Podcast: Download ()
PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI Ikatlong Araw
Patnubay sa Misa
Pinangangalagaan tayong tuwina ng Diyos at lahat ng ginagawa Niya ay para sa ating kabutihan. Ngayong ikatlong araw ng ating Nobena, ihabilin natin ang ating sarili at ang buong sangkatauhan sa Kanyang makaamang pagmamahal. Manalangin tayo:
Panginoon, gawin Mo kaming masunurin sa Iyo.
Para sa lahat ng Kristiyano: habang naghahanda tayong magdiwang sa kapanganakan ni Hesus, mapagtuunan nawa natin ang anumang nagbubuklod, at hindi ang naghahati sa atin. Manalangin tayo.
Para sa Santo Papa, mga obispo, at mga pinunong espirituwal sa ating pamayanan: nawa maging inspirasyon sila ng kanilang mga kawan sa kanilang sipag at sigasig. Manalangin tayo.
Para sa lahat ng bansa at samahang pandaigdig: nawa patnubayan ang kanilang mga plano at gawain ng mga prinsipyo ng panlahat na kapatiran, pagkakaisa, at pagkakawanggawa. Manalangin tayo.
Para sa lahat ng asawa at ama: nawa pangatawanan nila ang kanilang pananagutan bilang magiliw na kasama ng kani-kanilang mga kabiyak, at kasangkapan ng kalinga ng Diyos sa kanilang mga anak, sa pagtulad sa halimbawa ni San Jose. Manalangin tayo.
Panginoong Diyos at Ama ng lahat, ipagkaloob Mo ang Iyong pagpapala sa lahat ng Iyong nilikhang kalarawan Mo. Aliwin ang mga nahahapis, bigyan Mo ng pag-asa ang mga nag-aagaw-buhay, at lahat ay pagkalooban Mo ng kapayapaan at biyaya sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Disyembre 17, 2025
Biyernes, Disyembre 19, 2025 »




{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang ating paghahanda para sa Pagdiriwang ng Kapaskuhan ay nakikita sa pagdaraos ng siyam na araw na pagnonobena katulad ng siyam na buwan ng panalangin ng Birheng Maria para sa pagsilang ng kanyang Anak na Tagapagligtas ng mundo.
Sa Ikatlong Araw ng pagnonobena, tunghayan po natin ang katauhan ni San Jose na asawa ng Mahal na Birhen at inatasang maging ama ni Hesukristo dito sa sangkalupaan. Ngunit bago pa mang mangyari ito, narinig natin sa Ebanghelyo ang kanyang sinaunang kabuhayan bilang isang karpintero at isang matuwid na lalaki. Sa kanyang katuwiran ay makikita ang pagpapasya ng kanyang mga plano sa Diyos. At nakita niya dito ang planong magpakasal kay Maria. Subalit nang malaman niya na siya’y buntis at dahil pumapasok sa isip niya na hindi pa niya kaya ang tungkulin na maging ama, dito siya’y nagdalawang-isip. Alam niya ang kautusan noon na kapag natagpuan ang mga babaeng hindi pa kasal na buntis, sila’y babatuhin kasama na ang mga kinasasangkot na mga kasintahan.
Kaya ayaw ni Jose na mapahiya at mapahamak si Maria, kaya nagpasya na lang siya na iwanan ito sa tahimik na paraan. Ngunit nagbago ang kanyang isip nang dumating ang isang anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip. Dito ipinahayag ng anghel kay Jose ang mabuting balita tungkol sa pagdating ng Emanuel, ang Diyos na sumasaatin, na siyang isisilang ng Birheng Mahal upang iligtas ng Mesiyas na ito ang sangkatuhan mula sa pagkakasala. Kaya nang magising si Jose, agad niyang tinupad ang planong Diyos sa pagpapakasal kay Maria at pagiging ama ni Hesukristo dito sa lupa.
Makikita natin sa buhay ni San Jose ang kahalagahan ng pagiging matuwid hindi lang para hindi hayaaang mapahamak ang ibang tao, kundi upang makilala niya ang tunay na plano ng Panginoon. Sa kanyang pananaginip, ipinasya niya sa tulog kung paano niya idadala ang orihinal na plano na tahimik na iwanan si Maria. Ngunit n’ung hinayaan niyang pumasok ang Diyos sa kanyang plano, diyan pinakita niya na tunay siyang matuwid.
Sabi nga sa Salmo na ang mga matuwid na nabubuhay nang mangaral ay sasagana kailanman. Bagamit walang linyang binabanggit ang sinabi ni San Jose, pinahalagahan niya ang aksyon na sundin ang kalooban ng Ama. Kaya sa ating buhay lalung-lalo tuwing Pasko, tularan natin si San Jose sa pagtutupad ng dakilang plano ng Panginoong Diyos.
Ikatlong araw ng misa de gallo, at palapit na ng palapit ang pagdiriwang ng kapanganakan ng ating Poong Hesus.
Nasaan ka na sa mga panahong ito kapatid? Anong paghahanda na ang iyong nagawa, meron ka na bang liko liko na naituwid?, meron ka na bang napatag na bako bako?
Ano ang iyong naging plano para sa pagbabago ngayong Adviento, nabawasan mana lamang ba ang paggawa mo ng kasalanan. Ngayon suriin natin ang ating mga sarili, Ako ba ay nagnanasa sa mga nakikita ko na hindi naman akin? Ako ba ay nangangalunya o nakikiapid? Ako ba ay tumutulong o naglilimos o nagbibigay sa mga walang wala? Ako ba ay nagpatawad na ng nagkasala sa aking mga kapatid, kaibigan, kaaway at kapwa? Ako ba y nadaraya pa rin? Ako ba ay trismosa at gumagawa ng kwento at naninirang puri? Ako ba ay walang takot sa Diyos at pinipili kong gawin ang utos o tukso ng demonyo?
Magnilay tayo mga kapatid, hindi pa huli ang lahat, magsisi na tayo sa mga gawang mali sapagkat ito ay may kaparusahan at may dalang kapahamakan at kalungkutan, ihingi natin ng tawad ang gawaing taliwas sa kautusan, at magsikap na tayong matalikuran ang paggawa nito muli. Mahabagin si Hesus at kinalulugdan nya ang nagbabago at nagbabalik loob sa kanya.
Maligayang Pasko
Pagninilay ni Jess C. Gregorio:
May mga nangyayari sa buhay natin ang hindi natin maipaliwanag. Gaya ng pagdadalang tao ni Maria sa Banal na Espiritu. Mga kababalaghan na kung wala tayo sa Panginoon ay talagang hindi natin maiintindihan. Pero kumikilos ang Diyos at nangungusap sa atin sa napakaraming paraan. Hindi lang natin pansin kasi nilunod na tayo ng iba’t-ibang ingay ng lipunan. Sa tagal ko nang nakikinig ng kuwentong ito kada pasko, tila bagang hindi tumanim sa isip ko na ang buhay ay isang malaking misteryo. Ngunit mula bata magpahanggang ngayon ay pilit ko pa rin ipinapaliwanag sa aking munting kaalaman lahat na nangyayari sa kapaligiran, magalit kung hindi naaayon sa aking kagustuhan, at sisihin ang diyos sa kanyang kabingihan. Gaya marahil ni Jose, na hindi mapakali, hindi makatulog sa pag-iisip kung ano ang nangyayari. Gaya ni Maria na tila tinakluban ng tabing ang kanyang pagkatao, kinukutya, minamarites, pinaparatangang sinungaling, at haliparot sa mga sinasabing mahirap paniwalaan, ang gawi at plano ng Diyos at tila baga kahibangan. Pero kung gaano kalayo ang langit sa lupa sadyang ganuon ang isip at gawi ng Panginoon. Alam niya ang kaunting kapasidad ng tao para makuha lahat ng mahalaga. Kaya may mga anghel na gumagala at sa mga simple at walang ingay na gawa, nanamagitan upang ipabatid na huwag mag alala at magpatuloy lamang. Hindi ba na ganun rin tayo sa oras ng ating mga pangamba? Ang iba ay kinikitil na ang kanilang buhay at nagsasabi, “Hindi ko na kaya!” Kung ating pagmumuni-munian at bigyan ng kaunting pananampalatayo, ang isang di maintindihang tadhana gaya ng nangyari kay Jose at Maria, malamang ay makakita at makarinig rin tayo ng mga anghel sa paligid na magsasabing magpatuloy ka lamang. Hindi ka pababayaan ng Diyos. May planong maganda at malaki para sa iyo na ngayon ay di mo pa alam. Ang buhay ay isang malaking misteryo. Ang sinasabi ng nilalang ay karaniwang tiwalas sa isip ng naglalang. Isuot natin ang mga sandalyas ni Jose at Maria sa mga oras na nawawala tayo sa ating sarili. Sa mga sandaling iyun matatagpuan natin ang ating Diyos.
PAGNINILAY:
Ang pinakamahirap na paglalakbay na dapat lakbayin ng Panginoon ay mula sa Langit hanggang sa ating puso. Naging matagumpay siya sa pagpasok sa puso ni Jose sa pamamagitan ng isang panaginip. Pumasok siya sa puso ni Maria mula sa isang anghel. At ngayon nais ng Panginoon na pumasok sa ating buhay.
Ang Ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin kung ano ang ibig sabihin ng huwag husgahan ang iba. May karapatan si Jose na ilantad si Maria, ngunit hindi niya ginawa. Ang pagmamahal niya sa kanya ay hindi maglalantad sa kanya sa kahihiyan sa publiko. Hindi ito nangangahulugan ng pagtatakip ng kasalanan o pakikipagsabwatan sa masama. Nangangahulugan lamang ito na ipaubaya sa Panginoon ang huling paghatol. Inosente si Maria. Ang opsyon ni Jose ay isang modelo para sa atin. Ang paghatol ng tao ay maaaring maging katakot-takot. Tanging ang Panginoon, na nakakaalam ng mga lihim na puso ng mga tao, ang makapagbibigay ng tamang paghatol.
Ang Panginoon ay sabik na naghihintay ng isang silid sa ating puso. Nawa’y ibigay natin sa Panginoon ang Kanyang pinaka nais: isang lugar na pahingahan, isang lugar upang makapagtrabaho, isang lugar upang maging banal. Lahat ng bagay, lahat ng paghihirap, lahat ng pagsubok at paghihirap, lahat ng hindi pagkakaunawaan ay makakatagpo ng masayang wakas kapag pinahintulutan natin ang Panginoon na dumating at manatili sa atin.
San Jose, tulungan mo kaming tularan ang iyong halimbawa ng mapagpakumbabang pagsunod.? Amen.
***
PAGNINILAY:
Mateo 1, 18–24
“Pagtitiwala”
Sa Ikatlong Araw ng Misa Aguinaldo, inilalapit sa atin ng Simbahan ang isang tahimik ngunit makapangyarihang tauhan sa kasaysayan ng kaligtasan—si San Jose. Sa tradisyon ng mga Hudyo sa kapanahunan nina Maria at Jose, ang dalawang magkasintahan na nais magpakasal ay dumadaan sa tatlong hakbang o proseso:
Una. Betrothal – kapag na-betroth ka na, legal na kayong mag-asawa sa mata ng batas. Pero hindi pa pwede magsama sa iisang bahay. Nanatili ang babae sa bahay ng kanyang magulang.
Pangalawa. Panahon ng Paghahanda-si Jose ang dapat naghahanda ng bahay at kabuhayan. Si Maria naman ay ang naghahanda ng damit at iba pang kailangan niya bilang asawa. Kahit hindi pa sila mag-asawa obligado na sila sa isa’t isa.
Panghuli. The Wedding Feast. Dito kukunin ng lalaki ang babae mula sa bahay ng magulang nito. May parada, may tugtugan, may sayawan na parang fiesta.
Sina Maria at Jose ay nasa parteng betrothal na. Dapat naghahanda na sila ng kanilang pagpakasal hanggang sa nagpakita ang sinugo na anghel ng Diyos upang sabihin kay Maria na siya ay magdadalang-tao sa pamamagitan ng paglukob sa kanya ng Espiritu Santo. Ano kaya ang nararamdaman ni Jose noong panahon na iyon?
Noong una, ay binalak niyang iwanan si Maria ng tahimik sa kabila ng sakit at lungkot para maiwasan na malagay ito sa kahihiyan na ang kaparusahan ay kamatayan sa pamamagitan ng pagbato. Pero biglang nagpakita sa kanya ang anghel sa kanyang panaginip. Ang panaginip ni Jose ay hindi lamang personal na karanasan kundi isang banal na paghahayag:
Ipinapakita rito na ang pagkakatawang-tao ni Hesus ay gawa ng Espiritu Santo isang banal na inisyatiba ng Diyos, hindi gawa ng tao.
Ang pangalan na Hesus (“Ang Diyos ay nagliligtas”) ay nagpapatunay na ang Kanyang misyon ay kaligtasan mula sa kasalanan, hindi lamang pansamantalang ginhawa.
Ang Emmanuel ay patunay na ang Diyos ay hindi nananatili sa malayo—siya ay sumasa-atin, nakikisalo sa ating mga takot, pasanin, at pakikibaka.
Sa pagsunod ni Jose, nagiging tulay siya ng katuparan ng propesiya—isang tahimik ngunit mahalagang katuwang ng Diyos sa Kanyang plano ng kaligtasan.
Tinawag ng Ebanghelyo si Jose bilang “isang taong matuwid.” Sa konteksto ng Bibliya, ang pagiging matuwid ay hindi lamang pagsunod sa batas, kundi malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Matuwid si Jose dahil pinili niya ang awa kaysa parusa.
Matuwid siya dahil iniingatan niya ang dangal ni Maria kahit nasasaktan ang kanyang puso.
At higit sa lahat, matuwid siya dahil handang isuko ang sariling plano upang tuparin ang plano ng Diyos.
Sa panahon ng Adbyento at Misa Aguinaldo, inaanyayahan tayong tularan si San Jose:
Kapag hindi malinaw ang sitwasyon, manalig sa Diyos.
Kapag masakit ang katotohanan, piliin ang awa.
Kapag mahirap ang tawag ng Diyos, sumunod nang may kababaang-loob.
Ang tunay na pananampalataya ay hindi palaging maingay madalas ito’y tahimik ngunit matatag.
Word of the Day
PAGTITIWALA.Ang tunay na pagtitiwala ay ang pagsunod sa Diyos kahit hindi pa natin nakikita ang buong larawan.
Panalangin:
Panginoon naming Diyos, salamat sa halimbawa ni San Jose— isang pusong tahimik ngunit lubos na nagtitiwala nang walang kundisyon. Nawa’y maging bukás ang aming buhaysa pagdating ni Hesus na Emmanuel,ang Diyos na laging kasama namin.
Amen.
Pagpapakilala sa ating ng pagiging matuwid na tao. Si San Jose ay nakatakda ikasal Kay Maria subalit natagpuan buntis na si Maria , malaking problema pero Ito Ang ginawa ni Jose para Kay Maria upang hindi hatulan ng kamatayan si Maria, iwan Ito ng lihim Ito gagawin ng isang tao pero Ito rin gagawin ng matuwid hindi na nagdadag nag problema Kay Maria. Subalit pumasok Ang Diyos dahil may plano Ang Diyos nang natutulog si Jose ipinalwanag Ng Diyos Ang magyayari at dahil ng pagbubutis ni Maria. Nang magising si Jose sinonud Ang plano nang Diyos , ipinakikita ni jose na Huwag na Tayo magdadag ng problema sa halip makabawas at makatulong. Ikalawa kung may malaking pornlema sa buhay itulog mo sa Diyos para Ikaw ay tulungan Ng Diyos.