Martes, Disyembre 23, 2025

December 23, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI Ikawalong Araw
Patnubay sa Misa

Ang kapanganakan ni Juan ay isang tiyak na hakbang sa ikatutupad ng ipinangakong Mesiyas na ipadadala ng Diyos. Taglay sa ating isipan ang katapatan ng Diyos, manalangin tayo para sa pagpapahalaga sa katangiang ito sa ating buhay:

Panginoon, gawin Mo kaming tapat na tulad Mo.

Nawa ang Simbahan, sa pamamatnubay ng Santo Papa, ay maging lalong tapat sa kanyang misyon bilang kasangkapan ng pagliligtas sa sangkatauhan. Manalangin tayo.

Nawa lahat ng pari at relihiyoso ay maging maningning na halimbawa ng katapatan sa kanilang pangakong mamuhay alinsunod sa mahigpit na kahingian ng Mabuting Balita. Manalangin tayo.

Nawa pairalin ng mga mag-asawa ang pagkakasundo ng kanilang mga mag-anak sa pamamagitan ng kanilang katapatan sa isa’t isa alang-alang sa kapakanan ng kanilang mga anak. Manalangin tayo.

Nawa lahat ng guro, katekista, at namumuno sa mga kabataan ay magpahalaga sa kanilang pangakong magsikap para sa wastong pagpapalaki sa kabataang nasa kanilang pangangalaga. Manalangin tayo.

Panginoong Diyos, papagningasin Mo sa amin ang lalong taimtim na paghahangad na masaksihan ang katuparan ng Iyong pangako at ang kapasiyahang tumulad sa Iyo, Ikaw na laging tapat at nabubuhay at naghahari nang walang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 19, 2021 at 6:36 pm

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay palapit na sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoon. Ito ay isang tanda na matutupad na ang pangako ng Diyos sa pagdiriwang ng pagdating ng kanyang presensiya sa atin bilang tao, kahit hindi siya kailanma’y nagkasala. Binigay ng Diyos ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus upang ipamalas sa atin ang daan tungo sa tunay kaligayahan at tamang pamamaraan ng ating buhay.

Ayon kay Propeta Malakias sa Unang Pagbasa, na ikalawa sa mga pinakahuling propeta sa Lumang Tipan, isisugo ng Panginoong Diyos ang kanyang mensahero upang ibalita sa mga tao ang kanyang pagdating sa pamamagitan ng isang tipan na muli’t muling iuukit. Ang pagdating ng Panginoon ay inilalarawan ni Malakias na parang isang taong dumadalisay ng ginto at apoy, at sinasabing dadalisayin niya ang mga punong saserdote at taumbayan ng Israel. At sa huling bahagi ng propesiya, ipinahayag ng Diyos na darating si Elias upang ituwid ang puso ng mga anak ng Diyos patungo sa katapatan na ipinamalas ng kanilang mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Israel (Jacob). Itong nakikilabot na propesiya ni Malakias ay patungo sa pagdating ng Panginoong Hesus, ang Anak ng Diyos Ama, upang ituro niya sa atin kung paano dapat mamuhay ayon sa dakilang kalooban. At ang mensahero niya ay ang Tagapanguna niya, ang kanyang pinsan na si San Juan Bautista.

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagsilang ni San Juan Bautista, na siyang ginugunita ng Simbahan tuwing ika-24 ng Hunyo (6 na buwan bago ang Disyembre 25, Pasko ng Pagsilang ng Panginoon). Matatandaan natin na ang paglilihi kay Juan ay ibinilita ni San Gabriel Arkanghel kay Zacarias siyam na buwan bagong mangyari nito, ngunit hindi siya naniwala dahil nakatuon lamang sa kanyang katandaan at ganun din ang katandaan ni Elisabet, kaya’t ginawa siyang pipi at bingi. Ngayong naganap na ang pangyayaring ito, isang kultura sa kanilang kamag-anak na ipangalan ang bagong sanggol walong araw pagkatapos ang pagsilang nito ayon sa nakagawiang pangalan ng kanilang angkan. Nais nilang tawagin “Zacarias” ang sanggol na katulad ng pangalan ng ama nito. Subalit sinabi ni Elisabet na ang pangalan ng bata ay Juan. Dahil hindi sila naniwala, nagdemanda sila ng mga tanda kay Zacarias kung ano ang ipapangalan nito sa bata. At isinulat niya sa isang tableta “Juan ang kanyang pangalan” dahil ito ang pangalang ibinigay ng Diyos sa kanilang sanggol, kaya ang kanyang tainga ay nakarinig at ang labi’y biglang nagsalita muli ng pagpupuri sa Panginoon. Kaya namangha ang mga kasamahan nina Zacarias at Elisabet sa isang napakagandang pangyayari sa dalawang magulang, kahit sila’y matanda na. At sinabi nila na ang Panginoong Diyos ay nasa piling ng sanggol na si San Juan Bautista.

Ang pangalang “Juan” ay galing sa wikang Hebreo ‘Yohanan,’ na may kahulugang “Ang Diyos ay mapagpala”. At sinasabi nga ng marami “Ang iyong pangalan ay ang iyong pagkakakilanlan”. Kaya nga si San Juan Bautista ay tanda ng pagpapala ng Diyos sa mga magulang nitong si San Zacarias at Sta. Isabel matapos ang habangpanahon na paghihintay at minsan na nga’y kawalang pag-asa. Si Juan rin ay tanda ng pagpapala ng Diyos bilang isang nakatakdang mangaral sa disyerto sa Ilog Jordan ukol sa pagdating ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibinyag at pangangaral ukol sa pagsisisi, pagbabalik-loob, at paggawa ng kabutihan.

Ganun din ang pangalang “Hesus” na nangangahulugang “Ang Diyos ay nagliligtas” sapagkat si Hesus ay ang biyaya ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan mula sa pagkakasala. Ngayong Pasko, habang kinikilala natin si Kristo at ipinaghahandaan natin ang ating puso para sa kanyang pagsilang, magpasalamat tayo sa Diyos sa biyaya ng buhay na ibinigay niya sa atin. Nawa katulad ni Hesus at ni Juan, tayo rin ay maging biyaya sa ibang tao.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño December 23, 2021 at 9:11 am

Ang hamon at aral ng Ebanghelyo ngayon ay; “walang hindi mapangyayari ang Diyos” at ang pagpaplain ang mga taong masunurin sa kautusan ng Diyos.

Tularan natin ang mag asawang Zacarias at Elizabeth sa pagiging masunurin sa Panginoon at may matibay na pananampalataya.
Marami na ang nagpatotoo at isa ako dito, give and take lang ang buhay, sundin mo ang kalooban ng Diyos at sya na ang bahala sa lahat ng iyong panganga-ilangan, kadalasan ay higit pa sa iyong hinihiling. Huwag tayong magpaka abala sa mga makamundong bagay katulad ng mga materyal at pita ng laman. Huwag din natin problemahin ang maraming bagay bagkus ay ipagdasal natin ang lahat mg bagay bagay. Kapag tayo ay nanalangin o humiling sa Panginoon, tanggalin mo na ang pangamba at umasa ka na sa kanya na diringgin ang iyong mga dasal, pero katulad nga ng sabi ko nararapat na gumawa tayo ng kabutihan o sundin ang kalooban nya habang hinihintay ang kasagutan sa ating mga dalangin.

Huwag mo ding iisiping wala ka ng pag-asa, alalahanin mo palagi ang Mabuting Balitang ito ngayon, Si Elizabeth ay bukod sa matanda na ay baog pa subalit nagdalang tao pa din dahil niloob ng Diyos. Ang matandang kasabihan na “Habang nabubuhay ka pa ay may Pag-asa” ay totoo kung ikaw lamang ay mananalig at sasampalataya sa kapangyarihan ng Diyos.

Dalawang araw mula ngayon ay sasapit na ang iniintay na pagdiriwang ng kapanganakan ng Poong Hesus. Naihanda mo ba iyong sarili, ang liko likong daan, ang bako bako lansangan? Kung oo ay magaling at kung hindi nman ay hindi pa huli ang lahat, Hinihintay lamang tayo ni Hesus na lumapit sa kanya, magsisi at humingi ng kapatawaran, at sikaping matalikuran ang pagawa nh pinagbabawal nya at sabay sabay nating salubungin ang kapaskuhan ng may malinis na puso at konsensya.

Merry Christmas ?

Reply

Jesus C. Gregorio December 23, 2023 at 5:46 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio sa Mabuting Balita:

Pag pasko nakikigalak tayo sa lahat. Everybody happy kasi mabait lahat. Naminigay. Nakangiti. Maraming pagkain. Sama-sama. Merry ang Krismas. Hilung-talilong ang marami. Masaya. Marami rin tayong katanungan at mga bekenemen sa buhay tulad ng mga taong nakapaligid sa sanggol na Juan. Sa ating pinaniniwalaan. Sa ating pananampalataya. Paano kaya? Ano kaya? Sino kaya? Baka naman. Baka kaya. At iba pang mga uri ng baka sa ating mapaglarong isipan. Napapagtanungan din naman natin ang mga mapalad gaya ni Elizabeth pero ayaw nating maniwala. Likas sa atin ang mapaghinala. Kaya kahit na pipe si Zacarias pinipilit natin na masagot ang katanungan natin. Sagot ng pipe? Talaga! At ang unang kataga sa sinabi niya ay ang sagot sa ating katanungan. Tapos ay ang natural na ginagawi ng mga kinalulugdan, ang magpapuri sa Diyos. At tayo ay namangha. OMG! May himala! Somalosep! Natakot pero namangha. Anong resulta? Nagmarites tayo. Pinag usapan ngunit may pangamba. Hanggang sa dulo tamang hinala! At nagtapos ang kuwento ng mas marami pang katanungan. Di ba tayo iyun? Kung pintor ang Ama ay kanyang naisalarawan ng totoo at maliwanag ang kuwentong buhay na kanyang kinatha. Ang tanong! (Echo nong, nong, nong,…) Bakit kaya hindi na lang tayo maniwala?

Reply

Malou Castaneda December 23, 2023 at 12:59 pm

PAGNINILAY:
Malapit ng matapos ang ating paghihintay. Ang ating pokus ngayon ay ang paghahanda, isang napakahalagang bahagi ng ating buhay. Kailangan nating taos-puso at tapat na maghanda para sa anumang sa tingin natin ay kapaki-pakinabang. Kapag naibahagi natin sa iba ang kahalagahan ng pagdiriwang na ito, ginugol natin ang mas maraming oras sa espirituwal na paghahanda para sa pagdating ng ating Panginoong Hesus tulad ng paghahanda natin sa ating bahay at mga regalo para sa Pasko, talagang maaari na nating ipagdiwang at kantahin ang mga papuri sa Diyos sa loob ng dalawang araw. Mas pinagtutuunan natin ng pansin ang tunay na kahulugan ng Pasko, hindi lamang para sa pagsasalu-salo kundi pagsasaya sa Presensiya ng Diyos-na ginawang -tao at ang presensyang ibinabahagi natin sa ating mga mahal sa buhay. Ang bawat isa sa atin ay inaanyayahan na gampanan ang ating bahagi sa pagpapanumbalik ng ating mga pamilya, patatagin ang ating mga relasyon, at alisin ang mga hadlang sa kapayapaan at pagkakasundo upang mapadali ang mapagmahal na pagbisita ng ating Panginoon sa gitna natin.

O Hesus, Emmanuel, samahan Mo kami sa buong buhay namin. Amen.

Reply

Mel Mendoza December 18, 2024 at 1:10 am

PAGNINILAY:

Ang Ebanghelyo ay naglalahad ng kapanganakan ni San Juan Bautista, isang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang pangalan ni Juan ay ibinigay sa kanya ayon sa utos ng anghel, bagamat ito’y hindi tradisyonal na pangalan sa kanilang angkan. Ang pangalang “Juan” ay nangangahulugang “Ang Diyos ay mapagbiyaya” o “Ang biyaya ng Diyos.”

Ang pangalang “Juan” ay isang paanyaya rin para sa ating lahat na maging bukas sa biyaya ng Diyos. Sa ating pang-araw-araw na buhay, nararanasan natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa iba’t ibang paraan—sa mga simpleng bagay tulad ng buhay, pamilya, at kalikasan, at sa mas malalaking bagay tulad ng pagkakaloob ng pagpapatawad at pagbibigay ng pag-asa. Ang tanong ay: Paano natin tinutugunan ang biyayang ito?

Sa kapanganakan ni Juan, ipinakita ang pagkilos ng Diyos at ang Kanyang kagandahang-loob. Matatawag na kababalaghan at biyaya hindi lamang sa kanyang mga magulang na matatanda na’t baog na sina Zacarias at Elisabet, kundi pati na rin sa buong sangkatauhan sapagkat walang hindi makapangyayari sa Diyos. Si Juan Bautista ang maghahanda ng daan para sa Panginoon, isang paalala na ang biyaya ng Diyos ay laging nauuna upang tayo’y maakay sa tamang landas.

Si Juan Bautista bilang mensahero at tagapanguna ni Hesus. Siya ang katuparan ng mga propesiya sa Lumang Tipan na nagsasabing magkakaroon ng isang tagapagbalita na maghahanda sa daraanan ng Mesiyas. Sa Isaias 40:3, isinulat: “May tinig na sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, gawing matuwid ang kanyang mga landas.'” Si Juan Bautista ang katuparan ng propesiyang ito. Sa kanyang pangangaral sa ilang, ipinangaral niya ang pagbabalik-loob at hinikayat ang mga tao na ihanda ang kanilang mga puso para sa pagdating ni Hesus. At ito rin ang mensahe sa unang Pagbasa sa Malakias 3:1,”Narito ang pahayag ng Makapangyarihang Panginoon, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Ang propesiyang ito ay tumutukoy din kay Juan Bautista bilang tagapagbalita ng Diyos.

Katulad ng pagtugon ni Juan sa kanyang bokasyon at misyon, tayo rin ay tinatawagan upang maging mga tagapagpahayag ng biyaya ng Diyos sa iba. Sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, maipapadama natin ang pagmamahal at pagpapala ng Diyos sa ating kapwa. Si Juan Bautista ay namuhay nang simple sa ilang, na nagpapakita ng kanyang kababaang-loob at ganap na pagtitiwala sa Diyos. Pinanatili niyang ang atensyon na tanging nakatuon lamang kay Hesus, hindi sa kanyang sarili. Sinabi niya: “Dapat Siyang maging dakila, at ako nama’y mababa.” (Juan 3:30)

Manalangin tayo. Panginoon, salamat sa Iyong kagandahang-loob at biyaya na laging dumarating sa aming buhay. Tulungan Mo kaming maging mas bukas sa Iyong mga plano at maging daluyan ng Iyong biyaya para sa iba. Nawa’y tulad ni Juan Bautista, magampanan namin ang aming misyon na ipahayag ang Iyong pag-ibig sa sanlibutan. Amen.

Reply

Ruel December 23, 2025 at 4:50 am

Juan Ang kanyang pangalan. At nagkapagsalita agad si Zaxharias . Nag boses Ang Ama ni Juan . Nadating nawalang ng tinig dahil sa Hindi niya pananalig sa Diyos. At si Juan din Ang tinig Ng Diyos para ihanda ang daraanan ng Taga pagligtas si Hesus. Maraming nakinig sa tinig ni Juan a Marami Ang naligtas. Marami Tayo naririnig na tinig ngayon pero alin tinig Ang iyon pakikinggan na magbibigay sa iyo ng kaligtasan na siya dapat nating pakinggan. Una sana marami katulad ni Juan sa tin nag mabigay ng tinig ng kabutihan. Dahil kayo ay biyaya para sa lahat .

Reply

BdKz December 23, 2025 at 2:00 pm

Don’t be a Killer of Joy. Be a joy giver.
Celebrate God’s miracle
Being grateful for the blessings given to us.
Walk with faith in God.
Be a way for other people to smile and celebrate life.
Life is short.
If you can’t find blessing in our life, be a blessing to the people.
The spirit of joy is born with us.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good.
Thank you, Lord.
#GvTuesday

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: