Biyernes, Disyembre 19, 2025

December 19, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI Ikaapat na Araw
Patnubay sa Misa

Pinasisigla ng hangarin ng Panginoon sa ating kabutihan, tayo’y dumulog ngayon sa Kanya kasama ng ating mga kahilingan habang nagsusumamo tayong:

Panginoon, nananalig kami sa Iyo.

Para sa lahat ng nananampalataya sa buong mundo: nawa tanggapin nila ang Salita ng Diyos nang may pakumbabang pananalig at isabuhay nila ito. Manalangin tayo.

Para sa Santo Papa at lahat ng ibang pinunong relihiyoso at sibil: nawa maging inspirasyon sa lahat ang kanilang halimbawa ng katapatan at bukas-palad na paglilingkod sa kanilang mga pamayanan. Manalangin tayo.

Para sa lahat ng magulang, guro, at katekista: nawa makita nila sa lahat ng bata ang mahahalagang biyaya ng Diyos at pala kihin at patnubayan sila alinsunod sa kalooban ng Diyos. Manalangin tayo.

Para sa mga matatanda sa ating mga mag-anak at pamayanan: nawa patuloy silang maghandog ng karunungan at panalangin at kailanman ay di mag-alinlangan sa tanging pagmamahal sa kanila ng Diyos. Manalangin tayo.

Panginoon, buksan Mo ang aming mga puso sa pagtanggap sa Iyong Salita nang buong pananalig, bukas-palad, at naniniwalang hangad Mo ang aming kabutihan at walang imposible sa Iyo. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 13, 2020 at 5:55 pm

PAGNINILAY: Habang tayo’y naglalakbay sa daan ng Adbiyento tungo sa pagdiriwang ng Pagkatawang-tao ni Hesukristo sa Pasko ng Pagsilang, pinagninilayan natin ang mga pangyayari bago isilang ang ating Panginoon sa Bethlehem.

Ang Unang Pagbasa at Ebanghelyo ay dalawang pagbabalita sa iisang pangyayari, ang isang panganganak na sumisimbolo sa grasya ng Panginoon. Ang dalawang babae na mga asawa nina Manoa at Zacarias na si Elisabet ay kapwang baog, at ayon sa umiiral na kultura noon, ang pagiging baog ay tinuturing daw na disgrasya. Subalit mula sa 2 kwento, makikita natin na hindi nananatili ang isang disgrasyasa ganyan lamang, kundi ang grasya ng Panginoon ang magiging kapalit. At dito nga ibinalita ang magkahiwalay ngunit magkaugnay na pagsilang nina Samson at San Juan Bautista. Si Samson ay kilala sa kanyang kalakasan upang palayain ang Israel mula sa mga Filistia. At si San Juan Bautista naman ay kilala sa paghahanda ng daan para sa pagdating ng Panginoong Hesus.

Ang grasya ng Diyos ay kinakamit ng bawat isa upang siya’y mapalakas pa na magtiwala sa kanya. Kahit nga si Zacarias sa Ebanghelyo ay nagduda at nawalan ng tinig sa kanyang boses, ginawa niya ang plano ng Diyos na pangalanan sa isang tableta ang isinilang na sanggol na “Juan,” isang pangalang nangangahulugang, “Ang Panginoon ay mapagbiyaya.”

Kaya ngayong Pasko, nawa’y makilala natin nang buong pagtitiwala at katapatan ang mga pagpapala ng ating Panginoon sa pagsunod sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Jess C. Gregorio December 18, 2023 at 10:34 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

Anuman raw ang ninanais nating biyaya na gustong matanggap, kung kalugod-lugod tayo sa paningin ng Diyos, hindi magtatapos ang ating buhay na hindi natin natatanggap iyun. Ito ay mangyayari gaano man kalaki ang dahilan kung bakit di na magkakagayun. Walang imposible sa Diyos. Maiksi lang ang ating paniniwala kung minsan. Tingnan natin si Elizabeth na baog at talaga namang di na magkaka anak. Bukod duon siya ay may idad na. Ngunit minabuti ng Panginoon biyayaan ng pinaka dakilang Propeta sa kasaysayan bilang anak niya- si Juan Bautista. Maging kalugod-lugod sa Paningin ng Diyos at ang lahat ng hihilingin natin ay ipagkakaloob nya.

Reply

Malou Castaneda December 19, 2023 at 9:16 am

PAGNINILAY
Si Kristo ang dahilan ng panahon…dahil tinuruan Niya tayong magbigay ng walang dahilan! Ito ang dakilang misteryo ng ating pananampalataya: ang mahalin ang isang tao ng walang dahilan. Gustung-gusto din ng Diyos ang mga sorpresa dahil mahilig Siyang magmahal. At ang pag-ibig ay laging may sorpresa. Ito ang nangyari kay Zacarias at kay Elizabeth. Hindi nila naisip na magkaroon ng isang sanggol sa kanilang katandaan!

Ngayon na ang oras para sorpresahin ang isang taong hindi tayo mahal, ang mga taong hindi umaasa sa atin. Sino to? Mag-isip ng matagal at mabuti. Kapamilya ba ito? Kamag-anak? Frenemy? in-law? Mga mahihirap na tao? Batang kalye? Mag-isip ng mahaba at malalim ngunit huwag mag-antala. Huwag hayaang mawala ang panibagong Araw ng Pasko. Huwag nating gawing nakakatamad ang Pasko sa pamamagitan ng pagbibigay ng may dahilan. Gawin itong kaakit-akit, kapana-panabik at nakakagulat sa pamamagitan ng pagbibigay ng walang dahilan.

Panginoong Hesus, gawing katulad Mo ang aming puso, handang magmahal, magsorpresa, magbigay ng hindi binibilang ang halaga at walang hinihintay na kapalit. Amen.
***

Reply

Mel Mendoza December 18, 2024 at 2:20 am

PAGNINILAY:

Ang Ebanghelyo ay patungkol kay Zacarias at Elisabet, na parehong matuwid sa harap ng Diyos ngunit walang anak dahil si Elisabet ay baog at sila’y matanda na. Sa kabila nito, nagpakita ang Anghel Gabriel kay Zacarias habang siya’y naglilingkod sa templo at ipinahayag na magkakaanak sila, at ang bata ay tatawaging Juan, na magiging tagapagpauna sa Panginoon. Nag-alinlangan si Zacarias kaya’t siya’y pansamantalang nawalan ng pananalita bilang tanda ng hindi niya paniniwala.

Si Zacarias at Elisabet ay matagal nang nananalangin para sa anak, ngunit tila imposible na ito dahil sa kanilang katandaan. Gayunpaman, ipinakita ng Diyos na walang imposible sa Kanya. Sa Kanyang tamang panahon, tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako at nagbibigay ng sagot sa ating mga panalangin. Pagnilayan natin: Handa ba tayong maghintay sa sagot ng Diyos at magtiwala sa Kanyang takdang panahon?

Itinuturo sa Ebanghelyo na ang pananampalataya ay dapat laging mas higit sa pag-aalinlangan. Ang pag-aalinlangan ni Zacarias ay nagdulot sa kanya ng pansamantalang pagkakawala ng pananalita at pandinig, na nagtuturo sa atin na huwag mag-atubiling maniwala sa kapangyarihan ng Diyos. Kung minsan, ang ating limitadong pang-unawa ay nagiging hadlang sa pagtanggap ng mga biyaya ng Diyos. Paalala ito na ang pananampalataya ay hindi nakasalalay sa ating nakikita, kundi sa ating pagtitiwala sa Diyos.

Sa paningin ng tao, si Elisabet ay isang baog at wala nang pag-asa. Ngunit sa paningin ng Diyos, siya ay bahagi ng Kanyang dakilang plano. Sa parehong paraan, maaari rin tayong makaramdam ng kawalang-saysay o kahinaan, ngunit gamitin natin itong pagkakataon upang magtiwala na kaya ng Diyos na gawing biyaya ang ating mga limitasyon. Ang sinabi ni Elisabet na “kadustaan ko” ay tumutukoy sa kanyang naramdamang kahihiyan o mabigat na pasanin sa lipunan dahil sa kawalan niya ng anak. Sa kulturang Hudyo noong panahon nila, ang pagkakaroon ng anak ay itinuturing na malaking biyaya mula sa Diyos, at ang kawalan ng anak ay madalas na itinuturing na tanda ng sumpa o pagkukulang. Dahil dito, ang mga babaeng baog ay kadalasang nakararanas ng diskriminasyon, panlalait, at paghihirap sa lipunan.

Gayunpaman, ang kuwento ni Elisabet ay nagpapakita ng kagandahang-loob at kapangyarihan ng Diyos na nagbibigay ng pag-asa at pagbabago sa mga tila imposibleng sitwasyon. Sa kanyang pagtanggap ng biyaya ng pagbubuntis sa kabila ng kanyang katandaan, naging buhay siyang saksi sa kabutihan ng Diyos. Ang kanyang sinabi sa Lucas 1:25: “Ganito ang ginawa sa akin ng Panginoon nang ako’y Kanyang lingapin upang alisin ang aking kadustaan sa harap ng mga tao,”
ay nagpapakita ng kanyang pasasalamat at pagkilala na ang Diyos ang nag-aalis ng anumang kahihiyan o pasakit na dala ng tao. Ito rin ay paalala na sa kabila ng mga paghihirap, may plano ang Diyos na nagpapakita ng Kanyang awa at katapatan.

Binhi ng Kamalayan:
1. Patuloy ba akong nananalig kahit sa gitna ng mga tila imposibleng sitwasyon?
2. Paano ko mas higit na pagtitiwalaan ang Diyos sa kabila ng aking mga pagdududa?

Manalangin tayo mga kapatid na ang Diyos ay hindi nakakalimot. Kung paano Niya binigyang-buhay ang pananampalataya nina Zacarias at Elisabet, kaya rin Niyang gawing makabuluhan ang ating mga paghihintay. Magtiwala tayo at manalig sa Kanyang walang hanggang kabutihan. Amen.

Reply

BdKz December 19, 2025 at 3:00 pm

Ang ating mga hiling ay bigyan ng panahon wag magmadali, yakapin ang pahihintay dahil mas may ihahain pa na mas masarap at maganda para sa atin ang Diyos.
Huwag titigil sa pananalig at darating ang panahon ipagkakaloob Ng Diyos ang ating hiling.
Mga dahilan bakit indi pa sinasagot Ng Diyos ang ating hiling-
No, good news protecting us. new opportunities.
Wait, paghahanda na mas mabuti ibibigay Ng Diyos.
Better for you,habang iniintay ang hiling become blessing to other people. God will bless us more.
Amen
God is good sobra sobra
sobra sobra God is good
#GvFriday
Thank you, Lord.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: