Podcast: Download (Duration: 5:24 — 5.4MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Disyembre 27
Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
Tinagurian si Juan bilang “mahal na alagad” sapagkat siya ang tapat at malapit sa puso ni Kristo. Tumatawag tayo sa Diyos na Nagkatawang-tao, “ang Salitang buhay” na inihayag sa kanyang Ebanghelyo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ni Jesus, basbasan mo kami.
Ang Simbahan nawa’y maging masigasig sa kanyang apostolikong misyon na ipinagkatiwala sa kanya ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magsikap isunod ang ating kalooban sa kalooban ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ni apostol San Juan, tayo nawa’y magkaroon ng malalim na pagkakilala kay Jesus sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga katotohanan ng ating pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng lakas ng loob na sumunod kay Kristo sa krus at sa libingang walang laman, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y makibahagi sa maamong pagmamahal ni San Juan kay Maria na ating ina, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng Salitang Nagkatawang-tao, habang nagdiriwang kami sa pagsilang ng iyong Anak, dinggin mo nawa kami sa mga kahilingang inilalapit namin sa iyo, kaisa ng mahal na alagd na aming huwaran sa buhay-Kristiyano. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Biyernes, Disyembre 26, 2025
Linggo, Disyembre 28, 2025 »




{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng San Juan, ang isa sa mga Ebanghelista at kilala bilang “minamahal na Apostol” ni Hesus. Kung ang ibang mga Apostol ay napatay alang-alang kay Kristo, si San Juan rin ay namatay bilang saksi ni Kristo. Subalit ang kanyang kamatayan ay naganap sa kanyang katandaan sa Isla ng Patmos matapos niyang isulat ang Aklat ng Apocalypsis (Pahayag). Siya rin ang nagsulat ng 3 sulat na hinihikayat niya ang Sambayanang Kristiyano na magmahal katulad ng pagmamahal ng Diyos sa atin. At higit sa lahat, siya ang manunulat ng Ikaapaat na Ebanghelyo sa Bagong Tipan.
Ang kanyang pokus ay ipahayag na si Hesukristo ay totoong Diyos at totoong Tao dahil ang Kristo ay ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. At sa kanyang sariling salaysay ay tinawag niya ang kanyang sarili bilang “beloved Apostle” sapagkat minahal siya ni Hesus dahil sa katapatan niya. Katunayan nga ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapahayag kung paano niya nakita ang bato ng libingan ng Muling Nabuhay na Panginoon ay nalulon at ang lampin ay nakahilata sa pinaghigaan ng katawan ni Hesus. Kaya si San Juan nang makita ito ay naniwalang muling nabuhay ang ating Panginoon.
Ang kanyang paanyaya ngayong Pasko ay patuloy na sumampalataya sa Salitang nagkatawang-tao at tanggapin ito sa ating buhay. Nawa’t tulungan tayo ni San Juan na mas kilalanin natin ang Emmanuel sa ating buhay sa paggawa ng katuwiran at kabutihan sa ibang tao.
Maligayang Pasko ulit mga kapatid!
Ang ebanghelyo ngayon ay matatawag ding Pasko, hindi ng pagsilang ni Hesus kundi Pasko ng Pagkabuhay. Ano ang aral ata hamon sa atin ng Mabuting Balita ngayon?
Pananalig, pagtiwala at pananampalataya. Ang buhay ng isang tao ay walang saysay at walang direksyon kung wala syang Diyos na pinaniniwalaang may gawa ng langit at lupa at lahat ng ating nakikita naririnig at nararamdaman. Kung wala ang Diyos sa puso ng tao ay wala ang pag-ibig, at ang mangyayari sa mundo ay puro alitan, gyera, kamunduhan, pagiging makasarili ng lahat, patayan, pangangalunya at pakikiapid, at walang pagmamahalan. Kung hindi maniniwala ang tao sa Diyos ay wala tayong silbi sa mundo, para lamang tayong mga hayop sa mapanglaw na gubat na naghihintay ng ating kamatayan.
May Diyos. Walang kahit sinong tao ang kayang gumawa ng mga nilalang ng Diyos maging ang siyensya. May Diyos. May Diyos na magmamahal sa atin ng lubos kahit na tayo ay naging makasalanan. May Diyos, may Diyos na naghihintay lamang ng iyong pagbabalik, ng iyong pagsisisi, ng iyong paghingi ng kapatawaran, ng iyong pagtalikof sa kasamaan. At kapg nangyari iyon, mawawala na ang iyong pangamba, mabubuhay ka na puro kaligayahan dahil alam mong lagi natin syang kapiling.
Kaya’t piliin natin ang mapayapang buhay kapiling ni Hesus, sikapin na na nating matalikuran ang kasamaaan habang may panahon pa.
PAGNINILAY
Minsan nakatutukso na kumapit sa ningning ng Pasko. Habang pinahahalagahan natin ang regalo ng panahong ito, ang eksena sa Pasko ng Pagkabuhay ay nagpapaalala sa atin na ang pananampalataya ay tumatawag sa atin upang magpatuloy, upang hanapin ang nabuhay na mag-uli na Panginoon. Si San Juan, ang alagad na minamahal ni Hesus, ay nakasentro ang buong buhay kay Hesus hanggang sa Kalbaryo at pagkatapos ay inalagaan pa ang Inang Maria. Minahal ni Juan si Hesus ng buong puso.
Sino ang mamahalin ng Panginoon? Kung nararanasan natin si Hesus
gaya ng naranasan ni Juan, malalaman natin ang tunay na kalikasan ng Panginoon. Iibigin ni Hesus ang isang taong dalisay ang puso, na sumusunod sa mga utos ng Diyos. Iibigin ni Hesus ang mapagpakumbaba at maamo dahil karapat-dapat silang magmana ng kaharian ng Diyos. Mamahalin ni Hesus ang taong magpapakita ng dakilang pagmamahal sa Kanya. Ito ang ilan sa mga katangian na nagpapangyari kay Juan, ang minamahal na alagad. Mayroon bang anumang katangian sa loob natin na maaaring maging minamahal na alagad ni Hesus?
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makilala at ibahagi na Ikaw ay buhay sa aming buhay. Amen.
***
Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:
Marami na tayong narinig. Marami na tayong nakita. Humangos tayo ng buong tulin papunta sa Kanya. Tayo kaya ay si Juan. Ang apostoles na mahal ng Panginoon. O kaya ay tayo si Magdalena na sinisi mga kumuha raw sa Kanya sa libingan. Naglalaro sa isipan niyang gagawa ng issue mga hindi naniniwala at sila ang sisisihin. O baka naman tayo ay si Pedro bagama’t tumakbo ay may naglalarong bagay sa isipan natin, paano, baka, sana, maraming iniisip patungo kay Kristo. Nakita niya pero tuliro siya at malamang nagtatalo ang isip sa mga nangyayari. Pero sino ba talaga tayo sa tatlo? Si Magdalena, si Pedro, o si Juan?
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapakita ng natatanging pananampalataya at pagmamahal ng alagad na minamahal ni Hesus—walang iba kundi si San Juan, ang may-akda ng Ebanghelyo. Sa simpleng pangyayaring ito ng pagtuklas sa walang lamang libingan, naipapahayag ang malalim na pananampalataya ng mga alagad. Ang kanilang reaksyon ay iba-iba—si Maria Magdalena ay nagmadali upang ibalita ang nakita niya, si Pedro ay pumasok upang siyasatin, at si Juan, bagamat hindi pumasok agad, ay naniwala matapos makita ang mga ebidensiya ng muling pagkabuhay.
Ang kwento ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging bukas sa mga tanda ng Diyos sa ating buhay. Madalas, tulad ni San Juan, hindi natin kailangang makita ang lahat upang maniwala. Sa halip, ang simpleng pananampalataya at pagtitiwala sa Panginoon ang magdadala sa atin sa mas malalim na ugnayan sa Kanya.
Ang Kapistahan ni San Juan ay paggunita sa natatanging papel niya bilang manunulat ng Ebanghelyo at ang tagapagdala ng Mabuting Balita ng pag-ibig ni Kristo. Si San Juan ay kilala bilang “alagad na minamahal ni Jesus,” isang simbolo ng malapit na ugnayan kay Kristo. Ang kanyang Ebanghelyo ay puno ng mga tema ng pagmamahal, liwanag, at buhay, na nagpapakilala kay Hesus bilang ang Salita ng Diyos na naging tao.
Sa unang tingin, tila hindi ito direktang konektado sa Kapaskuhan, na nagdiriwang ng pagsilang ni Kristo. Subalit, ang malalim na koneksyon ay makikita kapag tiningnan natin ang kabuuan ng plano ng Diyos sa kaligtasan. Mula sa Pagsilang hanggang sa Muling Pagkabuhay. Ang Kapaskuhan ay paggunita sa pagdating ni Kristo bilang Emmanuel, “Diyos na sumasa atin.” Ang kanyang pagsilang sa mundo ay ang simula ng kanyang misyon upang magdala ng kaligtasan sa sangkatauhan. Sa Ebanghelyo ngayon, nasusulyapan natin ang katuparan ng misyon na ito sa Kanyang muling pagkabuhay, ang pinakasukdulan ng plano ng Diyos. Kaya, ang Kapaskuhan at Pasko ng Pagkabuhay ay magkaugnay—ang kapanganakan ni Kristo ay nagtuturo sa atin sa layunin ng Kanyang buhay, ang pagliligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan.
Ang Kapaskuhan ay panahon ng liwanag—si Kristo ang Liwanag ng Sanlibutan na dumating upang pawiin ang dilim ng kasalanan. Sa Ebanghelyo, makikita rin natin ang liwanag ng pag-asa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Ang walang lamang libingan ay tanda ng tagumpay ng Diyos laban sa kadiliman ng kamatayan. Ang parehong liwanag at pag-asa ay nagbibigay inspirasyon sa atin na ipagdiwang ang pagsilang ni Kristo na nagdala ng buhay na walang hanggan.
Sa parehong Kapaskuhan at Ebanghelyo ngayon, tinatawagan tayong tumugon sa mga tanda ng Diyos. Tulad nina San Pedro at San Juan na tumugon sa balita ng walang lamang libingan, tinatawagan din tayong magtiwala at manampalataya sa Diyos na dumating bilang isang sanggol sa sabsaban. Ang pananampalataya ng mga alagad sa muling pagkabuhay ni Hesus ay sumasalamin sa pananampalatayang hinihingi sa atin tuwing ipinagdiriwang natin ang Kapaskuhan.
Ang Kapaskuhan at Ebanghelyo ngayon ay nagdadala ng parehong mensahe: si Hesus ang kaganapan ng plano ng Diyos sa kaligtasan. Ang kanyang pagsilang ay tanda ng pag-ibig ng Diyos sa atin, at ang kanyang muling pagkabuhay ay ang patunay ng tagumpay ng pagmamahal na ito. Sa panahon ng Kapaskuhan, inaanyayahan tayong tularan ang pananampalataya nina San Juan at San Pedro, na nagtiwala at naniwala kahit sa gitna ng kawalan ng katiyakan.
Binhi ng Hamon:
1. Paano ko maipadadama ang liwanag ni Kristo sa aking pamilya at kapwa ngayong Kapaskuhan?
2. Naipapakita ko ba ang pananampalataya at pag-asa na dala ng pagsilang at muling pagkabuhay ni Cristo?
Manalangin tayo. San Juan, manunulat ng Mabuting Balita at alagad na minamahal ni Hesus, ipanalangin mo kami na maging tapat sa aming pananampalataya at matutong magbigay ng pag-ibig sa aming kapwa, gaya ng itinuro ng Panginoon. Amen.
Ipanalanagin natin lumalim pa ang saysay ng ating buhay na payapa at masaya.
Ang kabalanan ay kaibigan ng mahabang buhay.
Maging malapit kay Hesus.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Thank you, Lord.
#GvSaturday