Huwebes, Nobyembre 27, 2025

November 27, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Habang natitipon tayo upang ipagdiwang ang misteryo ng ating kaligtasan, bumaling tayo sa Diyos Ama nang may pananalig at hingin ang kanyang awa.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Tapat na Panginoon, basbasan mo kami.

Ang Bayan ng Diyos nawa’y maakit sa pananalangin at pagsisisi habang umaasa sila sa pagdating ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namumuno sa ating lipunan nawa’y makita ang kamay ng Diyos na gumagalaw sa mga pangyayari ng ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y tumingin sa kinabukasan nang may pag-asa at lakas ng loob, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y mamuhay sa kasiguruhan at pag-asa sa pamamagitan ng mga panalangin at pag-alalay ng kanilang mga kapamilya at kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga namayapa na, ipagkaloob nawa ng Anak ng Tao ang kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pakinggan mo ang mga panalangin ng iyong bayan at tulungan mo kaming yakapin ang hamon ng krus sa araw-araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 20, 2021 at 4:28 pm

PAGNINILAY: Malapit nang matapos ang Taong Panliturhiya ng Simbahan, at sa darating na Linggo ay papasok na tayo sa Bagong Taon sa pagsisimula ng Panahon ng Adbiyento. Ang ating Ebanghelyo ay isang paanyaya sa paghahanda sa katapusan ng panahon. Binabala ni Hesus ang mga mangyayari na mga pagwawasak sa mundo. Isinalaysay din niya kung anong mangyayayari sa araw, buwan, at mga bituin. Maaring ito yung ginagamit na mga pahayag upang maghasik ng takot sa mga tao na parating na araw ang araw ng Panginoon.

Sinasabi rin ng ilan na malapit na ang huling paghuhukom. Ngunit hindi naiintindihan ng karamihan na walang nakakalam ang oras na darating iyon, kundi ang Diyos lamang. At ang kagandahang-loob ng Muling Pagpaparito ni Kristo ay ang makita ng lahat ang kanyang kaluwalhatian, na ang mga tao ay pagtittipunin ng Anak ng Tao mula sa mga dako ng himpapawid hanggang sa mga dako ng sanlibutan. At tayo ay inaanyayahan ni Hesus na magalak sa pagdating ng kaligtasan dahil tayo ay inaasahang gawing makabuluhan ang ating buhay ngayon. Kaya bilang mga Kristiyano, nawa’y patuloy natin palaganapin at patatagin ang ating pananampalataya sa Panginoon sa pamamgitan ng pagkakaroon ng espirituwal na paghahanda sa kanyang pagdating. Bagamat hindi natin alam kung kailan matatapos ang daigdig, ang dapat po natin bigyan pansin ay ang paghahanda sa katapusan ng ating buhay. Kapag tayo ay namatay, tayo ay ihuhukom ni Kristo ayon sa pag-ibig na ating ipinamalas.

Nawa’y ipamalas natin ang pag-ibig ng Panginoon sa lahat upang balang araw makapiling natin siya sa kaluwalhatian ng langit.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 25, 2021 at 9:50 am

Handa ka na ba? Walang nakakaalam kung kailan mangyayari ang mga sinabi ni Hesus sa ating ebanghelyo. Kung tayo ay handa ay hindi tayo matatakot sa ugong at daluyong ng dagat o anumang mga sakuna, sa halip ay ikatutuwa natin ito sapagkat nagbalik na muli ang Panginoon at tayo ay maisasama sa paraiso.
Paano nman maging handa? Kung ikaw aya makasalanan pa din hanggang ngayon ay hindi pa huli ang lahat…. Una ay manikluhod ka at magsisi sa mga gawang kabalastugan at laban sa mga kautusan. Pangalawa ay humingi ka ng kapatawaran sa Ama, mahabagin ang Ama at mahal na mahal nya tayo, kinalulugdan nya ang makasalanan na nagnanais na magbago at magbalik loob sa Diyos. Matatandaan na iniwan ng mabuting pastol ang 99 na tupa para hanapin ang isa, at ng matagpuan nya ay nagdiwang sya. Pangatlo ay sikapin ng matalikuran ang mga maling gawain, katakawan sa laman, ganid sa pera, pangangalunya, pakikiapid, paninirang puri, pakikipag away, hindi nagpaptawad ng kaaway, mandaraya, sinungaling, mayabang, mapagmataas at inggit.
Suriin mo ang iyong sarili, handa ka na ba?

Reply

MEL MENDOZA November 27, 2025 at 12:04 am

PAGNINILAY:
Lucas 21, 20-28
“Parousia”

ANG DIWA NG DULO AT ANG DIWA NG PAG-ASA. Sa Mabuting Balita ngayon, hinaharap tayo ni Hesus sa isang realidad na kadalasan ay iniiwasan natin—ang katotohanan ng katapusan : pagkawasak ng Jerusalem, pagdating ng matitinding tanda, at ang takot na maaaring maghari sa puso ng tao. Ngunit tulad ng isang ilaw na sumisindi sa gitna ng dilim, ang wika ni Hesus ay hindi lamang nagbabadya ng kapahamakan; ito rin ay isang paanyaya sa pag-asa. Sa gitna ng pagkubkob, pagyanig, at pagkawasak, may mensahe si Hesus: “Magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.” Ito ang puso ng Ebanghelyo—ang wakas ay hindi katapusan, kundi pintuan tungo sa ganap na pagliligtas.

Ang pagkawasak ng Jerusalem ay hindi lamang makasaysayang pangyayari; ito ay teolohikal na tanda. Ito ang “Araw ng Pagpaparusa,” hindi bilang paghihiganti ng Diyos, kundi bilang katuparan ng propesiya at paalala ng pagiging malaya ng tao—kapag lumayo sa Diyos, nagbubunga ng pagkawasak.
Ang mga cosmic signs—araw, buwan, bituin, pag-ugong ng dagat—ay nagpapahiwatig na pati ang kalikasan ay kasama sa drama ng kaligtasan. Ang buong sangnilikha ay kasali sa plano ng Diyos.
Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat: ang pagdating ng Anak ng Tao sa alapaap. Hindi Siya dumarating bilang hukom na nananakot, kundi bilang Tagapagligtas na magtatama ng lahat ng mali. Ito ang tinatawag na eschatological hope—ang pag-asang nakaugat hindi sa mundo, kundi sa Diyos na may huling salita sa kasaysayan.

Sa ating panahon, hindi man natin nakikita ang pagkubkob ng Jerusalem, ngunit nararanasan natin ang iba’t ibang anyo ng “pagwawasak” at “pagyanig”: krisis sa pamilya, sakit, pagkawala ng trabaho, pagkalito at takot,
panghihina ng loob sa pananampalataya. Ang mga tagpong ito ay isang karanasan na parang gumuho na rin ang “Jerusalem” ng ating buhay. Ngunit sinasabi ni Hesus: HUWAG KANG MATINAG. Sa halip: tumindig, magpakatatag, manalig na may darating na pagliligtas. Ang hamon ng Ebanghelyo sa bawat isa sa ating kasalukuyang panahon ay maging tao ng pag-asa, hindi ng takot. Hindi tayo tinawag para magtago sa dilim, kundi para magbitbit ng ilaw habang naghihintay sa Kanyang pagdating.

WORD OF THE DAY: PAROUSIA
Parousia — mula sa wikang Griyego na nangangahulugang sa teolohiya ng Simbahan, ang Parousia ay partikular na ginagamit para tukuyin ang maluwalhati at pangwakas na muling pagdating ni Kristo sa katapusan ng panahon kung saan ganap Niyang kukumpletuhin ang kaharian ng Diyos. Ito ang sandali ng, paghuhukom (Final Judgment), pagpapanumbalik ng lahat ng bagay, pagwawakas ng lahat ng kasamaan, pagbibigay ng ganap na kaligtasan sa tapat

Sa Bagong Tipan
Madaling makita na ang Parousia ay hindi isang ordinaryong pagdating:
Ito ay makahari at maluwalhating pagdating (Matthew 24:30)
May kasamang muling pagkabuhay ng mga patay (1 Thessalonians 4:15–17)
Ito ang kaganapan ng lahat ng pangako ng Diyos (Revelation 22:12)

PANALANGIN:
Panginoong Hesus, sa gitna ng mga pagyanig ng aming buhay, turuan Mo kaming hindi matakot, kundi magtiwala. Sa tuwing guguho ang aming sariling “Jerusalem,” ipadama Mo na hindi Pa ito ang wakas—sapagkat Ikaw ang aming simula at katapusan. Buksan Mo ang aming puso upang sa halip na magamba, kami’y maging mga saksi ng pag-asa. Palakasin Mo kami upang manindigan sa gitna ng kadiliman, laging nakatingin sa Iyong darating na kaluwalhatian. O Anak ng Tao, dumating Ka nawa sa aming puso araw-araw, at sa Iyong muling pagpapakita, kami’y matagpuan Mong tapat, mapagkumbaba, at naghihintay nang may galak. Amen.

Reply

Guilbert Poblite November 27, 2025 at 9:01 am

PAGNINILAY:
Si Jesus ay nagbigay ngayon ng paglalarawan ng KATAPUSAN NG PANAHON. Ang pagbagsak ng Jerusalem (o ang pagkawasak ng Templo) mga nagaganap na kaguluhan at mga pagtitiis. Ngunit hindi nangangahulugan na inabandona ng Diyos ang mundo. Bagkos Pinapatnubayan tayo ng Diyos hindi lamang upang sumamba sa templo kundi upang pag-ugnayin ang ating PANANAMPALATAYA sa kanyang bogtong na anak ang Panginoong Jesus Christo sa EUKARISTIA. Kaya, ang TABERNACLE ang magiging bagong sentro ng pansin. Sa EUKARISTIA na ipinapakita ni JESUS ang Kanyang kababaang-loob sa atin – ang misteryo na ipinahayag sa pamamagitan Ng pananampalataya ng Kanyang pag-ibig.

Ang Ebanghelyo ay NAGPAALALA sa atin na ang lahat ay magwawakas. At sa huling araw, maaaring pagsisihan natin ang maraming bagay, ngunit hindi natin pagsisisihan ang mga bagay na ginawa natin para kay Cristo. Nawa’y hindi natin kalimutan na ang ating BUHAY ay LAHAT TUNGKOL SA PAKIKIPAGTAGPO kay Cristo isang araw sa langit, at tayo ay mamumuhay nang may mga mata at puso na nakatutok sa walang hanggan. Nawa’y dalisayin tayo ng mga pagsubok. Dumarating ang kaharian Ng DIYOS kung may malaking pagsakripisyo at kapighati-an.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, tulungan mo akong husgahan ang mga bagay ng mundong ito ayon sa buhay na inihanda Mo. Pahintulutan mo akong makilala ang tunay na mahalaga at dumaraan upang makalakad ako ayon sa Iyong mga daan.
Amen

Mama Mary, Ipanalangin mo kami.

Reply

Bro.Al November 27, 2025 at 5:43 pm

Pinupuri ka namin Panginoon Hesukristo Alleluya Alleluya

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: