyag hindi lang ng tubig, kundi ng Espiritung iyon dahil kay Kristong namatay at muling nabuhay para tayong maging mga kalugud-lugod na anak ng Ama. Kaya nga si San Juan Apostol sa Unang Pagbasa ay naghihikayat sa atin na ipadama ang pag-ibig ng Diyos sa isa’t isa sa paggawa ng katuwiran at kabutihan. Nawa mas kilalanin natin at palalim ang ating relasyon sa Diyos sa pagiging tapat sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Jess C. Gregorio January 2, 2024 at 10:09 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:

Muli, nakikita natin na ang lahat ng patotoo ni San Juan Bautista ay katotohanang dala ng Espiritu Santo na nagbukas ng kanyang mga mata at isipan. Hindi niya lubos na nakikilala si Hesus nuon ngunit sa kapangyarihan ng Espiritu ay naipahayag niya na siya ang Kordero ng Diyos na mag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Paano natin malalaman na ang Espiritu ay gumagalaw sa atin? Madali lang. Malalaman natin kung ang bawat galaw at salita natin ay matuwid at walang halong kapalaluan, walang pansariling ambisyon at papuring inaabangan, walang kalituhan at may kasiguraduhan, may kakaibang karunungan at katotohanang hindi mapagkakailaan, walang katiting na paghihinala sa mabuting kahihinatnan, at hindi nagdudulot ng takot sa mga nagiging galawan. Gayun din ang paraan para maramdaman ang Espiritu kanino man. Mararamdaman natin ang init at presensiya ng Panginoon sa kanila na magiging daan para matukoy at ituro mismo ang Kristong nananahan. Nagbabaga ang ating mga puso sa bawat salitang kanilang binibitawan. Walang takot na namumuo o pagdududang malimit ay gustong isingit ng kalaban. Walang paghihinala at walang takot sa puso ni Juan na kanyang sinabi bumaba ang Espiritung namasdan. At winika niya, “Nakita ko ito, at pinatototohanan kong siya ang Anak ng Diyos.” Ang tanging paraan para makita natin si Hesus ay sa Espiritu Santong taglay. Nawa’y manahan siya sa templong inilagay.

Reply

Malou Castaneda January 3, 2024 at 4:19 pm

PAGNINILAY
Madaling masiraan ng loob sa buhay Kristiyano. Nasasaktan na tayo sa pagkumpisal ng parehong mga kasalanan, nagpapasalamat na hindi na tayo nagdagdag, ngunit nabigo na ang ating mga orihinal na kapintasan ay sumasalot pa rin sa atin. Kadalasan, ito ay dahil nakakalimutan natin na mahal tayo ng Diyos at handang baguhin ang ating mga kapintasan sa mga paraan ng biyaya. Si Hesus ay dumating bilang Kordero ng Diyos upang tayo ay gawing mga anak ng Diyos. Parehong hamon at kaginhawaan na malaman na ang Diyos, hindi ang ating sarili ang gumagawa ng pagbabagong ito sa loob natin, kung magtitiwala tayo sa Kanyang pag-ibig.

Panginoong Hesus, Kordero ng Diyos, salamat sa pagbibigay Mo sa amin ng buhay sa pamamagitan ng kamatayan para sa aming mga kasalanan. Amen.
***

Reply

FRANCIS CHARLES ESTABILLO January 1, 2025 at 9:47 pm

Sa ating pagbasa at ebanghelyo makikita natin na nilinis na o natubos na tayo ni Kristo mula sa ating mga kasalanan. Kung tayo’y susunod sakaniya malalayo rin tayo sa kasalanan. Totoong maraming tukso sa ating kapaligiran at nagiging dahilan ng ating mga pagkakasala ng paulit-ulit. Sana iwasan natin ito at gayundin ipalinis natin ang ating buong pagkatao, ang ating puso at isip sa Diyos. Sa kabila ng sobrang dami nating hinaing, galit, inis, inggit o maging hindi na makalaya sa mga kasamaan na nangyari sa atin sa nakaraan mayroon pa rin na Diyos na handang mag puno ng ating pagkukulang at mag linis ng ating mga karumihan. Hayaan nawa nating pumasok ang Diyos sa ating buhay upang ang ating buong pagkatao’y mahugasan at malinis. Amen

Reply

Mel Mendoza January 2, 2025 at 10:34 pm

PAGNINILAY:

Mga kapatid kay Kristo, sa Ebanghelyo ngayon ayon sa ebanghelistang si San Juan, ipinakilala ni San Juan Bautista si Hesus bilang ang “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Ang imaheng ito ay napakahalaga dahil naglalaman ito ng mensahe ng kaligtasan, pagmamahal, at pagpapakumbaba. Ating pagninilayan ang tatlong mahahalagang aspeto ng Ebanghelyo na may kaugnayan sa ating buhay sa ating kasalukuyang panahon:

Una, Ang Pagkilala kay Hesus bilang Kordero ng Diyos

Sa Lumang Tipan, ang kordero ay simbolo ng pagsasakripisyo at pagpapatawad. Sa Paskuwa, ang dugo ng kordero ang nagligtas sa mga Israelita mula sa pagkawasak (Exodo 12). Sa Bagong Tipan, si Hesus ang katuparan ng simbolong ito. Siya ang Kordero na inialay ang Kanyang sarili sa krus upang iligtas tayo mula sa kasalanan.

Ang tanong: Nakikilala ba natin si Hesus sa ating pang-araw-araw na buhay? Tulad ni San Juan Bautista, tinatawagan din tayo sa pagmimisyon, maging saksi’t magpatotoo at ipangaral ang kaligtasan na dala ni Kristo sa iba. Hindi sapat na kilalanin Siya; kailangan din nating ipahayag ang Kanyang presensya sa pamamagitan ng ating salita at gawa.

Pangalawa, Ang Espiritu Santo bilang Tanda ng Misyon ni Hesus

Nakita ni San Juan ang Espiritu Santo na bumaba kay Hesus ng Siya’y nagpabinyag sa ilog Jordan tulad ng isang kalapati na bumaba mula sa kalangitan. Ito ay nagpapatunay na si Hesus ang Anak ng Diyos na isinugo upang magdala ng Espirituwal na buhay sa sanlibutan.

Sa ating buhay, ang Espiritu Santo rin ang nagbibigay-pagasa, lakas at gabay sa ating pananampalataya. Sa tuwing tayo ay nahaharap sa malaking hamon, nababalisa, natatakot, o nawawalan ng pag-asa, ang Espiritu Santo ang tumutulong upang makita natin ang plano ng Diyos para sa atin. Pinapaalalahanan tayo ng karanasang ito, na tayo rin ay tinatawag na maging mga saksi ng liwanag at pag-asa para sa iba.

Sa panghuli, Ang Halimbawa ng Pagpapakumbaba ni San Juan Bautista

Isa sa pinakamahalagang aral ng Ebanghelyo ay ang pagpapakumbaba ni San Juan Bautista. Sa kabila ng kanyang pagiging tanyag, hindi niya ginamit ito sa halip inamin niyang siya ay mas mababa kaysa kay Hesus: “Hindi ko siya kilala noon… Siya ang higit sa akin” ito ang nakasaad sa mga unang talata ng Mabuting Balita.

Tayo rin, bilang mga alagad ni Kristo, ay tinatawagan na magpakumbaba. Hindi natin dapat itaas ang ating sarili kundi ipakita ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng ating paglilingkod ng buong katapatan ng may kababaang loob. Sa ating buhay paglilingkod, kadalasan ay nagnanais tayo ng papuri at karangalan, ngunit ipinakita sa atin ni Juan Bautista na ang tunay na lingkod na Kristiyano ay naghahangad lamang na luwalhatiin ang Diyos higit sa lahat. “Habang itinataas natin ang Diyos tayo ay bumababa”.

Binhi ng Pananampalataya:

Mga kapatid, ang Ebanghelyong ito ay nag-aanyaya sa atin na:
1. Tanggapin si Hesus bilang ating Kordero ng Diyos, ang ating tagapagligtas;

2. Manalig sa gabay ng Espiritu Santo sa ating mga desisyon at gawain;

3. Maging tulad ni San Juan Bautista—magpakumbaba, maging tapat, at ipahayag si Kristo sa ating buhay.

Ang hamon ng Ebanghelyo sa ating pang-araw-araw na buhay, ay paano natin maipapakita ang Kordero ng Diyos sa iba? Ito ay maaring ipakita sa pamamagitan ng paglilingkod, pagmamalasakit, pagbibigay, at pag-ibig sa kapwa, ito ay ang kaganapan na tayo ay nagiging tunay na saksi ng kabutihan ng Diyos.

Manalangin tayo. Panginoon, salamat sa iyong pag-aalay bilang Kordero ng Diyos. Turuan mo kaming magpakumbaba tulad ni San Juan Bautista at maging tapat na saksi ng iyong liwanag. Nawa’y ang aming buhay ay magbigay-puri lamang sa iyo at maging instrumento ng iyong pagmamahal sa iba. Amen.

Reply

Allen G. Lina January 3, 2025 at 6:14 am

Gandang buhay sa lahat. Ang sabi ni Hesus sa ebanghelyo, ito ang kordero ng Diyos, ito ang nagaalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Kahit gaano kalaki ang ating kasalanan, alam kong patatawarin tayo ng Diyos sa pamamagitan ng pangungumpisal. Hindi mababago ang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat. Manatili lang tayo sa Kanyang kaluwalhatian. Palagi tayong makipag-usap sa kanya ng taimtim. Pagpalain tayong lahat ng Panginoong Diyos.

Reply

Joshua S. Valdoz January 2, 2026 at 7:57 pm

Pagninilay: Ang ating pagdiriwang ng Kapaskuhan ay isang pagtutunghayan sa Misteryo ng Pagkatawang-tao ng Panginoon. Pinagninilayan natin bukas sa Ebanghelyo ang pagbibigay-saksi ni San Juan Bautista sa paghahanda ng daraanan ng Panginoon. At dito sa eksenang ito, ipinahayag niya si Hesus bilang “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan”. Ang larawan ng kordero ay madalas ginagamit sa Lumang Tipan bilang abang alaga ng isang pastol. Sa pagdiriwang ng “Passover” ng mga Israelita, madalas ginagamit ang kordero sa pag-aalay ng sakripisyo bilang alaala sa pagpapala ng Diyos sa kanyang bayan. Kaya si Hesus ay ang Kordero ng Diyos sapagkat siya ang itinakdang Tagapagligtas na magliligtas sa atin mula sa ating mga kasalanan. Siya ang Lingkod ng Diyos ayon sa propesiya ni Isaias na ihahain bilang ganap na handog para sa pag-aalis ng mga kasalanan. At nakita ito ni Juan dahil sa kapuspusan ng Espiritu Santo. Kaya tayong lahat ay binibinyag hindi lang ng tubig, kundi ng Espiritung iyon dahil kay Kristong namatay at muling nabuhay para tayong maging mga kalugud-lugod na anak ng Ama. Kaya nga si San Juan Apostol sa Unang Pagbasa ay naghihikayat sa atin na ipadama ang pag-ibig ng Diyos sa isa’t isa sa paggawa ng katuwiran at kabutihan. Nawa mas kilalanin natin at palalim ang ating relasyon sa Diyos sa pagiging tapat sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Ruel January 3, 2026 at 6:31 am

Sa diwa ng panahon ng Pasko ,multi natin pinagdiriwang ang pagsilang nga taga pagligtas.At sa ebanghelio ni san Juan. Itinuro ni Juana Bautista na narito ang kordero ng Diyos ,, nagaalis ng ating mga kaslanan ng sanlibutan .ngayon nabibigyan ng kahulugan ang dahilan ng pagsilang ni Hesus , kristo natagalagligtas.Si Jesus ang matagal na hinihintay nagmaglilitas sa bayan ng israel at buong mundo.. Siya ang nakita at ipinakikita sa ating ni Juan Bautista . Halina lumapit tayo sa kanya at tanggapin siya.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: